Chapter 11 - Traydor
*~~Anol~~*
Nag-iikot-ikot lamang ako sa palasyo upang magmatiyag sa mga makara sa paligid.
Kailangan kong makahanap ng isang kasuspe-suspetsyang makara rito sa palasyo, iyon ang ibinigay sa akin na misyon ni Hemira.
Napangiti ako nang malawak sapagkat ibinilang niya ako sa misyong ito. Ibig sabihin ay kailangan nila ang aking tulong kahit na bata pa lamang ako.
Hihihi... Lubos akong nakararamdam ng kagalakan kaya umilaw ako nang mas maliwanag.
Napatigil ako sa masayang paglangoy nang mapadaan ako sa isang silid at may narinig ako roon na tila ba umuusal ng kung anu-anong mga salita.
Sumilip ako sa pinto na nakabukas nang kaunti at nakita ko roon si Siduma, ang manggagamot ng aming diwata.
Napakabuti niyang makara ngunit may pagkatahimik subalit tila kakaiba na ang kinikilos niya nitong mga nakaraang linggo.
Dumalas na ang pagsasalita niya ngunit sinusungitan naman ako kapag niyayaya ko siyang maglaro.
Hindi kaya galit siya sa akin? Ngunit ano naman ang dahilan niyon?
Papasok sana ako upang siya ay batiin ngunit...
*"Anol, mahalaga ka sa misyong ito. Kung may makita kang kahina-hinala sa mga makara sa palasyo ay obserbahan mo iyon nang tahimik. Kapag nakakita ka ng patunay na maaaring ang makarang iyon nga ang ating hinahanap ay huwag na huwag kang magdadalawang isip na sabihin sa akin o kay Neb kung sino man iyon, kahit na napakalapit pa sa iyong puso, naiintindihan mo ba?" naalala kong wika sa akin ni Hemira kaya naman dahan-dahan akong pumasok nitong silid nang hindi nalalaman o napapansin ni Siduma.
Lumangoy ako paitaas sa aking pinakatahimik na paraan. Pinigilan ko rin ang ilaw na lumalabas sa aking katawan upang hindi niya ako mapansin.
Nakita ko ang itim na usok na lumalabas kay Siduma habang umuusal siya ng mga salita na siya lamang naman ang nakaririnig.
Biglang pumasok si Neb kaya siya'y napatigil sa kaniyang ginagawa. Nag-usap silang dalawa ukol sa pagbabalik ni diwata Aloja nang buhay.
Sa una ay hindi siya naniniwala ngunit nang makita niya ang kasiryosohan sa mukha ni Neb ay natigagal siya. Wari bang iyon ang pinakahindi niya inaakalang mangyayari ngunit pagka ay ngumiti rin siya nang malawak at bakas ang labis na pagkatuwa sa balitang narinig.
Nagtaka naman ako dahil doon.
Sumama na siya kay Neb papalabas ng silid na ito. Hindi muna ako lumabas sapagkat kinukutuban ako nang hindi maganda.
Tiningnan ko ang malaking kabibe na inusalan ni Siduma ng mahika. Nagkulay dilaw iyon na noon ay puti ang kulay.
Maya-maya lamang ay nakarinig ako na may lumalangoy papalapit sa silid na ito kaya naman lumangoy pa lalo ako paitaas.
Pumasok na si Neb buhat-buhat si Hemira na nagpapanggap pa rin na si diwata Aloja. Inilagay niya ito sa loob ng malaking kabibe na kulay dilaw.
Patuloy lamang akong nag-obserba sa mga nagaganap sa kanila.
Sumara na ang bibig ng malaking kabibe at lumabas na rin ng silid na ito si Neb.
Ilang sandali lamang ay nagsimula muling umusal si Siduma ng mga salitang hindi ko maintindihan.
Nanlaki ang aking mga mata nang unti-unti nang nagiging itim ang malaking kabibe. Nanggagaling kay Siduma ang itim na usok na bumabalot doon.
"GAAAAAAAAHHHHH!" malakas na sigaw ni Hemira sa loob niyon na tila siya'y nakadarama ng labis na sakit.
Hindi maaari!
Si Siduma ang traydor ng kaharian namin?!
Hindi pa rin ako makapaniwala ngunit ginising ko ang aking sarili. Kailangan kong tulungan si Hemira!
Ngunit ano ang magagawa ng isang irik na tulad ko sa isang makarang katulad ni Siduma na gumagamit ng mahika?
Hindi dapat ako magiging padalos-dalos sa aking mga desisyon!
Tama!
Kailangan kong ipaalam kina Neb ang mga nagaganap dito upang siya na ang tumulong kay Hemira!
Naghanap ako ng lagusang malalabasan sa lugar na ito.
Nakahanap ako ng isang lagusan at agad akong lumusot doon.
Hindi ako masyadong kasya ngunit pinilit kong bilisan ang paglabas sa lagusang iyon.
Nang makalabas na ako ay nainis ako nang luboa sapagkat napakalayo ng nalabasan ko mula kina Neb. Nasa labas pa ako ng palasyo ngayon.
Agad na akong pumasok muli ng palasyo ngunit hindi ko batid kung nasaan na ba si Neb.
Nagtanong-tanong ako sa mga tagapagsilbing makara ngunit hindi rin nila alam kung nasasaan ito.
Ano na ang aking gagawin?!
Umiiyak na ako sapagkat hindi ko na wari kung ano na ang aking gagawin. Siguradong hindi na maganda ang nagaganap kay Hemira ngayon!
Ngunit nang makarinig ako ng kalansingan ng mga espadang nagtatama sa isang silid ay agad akong napatingin roon.
Hindi kaya?...
Nagtungo agad ako roon.
Silid ito ni diwata Aloja.
Bakit hindi ko agad naisip na maaaring naririto si Neb?!
Agad kong binuksan ang pinto at nakita ko si Neb na handa nang saksa'kin ang isang makarang lalaki.
Sa tingin ko ay isang pinuno ng mga kawal ang lalaking iyon dahil sa kaniyang kasuotan ngunit hindi ko na iyon pinansin.
"Neb! Neb! Tulong! Si Hemira! Nasa panganib siya!"
*~~Neb~~*
"Ano?!" hindi makapaniwalang tanong ko kay Anol dahil sa kaniyang sinabi.
Napatingin ako nang masama kay Gelim ngunit miski rin siya ay halatang hindi makapaniwala sa kaniyang narinig.
"Ang Hemira ba na iyong binanggit ay ang Hemirang pumatay sa ating diwata?" Ngunot ang noo at namimilog ang kaniyang mga mata.
"Paanong mapapahamak si Hemira kung naririto naman ang traydor na ito?" takang tanong kong muli at hindi pinansin ang tanong ni Gelim kay Anol.
"Huwag na muna kayong magtanong pa at puntahan n'yo na si Hemira bago pa mahuli ang lahat!" sigaw ni Anol kaya agad akong natauhan.
Biglang pumasok sa aking isip si Siduma. Siya lamang ang naiwang kasama ni Hemira kanina.
Hindi kaya...
Agad na kaming lumangoy papalabas ni Anol.
Sumunod naman sa amin si Gelim.
"Naroroon pa rin ba sila sa silid ng malaking kabibe?" tanong ko kay Anol.
"Oo, ginagamitan ni Siduma ng itim na mahika si Hemira habang ito ay nasa loob ng malaking kabibe, at ang kabibeng iyon ay kulay itim na hindi tulad dati na pagkaputi ng kulay."
Mas lalo akong kinabahan. Ang gamit sa malalaking kabibe ay upang gumamot at magpanumbalik ng ganda ng kutis at lakas ng isang makara. Kung ito ay kulay itim katulad ng winika ni Anol, kabaligtaran ang gagawin nito sa makarang nasa loob niyon.
Tunay ngang nasa kapahamakan na si Hemira!
Ang lakas ng kabog sa aking dibdib.
Paano kung—
Hindi!
Hindi dapat ako nag-iisip ng ganitong mga bagay.
Malakas si Hemira at isa siyang heneral ng mga mandirigma sa pinakamataas na kaharian sa lupa kaya naman batid kong hindi isang katulad ni Siduma lamang ang makatatalo sa kaniya.
*~~Hemira~~*
Nasa loob lamang ako ng kabibeng ito nang makaramdam ako ng panghihina. Unti-unti ko ring nararamdaman na tila ba hinahapdian ang aking buong katawan.
Mukhang nagsimula nang umatake ang aking kalaban.
Kinuha ko ang bagay na iniwan sa akin ni Neb.
Isang espada.
Sinimulan ko nang ipukol ang iyon dito sa katawan na kabibeng ito ngunit nabitawan ko iyon nang hindi ko namamalayan.
Nawalan ng lakas ang aking kamay.
Agad kong pinulot iyon ngunit tumindi ang paghapdi sa aking katawan higit pa sa naramdaman ko nang atakihin ako ng dugo ng rami ilang oras lamang ang makalipas. "GAAAAAAAHHHHHH!" sigaw ko sa labis na sakit na aking nararamdaman.
Tila ba puno na ng malalaking karayom ang aking katawan at tumutusok ang mga iyon pailalim ng aking laman.
Kinapa ko ang espada at nang mahawakan ko iyon ay buong lakas kong ipinukol iyon sa katawan nitong kabibe kaya naman nawasak iyon nang tuluyan.
Napa-upo na lamang ako dahil sa aking panghihina. Tila nakipaglaban ako sa daan-daang mandirigma sa loob ng isang araw sa panghihinang aking nadarama.
"P-paanong—?! Bakit ikaw ang nariyan at hindi si Aloja?!" hindi makapaniwalang tanong sa akin ng isang makara na malapit lamang sa akin.
Nanghihina akong tumingin sa kaniya.
Si Siduma.
Nginisian ko lamang siya. "Kung gayon ay ikaw pala ang traydor na nagbigay ng karamdaman kay Aloja dahil sa pagnanais na kitilin ang kaniyang buhay?"
Nang makabawi naman siya sa kaniyang pagkabigla ay tiningnan niya ako nang masama. "Nasaan si Aloja?! Tunay bang siya'y buhay o isa rin lamang iyon sa inyong mga mapanlokong akto?!"
Sumeryoso ako. "Oo, siya ay buhay at humihinga. Ngayon ako naman ang magtatanong. Bakit mo nais kitilin ang kaniyang buhay? Bakit mo nais mawalan ng diwata ang kaharian ninyo at maging patay na karagatan na lamang ito?!" Pinilit kong tumayo at sumandal na lamang ako sa pader malapit sa akin upang makatayo nang maaayos.
"Sige, sasagutin ko ang iyong katanungan. Mamamatay ka na rin lamang sa aking kamay ay pagbibigyan kita. Nais ko siyang patayin upang mapasaakin na ang kahariang ito! Ginamitan ko siya ng isang nakamamatay na mahika na makapagbibigay ng karamdaman sa kaniya ngunit magtatagal iyon hanggang sa kailan ko nais. Araw-araw ay pinipilit ko siya na ibigay sa akin ang kaniyang kapangyarihan at araw-araw rin ay hindi siya pumapayag. Binubura ko ang kaniyang memorya tungkol sa bagay na iyon kaya hindi niya iyon naaalala." Tumigil siya sa kaniyang kinukwento at tumingin nang masama sa akin.
"Kanina, nang dumating ka at bigyan mo ng lunas si Aloja, akala ko'y siya ay nawalan ng buhay nang hindi man lamang naipapasa pa sa akin ang kapangyarihan. Galit na galit ako sa iyo na nais na kitang tapusin ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Naisip ko na ang aking ikalawang plano na lamang ang isakatuparan."
Nangunot ang aking noo. "Ano naman ang ikalawang planong iyon?"
Naglakad siya palapit sa akin. "Kukunin ko mula sa kaniyang bangkay ang kaniyang kapangyarihan gamit ang aking mahika."
"Ngunit bakit hindi mo na lamang siya pinatay noong una pa lamang upang sana ay nasa iyo na ang kahariang ito?"
Nangunot ang kaniyang noo. "Hindi ko iyon ginawa sapagkat kalahating porsyentong tsansa lamang ang siguradong akong mapapasaakin ang kahariang ito kung kukunin ko ang kapangyarihan sa kaniya kung siya ay isa ng malamig na bangkay. Ang kalahating porsyento naman ay maaaring mawala na lamang tila bula ang kapangyarihang niyang iyon at doon ay tuluyan nang magiging patay ang karagatang ito! Doon ay wala na itong magiging silbi pa sa akin!" Nanlalaki ang kaniyang mga mata habang nakatingin sa akin. "Paano kung ang panghuli na kalahating porsyento ang mangyari at hindi ko makuha ang kapangyarihan ni Aloja sapagkat nawala na iyon? Lahat ng paghihirap ko ay mauuwi lamang sa wala!"
Madiin na hinawakan niya ang aking pisngi ngunit tinabig ko ang kaniyang kamay subalit napakahina ng aking pagtabig kaya hindi naalis ang pagkakahawak niya sa aking pisngi.
Hindi ko pa rin binibitawan ang espada ngunit lutaytay na ang aking katawan sa panghihina.
May nangalabog bigla ng pinto kaya napatingin kami pareho roon.
"Hemira! Hemira!" Tinig iyon ni Neb.
"Hemira! Naririnig mo ba kami?! Narito na kami upang ika'y tulungan!" Tinig naman iyon ni Anol.
Mas lalo pang lumakas ang pagalabog sa pinto na kagagawan ni Neb.
Umusal si Siduma ng mahika at may itim na usok na bumalot sa may pintuan.
"GAAAAAAAHHHHHHH!" sigaw nila sa labas ni Anol.
Nanlaki ang aking mga mata. "N-neb! A-nol!" Sinubukan kong gumalaw ngunit hindi pa sapat ang aking lakas.
Hinahaplos ni Siduma ang aking buhok ngunit bigla niya akong sinabunutan nang malakas kaya napaangat ang aking katawan sa sakit.
Tiningnan ko siya nang masama ngunit nginisian niya lamang ako. "Kamangha-mangha! Kahit na ika'y nasa gan'yang sitwasyon na ay nagagawa mo pa ring tingnan ako ng gan'yan kasama. Kung iyong nais talaga na makalabas nang buhay sa lugar na ito, dapat ay pagmakaawaan mo ako na hayaan kang mabuhay. Gusto ko muling marinig ang iyong sigaw. Sigaw ng sakit!" Sinabunutan niya akong muli kaya napaangat muli ang aking katawan sa sakit.
Napakagat ako nang mariin sa aking labi sa sakit niyon.
"Sumigaw ka! Magmakaawa ka sa akin!" Lalo pa niyang hinigpitan ang hawak sa aking buhok.
Hindi ako sumigaw. Pinipigilan ko ang kahit anong tunog na lalabas sa aking bibig.
"Kyahahahahaha! Mukhang hindi ka naging heneral ng mga mandirigma dahil lamang sa wala." nakangisi niyang wika.
*"Per meus veneficus , EGO voco a mucro!" usal niya at nag-ipon ang tubig sa kaniyang kamay at bumuo iyon ng isang espada. "Ngunit wag ka nang umasa pang makalalabas ka nang buhay rito ngayong alam mo na ang katotohanan!" Isasaksak niya na sa akin ang kaniyang espada ngunit...
"Augghhhhh!" daing niya at napatigil siya sa kaniyang gagawing pagsaksak sa akin.
Napatingin siya nang diretso sa aking mga mata at nginitian ko siya. "Ipagpaumanhin mo ngunit hindi ako ganoong kahina upang lamang ang isang tulad mo ang makaputol sa aking paghinga." Idiniin ko pa ang espadang isinaksak ko sa kaniyang tagiliran at saka marahas na hinugot iyon.
"GAAAAAAAAHHHH!" sigaw niya at napalayo sa akin saka hindi makapaniwalang napatingin sa sugat na kaniyang natamo. Nang kumawala roon ang masagang dugo ay tumingin siya sa akin na puno na poot. "PANGAHAAAAAAS!"
Nagsimula ko nang iunat ang aking katawan. Unti-unti nang nanunumbalik ang aking lakas ngunit hindi pa rin ito katulad ng dati.
Sa tagal ng kaniyang pagdada at paglalahad ng kaniyang mga kasakiman ay nabawi ko ang aking lakas kahit papaano.
Muling may kumatok nang malalakas sa pinto.
"Hemira! Ayos ka lamang ba riyan?! Hemira!" narinig kong tanong ni Neb sa akin sa labas. Halata ang panghihina sa kaniyang tinig dahil sa mahikang ginamit ni Siduma sa kanila.
Nawala ang itim na mahika sa pibto nang masaksak ko si Siduma na pinagmumulan niyon.
Tumingin na muli ako sa traydor na makara at nilalagyan nito ng gamot ang saksak na ginawa ko sa kaniya. Mayroon siyang kwintas ng mga halamang gamot at doon niya kinukuha ang nilulunas niya sa kaniyang sugat.
Tumigil agad ang pagdurugo niyon at sumara kaagad ang hiwa roon.
Tiningnan ko lamang siya nang seryoso at pinukol niya naman ako ng masamang tingin.
"Ngayon, simulan na natin ang tunay na labanan!" hamon ko sa kaniya.