Chapter 12

2046 Words
Ang bagong mag-aaral ng academia. ---------------- Catra Kanina pa ako rito sa likod ng academia habang nakaupo sa isang upuan. Pinagmamasdan ko rin ang isang napakalaking puno, na nasa aking harapan. Sa laki ng punong ito, hindi ko na matanaw ang mga dahon at sanga nito. Tanging ang mga dahong nalagas na lamang na sigurado akong, nagmula ito sa punong nasa aking harapan ang aking nakita. Rinig na rinig ko rin ang huni ng mga ibon mula sa itaas. Habang pinagmamasdan ko ang mga ito, may kung sino mula sa aking likuran ang tumawag sa aking pangalan. "Ano 'yon, Julius?" tanong ko sa kaniya nang hindi lumilingon. Makalipas ang ilang saglit, naramdaman ko na lamang ang kaniyang presensya sa aking tabi. Dahan-dahan akong lumingon sa kaniya, at agad na sumilay ang isang matamis na ngiti sa kaniyang labi. "Huwag ka ngang ngumiti," walang buhay na sabi ko sa kaniya bago umirap. "Bakit?" painosenteng tanong niya habang nakangiti pa rin at tumatawa. "Ang pangit mo tingnan," mahinang tugon ko sa kaniya. "Ako, pangit? Baka magkagusto ka sa akin?" pang-aasar niya sa akin habang nakangiti. "Ano? Umayos ka nga," suway ko sa kaniya sabay tanong na, "Ano nga pa lang nangyari sa 'yo kanina? Nakakatakot ka kasi e." "Kalimutan mo na 'yon. Ang mahalaga, gusto mo na ako," pang-aasar niya ulit sa akin. Muli akong napatingin sa kaniya na nakangisi na ngayon. Inis ko siyang tinitigan at agad na tumayo subalit, bigla na lamang niyang hinawakan ang aking kamay at hinila, dahilan upang mapaupo akong muli. Pagsasalitaan ko pa lang sana siya nang mapansin kong, bigla na lamang nagbago ang kaniyang mukha, at seryosong nakatingin sa akin. Huminga muna ako nang malalim bago magsalita. "Ano ba kasing nangyayari sa 'yo?" seryosong tanong ko sa kaniya. "Tungkol doon sa narinig mo kanina, nakita mo rin ba kung ano ang itsura ng dragon na iyon?" seryosong tanong niya sa akin habang nakatingin nang diretso. "Sa totoo lang hindi, napakalakas ng atungal na iyon. Ngayon ko nga lang narinig ang atungal na gano'n kalakas e," sagot ko sa kaniya. Nakita ko ang paghinga niya nang napakalalim, hinawakan niya ang aking kaliwang kamay at hinila papasok sa loob ng isang gusali ng academia na ito. "Saan tayo pupunta?" tanong ko sa kaniya habang nakakunot ang noo. "Babalik tayo roon sa Deria Restaurant. Hawakan mo ulit ang simbolo, at gusto kong tingnan mo kung ano ang itsura ng dragon na iyon," seryosong paliwanag niya sa akin. "Ano? Ayoko nga," pagtutol ko sa kaniya. Sinubukan kong magpumiglas subalit, mas lalo lamang niyang diniinan ang pagkakahawak sa aking kamay. Makalipas ang ilang minuto, binitawan na niya ang aking kamay. Dahan-dahan akong napalingon sa aking gilid, at muli ko na namang nasilayan ang simbolo na ito. Ang simbolo ng Apreia Academy. "Ano ba kasing nangyayari sa 'yo at tila, interesadong interesado ka sa dragon na iyan!" malakas na sigaw ko sa kaniya. Sa halip na sumagot, tinitigan niya lamang ako na tila hinihintay na idikit ko muli, ang aking palad sa simbolo na ito. "Sinabi kong ayoko..." "Idikit mo na ang iyong palad sa simbolo na iyan! Gusto kong alamin mo kung ano ang itsura ng dragon. At kung maaari, alamin mo rin kung saan ito matatagpuan," maawtoridad na utos niya sa akin. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa kaniya subalit, bakas sa kaniyang tinig ang galit. Kahit na labag sa aking kalooban, sinunod ko pa rin ang kaniyang utos. Dahan-dahan kong idinikit ang aking palad sa simbolo na ito. Habang papalapit nang papalapit ang aking palad roon, mas lalong lumalakas ang kabog sa aking dibdib. Makalipas ang ilang minuto, nagawa ko na ring idikit ang aking palad roon. Subalit, wala na akong kahit na anong nakita o narinig. Sinubukan ko pang ulitin subalit wala na talaga. "Ano?" seryosong tanong niya. "Wala na akong nakita," mahinang sagot ko sa kaniya. Nagulat na lamang ako nang biglang, may lumabas na tubig sa kaniyang mga kamay at walang pasubaling sinuntok ang pinto. Simula nang dumating ako rito, ngayon ko lamang siya nakitang gano'n. Makalipas ang ilang saglit, nakita ko na siyang naglakad papalayo sa aking kinaroroonan, nang bakas ang galit at lungkot. "Ayos ka lang po ba ate?" mahinang tanong ng isang batang babae. Magkaiba ang edad ng mga salamangkero sa isang ordinaryong tao. Ang isang taong gulang na ordinaryong tao, katumbas nito ang labingtatlong gulang na salamangkero. Kung ikukumpara sa mga ordinaryong tao, sa aking palagay ay nasa labing-apat na taong gulang pa lamang siya, batay na rin sa kaniyang tangkad at itsura. Ang kulay ng kaniyang buhok ay pinagsamang asul at lila. Ang kaniyang mga mata ay kulay berde na mas matingkad pa sa kulay ng isang d**o. Ang kaniyang balat ay tila isang nyebe dahil sa puti at kinis nito. Hindi ganoon katangos ang kaniyang ilong, at hindi rin ganoon kapula ang kaniyang labi. Gayunpaman, masasabi kong maganda pa rin ang batang ito. Idagdag mo pa ang kaniyang kulay asul na kasuotang bumabagay sa kaniya. "Ikaw 'yong nagbigay ng Spring Vamp kay Raha Fredrick, 'di ba?" tanong ko sa kaniya. "Ako nga po. Pagpasens'yahan mo na po si Kuya Julius kasi iyon ang..." Hindi na niya natapos ang kaniyang sasabihin, nang bigla na lamang siyang tinawag ng isa pang babae. "Paumanhin po ulit ate pero, kailangan ko na pong umalis. May klase pa po kasi kami e," paalam niya sa akin bago tumakbo, at sumama sa babaeng tumawag sa kaniya. "Ano nga kayang nangyayari kay Julius? Bakit ganoon na lamang ang kaniyang reaks'yon tungkol sa dragon na iyon?" tanong ko sa aking sarili habang naglalakad. Napahinto na lamang ako nang marinig ko ang tinig ng isang lalaki sa aking likuran. Pamilyar ang kaniyang boses, hindi ako maaaring magkamali. Dahan-dahan akong lumingon sa aking likuran, at bumungad sa 'kin ang kaniyang mukha na seryosong nakatingin sa aking direksyon. "Bakit nandito ka sa academia namin?" seryosong tanong niya sa akin. "Hindi ko alam," mabilis na sagot ko sa kaniya. "Umalis ka na rito, mahinang babaeng salamangkero," utos niya sa akin. "Mahina? Baka nga ikaw 'yon e. Kung malakas ka, bakit hindi na lang ikaw ang kumalaban sa halimaw na iyon?" pasigaw na tanong ko sa kaniya. Sa halip na sumagot, bahagya siyang tumawa at dahan-dahang naglakad papalapit sa akin. Nagulat na lamang ako nang bigla siyang ngumiti, habang naglalakad patungo sa aking direksyon. "Hindi mo pa nga pala ako kilala. Ako lang naman ang pinakamalakas na salamangkero sa buong academia," mayabang na sabi niya. "Wala akong pakialam kung ikaw ang pinakamalakas sa lahat. E ano ngayon?" matapang na saad ko sa kaniya. Napahinto na lamang siya sa paglalakad, nang biglang tinawag ang aking pangalan ng kung sino. Pagkalingon ko, si Hera Diana. "Catra, sumama ka sa akin. Kanina ka pa hinahanap ni Raha Fredrick," walang buhay na utos ni Hera Diana. "Diyan ka na, mayabang na lalaking may kulay pulang buhok," wika ko sa kaniya bago ngumisi. Habang naglalakad ako, pasimple ko siyang sinulyapan. Nakita ko ang isang simpleng ngiti sa kaniyang labi. Hindi ko akalaing mas gumag'wapo pala siya kapag nakangiti. Pagkalapit ko sa kinaroroonan ni Hera Diana, bigla na lamang nagliwanag ang aming mga paa. Unti-unti itong umaakyat hanggang sa binalot na nito ang buong katawan namin. Dahil sa nakasisilaw na liwanag na ito, ipinikit ko na lamang ang aking mga mata. At sa aking pagdilat, narito na kami sa isang silid na napakalawak. Iba't ibang libro ang aking nasisilayan sa bawat sulok ng silid na ito. Sa aming harapan, mayroong isang malaking lamesa. Sa tapat nito ay may dalawang upuan. Sa kabilang bahagi naman nito, may isang upuan kung saan nakaupo si Raha Fredrick. Magaspang ang sahig na kinatatayuan namin ngayon, at matingkad na pula ang kulay nito. Sa aming itaas, isang Flame Lantern na napakalaki habang nakalutang ang aking nasilayan. "Narito na pala kayo, Hera Diana," sambit ng isang lalaki na nasa aming likuran. Pagkalingon namin sa aming likuran, nakita namin ang isang matangkad na lalaki na walang iba kung 'di si Raha Fredrick. Agad siyang ngumiti nang masilayan niya ako. "Isang napakagandang araw sa 'yo, Catra," bati niya sa akin. "Isang magandang araw rin para sa 'yo, Raha Fredrick," mahinang tugon ko sa kaniya. "Hera Diana, maaari ka nang umalis. Iwan mo muna kami ni Catra," saad ni Raha Fredrick kay Hera Diana. Makalipas ang ilang sandali, muli na namang nagliwanag ang kaniyang mga paa, at unti-unting umakyat ang liwanag na ito paitaas hanggang sa, naglaho na ito nang tuluyan kasama si Diana. "Maupo ka muna," utos niya sa akin sabay turo sa isang upuan. Umupo ako sa isang upuan na nasa tapat ng lamesa, gayundin ang kaniyang ginawa. Segundo lamang ang binilang bago siya magsalita. "Kumusta ka na ngayon?" panimula niya. "Ayos lang po ako," sagot ko sa kaniya. Makalipas ang ilang saglit, kumuha siya ng isang papel at ballpen sa ilalim ng lamesa, at muling ibinaling sa akin ang kaniyang atensyon. "Ilang taon ka na nga?" tanong niya sa akin. "Dalawang daan pitong pu't tatlong gulang na po," sagot ko sa kaniya. "May mga pamilya ka pa ba? Sinu-sino sila?" tanong niya ulit. "Namatay na po silang lahat," mabilis na sagot kong muli. "Anong ikinamatay nila? Paano at saan sila namatay?" tanong niya. "Pasensya na subalit, hindi ko matandaan," mahinang tugon ko sa kaniya. "Saan ka ngayon nakatira?" tanong niya. "Kahit saan," tipid na sagot ko. "Kung sakali na papayagan kitang mag-aral dito, mag-aaral ka ba?" alok niya sa akin bago ngumiti. Agad akong napatingin sa kaniya nang diretso, habang hindi makapaniwala dahil sa aking narinig. "A-Ano? Tot-too po b-ba 'yan?" nauutal na tanong ko sa kaniya. "Mukha ba akong nagbibiro?" nakangiting tanong niya sa akin. Napangiti na lamang ako ng wala sa oras subalit, agad rin iyong naglaho nang maalalang wala nga pala akong maipambabayad sa academia na ito. Kakaunti lamang ang aking kinikita. Sa pagkain pa lang, hindi na ito sumasapat. "Pasens'ya na pero hindi ko tatanggapin ang alok mo," malungkot na tugon ko sa kaniya kaya tulad ko, agad ring naglaho ang ngiti sa kaniyang labi. "Bakit naman?" malungkot na tanong niya. "Wala akong sapat na pera na maipambabayad sa academia na ito. Gusto ko ring mag-ipon upang mabili ang paborito kong sandata," malungkot na saad ko sa kaniya. "Ano ka ba! Sa academia na ito, mas malaki ang maiipon mong pera dahil sa mga misyon. Ang pinakamababang pabuya na makukuha mo sa isang misyon ay isang daang cervantes," paliwanag niya. Agad na nagningning ang aking mga mata dahil sa aking narinig. Isang napakalawak na ngiti rin ang sumilay sa aking labi. Para bang nagbubunyi ang aking isipan, dahil sa laki ng pabuya na aking matatanggap kung sakali na papasok ako sa academia na ito. "Isang daang cervantes? Ang espada na pinag-iipunan ko ay limampung cervantes lamang. Ibig sabihin, may sobra pa akong limampung cervantes. Kung iyon ang pinakamababa, magkano naman ang pinakamataas na pabuya?" hindi makapaniwalang tanong ko sa kaniya. "Tanging ang Ace Rank lang, ang makatatanggap ng mga pabuyang gaya nito, na naglalaro sa anim hanggang sampung milyong cervantes," sagot niya na nagpalaglag ng panga ko. "Anim hanggang sampung milyong cervantes? Ibig sabihin, kung ipangbibili ko 'yon sa mga sandata, tapos sa bahay, tapos kung bibili rin ako ng mga kagamitan, tapos pagkain, tapos kuryente at tubig. Ang gulo! Ang sakit sa ulo!" naguguluhang sigaw ko, habang hindi pa rin makapaniwala sa mga naririnig ko mula kay Raha Fredrick. "Ano na ang pasya mo?" nakangiting tanong niya sa akin. "Tinatanggap ko na ang alok mo," sagot ko sa kaniya habang sabik na sabik at hindi maalis ang ngiti sa aking labi. "Sabi mo iyan, wala ng bawian," wika niya nang may napakalawak na ngiti. Mabilis akong tumango bilang sagot at pagsang-ayon sa kaniya. Hindi pa man ako nagsisimula sa academia na ito, sabik na sabik na ako. "Tanggap ka na pero, kinakailangan mo pa ring dumaan sa isang pagsubok. Pagkatapos ng pagsubok, saka mo pa lang malalaman kung ano ang magiging ranggo mo. Bukas ng tanghali, tumungo ka sa tinatawag naming Battlefield ng academia na ito," paliwanag ni Raha Fredrick sa akin. "Ngunit, hindi ko pa alam ang pasikot-sikot ng..." "Huwag kang mag-alala, si Wendy na ang magtuturo sa 'yo ng daan patungo roon," nakangiting saad niya. "O sige, maaari ka ng lumabas at magpahinga, hihintayin kita bukas ng tanghali," dagdag pa niya. Ipagpatuloy...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD