Chapter 9 - Suspetsa
~Tagapagsalaysay~
"Nakatakas ang taong nagkatawang makara na pumaslang sa ating diwata! Mag-iingat kayo sa kaniya at kapag inyo siyang nakita ay kaagad n'yo siyang hulihin!" sigaw ng mga kawal na makara sa labas ng pinto ng palasyo kung saan naroroon ang mga nagtipong mga makara upang dumalo sa magiging lamay sana ng kanilang diwatang si Aloja.
Nabigla ang mga makarang iyon sa kanilang narinig saka ay napuno ng usapan at mga hakahaka.
Nakapinta ang takot sa kanilang mga mukha sapagkat alam nilang isang tao si Hemira at nakita nila ang panlalaban nito sa apat na kawal na humuli rito.
Samantala, naroroon si Anol upang tingnan kung ano na ang nangyayari sa palasyo at nang malaman niya na nagkakagulo na roon dahil sa pagtakas ni Hemira ay nagmatiyag pa siyang mabuti sa ikinikilos ng mga makara at ng mga kawal na nasa labas at mahigpit na nagbabantay sa pintuan ng palasyo.
Maraming kawal na makara ang lumabas at lumangoy sa kung saan-saang direksyon dahil paniguradong kanila nang hahanapin si Hemira.
Nang makaalis ang mga iyon, isa pang kawal ang lumabas muli sa pinto ng palasyo. "Isa pang masamang balita! Ang ating diwata! Nawawala ang katawan ng ating diwata dahil naglaho na lamang itong tila bula!" sigaw nito na lalong nagpa-ingay sa pag-uusap ng mga makara.
Marami ang lubusang nagimbal sa balitang iyon at napuno ng katanungan ang mga ito ukol sa nawawalang katawan ni Aloja. Ang ilan naman ay nagsi-iyakan.
Samantala, isang makara naman ang nagngingitngit ang kalooban dahil sa mga balitang kaniyang narinig.
Kuyom ang kamaong pumasok na siya sa loob ng palasyo. Hindi maaaring mawala ang katawan ni Aloja! Hindi ko pa nakukuha ang aking nais mula sa kaniya! Hindi rin maaaring makatakas ang taong nagkatawang makara na iyon sapagkat malaki ang posibilidad na siya ang kumuha sa katawan ni Aloja! Nagtatagis ang kaniyang mga bagang habang iniisip ang mga bagay na iyon.
~Hemira~
Naririto na kami ngayon malapit sa palasyo at nagtatago lamang sa likod ng isang malaking bato upang hindi kami makita ng mga kawal na makara na nagbabantay sa pintuan ng palasyo.
Napatingin ako sa itaas na bahagi ng karagatang ito. Madilim pa rin ang paligid kahit na buhay naman nang muli si Aloja.
Sinabi niya sa akin na siya ang nagkokontrol sa kaliwanagan ng karagatang ito kaya naman noong may malubha siyang karamdaman ay wala na siyang lakas upang ang karagatang ito ay bigyan pa ng liwanag kaya naman unti-unti itong dumilim.
Sinabi niya ring maaaring maipasa sa ibang makara ang pagiging diwata ng karagatang Syierian kung kaniyang nanaisin.
Kasama ko ngayon ang anim na kawal na hiniling ko kay Aloja na aking isasama at kasama rin itong lalaking makarang nagbigay sa akin kanina ng puting tela na nagngangalang Neb.
Ramdam ko ang tingin niya sa akin na magmula pa kanina noong sinabi ko sa kaniya ang aking magiging plano sa kuwebang pinagtataguan namin ni Aloja.
Tiningnan ko siya at saka ay pinitik ang kaniyang noo nang malakas upang siya ay matauhan.
Napaaray naman siya dahil sa aking ginawa.
Tinitigan ko siya nang seryoso habang hawak niya ang namumula niyang noo. "Iyo itong pagkatandaan. Ito'y isang bagay na dapat mong seryosohin sapagkat nakasalalay rito ang kaharian ninyo pati na rin ang kaligtasan ni Aloja kaya naman hinihingi ko sa iyo ang iyong maayos na tulong sa misyong ito."
Nginitian niya lamang ako na wari bang wala siyang balak na sundin ang aking sinabi.
Napailing na lamang ako.
Sya'y aking kasama ngayon sapagkat sa aking plano ay kailangan ko ng isang makarang malapit kay Aloja. Bihis niya'y magarang kasuotan sapagkat isa siya sa mga malapit na tagasunod ni Aloja.
Ako naman ay may nakatalukbong na tela sa aking ulo hanggang sa aking braso ngunit hindi naman natatakpan masyado ang aking mukha. Isang normal na tela lamang itong aking gamit ngayon sapagkat gamit ko lamang ito upang hindi gaanong itago ang aking mukha.
Kulay puti ang aking buhok ngayon na kinulayan lamang ng isang makarang babae gamit ang isang halaman. Suot ko rin ngayon ang kasuotan ni Aloja at kaniyang mga alahas kabilang ang kaniyang korona.
Magkakulay naman kami ng kutis kaya naman hindi mahahalata na kami'y magkaibang tao.
Nabura rin ang mga peklat sa aking katawan na tanda ng napakaraming laban na aking pinagdaanan dahil sa paglalagay nila Bon sa akin noon sa loob ng malaking kabibe.
Lumapit ako sa anim na makarang kawal na nasa aming likuran at tiningnan sila nang seryoso. "Huwag ninyong kalilimutan ang hudyat ng pagsisimula ng ating plano. Alam kong lubhang mapanganib ito para kay Aloja ngunit sa tingin ko ay ito ang pinakamabilis na paraan upang mapalabas natin kung sino ang traydor ng inyong kaharian."
Nagsitango naman sila sa akin.
Patuloy lamang ang aming pagmamatiyag sa mga kawal na paiko-ikot sa paligid ng palasyo.
~Bon~
Naririto kami ngayon malapit sa palasyo at nakatago lamang sa likod ng isang napakalaking bato at mayroong makakapal na halamang dagat sa gilid.
Nagmamatiyag lamang kami sa mga kawal na paikot- ikot sa pintuan ng palasyo at sa mga makarang nakapaligid lamang doon.
Naririto si diwata Aloja kasama ang apat na kawal na aming kakampi.
Nakasuot ako ng kasuotan ng isang pinuno ng mga kawal. Si diwata Aloja naman ay suot ang kasuotan ni Hemira at dala niya rin ang mga samdata nito na itinakas pa ng aming mga kakamping kawal mula sa mga kawal ng palasyong may hawak niyon.
Itim ang kaniyang buhok na gawa ng isang halaman.
Hindi dapat kasama si diwatang Aloja sa aming planong ito ngunit sinabi niyang nais niyang sumama.
(Pagbabalik Tanaw)
Kami'y nakabilog ngayon ng ilang mga kawal at ni Hemira upang pag-usapan ang aming magiging plano.
Nasa tabi lamang ni Hemira si diwata Aloja at nakikinig sa amin. Naririto rin si Anol, isang babaeng makara na tagapagsilbi ni diwata Aloja at si Neb dahil kakailanganin namin sila sa aming plano.
Tiningnan ko si Hemira na ngayon ay seryosong-seryoso. "Ganito ang ating gagawin, ako ang magpapanggap na si Aloja upang kung pagtangkaang muli ang kaniyang buhay sa palasyo ay sa akin mangyayari. Magagawa ko namang mapigilang makitil ang aking buhay dahil may kaalaman ako sa pakikipaglaban."
Tumango kaming lahat sa kaniya.
"Ang aking buntot na kakaiba ang pagkaginto ngayon sa buntot ni Aloja ay maaaring dahilanang gumaling na siya sa kaniyang karamdaman at dahil doon ay lalong guminto ang kaniyang buntot."
Napatango-tango ako. Mas magiging kapani-paniwala ngang siya si diwata Aloja dahil sa napakaginto niyang buntot. Wala namang ibang makara sa kahariang ito na nagtataglay niyon kundi ang aming diwata lamang kaya kahit magbago ng itsura iyon ngunit nanatiling ginto ay hindi pa rin siya mapagdududahan.
"Ikaw Neb ang aking magiging kasama at magiging patunay na ako si Aloja sapagkat ikaw ay malapit na tagasunod niya," wika niya kay Neb na kanina pa titig na titig sa kaniya habang may mapaglarong ngiti sa mga labi nito.
Napa-iling na lamang ako. Gan'yan talaga si Neb. Hindi niya mapalalagpas ang kung sinuman lalong-lalo na kung isang napakagandang makara.
"Naiintindihan mo ba Neb!" sigaw ni Hemira na nagpagulat sa aming lahat lalo na kay Neb.
"Opo!" pasigaw ring sagot nito. Hindi pa rin siya nito sineseryoso.
Ako naman ay napahawak sa aking dibdib dahil sa pagkagulat. Hindi ko inaasahan na nakakatakot din pala si Hemira kapag nagagalit. Dahil na rin siguro siya'y isang heneral ng mataas na kahariang Gemuria kaya seryosong-seryoso siya sa harap ng isang misyon.
Hindi ko batid kung bakit niya kami tutulungang hanapin ang traydor sa aming kaharian ngunit si diwata Aloja lamang ang nakababatid niyon.
Kung anupaman iyon. Lubos na akong nagpapasalamat sa kaniya. Iniligtas niya na ang aming diwata at ngayon ay ginagawa niya pa ito para sa amin.
"Ikaw Anol ang magmatiyag sa labas ng palasyo kung may kahina-hinala bang makara roon. Kung magkaroon ka ng pagkakataon ay pumasok ka sa palasyo nang walang nakahahalata at doon ka naman magmatiyag."
"Opo!" seryosong sagot ni Anol.
"Kayong mga kawal, anim sa inyo ang aking magiging kasama at apat naman ang iyong magiging kasama Bon."
Nakatingin na siya sa akin ngayon kaya ang lumulutang kong kaisipan ay naging alerto.
"Ikaw ang magiging kasama ng babaeng makarang ito na magpapanggap na ako. Kailangang maipakita natin sa lahat na si Hemirang pumatay sa inyong diwata ay nahuli upang hindi nila pagdudahan na akong tunay na si Hemira na mayroong gintong buntot katulad ni Aloja ay nagpapanggap na siya na atin naman talagang planong gawin. Naiintindihan n'yo ba ang aking ipinupunto?"
"Opo!" Pinakamalakas na sumang-ayon si Neb kaya napatingin kami sa kaniyang lahat. "Iyon ay ating gagawin upang kapag ika'y nagpakilala na sa mga kawal sa palasyo na ikaw si diwata Aloja ay hindi ka nila pagdududahang ikaw ang taong nagkatawang makara na nagpapanggap lamang na siya." Isang malawak na ngiti ang pumaskil sa kaniyang mga labi.
"Tama. Sabihin ninyo sa mga kawal na kasama ang babaeng makarang ito na magpapanggap na ako na siya'y inyong nahuli s—"
"Sandali lamang. Ako'y may nais baguhin sa inyong plano." pagputol ni diwata Aloja sa pagsasalita ni Hemira.
Napatingin kaming lahat sa kaniya.
"Ano po iyon, mahal na diwata?" tanong ko.
"Nais kong ako ang magpapanggap na si Hemira."
Nanlaki ang aming mga mata sa kaniyang sinabi.
Nakatingin lamang si Hemira sa kaniya.
"Ngunit—" pagpigil ko pa rin sa kaniya.
"Iyon ay aking nais mangyari sapagkat mas madaling ako ang magpanggap na si Hemira sapagkat pares ang aming buntot noong una siyang maging makara. Iyon naman ang nakita nang marami sa kaniya kaya hindi sila magdududang hindi ako ang tunay na si Hemira. At isa pa, may nais akong linawin sa mga makarang sasaksi sa lugar parusahan kung saan dadalhin si Hemira. Sana'y mapagbigyan n'yo ang aking nais." seryoso niyang sabi.
Tumingin muli ako kay Hemira upang siya na ang pumigil sa aming diwata at sa nais nito ngunit nakatingin lamang siya rito. "Diwata Aloja, batid mo ba ang kapahamakang maaari mong danasin dahil sa iyong nais?"
Tumango ito sa kaniya. "Oo, batid ko iyon ngunit hindi ko iyon iniisip sapagkat ako'y may tiwala sa inyong lahat. Sapat nang kayong lahat na aking lubusang pinagkakatiwalaan ang gumawa ng misyong ito upang ako'y makasiguradong hindi ako mapapahamak sa aking gagawin."
Nakadama ako ng labis na kasiyahan sa kaniyang sinabi ngunit hindi ko pa rin gusto ang kaniyang ideya subalit wala naman akong magagawa upang siya'y pigilan. Ako'y tagasunod niya lamang.
Napatango-tango si Hemira. "Kung gayon ay pumapayag na ako ngunit isang kondisyon lamang ang hihilingin ko sa iyo diwata Aloja."
Matiim na nakatingin si diwata Aloja sa kaniya.
"Ingatan mo ang iyong sarili at ni isang galos sa iyo ay hindi magiging posible. Maaari ba iyon diwata?"
Napangiti ang aming diwata at bakas sa kaniyang mga mata ang pagkaantig ng kaniyang puso. "Oo, Hemira. Pinapangako ko iyan at isa pa, pinapangako ko ring hindi ako magiging pabigat sa misyong ito."
~Katapusan ng Pagbabalik Tanaw~
Masusi pa rin kami ngayong nagmamatiyag sa may palasyo.
Napatingin ako sa aming diwatang seryoso lamang na nag-oobeserba sa mga makara sa harapan ng palasyo. Hindi ako mapakali sa aking nararamdaman. "Diwata, paumahin po ngunit sigurado ba kayo sa ating gagawin? Sinabi naman ni Hemira na maaaring ibang babaeng makara na lamang ang magpanggap na siya kaya maaaring dumuon muna kayo sa kuweba na ating pinagtataguan at magpahinga. Maaaring malagay sa kapahamakan ang inyong buhay ku—"
"Huwag kang mag-alala Bon. Hindi ba't ipinangako ko na kay Hemira kanina lamang na hindi ko hahayaang malagay sa panganib o anumang kapahamakan ang aking buhay? Hindi n'yo rin naman hahayaan iyon, hindi ba?" nagtatanong ang kaniyang mga mata.
"Opo!" mahinang sabi naman sa kaniya at matigas ang naging pagtango naming mga kawal.
Napangiti na siya. "Ngayon pa lamang ako may gagawin para sa ating kaharian. Buong buhay ko, ako'y pinagsisilbihan n'yo lamang at nakakulong sa aking silid kaya naman ngayon na ang aking tyansa na kayo rin ay aking maprotektahan mula sa makarang nais sumira sa ating kaharian."
"Ako'y hindi lamang talaga mapakali diwata sapagkat mararanasan ninyong pumasok sa lugar parusahan. Kayo po ang aming diwata kaya hindi maaaring maranasan ninyong pumasok sa lugar na tulad niyon. Maraming panganib ang nakabalot sa lugar na iyon kaya hindi ko maipalagay ang aking kaisipan." puno ng pag-aalalang wika ko sa kaniya.
Bata pa lamang ako ay kasa-kasama na niya ako.
Sinabi sa akin ng aking amang at inang na siya ang nagbibigay sa aming pamilya ng aming makakain kaya naman kami ay nakapamumuhay nang maayos.
Nang magkasakit ang aking amang, tinulungan niya rin kami na maipagamot ito. Ang sarili niya pang manggagamot ang ipinadala niya sa aming tahanan upang gamutin ang aking nag-aagaw buhay na amang at sa kabutihang palad ay gumaling ito.
At dahil doon, nais ko siyang protektahan.
Ngayong malaki na ako at ako'y isa niya nang tagasunod, gusto kong gawin ang lahat para sa kaniya dahil sa kabutihang kaniyang ipinakita sa amin kaya ganito na lamang ang aking kalooban ngayon dahil sa panganib na kaniyang susuungin.
Bumalik ako sa aking sarili mula sa malalim kong iniisip nang aking maramdaman ang paghaplos sa aking buhok.
Napatingin ako kay diwata Aloja na siyang humahaplos doon.
"Bon, naiintindihan ko ang iyong mga agam-agam ngunit ayos lamang na pumasok ako roon. Pangalan lamang naman iyon ngunit ang totoo ay lugar lamang din naman iyon sa karagatang ito. May tiwala ako kay Hemira na magiging maayos ang lahat ng ito. Tiwala ako sa kaniya na mapalalabas niya ang kung sinumang traydor sa ating kaharian na walang nangyayari sa aking masama o sa inyo man din sapagkat nararamdaman ko sa aking puso na kayang gawin iyon ni Hemira."
Ngumiti siya nang napakasinsero. "Hindi ba't niligtas niya ako sa huling minuto ng aking buhay? Alam kong magagawa niya ring iligtas ang ating kaharian mula sa masamang nabubuhay na iyon na nagtangka sa aking buhay." puno ng determinasyon niyang sabi.
Ngayon ko lamang siyang nakitang ganito kadeterminado.
Bumaling na muli siya ng tingin sa palasyo.
Hindi na talaga siya magpapapigil kaya naman hindi ko na siya kinulit pa. Mukhang buong-buo na ang loob niya na ito'y kaniyang gagawin.
"Kung gayon po ay hindi ko na kayo pipigilan." Yumuko ako sa kaniya upang magpakita ng galang.
"Simulan na natin ang ating misyon!" kaniyang sabi kaya naman sabay-sabay kaming tumango ng apat na kawal na aming kasama.
Maingat na namin ang telang sako sa kaniyang ulo upang isaklob iyon doon.
"Patawad diwata sa aming ginawang ito." hinging tawad namin dahil sa bagay na ito.
Umiling siya. "Ayos lamang Bon. Ginagawa n'yo naman ito para sa ating kaharian kaya ipagmalaki ninyo ang araw na ito."
Alam kong nakangiti siya ngayon kahit hindi ko makita ang kaniyang mukha.
Hinawakan na siya sa kaniyang braso ng isang kawal at ang isang kawal naman ay sa kabila niyang braso. Kami'y lumangoy na papuntang pintuan ng palasyo.
Hinawi ng mga kawal na aming kakampi ang mga makarang nakaharang sa daanan kaya naman naagaw namin ang kanilang atensyon.
"Nahuli na namin ang taong nagkatawang makara! Nahuli na namin ang taong nagkatawang makara!" sigaw ko kaya napalingon sa amin ang lahat ng kawal at mga makara roon.
Napuno ng bulungan ang mga makarang nakasasaksi sa mga pangyayari.
Agad namang lumangoy palapit sa amin ang pitong kawal na tagapagbantay sa pintuan ng palasyo.
"Tama ba ang aming narinig na nahuli n'yo na ang taong nagkatawang makara na pumatay sa ating diwata?" tanong sa akin ng isang kawal ng palasyo.
"Oo. Siya'y aming nahuli na nagtatago sa likod ng isang bato."
Tumabi ako nang kaunti upang makita na nila si diwata Aloja na nagpapanggap na si Hemira.
Napasinghap ang marami nang makita nila ang makarang hawak hawak ng dalawang kawal sa braso na nanlalaban pa.
"Ngunit bakit isa pa rin siyang makara hanggang ngayon? Hindi ba dapat ay bumalik na siya sa kaniyang pagiging tao sa dami na ng oras na dumaan. Batid kong apat na oras lamang ang bisa ng perlas ng Keledones. May nakakitang isang makara ilang oras na ang nakalilipas na tinulungan ng isa pang makara ang taong iyan nang siya'y atakihin ng dugo ng rami kaya naman lubhang nakapagtataka na siya'y makara pa rin hanggang ngayon. At isa pa, bakit nakasako ang kaniyang ulo?" may pagtatakang tanong ng isa pang kawal sa akin.
"Aking ipaliliwanag sa inyo ang nangyari dahil siya'y tinanong na rin namin kanina. Ang dahilan kung bakit siya'y isang makara pa rin hanggang ngayon ay sapagkat lumunok muli siya ng perlas ng Keledones nang mawala na ang bisa ng unang perlas na kaniyang ininom kaya naman—"
"Ngunit saan niya naman nakuha ang perlas ng Keledones na sinabi mong kaniyang nilunok?" tanong naman ng isang makara na malapit sa amin kaya napatigil ako sa aking pinapaliwanag.
"Mayroon siyang kasamang Keledones sa kaniyang kulungan na nagngangalang Uriway at binigyan siya nito ng perlas na magbabalik sa kaniya sa pagiging makara." walang emosyong aking saad.
Napasinghap na naman ang marami.
"Ano? Buhay pa rin ang Keledones na iyon? Akala namin ay siya'y sinestensyahan na ng kamatayan dahil siya ang nagbigay ng malubhang karamdaman kay diwatang Aloja?"
"Tama! Hindi na dapat nabubuhay ang mga katulad ng isang iyon!" reklamo nang marami.
"Tahimik! Hindi iyan ang usapin na ating dapat na tinatalakay ngayon!" sigaw ng isang kawal na kararating lamang kaya natahimik ang lahat.
Sa aking tingin ay siya'y isa sa pinuno ng grupo ng mga kawal na ito dahil nagsiyukuan ang pitong kawal sa kaniya.
Hindi ko siya kilala sapagkat masyadong maraming kawal ang aming palasyo at bawat grupo ng kawal ay may pinuno.
Sa aming grupo ngayon ay ako ang tumatayong pinuno.
Sa tingin ko ay nasa gulang ko lamang siya at mayroong espada sa kaniyang baywang. Mas magara ang kaniyang kasuotan kumapara sa mga ordinaryong kawal at kulay mapusyaw na dilaw ang kaniyang buntot.
"Ituloy mo ang iyong paliwanag kung bakit nakasako ang kaniyang ulo." Nakatitig siya nang diretso sa aking mga mata ngunit halata kong inoobserbahan niyang mabuti ai diwata Aloja na nagpapanggap na si Hemira.
"Nilagyan namin ng telang sako ang kaniyang ulo upang hindi siya makatakas at makapanglaban sa amin. Maganda ang kaniyang istilo ng pakikipaglaban kaya naisipan naming gawin iyan." walang pag-aalinlangan kong sabi.
"Ganoon ba?" tanong niya ngunit ako'y nakaramdam ng kaba nang lumapit siya kay diwata Aloja na nanlalaban ngayon sa hawak ng dalawa naming kakamping kawal.
"Subalit nais kong makita ang kaniyang mukha." Itinaas niya ang kaniyang kamay at akmang tatanggalin na ang sakong nasa ulo ng aming diwata.
Hindi maaari!
Kung malaman nilang hindi talaga si Hemira ang aming kasama ngayon ay masisira ang aming plano.
At isa pa, pag nalaman nilang ang aming diwata ay buhay pa, siguradong siya'y pababalikin agad sa kaniyang silid sa loob ng palasyo at siguradong magagawan na naman siya ng kasamaan ng isang makarang hindi pa namin batid kung sino!
Hindi ko nais ndanasin pang muli ng aming diwata ang sakit na kaniyang pinagdaanan ngunit hindi ko alam ang aking gagawin!
Kung pipigilan ko ang pinuno ng mga kawal na ito na alisin ang sako sa kaniyang ulo ay magsususpetsa sila sa amin ng kung ano.
Ano na ang aking gagawin?!
"Pinuno! Ang Keledones na si Uriway ay dinala na sa lugar parusahan. Handa na po ang lahat upang siya ay parusahan," sabi ng isang kawal na kararating pa lamang kaya naman napatigil ang pinuno ng kawal sa pagtanggal sa sakong nakalagay sa ulo ng aming diwata.
Sikretong nakahinga ako nang maluwag dahil sa nangyari.
"Sige, isama n'yo na rin ang makarang ito sa lugar parusahan at sabay silang parusahan ng Keledones na iyon!" utos niya sa kawal na iyon.
"Masusunod po, pinunong Gelim!" sabay sabay na sabi ng mga kawal na kaniyang pinamumunuan.
Tumingin siya sa akin. "Ngunit maaari ko bang malaman kung ano ang iyong posisyon sa iyong grupo ng kawal?"
"Ako ang pinuno ng grupong ito." walang emosyong aking sabi. Ni hindi ako kumurap.
Tumango-tango lamang siya at ngumiti. "Kung gayon ay ikaw na lamang ang bahalang mamahala sa aking mga kawal at sa iyong mga kawal na magdala sa babaeng iyan sa lugar parusahan."
Tumango ako ngunit nahuli ko ang kakaibang tingin niya sa aming diwata. Hindi ko maipaliwanag ang kaniyang tingin ngunit hindi ako nagpahalata sa kaniya sa aking napansin.
Lumangoy na kami paalis.
Nagbigay ng daan ang mga makara ngunit kung anu-anong salita ang kanilang sinasabi.
"Pinatay mo ang aming diwata kaya dapat kang maparusahan!"
"Ibalik mo ang katawan ng aming diwata!"
"Napakasama mo! Ikaw na isang mostro!"
May biglang bumato ng isang bato sa aming diwata at hindi ko naharang iyon bagkus iba ang gumawa.
Hindi ko inaasahan na iyon ang pinuno ng mga kawal na si Gelim. Nagdurugo ang kaniyang noo. Siya ang humarang ng bato na dapat ay tatama sa aming diwata. "Tigilan na ninyo ang nais n'yong pagparusa sa kaniya sapagkat mamaya rin lamang ay makikita ninyo ang parusang gagawin namin sa kaniya. Doon n'yo na lamang ibuhos ang inyong galit sa mostro na ito." seryoso niyang sabi sa mga makarang nakapaligid sa amin kaya natahimik ang mga ito.
Tiningnan ko ang kaniyang mukha ngunit blangko lamang ang kaniyang ekspresyon. Hindi ko mawari ang pinuno ng kawal na ito na nagngangalang Gelim.
Dapat ko ba siyang pagsuspetsahan na siya ang traydor ng aming kaharian o hindi?
Lumangoy na kami papaalis ng mga kawal na aming kakampi hawak-hawak ang aming diwata pati na rin ang mga kawal na pinamumunuan ni Gelim.
Kasunod rin namin ang mga makara dahil siguradong nais nilang mapanuod ang gagawing pagpaparusa na gagawin sa Keledones na si Uriway at kay Hemira na nagsasagawa ngayon ng kaniyang plano para sa palasyo.
* * *
Lugar parusahan - ito ang lugar kung saan dinadala ang mga makarang may parusang kamatayan.
Ito ay may isang mataas na entablado kung saan may dalawang kawal na makara ang may hawak na espada at kapag hinudyatan na sila na ikaw ay patayin ay sabay nilang isasak-sak sa iyo ang kanilang espada. Pagkatapos ay dadalhin ang iyong patay na katawan sa mga nabubuhay na pangkatubigan na nakakulong sa madilim na parte ng karagatan.
Sila'y gutom na gutom sa laman ng makara at sa kanila ipapakain ang iyong patay na katawan.