Chapter 10 - Kapahamakan
*~~Bon~~*
Narito na kami ngayon sa lugar parusahan.
Isa itong napakalawak na lugar kung saan may isang mataas na entablado at naroroon ang mga kawal na magpaparusa sa mga makarang dapat parusahan.
Napakaraming makara rito ngayon ang nag-aabang ng pagpaparusa kay Hemira at kay Uriway.
Tumingin ako sa kabibeng mensaherong aking hawak ngayon. Umiilaw iyon kaya naman pinindot ko ang patusok na dulo niyon.
*"Nakapasok na kami ng palasyo. Sandali na lamang ay malalaman na rin namin kung sino nga bang talaga ang traydor." Tinig ni Neb iyon.
Nawala na ang liwanag ng mensahero.
Napatingin ako kay diwata Aloja na hawak-hawak ngayon ng mga kakampi naming kawal.
Tumabi ako sa kaniya nang pasimple. "Sandali na lamang po diwata at dadalhin na rin dito ni Hemira ang traydor." mahinang sabi ko sa kaniya.
Hindi siya umimik ngunit tumango siya nang kaunti.
Pumasok na kami sa isang silid. Dito pinapupunta ang mga parurusahan bago sila umakyat ng entablado.
Hindi ko na pinapasok ang mga kawal na pinamumunuan ni Gelim at ang tatlo pang kakampi naming kawal.
Doon ko na lamang sila pinagbantay sa labas at tanging ang dalawang kakamping kawal lamang namin ang isinama ko rito sa loob.
Naririnig namin ang sigawan ng mga makara sa labas ng silid na ito. Puno ng galit at poot ang kanilang mga tinig.
Ang kanilang mga sinasabi ay iisa lamang. Iyon ay patayin si Hemira pati na rin ang Keledones na si Uriway.
May kadiliman ang silid na ito ngunit kita pa rin naman namin ang paligid.
Nabigla kaming lahat nang isang makara ang lumabas mula sa pinakamadilim na parte ng silid na ito. Kulay pula ang kaniyang buntot ngunit patulis ang dulo ng kaniyang mga palikpik.
Isang Keledones!
Agad akong lumapit kay diwata Aloja upang siya'y protektahan pati na rin ang dalawang kawal na aming kasama ay naalerto ngunit nang makita ko ang mukha ng Keledones na iyon ay agad ko siyang nakilala.
"U-uriway?" bigkas ko ng kaniyang pangalan.
Napatingin naman siya sa akin. "Hindi ba't ikaw ang nagtakas kay Hemira kanina?" tanong niya.
Tumango ako.
"Sino ang iyong kausap Bon?" tanong sa akin ni diwata Aloja at saka niya inalis ang telang sako sa kaniyang ulo.
Pipigilan ko sana siya ngunit nagawa niya nang alisin iyon.
Napatingin naman sa kaniya si Uriway at agad na bumakas sa mukha nito ang hindi pagkapaniwala. Dahan- dahan siyang lumangoy palapit sa aming diwata at halata pa rin sa kaniya ang pagkabigla. "D-diwata..."
Agad naman siyang hinarang ng mga kawal na aming kakampi dahil sa tangka niyang paglapit sa aming diwata.
"Diwata Aloja... Ikaw si diwata Aloja, hindi ba?" Namimilog pa rin ang kaniyang mga mata habang nakatingin sa aming diwata.
Tumango naman si ito sa kaniya. "Oo, ako nga. Ikaw ba ang Keledones na kanilang hinuli dahil binibintang nila sa iyo ang pagkakaroon ko ng malubhang karamdaman?"
Naiiyak naman siyang tumango. "A-akala ko ay ika'y nawalan na ng buhay dahil iyon ang usap-usapan ng mga kawal na makarang nagdala rito sa akin."
"Hindi ako nawalan ng buhay kundi nagamot sa huling sandali nito. Kung hindi dahil kay Hemira at sa lunas na kaniyang pinainom sa akin ay malamang na wala na nga akong buhay ngayon."
Nakikinig lamang ako sa kanilang dalawa pati na rin ang dalawang kawal na aming kasama ngunit alerto pa rin ang mga ito.
"Diwata, ang malubhang karamdamang iyon ay hindi aking kagagawan. Pumunta ako sa kahariang ito ng Syierian sapagkat nais kong maging kabilang sa inyo, kayong mga makara kahit na iba ang aking lahi. Nais ko lamang naman na mamuhay katulad n'yo at abandunahin ang kasamaang nadaloy sa aking lahi kaya hindi ko gagawing ikaw ay bigyan nang ganoong karamdaman." Umiiyak na si Uriway at napaupo na habang nakatakip sa kaniyang bibig upang pigilan ang paghagulgol.
Sineniyasahan ng diwata ang mga kawal na huwag na siyang harangin. Nag-aalinlangan man ang mga ito ay sumunod na rin.
Ako ay hinayaan ko na lamang sila sapagkat nakita ko naman na talagang mabuting nabubuhay si Uriway dahil siya ang tumulong kay Hemira noong mawalan ng bisa ang perlas na nilunok nito. Hindi rin siya sumama sa amin sa aming pagtakas sapagkat nais niyang mapatunayan sa amin na isa na siyang mabuting nabubuhay.
Umupo si diwata Aloja sa kaniyang harapan at pinahid ang kaniyang mga luha. "Sa iyong purong luha pa lamang ay napatunayan mo na sa akin kung gaano kalinis ang intensyon mo sa aming kaharian kaya huwag ka nang lumuha pa. Naniniwala ako sa iyo."
Nanlaki ang kaniyang mga mata sa sinabing iyon ni diwata Aloja. "M-m-mraming salamat, diwata Aloja... M-maraming maraming salamat sa paniniwala mo sa akin." Kumikislap na sa kaniyang mga mata ang katuwaan.
Tumayo na silang dalawa.
"Ngunit Uriway, may nais akong hingiing pabor sa iyo," wika ni diwata Aloja.
"Ano iyon? Kahit ano ay aking gagawin." determinadong sabi naman ni Uriway.
Tumingin sa akin ang diwata at batid ko na ang ibig sabihin niyon.
Hinarap ko si Uriway at isinalaysay ko sa kaniya ang aming plano na mapalabas ang tunay na nagbigay ng karamdaman kay diwata Aloja. Matiim naman siyang nakinig.
"Kung gayon ay buong galak kong tinatanggap ang misyong ito." nakangiting sabi niya.
"Hindi ako si Aloja kundi si Hemira at hahayaan mong sumalang tayo sa entablado ng pagpaparusa. Si Hemira na ang bahala ng iba pa sa mga misyon na ito."
Tumango siya sa pagsang-ayon.
Hemira. Ikaw na ang bahala sa aming lahat. Ikaw na ang bahala sa kahariang ito ng Syierian. Sana'y mahanap mo ang traydor na nagtatangka sa buhay ng aming diwata.
*~~Neb~~*
Naririto ako ngayon sa silid ni diwata Aloja na pinagdalhan ko kay Hemira bago ko siya dalhin sa silid ng kabibe.
Nakahiga ako ngayon sa kaniyang higaan at kakulay na ng buntot ni Hemira ang aking buntot dahil sa mahiwagang puting tela na aking kinuha sa kuweba.
Nakatalukbong din isa pang puting tela ang aking ulo upang hindi mahalatang hindi ako si diwata Aloja.
Hindi pa alam ni Hemira ang plano kong ito ngunit sa tingin ko ay mas mapabibilis ang paghahanap sa traydor na iyon dito sa aking gagawin.
Patawad Hemira sa aking gagawin ngunit hindi ko nais na mapahamak ka.
Hindi ko ipinakalat sa buong kaharian na dinala ko si Hemira na inaakala nilang si diwata Aloja sa silid ng kabibe bagkus ay pinasekreto ko iyon.
Sinabi ko kay Siduma na huwag na huwag sasabihin kaninuman ang tungkol sa bagay na iyon kaya ang inaakala nang lahat ay naririto ang diwata sa silid niya.
Ginawa ko ito upang akitin ang traydor rito sa silid na ito upang akalain niyang ako ang diwata at kapag pagtatangkaan niyang muli ang buhay ng diwata ay sa akin mangyayari.
Narinig ko ang dahan-dahang pag-ingit ng pinto.
Napangisi ako.
Naririto na siya.
Ang traydor ng aming kaharian!
Pagsara naman ng pinto ang sunod na aking narinig. Naramdaman ko ang mga bula sa tubig dahil sa paglangoy palapit sa akin ng kung sino.
Tunog ng espadang hinila mula sa lalagyanan nito ang hudyat upang tumayo na ako at itinutok ko ang espadang kanina ko pa hawak sa aking tabi sa makarang magtatangka sa akin ngunit nasalag nito iyon kaya napaurong ako.
Napatingin ako sa makarang may hawak rin ng espada at humigpit ang hawak ko sa aking espada. "Sinasabi ko na nga ba at ikaw ang traydor na nais kumitil sa buhay ni diwata Aloja!" sigaw ko sa makarang si Gelim na nanlalaki ang mga matang nakatingin sa akin.
"Bakit ikaw ang nariyan at hindi ang huwad na babaeng dala mo kanina?!" tanong niya na ikinakunot ng aking noo.
"Paano mo nalamang hindi si diwata Aloja ang aming kasama kanina? Ha?!" Agad ko siyang sinugod ng aking espada.
Sinalag naman niya iyon ngunit muli kong iwinasiwas sa kaniya iyon at nasalag niyang muli.
Magkalapit ang aming mukha habang naglalaban kung sino ba ang mapapaurong namin sa isa't isa.
"Hindi ba dapat na ako ang magsabing ikaw ang traydor ng kahariang ito?! Ikaw sapagkat nagdala ka rito ng isang impostor ni diwata Aloja!" sigaw niya sa akin saka umatras at iwinasiwas niya sa akin ang kaniyang espada.
Nakaiwas ako sa ginawa niyang iyon ngunit hindi ko inaakala ang sunod niyang gagawin.
Hinampas niya ako ng kaniyang buntot sa tagiliran ko kaya naman tumalsik ako sa higaan at natanggal ang mahiwagang telang nakatali sa aking baywang kaya lumabas na ang tunay na kulay ng aking buntot. Ang abong kulay niyon.
Naramdaman ko ang matulis na bagay sa aking leeg at pagtingin ko roon ay nakatutok na sa aking leeg ang kaniyang espada.
Magaling siya sa pakikipaglaban.
Matiim siyang nakatingin sa akin at seryosong seryoso. "Ano ang iyong binabalak? Bakit ka nagdala ng huwad sa silid ng ating diwata?"
Hindi ko muna sinubok na gumalaw. "Iyon ay aming ginawa upang mapalabas kang traydor ka!" sigaw ko sa kaniya at saka inihampas ko rin ng aking buntot ang kaniyang mukha na hindi niya inaasahan kaya siya naman ang tumalsik sa pader ngayon at nabitawan niya ang kaniyang espada.
Agad akong lumangoy palapit sa kaniya at itinutok sa leeg niya ang aking espada bago niya pa maabot ang espadang kaniyang nabitawan.
Magaling siya sa pakikipaglaban ngunit mas magaling ako.
"Umamin ka na! Ikaw ang traydor! Pumasok ka sa silid na ito na may dalang espada sa pag-aakalang ako si Aloja at muli mong kikitilin ang kaniyang buhay!"
Idiniin ko sa kaniyang leeg ang aking espada gaya ng ginawa niya sa akin.
"Nagkakamali ka! Noong pagkapasok n'yo pa lamang sa may pintuan ng palasyo, alam kong isang impostor ang babaeng makarang inyong kasama kaya naman pumasok ako sa kwartong ito upang tingnan kung tama nga ang aking hinala!" paliwanag niya ngunit hindi niya pa rin ako nakukumbinsi.
"Hindi ako naniniwala sa iyong sinasabi!" Isasaksak ko na sana iyon sa kaniyang dibdib nang biglang bumukas ang pinto at iniluwa niyon ang habol na habol ang hiningang si Anol.
Puno ng takot ang kaniyang mga mata.
"Neb! Neb! Tulong! Si Hemira! Nasa panganib siya!"