Chapter 9.1 - Neb
*~~Hemira~~*
Nakita kong umalis na sila Bon at ang mga kawal kasama si Aloja.
Muntik nang mabuko ang aming plano nang akmang aalisin ng isang kawal ang sako sa ulo ni Aloja ngunit buti na lamang at hindi iyon natuloy nang papuntahin ko ang isa sa kawal na aking kasama sa kanila upang pigilan ang makara na iyon sa gagawin nito.
Alam kong sobrang mapanganib ng aking plano ngunit lahat ng maaaring maging butas ng aking plano ay napag-isipan ko nang mabuti kaya naman mababawasan ang posibilidad na may masaktan sa misyong ito.
Nakita kong ang naroroon na lamang sa pintuan ng palasyo ay ang kawal na muntik nang mag-alis sa telang sako sa ulo ni Aloja.
Wala ng mga kawal doon bukod sa kaniya at wala na ring mga makara roon sapagkat sumunod ang mga iyon kina Bon.
Hinarap ko na ang aking mga kasamang kawal pati si Neb. "Pumunta na tayo sa mga kawal na iyon at sabihin n'yo na ang mga bagay na sinabi ko sa inyo kanina." mahinang wika ko sa kanila.
Sabay-sabay naman silang tumango.
"Kalaban natin ang oras ngayon kaya kailangan na nating maisagawa ang ating plano."
Biglang umilaw ang pabilog na kabibe sa kamay ni Neb.
"Umiilaw ang mensahero," wika ng isang kawal sa kaniya.
Pinindot niya ang patusok na dulo niyon at nagkaroon ng tinig. "Aking suspetsa ay ang pinuno ng isang grupo ng kawal na si Gelim," sabi ng tinig na ang nagmamay-ari ay si Bon.
Nawala na ang ilaw niyon pagkatapos naming marinig ang tinig.
Nanlaki ang aking mga mata sa pagkamangha sa bagay na iyon. "Nakakamangha ang kabibeng iyan. Kaya nitong gayahin ang tinig ni Bon at masabi sa atin ang nais niyang sabihin." manghang-mangha kong sabi habang tinitingnan sa kamay ni Neb ang kabibe.
Bumungisngis si Neb kaya naman napatingin ako sa kaniya. "Bakit ka tumatawa?"
Umiling-iling siya habang natatawa pa rin. "Wala naman. Naaaliw lamang ako sa iyo sapagkat ang bilis mong mamangha sa mga ordinaryong bagay." mayabang niyang sabi.
Nangunot ang aking noo. "Hindi mo naman siguro nakalilimutan Neb na hindi ako isang tunay na makara kaya naman wala akong masyadong alam sa mga bagay na naririto sa ilalim ng karagatan?"
Mukhang napahiya naman siya ngunit hindi ko na siya pinansin pa.
"Ngunit sino ang sinabing iyon ni Bon na Gelim? Sabi niya'y ang Gelim na iyon ang kaniyang pinagsususpetsahan. Kilala mo ba siya Neb?" pagbabago ko ng usapan at agad naman siyang ngumiti.
"Oo. Siya ang pinuno ng isa sa mga grupo ng kawal. Alam ko ang kaniyang mukha ngunit hindi niya ako kilala kaya wala tayong magiging problema sa kaniya. Ang totoo niyan ay ang Gelim na iyon ay ang kawal na iyon sa pintuan ng palasyo." Tinuro niya ang nag-iisang kawal na nasa pintuan ng palasyo.
"Ganoon ba? Sige, ako na ang bahalang mag-obserba sa kaniya. Puntahan na natin siya," wika ko at lumangoy na kami papunta sa kawal na matiyagang nagmamatiyag sa labas ng pintuan ng palasyo na nagngangalang Gelim ngunit nasa hulihan lamang nila ako at kasabay ko sa paglangoy si Neb.
Sana ay walang maging aberya sa aking plano.
Nang makalapit na ang limang kawal kay Gelim...
"May isa kaming napakagandang balita!" sabi ng isa sa mga kakampi naming kawal.
"Ano iyon?" tanong ni Gelim.
Naiiba nang kaunti ang kaniyang kasuotan sa baluti ng ordinaryong kawal sapagkat ang kaniya ay may kagaraan. Marahil ay dahil siya ang pinuno ng grupo nilang kawal.
"Ang ating mahal na diwata Aloja ay aming kasama ngayon! Buhay siya!" sabi ng aming kakamping kawal.
Inayos ko ang telang nasa aking ulo at itinago ko ang aking mukha nang maayos. Asul ang mga mata ni Aloja kaya walang maaaring makakita ng aking mga mata.
"Ang mahal na diwata Aloja? Buhay ang ating diwata?" hindi makapaniwalang tanong ni Gelim.
Tumabi nang kaunti ang mga kawal upang makita ako ni Gelim.
Lumangoy kami ni Neb palapit sa kaniya at kahit hindi ako makatingin sa kaniya ay siguradong nanlalaki na ang kaniyang mga mata.
Mapapansin niya rin ang aking mahabang puting buhok na hindi natatabingan ang dulo ng telang nakatalukbong sa aking ulo.
Narinig ko ang kaniyang pagsinghap sa hindi pagkapaniwala.
"Totoo ba itong aking nakikita? Ikaw po ba talaga iyan mahal na diwata Aloja?" natutuwang tanong niya.
Tumango lamang ako sa kaniyang sinabi.
"Mahal na diwata!" kaniyang sigaw at saka yumuko sa akin kaya lalo kong tinakpan ang aking mukha. "Lubos po akong nagagalak sa inyong paggaling! Nang inakala po naming ikaw ay pumanaw na ay napuno ng pagtangis ang ating kaharian at nang mawala naman po ang inyong katawan ay kaguluhan ang bumalot sa ating palasyo!" puno ng kasiyahan niyang sabi.
Inangat niya na ang kaniyang ulo at tiningnan at ramdam ko ang titig niya sa akin. "Ngunit paano pong kasama na ninyo ang mga kawal na ito matapos n'yong mawala sa silid kung saan kayo inaayusan?" tanong niya.
Humarang nang kaunti si Neb sa akin. "Binalak na nakawin ng taong nagkatawang makara na nagngangalang Hemira ang katawan ng ating diwata ngunit siya'y aming nabawi mula sa Hemirang iyon. Sa kasamaang palad ay hindi namin nahuli ang taong iyon. Ibabalik na sana namin ang ating diwata rito sa palasyo nang biglang siya'y nagmulat ng mga mata. Doon namin natanto na hindi naman pala talaga siya pumanaw. Ngayon ay ihahatid na namin siya sa kaniyang silid." paliwanag ni Neb sa kaniya.
Lumangoy palapit si Gelim sa amin. "Huwag po kayong mag-alala mahal na diwata, nahuli na po ang taong nagtangkang kumuha sa inyo. Nasa lugar parusahan na siya ngayon kasama ang Keledones na nagbigay sa inyo ng inyong karamdaman." Siguradong nakangiti siya habang sinasabi iyon.
Nagkunwari akong matutumba at agad naman akong inalalayan ni Neb. "Nanghihina na ang ating diwata dahil kagagaling niya lamang sa isang malubhang karamdaman kaya kami'y pupunta na sa kaniyang sili—"
"Ngunit bakit po nakatabing ang puting tela sa inyong ulo, mahal na diwata? May nangyari po ba?" tanong muli ni Gelim.
Napahigpit ako ng hawak kay Neb.
"Ayaw ipakita ng ating diwata ang kaniyang mukha sapagkat marami ang nangyari sa kaniyang katawan dulot ng kaniyang pinagdaanang karamdaman. Hindi rin siya makapagsalita pa kaya iyon ang kaniyang minensahe sa amin sa pamamagitan ng pag-aksyon sa kaniyang kamay." paliwanag muli ni Neb.
Napatingin naman si Gelim sa aking buntot.
Tila ba inoobserbahan niya iyon.
"Nang magmulat ang diwata ay mas guminto pa ang kaniyang buntot simbolo na nalagpasan niya ang isang pagsubok sa kaniyang buhay at paglakas ng kaniyang mahika." Agad na paliwanag muli ni Neb.
Hindi pa rin siya kumibo.
Tama si Bon. Kasuspe-suspetsa nga siyang makara.
"Lapastangan ka! Ano ang iyong karapatang titigan pa rin nang gan'yan ang buntot ng ating diwata?! Tigilan mo na rin ang iyong masyadong pagtatanong sapagkat hinang-hina na ang ating diwata. Kung may mangyari mang masama sa kaniya, iyo iyong magiging kasalanan!" sigaw na ni Neb sa kaniya.
Mukhang natakot naman siya sa naging banta ni Neb kaya umalis na siya sa pagkakaharang sa may pintuan at kami'y pinaraan.
Nabigla ako nang ako'y kargahin na ni Neb ngunit hawak ko pa rin ang tela kaya nakatabing pa rin iyon sa aking mukha sa akin ulo.
"Nanghihina ka na po diwata Aloja kaya marapat lamang na ikaw ay akin nang kargahin upang hindi na maaksaya ang iyong lakas sa paglangoy." Nakangisi siya at halatang naaaliw sa kaniyang ginagawa.
Sinamaan ko siya ng tingin ngunit hindi na lamang ako pumalag pa.
Sinilip ko si Gelim na nakasunod lamang sa aming likuran ngunit kakaiba ang tingin niya sa akin kaya agad akong sumandal sa dibdib ni Neb upang maitago ko ang aking mukha.
Narinig ko ang malakas na t***k ng puso ni Neb sapagkat ang tenga ko ay nakadikit sa kaniyang dibdib.
Napatingin ako sa kaniya at nakita kong namumula ang kaniyang pisngi. Umiwas rin siya ng tingin sa'kin.
Baka siya'y kinabahan nang lubos dahil sa matanong na Gelim na iyon.
Patuloy lamang ang paglangoy ni Neb nang masalubong namin ang ilang makara na sa tingin ko ay tagapagsilbi ng palasyong ito.
Nang madaanan namin sila ay agad nilang nabitawan ang kanilang mga dala. Mga tulala sila sa akin at hindi makapaniwala.
Tumigil si Neb sa harapan nila. "Ipakalat ninyo sa buong kaharian na buhay ang ating diwata," sabi niya sa kanila at hindi naman sila makapaniwala sa kanilang narinig.
Lumangoy na si Neb paalis.
Nakita kong mabilis na nagsilanguyan paalis ang mga makarang tagapagsilbi at bakas na bakas ang kasiyahan sa kanilang mga mukha.
Muling tumigil sa paglangoy si Neb kaya napatingin ako kung nasaan na kami.
Binuksan ni Gelim ang isang pintuan at ipinasok ako roon ni Neb. Sinundan niya pa rin kami hanggang dito.
Ito ang silid ni Aloja.
Inihiga ako ni Neb sa higaang gawa sa mga halamang dagat. Dito nakahiga noon si Aloja noong siya ay may malubhang karamdaman pa.
"Dito lamang po muna kayo mahal na diwata. Dadalhin ko po rito ang manggagamot n'yong si Siduma upang bigyan kayo ng halamang gamot na magpapalakas ng inyong katawan," wika ni Neb at saka siya'y lumabas na.
Ramdam ko pa rin ang titig sa akin ni Gelim bago siya lumabas ng silid na ito at sinarado ang pinto.
May dalawang kawal na naiwan rito sa loob. Mga kakampi sila.
Tinanggal ko na ang tela sa aking o at umupo ako na ako saka nag-isip. "Hindi ko mawari ang titig sa akin ng Gelim na iyon. Tila ba inaalam niyang mabuti kung ako nga bang talaga si Aloja. Hindi kaya..." Unti-unting namilog ang aking mga mata nang biglang may kumatok sa pinto kaya napatingin ako roon.
"Mahal na diwata. Ako po'y papasok na ng inyong silid." Tinig ng isang babae ang aking narinig kaya agad akong humiga muli at tumalikod ng pagkakahiga sa itinabing muli sa aking ulo ang tela.
Narinig ko ang pagbubukas ng pinto.
"Mahal na diwata! Hindi po ako makapaniwala sa balitang aking natanggap mula kay Neb! Akala ko ay nagbubulaan siya't ako'y pinagkakatuwaan lamang ngunit sinabi niyang totoo ang kaniyang sinabi kaya naman agad akong pumunta rito. Tunay na galak po ang aking nararamdaman! Napakaraming tumangis dahil akala namin ay pagpanaw na kayo kaya naman galak na galak ang aking kalooban ng malaman kong kayo ay buhay pang talaga!" tuwang-tuwang wika ng pumasok na iyon.
Sa tingin ko ay siya ang sinabing manggagamot ni Neb na si Siduma. Halatang masayang-masaya siya sa tono pa lamang ng kaniyang pagsasalita ngunit nakikilala ko ang kaniyang tinig.
Naalala ko na!
Sya iyong makarang manggagamot ni Aloja na mayroong dilaw na buntot at gumamit sa akin ng pulbos na aking nalanghap kaya naman ako'y nakatulog.
Siduma pala ang kaniyang pangalan.
"Naipaliwanag na po sa akin ni Neb ang inyong kalagayan kaya may nakatabing na tela sa inyong mukha kaya hindi na po ako magtatanong pa. Nang malaman kong kailangan n'yo ng gamot upang lumakas muli ang inyong katawan at bumalik ang inyong kagandahan, naisip ko na ang kailangan ninyo ay ang magpahinga sa loob ng malaking kabibeng inyong pahingahan. Naglagay na po ako ng mga pinulbos ng perlas ng kabibeng iyon sa loob kaya naman ilang araw lamang ay babalik na ang kagandahan ng inyong balat."
Hindi ako umimik sa mga sinabi niya.
Maya-maya lamang ay may biglang bumuhat sa akin. Nagulat ako at kinabahan kaya napatingin ako kun sino iyon.
Si Neb na naman iyon. Nakatingin lamang siya sa iba at kita ko ang kasiryosohan sa kaniyang mukha na ngayon ko lamang nakita.
"Ano ka ba naman Neb? Bakit basta-basta mo na lamang binubuhat nang gan'yan ang ating diwata!" saway sa kaniya ni Siduma at bigla naman siyang ngumiti nang mapaglaro.
"Ayos lamang naman iyon sa ating diwata, hindi po ba?" Tumingin siya sa akin nang nakangiti pa rin at kumindat pa.
Tumango na lamang ako dahil maaaring usisain pa kami ni Siduma.
"Dalhin mo na ang ating diwata sa silid ng kabibe." utos ni Siduma at doon ay lumangoy na si Neb.
Lumabas kami ng silid at kaunting saglit lamang ay isang silid muli ang aming pinasok. Maraming katulad ni Anol ang nagbibigay liwanag sa itaas na parte nito.
Mayroong isang malaking-malaking kabibe na katulad ng pinaglagyan sa akin noon nila Bon at pinagpahingahan ni Aloja sa kuwebang kaniyang pinagtaguan ngunit iba ang kulay ng kabibeng ito.
Kulay dilaw iyon.
Kusang bumukas iyon at nakita ko sa dila niyon ang mga pulbos na kumikislap sa liwanag.
Inihiga ako roon ni Neb. Nakatingin lamang ako sa kaniyang mga mata ngunit may napansin akong pag-aalinlangan doon.
Tila ba siya'y nag-aalinlangan na hindi ko naman alam kung para sa ano.
Hindi ko na lamang iyon pinansin.
May inilagay siyang bagay sa aking tabi at nang papalayo na siya ay hinawakan ko ang kaniyang braso kaya napatingin siya sa akin. "Ipakalat mong naririto ako upang makarating iyon sa traydor na ating hinahanap." seryoso kong sabi sa kaniya ngunit nginitian niya lamang ako.
Bumitaw na ako sa kaniya.
Sumara na bibig ng kabibeng ito kaya naman napakadilim dito sa loob. Tinanggal ko na rin ang telang ibinalot ko aking ulo.
Ngayon, hihintayin na lamang namin na kumagat sa pain ang kung sinumang traydor ng kahariang ito.
Kailangan na namin siyang makilala dahil baka mapahamak si Aloja sa misyong ibinigay ko sa kaniya.
*~Tagapagsalaysay~*
Lumabas na si Neb mula sa silid ng kabibe kung saan niya dinala si Hemira.
Wala na ang mga kawal na kakampi nila sapagkat ang mga ito ay nakakalat sa palasyo at kumukuha ng mahahalagang impormasyon tungkol kay Gelim.
Seryoso siyang tumingin sa pinto ng silid ng kabibe kung saan kalalabas pa lamang niya.
Napakuyom ang kaniyang mga kamao. "Patawad Hemira sa aking gagawin."
At doon ay umalis na siya na may malalim na iniisip.
* * *
Kabibeng Mensahero/ Mensahero - ito ay isang uri ng kabibeng pabilog ang huis at may patusok na dulo kung saan kapag iyong pinindot ay may lalabas na tinig mula sa malaking butas sa kabilang dulo nito.
Doon sa malaking butas mo maaaring sabihin ang iyong mensahe sa taong nais mong pagbigayan ng mensahe kaya ang tawag dito ay mensahero. Umiilaw iyon kung may mensaheng laman.
Makakapag-pasahan lamang kayo ng mensahe kung dalawang magkatulad na kulay at laki ng mensahero ang inyong hawak. Doon ay makakapagpasa kayo ng mensahe kailan n'yo man naisin ngunit sa ilalim lamang ng tubig ito gumagana.