Chapter 8 - Kuweba
~Hemira~
Nagising ako sa isang kwarto na madilim ang kalahating dulong parte at natatangalawan naman ng liwanag ang kalahati pa kung saan ako naroon.
Dalawa sa mga katulad ni Anol ang nasa labas at sa kanila nanggagaling ang liwanag na iyon ngunit nang aking mapansin na isang rehas pala ang silid na ito ay agad akong lumangoy patayo at kumapit sa bakal na rehas. Hindi kasya ang aking ulo kaya naman hindi ako makalabas.
Mayroong mga kawal na makara ang nakabantay sa labas.
"Buksan n'yo ito! May misyon pa akong kailangang tapusin kaya hindi n'yo ako maaaring ikulong!" Hinampas ko ng aking buntot ang rehas at naglikha iyon ng malakas na ingay. Pinaghahampas ko pa iyon nang lubos at lalong lumalakas ang ingay na aking nagagawa. "Palabasin n'yo ako rito! Katumbas ng aking buhay ang ikaliligtas ng marami kaya naman pakiusap! Ilabas n'yo na ako rit—"
♫ Marikit na binibini... ♫
♫ Sa ilalim ng karagatan ♫
Napatigil ako nang isang napakagandang himig ang aking narinig. Nanggagaling iyon dito sa loob ng rehas sa may madilim na parte.
♫ Iyong buntot, kayganda ♫
♫ Lubusang nakahahalina... ♫
Tila ba ako'y naaakit sa kaniyang napakagandang himig.
Isang napakagandang babaeng makara ang lumabas mula sa dilim. Kulay pula ang kaniyang buntot ngunit may kakaiba roon kaysa sa buntot ng mga makara sapagkat may tulis ang kaniyang mga palipik. Itim na itim ang kaniyang buhok na hanggang kaniyang balikat at may suot siyang mga perlas na kulay asul.
Suot niya'y dalawang malaking kabibe sa kaniyang dibdib.
♫ Hmmmmm.... Hmmmm... ♫ Patuloy lamang ang kaniyang paghimig.
Wala sa sariling lumapit ako sa kaniya.
Biglang nagbago ang kaniyang itsura. Naging mabalasik iyon. Lumaki ang itim ng kaniyang mga mata at ang kaniyang mga ngipin ay naging katulad ng sa Rami.
Napakatutulis.
"Halika at lumapit ka sa akin," utos niya.
Dahil doon ay mas lalo akong lumapit sa kaniya. Niyakap niya ako at yumakap rin ako pabalik sa kaniya.
Hindi na ako makapag-isip nang matino.
"Napakaganda mo. Ngayon lamang ako nakakita ng isang maharlikang makara." Hinahaplos niya ang aking buhok pqgkatapos ay humiwalay na ng pagkakayakap sa akin.
Bumalik na sa dati ang kaniyang mukha. Maganda na siyang muli at siya'y ngumiti. "Tunay na kay ganda ng iyong mukha. Isang kaibigan ang aking naaalala mula sa iyo dahil sa iyong kagandahan. Ano ang iyong pangalan?"
"Hemira." walang anu-anong sagot ko.
"Hemira? Napakagandang pangalan. Ako naman si Uriway. Base sa iyong kasuotan, ikaw ay isang mandirigma ngunit ano ang ibig sabihin mo sa iyong sinabi kanina na katumbas ng iyong buhay ang ikaliligtas nang marami? Nais ko lamang malaman."
Pilit kong ibinabalik ang aking katinuan upang hindi ko masabi sa kaniya ang nais niyang malaman ngunit muli siyang humimig.
♫ Sabihin ang aking nais... ♫
♫ Tiwala kang intensyon ko'y malinis ♫
♫ Hmmmm... ♫
"Kailangan ko ang librong Ariadne na binabantayan ni diwata Aloja upang makapaglakbay. Kailangan kong iligtas ang prinsesa ng Gemuria na kinuha ng pulang mangkukulam na si Abellona at magagawa ko lamang iyon kung ako'y may buhay," sagot ko sa kaniya kahit hindi ko naman nais sabihin ang mga iyon habang siya ay patuloy na humihimig.
Isa siyang Keledones!
Inakit niya ako ng kaniyang himig upang masabi ko sa kaniya ang gusto niyang malaman mula sa akin.
Kailangan kong saktan ang aking sarili upang makawala ako sa kaniyang hipnotismo ngunit hindi ko man lamang magawang gumalaw at utusan ang aking katawan.
"Prinsesa ng Gemuria? Ang anak ni reyna Devora at haring Herman ay binihag ng pulang mangkukulam na si Abellona?!" Siya'y natigagal. "Kaya pala mas dumami na ang bilang naming mga Keledones dahil naghahari na ang kasamaan." Napuno ng pag-aalala ang kaniyang mukha na aking ipinagtaka.
Naramdaman ko na maaari ko nang maigalaw ang aking katawan kaya agad akong lumayo sa kaniya. Pinakita ko sa kaniyang aatakihin ko siya sa isang maling galaw niya lamang.
"Wag kang matakot, Hemira. Wala akong balak na masama sa iyo o sa sikretong aking nalaman. Magtiwala ka." pakikiusap niya ngunit hindi ko pa rin magawang ibigay sa kaniya ang aking tiwala.
Nginitian niya na lamang ako at bumalik sa madilim na parte nitong rehas. "Kahanga-hanga ka, Hemira. Iniisip mo ang iyong buhay hindi dahil sa sarili mong kapakanan kundi para sa iba. Ikaw ay akin nang iginagalang dahil sa iyong tapang na tanggapin ang isang napakabigat na misyon na katulad niyon," sabi niya ngunit naramdaman ko na bigla na lamang akong hindi makahinga.
Ang aking buntot ay bumabalik nang muli sa pagiging mga paa. Tinakpan ko ang aking ilong at bibig upang hindi ako maka-inom ng tubig.
Mukhang tapos na talaga ang aking apat na oras!
Puminta ang pagkagulat sa mukha ng Keledones na si Uriway dahil sa nangyayari sa akin.
Kumapit ako sa may rehas at akin iyong pinaghahampas. Kailangan ko ng hangin!
Hindi na talaga ako makahinga.
Naramdaman kong may yumakap sa akin sa aking likuran. "Mga mahaharlika lamang ang aking binibigyan nito ngunit dahil ikaw ay aking iginagalang at ililigtas mo pa ang prinsesa ng Gemuria, bibigyan kita ng isa sa aking mga perlas upang muli kang maging isang makara." mabilis na bulong ni Uriway sa akin at may isinubo siyang bilog na bagay sa aking bibig na agad ko namang nilunok kahit hindi na talaga ako makahinga.
Naging tubig muli iyon sa aking lalamunan at nasamid pa ako ngunit tinakpan niya ang aking bibig. "Kaunting tiis na lamang at ika'y muling babalik na sa pagiging makara."
Naramdaman ko na muling naging isa ang aking mga paa at nang tuluyan na akong makahinga rito sa tubig ay agad akong lumanghap ng hangin. Habol na habol ko ang aking hininga.
Ang aking paghinga lamang ang maririnig sa katahimikan ng lugar na ito. "M-Maraming s-salamat... Uriway... T-tatanawin kong isang... u-utang na loob... ang iyong ginawang pagliligtas sa akin." paputol-putol kong sabi sapagkat habol ko pa rin ang aking hininga. Napatingin ako kaniya na nakatitig lamang sa aking buntot kaya napatingin rin ako roon.
Mas guminto pa ito kaysa sa nauna kong naging buntot. Mas mahabang palikpik na gintong ginto at mas makikislap na kaliskis.
Napatingin ako sa kaniya.
"Ikaw ay isang tunay na maharlika?" hindi makapaniwalang tanong niya sa akin na akin namang ipinagtaka.
"Hindi. Ako'y isang abang heneral lamang ng mga mandirigma at hindi ako isang maharlika."
"Ngunit paanong gan'yan kaginto ang iyong buntot?" Hindi pa rin siya makapaniwala.
Napa-isip ako sa kaniyang katanungan. "Marahil nakalaan lamang sa mga mahaharlika ang perlas na iyong ibinigay kaya naman ganito ang aking buntot," paliwanag ko sa kaniya kahit hindi ako sigurado.
"Marahil nga. Sa katunayan ay ikaw ang ikalawa sa binigyan ko ng aking perlas kaya hindi ko rin batid na gan' yan ang bisa niyan," sabi niya ngunit mayroon pa ring iba sa kaniyang tingin sa akin.
"Muli akong nagpapasalamat sa iyong ginawang kabutihan sa akin. Maraming maraming salamat talaga. Ngayon ay nakuha mo na ang aking tiwala. Patawarin mo ako kung ikaw ay aking pinag-isipan nang masama."
Ngumiti siya nang malawak. "Ayos lamang iyon Hemira."
Nang ako'y may maisip ay nagtataka akong napatingin sa kaniya. "Ngunit matanong ko lamang. Bakit nais mong mailigtas ang prinsesa ng Gemuria at binigyan mo pa ako ng perlas para roon? Ano ang koneksyon mo sa kaniya?"
Lumangoy naman siya palapit sa akin. "Iyon ay dahil kaibigan ko ang kaniyang ina."
Namilog ang aking mga mata. "Kaibigan mo si reyna Devora?!"
Tumango naman siya.
Kung gayon ay sa kaniya pala nanggaling ang perlas na una kong ginamit.
"Sya lamang ang trumato sa akin ng puno ng kabutihan. Isa siyang napakabuting babae at dahil sa kaniya ay unti-unting nagbago ang aking pananaw sa aking buhay." sinsero niyang wika.
"Ngunit bakit ka naririto? Nabihag ka ba ng mga makara?"
Lumungkot ang kaniyang mukha. "Oo, ganoon na nga. Ang nais ko lamang naman ay maging kabilang na sa kanila. Ayoko nang maging isang Keledones at ituring na isang kaaway nang marami. Nais kong maging isa ng makara kaya naman pumunta ako rito sa Syierian upang magbagong buhay ngunit nagsimula ang karamdaman ni Aloja nang ako'y dumating kaya naman ako ang pinagbintangan nila na nagbigay sa kanilang diwata ng malubhang karamdaman kaya ako'y kanilang kinulong dito. Mahigit tatlong linggo na akong naririto at nakakulong... mag-isa."
BLAAAAAAGGG!
Nagulat kaming pareho nang biglang may nagbagsakang kung ano sa may labas malayo sa aming rehas.
"Gusto lamang naman namin siyang makita! Hindi ba maaari iyon?!"
"Oo nga! Isa siyang tao at baka ngayon ay bumalik na siya sa pagiging tao niya! Baka hindi na siya makahinga ngayon!" Narinig ko ang dalawang pamilyar na boses sa labas.
Sila Bon at Anol iyon!
Agad akong kumapit sa rehas at pilit kong tiningnan ang gilid na daanan upang sakaling makita man lamang sila.
"Hindi nga maaari! Isa siya sa mga traydor sa ating kaharian! Siya ang pumaslang sa ating diwata kaya hindi n'yo dapat siya puntahan kung ayaw n'yong pati kayo ay amin na ring ikulong sa pagkampi sa kaniya!" sigaw naman ng isang mabaritonong boses na paniguradong bantay na kawal.
"Ngunit kakausapin lamang naman namin siya!" May pagmamakaawa na ang boses ni Bon.
"Sinabi nang hindi maaari! Pinagbigyan na namin kayo na ikulong muna siya ngunit darating din ang araw na sila'y sisistensyahan ng kamatayan ng Keledones na kasama niya sa kaniyang kulungan!" sabi pang muli ng kawal.
"Ano?! Ipapapatay pa rin siya?! At higit sa lahat, may kasama siyang Keledones?!" boses naman iyon ni Anol na bakas na bakas ang hindi pagkapaniwala.
"Bon! Anol!" tawag ko sa kanila.
"Hemira!" tawag naman nila sa aking dalawa.
"Hoy! Magsitigil kayo!" sigaw ng isang kawal at rinig na rinig ko ang mga bula sa tubig na tila ba may naghahabulan sa paglangoy.
Nagulat ako nang biglang sumalubong ang mukha sa akin ni Bon sa may rehas na aking kinakapitan. Puno ng pag-aalala ang kaniyang mukha. Si Anol naman ay nasa kaniyang tabi at ang bilis ng kaniyang pagliit at paglaki.
Ang mga kawal na nakabantay sa amin ay pinaghahampas ni Bon ng kaniyang buntot kaya naman nawalan ng malay ang mga ito. Kinakausap naman ni Anol ang mga katulad niyang nabubuhay na nasa labas rin.
"Ayos ka lamang ba, Hemira? Tapos na ang iyong kalahating oras ngunit bakit isang makara ka pa rin?" tanong sa akin ni Bon.
"Oo, ayos lamang ako. Tinulungan ako ni Uriway."
Napatingin naman siya kay Uriway na nakangiti sa kaniya. Nagkaroon ng takot ang kaniyang mata ngunit tumingin na muli siya sa akin. "M-Mabuti kung ganoon." Nagmamadali na siyang pumunta sa may susian ng kulungang ito at binuksan iyon gamit ang susing kaniyang hawak.
Binuksan niya na ang bakal na pintong rehas.
"Paanong—"
"Saka ko na lamang ipapaliwanag sa iyo Hemira. Sa ngayon ay kailangan mo munang tumakas." Hinawakan na ni Bon ang aking kamay at hinila ako palabas.
Napatingin ako sa paligid. Kulay itim na ang tubig. Dahil pala iyon sa sabay-sabay na pagbuga nila Anol at ng kaniyang mga kauri ng itim na tinta. Mahina na rin ang liwanag sa kanilang katawan.
"Hindi na tayo makikita nang maayos niyan ng mga kawal dahil sa tinta at mahinang liwanag nila Anol, "wika ni Bon ngunit tumigil muna ako saglit sa paglangoy.
Nilingon ko si Uriway. "Paano na si Uriway?" Napatingin rin sila sa Keledones na nakangiti lamang sa amin.
"Hayaan n'yo na ako Hemira. Ayos lamang ako rito. Kung tatakas ako rito sa aking kulungan ay mas lalong mawawalan ng tiwala sa akin ang mga makara at hindi na nila ako hahayaan pang maging kabilang nila." nakangiti pa rin niyang sabi.
"Ngunit—"
"Tara na Hemira! Wala na tayong oras! Aabutan na tayo ng mga kawal!" Hinila na ako ni Bon palayo.
"Uriway!"
Hindi ko na makita ang kaniyang nakangiting mukha dahil sa itim na tubig na aming dinaanan.
Lumangoy lamang kami nang mabilis sa abot ng aming makakaya ngunit naramdaman kong may humawak sa aking buntot. Agad ko naman iyong pinagaspas nang malakas upang mapabitaw ang kung sinumang humawak sa aking iyon. Nagtagumpay naman ako.
Lumangoy na kami pataas nila Bon.
Isang lagusan ang aming dinaanan at nang makalabas na kami roon ay hindi pa rin kami tumigil sa mabilis na paglangoy.
"Saan n'yo ba ako dadalhin Bon? Hindi ba't kayo'y galit rin sa akin dahil ang pagpanaw ni Aloja ay aking kagagawan? Bakit muli n'yo akong iniligtas?" tanong ko sa kanila ngunit hindi naman nila ako sinasagot.
Maya-maya ay may sumalubong sa aming isang lalaking makara na kulay abo ang buntot. May ibinigay siya sa aking isang mahabang telang kulay puti.
"Salamat Neb," sabi sa kaniya ni Bon ngunit hindi siya nito pinansin bagkus ay sa akin tumingin at ngumiti.
Kinindatan pa ako nito habang malawak pa ring nakangiti. "Napakaganda mo binibini. Maaari ko bang halikan ang iyong kamay?" Akmang kukunin niya ang aking kamay ngunit hinarang siya ni Anol.
"Tigilan mo na iyan Neb dahil kami'y mauuna na. Baka kami'y maabutan pa ng mga kawal na humahabol sa amin," sabi nito at muli na kaming lumangoy paalis.
Ibinigay sa akin ni Bon ang telang puting iyon. "Balutin mo niyan ang iyong baywang at magbabago ang kulay ng iyong buntot upang walang makakilala sa iyo. Hindi iyan magiging pabigat sapagkat wala yang magiging bigat kapag iyong isinuot."
Tumalima naman ako at doon ay naging kulay lila nga ang aking buntot ngunit ginto pa rin naman ang aking palikpik.
Patuloy lamang kami sa aming paglangoy at nang malayo na ang aming narating ay hindi pa rin sila nagsasalitang dalawa.
Natanaw ko ang isang kuweba at nang marating namin iyon ay pumasok kami roon. Hindi ko inaaaahan na puno ng mga kawal na makara ang lugar na ito at ilang katulad ni Anol ang nagbibigay ng liwanag.
Sumibol ang kaba sa aking dibdib.
Bakit nila ako dinala rito? Hindi ba't tumakas kami kanina sa mga kawal ngunit bakit naman nila ako dinala sa mas marami pa?
Lalangoy na sana ako palayo upang tumakas ngunit may humawak sa aking kamay at si Bon iyon. Seryoso lamang siyang nakatingin sa akin.
Pinalibutan na kami ng mga kawal na makara.
Dito na ba nila isasagawa ang pagkuha sa aking buhay?
"Maligayang pagdating, mandirigma ng Gemuria!"
Nagulat ako nang biglang sabihin iyon ng mga kawal na makarang nakapalibot sa amin at saka sila nagsiyukuan. Nagtaka naman ako sa kanilang sinabi at inakto.
Napatingin ako kina Bon at Anol at ngiting-ngiti na ang dalawa sa akin.
"Wahahaha! Hemira! Nakakatawa ang iyong reaksyon!" tawang-tawang sabi ni Anol.
Hindi ko pa rin naintindihan ang nangyayari.
"Halika. May pupuntahan tayo. Tanggalin mo na ang tela sa iyong baywang," utos sa akin ni Bon kaya tinanggal ko na nga iyon at bumalik sa pagiging ginto ang kulay ng aking buntot.
Lumangoy kami papasok pa ng kalooban ng kuweba. Isang napakalaking kabibe ang aking nakita. Puting puti iyon at pinalilibutan ng mga kawal na makara. Bigla iyong bumukas na naglikha ng malalaking bula sa tubig.
Nanlaki ang aking mga mata nang makita kung sino ang nasa loob niyon.
"Tunay ngang napakaganda ng mandirigmang nagbigay sa akin ng aking lunas." nakangiting wika ng makara na lumangoy papunta sa akin.
Namilog ang aking mata at ako'y napasinghap pa.
"Aloja?!"
Buhay siya?!
Mas lalo siyang gumanda kaysa noong may karamdaman pa siya. Puting puti nang muli ang kaniyang buhok na kanina'y naging itim at ang malaporselana niyang kutis ay kapansin-pansin.
Kumikislap nga rin ang kaniyang gintong buntot at ang makukulay niyang mga palikpik.
Tinitigan niya ang aking mga mata. Muli kong nakita ang asul na asul niyang mga mata.
Lumangoy siya palapit sa akin at hinawakan niya aking pisngi. "Maraming salamat sa iyo, Hemira. Iniligtas mo ang aking buhay pati na rin ang karagatang Syierian. Kung hindi ka dumating ay maaaring hanggang ngayon ay nakasadlak pa rin ako sa aking higaan at patuloy na pinahihirapan ng aking karamdaman."
Agad akong yumuko sa kaniya bilang pagbibigay galang. "Ikinararangal ko na iligtas ang inyong buhay, mahal na diwata."
"Hindi... Huwag mo akong yukuan. Huwag mo akong ituring na nakatataas sa iyo ngunit tingnan mo ako bilang isang kaibigan," sabi niya kaya naman iniangat ko na ang aking ulo.
Nakangiti siya sa akin. "Patawarin mo ako Hemira dahil sa natanggap mong pagtrato mula sa aking mga kawal. Akala nila'y ako ay pumanaw na dahil sa iyong ipinainom na lunas sa akin kaya naman nagawa nila sa iyo iyon ngunit nang aayusan na sana ako upang paglamayan ng mga makara ang aking patay na katawan ay nagising ako at muling bumalik ang aking buhay."
Lumangoy siya palapit sa mga nakayukong sila Bon at Anol. "Kaya naman Bon at Anol, maraming salamat sa pagsundo n'yo sa aking tagapagligtas sa kulungang pinagdalhan sa kaniya."
Ngumiti sila at yumuko si Bon. "Ikinagagalak po namin ang pagtulong sa inyo, mahal na diwata."
Napangiti naman siya at lumangoy na pabalik sa akin. "Lahat ng naririto, iwan n'yo muna kaming dalawa ni Hemira upang kami'y makapag-usap," utos niya kaya lumangoy na papaalis ang mga kawal.
Pati sila Bon at Anol ay lumangoy na rin paalis. Kami na lamang dalawa ang natira at madilim rito dahil umalis na rin ang mga kauri ni Anol. Ipinitik niya ang kaniyang kamay at nagkaroon ng liwanag ang lugar na ito ngayon.
Namangha ako nang lubos at napatingin sa paligid.
"Nalaman ko mula kina Bon na naririto ka upang kunin sa akin ang binabantayan kong maalamat na librong Ariadne, tama ba?"
Nanlaki ang aking mga mata na napatingin muli sa kaniya. Doon ay naalala ko ang tungkol sa librong iyon. "Oo, Aloja. Kailangan ko ang librong iyon upang makapaglakabay ako papuntang Abellon."
Unti-unting nanlaki ang kaniyang mga mata. "Ika'y maglalakbay papuntang Abellon? Ano ang gagawin mo sa kahariang iyon ng pulang mangkukulam?"
"Ang prinsesa ng Gemuria ay kanilang binihag at kailangan ko siyang iligtas. Nasa Abellon siya ngayon. Kapag magawa nilang mapatay ang prinsesa, ang ating mundo ay mababalot ng kasamaan at wala nang makapipigil pa sa kanila."
Halata naman ang pagkagimbal sa kaniyang mukha dahil sa nalaman.
"Kung gayon ay pumapayag na ako. Akin na siyang ibibigay sa iyo ngunit may dalawang balakid sa gagawin kong iyon."
Nausisa ako. "Ano ang mga balakid na iyon, Aloja?"
Napahinga siya nang malalim. "Isa sa mga makarang malapit sa akin ay isang traydor. Siya ang nagbigay sa akin ng karamdaman at nasa palasyo ko siya ngayon."
Matiim akong nakinig sa kaniya.
"Ang nangyari pagkatapos kong magising kanina ay inutusan ko ang nag-aayos sa akin na huwag sasabihin kahit kanino na ako'y nagising. Sinabi ko sa kaniya na huwag nang paglamayan ang aking katawan upang walang makaalam na hindi pa talaga ako pumanaw at sabihing nawala na lamang akong tila bula. Ipinatawag ko rin sa kaniya ang mga pinagkakatiwalaan kong mga kawal upang ako'y pasikretong dalhin sa lugar na ito. Ika'y aking ipinasundo kina Bon at palabasing pagtakas ang inyong ginawa upang lamang maka-usap kita."
"Ngunit sino naman ang traydor na iyon?"
Umiling lamang siya. "Hindi ko alam. Nang magsimula akong magkaroon ng karamdaman ay unti-unti nang nabubura ang aking memorya sa mga araw na nangyari bago ako magkaroon niyon ngunit ang batid ko lamang ay isa siya sa mga malalapit sa akin sa kaharian."
Napaisip ako sa kaniyang sinabi. "Kailangan pala nating gumawa ng plano upang mapalabas kung sino ang traydor na iyon."
Tumango naman siya sa aking sinabi.
Nag-isip ako sandali upang bumuo ng plano.
Napatingin ako sa buntot namin pareho. Katulad ng aking buntot kanina lamang ang kaniya. Tiningnan ko ang akin. Napakalaki na ng pagbabago roon dahil mas guminto iyon.
Napangiti ako. Maaari kong malusutan ang ganito kaliit na pagkakaiba.
"Mukhang may naisip ka ng paraan upang malaman natin kung sino ang traydor sa kaharian." Nakatingin siya sa aking nakangiting mga labi.
Mas lalo akong napangiti. "Sisiguraduhin ko na mapapaamin ko ang kung sinumang traydor na iyon."
Hindi na ako maaari pang magtagal dito.
Ilang minuto na lamang ang natitira sa akin at kung kanila akong ikukulong ay malamang na ikamamatay ko ang pagkalunod dito sa ikalaliman ng dagat ng Syierian.
"B-bon..." nanghihinang tawag ko sa kaniya hanggang sa nawalan na akong muli ng ulirat.