Habang nasa silid ako, hindi ko maiwasang mag-alala para kay Flegil. Totoong naiinis ako sa kaniya dahil sa kayabangan niya, pero syempre naaawa pa rin ako para sa kaniya.
Nawasak niya ang kalahating bahagi ng isang bayan? Gano'n ba talaga siya kalakas?
"Huwag kang mag-alala kay Flegil, matapang 'yon," sambit ng isang lalaki na nasa tapat ng aking pintuan.
"Sinong may sabi na nag-aalala ako para sa mayabang na salamangkero na 'yon!" inis na sabi ko kay Julius.
"E bakit ang lalim naman yata ng iniisip mo? May problema ba?" nagtatakang tanong niya sa akin bago maglakad, at umupo sa aking tabi.
"Pakialam mo ba?" inis na tanong ko sa kaniya.
"Kumusta 'yong laban ko kanina? Ang galing ko, 'di ba?" mayabang na tanong niya bago ngumisi.
"Isa ka pang mayabang ka e," bulong ko habang hindi nakatingin sa kaniya.
"Ang gulo mo talaga kausap. Minsan, hindi na talaga kita maintindihan," walang buhay na saad niya bago tumayo, at naglakad palabas ng aking k'warto.
Bago pa man siya makalabas sa pinto, wala sa sariling tinawag ko ang kaniyang pangalan. Agad siyang lumingon sa akin, habang nakakunot ang kaniyang noo.
"Ano 'yon?" nagtatakang tanong niya sa akin.
"Makakalabas pa naman siya, 'di ba?" wala sa sariling tanong ko sa kaniya.
"Hindi raw nag-aalala," mahinang tugon niya bago lumabas.
"Hindi naman talaga e," dipensa ko sa aking sarili.
Makalipas ang ilang oras, nagpasya na rin akong tumayo at tumungo sa Deria Restaurant. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa akin.
Bakit nga ba ako nag-aalala sa kaniya?
"Ate Catra!" tawag sa akin ni Wendy nang makasalubong ko siya sa paglalakad.
"Wendy, pupunta ka na rin ba sa Deria Restaurant?" tanong ko na nagpatango sa kaniya.
"Sabay na po tayo," mungkahi niya.
Agad na tumango ako sa kaniya bilang tugon, at muling bumalik sa paglalakad kasama si Wendy.
"Naaalala ko, si Kuya Flegil ang nagdala sa 'yo dito, tama po ba?" tanong ni Wendy na nagpahinto sa akin sa paglalakad.
Agad rin siyang napahinto, at nagtatakang napatingin sa akin.
"Sabi nga ni Julius," mahinang tugon ko sa kaniya.
"Kung gano'n, ikaw pala ang kasama ni Kuya Flegil sa isang bahagi ng bayan. Gaano po ba kalakas ang halimaw at gumamit si Kuya Flegil ng gano'n kalakas na kapangyarihan?" nagtatakang tanong ni Wendy.
Agad na kumunot ang aking noo at takang tinitigan si Wendy. Hindi ko alam kung anong sinasabi niya pero, wala akong natatandaang winasak niya ang kalahati ng bayan.
"Sa totoo lang, wala akong maalala na nilabanan ni Flegil ang halimaw na iyon. Ang alam ko lang, napakalakas ng halimaw na iyon at hindi rin siya tinatablan ng mahika ko," mahinang tugon ko kay Wendy.
"Siguro napakalakas po ng..."
"Sandali, huwag mong sabihin na si Flegil ang tumalo sa halimaw na kinalaban ko?" gulat na tanong ko kay Wendy.
"Parang gano'n na nga po," nahihiyang tugon niya.
Magsasalita pa lang sana ako, nang bigla ko na namang naramdaman ang isang napakalakas na mahika, sa aking likuran. Dahan-dahan akong lumingon, at nasilayan ko ang isang matangkad na babaeng may hawak na isang bilog na kristal.
Kulay lila ang kaniyang buhok, at ang haba nito ay umaabot hanggang sa kaniyang paa. Matingkad na kulay lila naman ang kaniyang mata. May katangusan din ang kaniyang ilong at itim na itim ang kaniyang mga labi.
Nakakatakot ang kaniyang presensya. Idagdag mo pa ang suot nitong damit na kulay itim.
"Ate Catra, siya po si Ate Thalia. Ang pinakamalakas na salamangkero sa buong Fiore," pagpapakilala ni Wendy sa babaeng iyon.
"Ramdam ko nga na siya ang pinakamalakas na salamangkero sa buong Fiore. Ngayon lang kasi ako nakaramdam ng ganitong kalakas na mahika," wala sa sariling tugon ko kay Wendy.
Habang papalapit siya nang papalapit sa kinaroroonan namin, hindi ko maiwasang mapalunok ng wala sa oras.
"Sa pagkakaalam ko, ang tawag sa mahika ni Ate Catra ay Arc of Time. Kaya niyang kontrolin ang oras ng mga bagay na walang buhay. Kaya niya ring kontrolin ang oras ng buhay ng mga halaman," paliwanag sa akin ni Wendy.
"Kaya niyang kontrolin ang oras? Ibig sabihin, kaya niyang pumunta sa hinaharap at bumalik sa nakaraan?" gulat na tanong ko kay Wendy.
"Hindi po ako sigurado tungkol sa bagay na iyan. Hanggang doon lang po ang alam ko tungkol sa kapangyarihan ni Ate Thalia," mahinang sagot ni Wendy.
Agad na kumunot ang noo ko dahil sa isinagot ni Wendy.
"Bakit naman?" nagtatakang tanong ko sa kaniya.
"Kapag nakikipaglaban po kasi si Ate Thalia, hindi po niya ipinapakita ang tunay niyang kapangyarihan. Pero kahit na gano'n, wala pang kahit na sino ang nakatalo sa kaniya," paliwanag ni Wendy.
Mayamaya, hindi ko namalayang nasa harapan na pala namin si Thalia. Napalunok na lamang ako ng wala sa oras, nang bigla niya akong tiningnan nang diretso sa aking mga mata.
"Baguhan?" tanong ng babaeng ito na nagngangalang Thalia, sa malamig na tinig.
"O-Opo," nanginginig na tugon ko sa kaniya.
"Huwag ka ng maging magalang sa akin. Tratuhin mo ako sa kung paano mo tratuhin ang batang babae na kasama mo ngayon," utos niya sa akin.
"S-sige p-po," nauutal na sagot ko sa kaniya.
Napaatras na lamang ako ng wala sa oras, nang bigla na lamang siyang tumingin sa akin nang napakatalim. Nakakakilabot, para bang mamamatay ka na anumang oras.
"Holder Type of Wizard?" tanong niya muli.
"Paano mo nalaman?" gulat na tanong ko sa kaniya.
"Pareho lang tayong Holder Type of Wizard. Kakaiba ang pakiramdam ko sa 'yo. Kung mailalabas mo ang tunay mong kapangyarihan, kayang kaya mo akong higitan," malamig na tugon niya sa akin.
"A-Ano? Hindi ba dapat ako ang masabi sa 'yo niyan?" naguguluhang tanong ko sa kaniya.
Sa halip na sumagot, naglakad na lamang ito palayo at nilagpasan ako. Hindi ko siya maintindihan, anong tunay na kapangyarihan ang tinutukoy niya?
Nang makalayo na siya, muli na naming ipinagpatuloy ang paglalakad, hanggang sa marating na namin ang Deria Restaurant.
"Nakakatakot siya at ang wirdo," mahinang sambit ko sa kaniya.
"Ayos lang po 'yan. Gan'yan din po ang naramdaman ko noon, masasanay ka rin po," sambit ni Wendy bago ngumiti nang pilit.
"Hindi ko akalaing may ganoong kalakas na salamangkero pala rito sa academia ninyo," wika ko sa kaniya.
"Natin," pagtatama ni Wendy.
"Oo na nga!" inis na wika ko.
"Pero naguguluhan pa rin ako sa mga pinagsasasabi niya. Parang gusto ko na nga lang isipin na baliw siya e," natatawang wika ko kay Wendy.
"Hindi po siya baliw. Sa totoo lang, kaya niya ring hulaan ang hinaharap. May mga imahe at babala rin po siyang nakikita gaya mo," paliwanag ni Wendy bago magkamot ng batok.
"Kung gano'n, matutulungan niya ako sa mga nakikita ko. Sigurado akong malalaman niya kung ano 'yong mga nakita ko," wala sa sariling wika ko.
"Kung ano man po 'yong malalaman mo, huwag mo pong babanggitin kay Julius," utos ni Wendy sa akin.
"Bakit naman?" nagtatakang tanong ko sa kaniya.
"Basta huwag," pag-uulit niya.
"Sige," tipid na sagot ko.
Muli ko na namang tinitigan ang marka sa likod ng aking palad. Kahit kailan, hindi sumagi sa aking isip na magiging estudyante ako ng isa sa mga academia na ito.
Hindi ko namalayang, unti-unti na pa lang sumisilay ang isang napakatamis na ngiti sa aking labi. Bahala na sila kung ano ang isipin nila pero, sobrang saya ko talaga ngayong isa na akong ganap na mag-aaral ng Apreia Academy.
"Nakakatakot ka rin po pala kapag ngumingiti," pabirong sabi ni Wendy sa akin.
"Anong nakakatakot?" nakasimangot na tanong ko sa kaniya.
"Biro lang po," natatawang sabi niya bago itinaas ang dalawang daliri.
"Pumila na nga lang tayo," mungkahi ko sa kaniya.
Agad rin naman siyang ngumiti, at tumango sa akin bilang pagsang-ayon.
Pipila pa lang sana kami nang bigla na lamang dumating ang isang lalaki, na hingal na hingal at pawis na pawis. Agad siyang sumigaw na nagpatahimik sa lahat.
"Si master, parating na!" malakas na sigaw niya.
"Oo nga pala, hindi ko pa nakikita ang master ng academia na ito. Ano kayang itsura niya?" tanong ko sa aking sarili bago hawakan ang aking baba, na animo'y nag-iisip.
"Huwag mo nang alamin Ate Catra, mabait 'yon kaya lang nakakatakot," mahinang tugon ni Wendy kaya agad na napalingon ako sa kaniya.
"Nakakatakot? Isang Halimaw?" gulat na tanong ko sa kaniya.
"Mas m-malala p-pa sa h-halim-maw," nanginginig na tugon ni Wendy.
"Mas malala pa sa isang demonyo," singit ni Julius na nasa aking likuran na pala.
"Sobrang nakakatakot?" tanong kong muli.
Naiisip ko pa lang, tumatayo na ang balahibo ko. Nakakailang ulit na rin akong napapalunok ng wala sa oras, dahil sa mga pinagsasasabi nila.
"Huwag niyo nga akong tinatakot!" inis na sigaw ko sa kaniya.
"Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ng baguhang iyan, kapag nakita at nakilala na niya ang master natin," sabat ng isang lalaki na may hawak na baril sa kaniyang kanang kamay, at pinaglalaruan ito.
"Parang gusto ko na umalis dito," mabilis na sabi ko.
"Hindi ka na maaaring umalis sa academia na ito kapag mayroon ka ng academia's mark," paliwanag ni Miraya na naglagay ng markang ito sa likod ng aking palad.
Habang nag-uusap kami, bigla na lamang kaming nakaramdam nang napakalakas na pagyanig. Para bang gustong maghiwalay ng lupa, nagwawala ang mga semento, nagsisilisan ang mga hangin, at parang mayroong nakakakilabot na enerhiya ang bumabalot sa kabuuan ng Apreia Academy.
"Ito ang kapangyarihan ni master. Ihanda niyo na ang sarili ninyo. Ang dambuhalang halimaw, parating na," nanghihinang saad ni Miraya sa amin.
Ipagpatuloy...