Hemira 7.1

2345 Words
Chapter 7.1 - Lunas Ilang minuto na ang lumipas... Malayo na ang aming nalangoy at natatanaw ko na ang isang malaki at maliwanag na palasyo. Ang paligid ay madilim ngunit tanging ang palasyong iyon lamang ang maliwanag dahil marami ang nakapalibot roon na mga katulad ni Anol. Balot iyon ng mga nakagapang sa pader na halamang dagat. Maraming makara ngayon ang kasabay namin sa paglangoy at papunta na rin sila sa palasyong iyon. Lahat sila ay malulungkot ang mga mukha. Iba't-iba ang kulay ng kanilang mga buntot. May mga lalaki at may mga babae. Mayroon ring mga bata at matatanda. "Iyon na ang tahanan ng aming diwata. Noon ay napakaganda ng palasyong iyan pati na ng aming karagatan ngunit ngayon ay unti-unti nang nawawalan ng buhay kasabay ng aming diwata." Napatingin ako kay Anol na bakas na bakas ang kalungkutan sa mukha. Napansin kong nagtitinginan sa akin ang mga makarang aming nadadaan lalo na sa aking buntot. "Isang maharlikang makara ang bibisita sa ating diwata." "Saan kayang kaharian siya galing?" "Kapares ng kaniyang buntot ang gintong buntot ng ating diwatang si Aloja." naririnig kong pag-uusap nila habang lumalangoy kasabay namin. Akala rin siguro nila ay isa akong maharlika ngunit hindi ko na iyon pinansin. Isang pinto ang aming pinuntahan at nakabukas lamang iyon. Doon nagsisipasok ang malulungkot na mga makara. Pumasok na si Anol at Bon kaya naman ako'y pumasok na rin. Isang maliwanag at malawak na kwarto ang bumungad sa akin. Napakaraming makara na ang naririto bukod pa sa mga nasa labas na papasok pa lamang at pati na rin ang iba pang mga nabubuhay na pangkatubigan ay mga naririto rin. Pulos mga halamang dagat ang disenyo sa paligid at may napakagandang higaang gawa sa mga pinagsama-samang mga halamang dagat ang nasa gitna ng silid na ito. May mga makara na sa aking tingin ay mga kawal ang nakabantay sa apat na sulok ng higaang iyon. May mga espada silang hawak at halata rin ang kalungkutan sa kanilang mga mukha. Nakahiga naman sa higaang iyon ang isang makarang babae na hinang-hina na ngunit halata pa rin ang kagandahan sa kaniyang mukha. May ginto siyang buntot ngunit ang kulay niyon ay unti-unti nang pumuputla at may napakahaba rin siyang puting buhok na mayroong koronang mga halamang dagat na may disenyo ng mga maliliit na kabibe. May suot siyang kwintas na gawa sa puting perlas at ang kasuotan niya sa kaniyang dibdib ay dalawang kabibeng malalaki. Siguradong siya si Aloja. Siya ang diwatang aking hinahanap na nagbabantay sa librong Ariadne. "Sya ang aming diwatang si Aloja, Hemira. Kitang-kita mo naman kung gaano siya nahihirapan sa kaniyang karamdaman. Hindi namin alam kung paano niya nakuha ang karamdamang iyan. Basta na lamang isang araw ay nagsimula nang umitim ang karagatang ito ng Syierian at doon na siya nanghina nang nanghina." Napatingin ako kay Bon sa kaniyang sinabi. "Sumubok na rin akong hanapan siya ng lunas ngunit lagi namang hindi umeepekto ang aking mga nahahanap. Sa tuwing makakakita ako ng mga gamot na maaaring makagamot sa kaniya, lagi akong nabubuhayan ng pag-asa ngunit sa tuwing hindi iyon umeepekto ay lubusang kalungkutan naman ang aking nararamdaman. Unti-unti na akong nawalan ng pag-asa hanggang sa natanggap ko nang wala na talaga kaming magagawa para siya'y iligtas." May mga luha na namang kumawala mula sa kaniyang mga mata. "Napakasakit umasa ngunit ngayong dumating ka at sinabi mong mayroon kang dalang lunas na paniguradong makapagpapagaling sa aming diwata ay muli akong nabuhayan ng loob." Pinunasan niya na ang kaniyang mga luha at napalitan ng kasiyahan ang kaniyang mukha. Pati si Anol ay unti-unti na ring ngumiti. Tumango ako sa kanila saka muli ko nang tiningnan ang nakahigang si Aloja. Isang matandang lalaking makara na kulay berde ang buntot ang lumapit dito. "Ito na po ang aking nahanap na lunas sa ikalimang beses. Sana po ay ito na ang maging lunas sa inyong karamdaman mahal naming diwata." Isinubo ng matandang makara sa diwata ang isang maliit na bilog na bagay na dahan-dahan namang nilunok nito. "Galing pa ang makarang yan sa isang napakalayong kaharian madala lamang sa aming diwata ang nahanap niyang lunas," paliwanag sa akin ni Anol. Bakas sa mga mata ng lahat ng naririto ang pag-asa na gumaling na ang kanilang diwata sa bagay na nilunok nito. Lumipas ang ilang segundo ngunit wala pa ring nagbabago rito. Nanghihina pa rin ito ngunit napasinghap ang lahat nang bigla na lamang itong sumuka ng dugo. "Mahal na diwata!" sigaw nang marami. Nagmamadaling lumapit ang isang makarang babae na sa aking tingin ay kagulang ko lamang. Kulay dilaw ang kaniyang mahabang buhok pati na rin ang kaniyang buntot. Pinulsuhan niya ang leeg ni Aloja. Sya marahil ay isang manggagamot dahil sa iba't-ibang uri ng dahon na suot niya bilang kwintas. Humalo na sa tubig ang isinukang dugo ni Aloja. "Unti-unti nang humihina ang kaniyang pulso! Magmadali kayo at ibigay n'yo sa akin ang mga lunas na inyo pang dala!" aligagang sabi niya sa tatlo pang natitirang nakapila upang magbigay ng lunas. Ubo na nang ubo si Aloja at bawat pag-ubo nito ay may dugong lumalabas sa bibig nito kaya agad akong lumangoy palapit dito. Sa aking tingin ay mayroon na lamang akong labing limang minuto sa lugar na ito. Hindi dapat ako mag-aksaya pa ng panahon. Ibinuka ko ang bibig ni Aloja ngunit may espadang itinutok sa aking leeg kaya napatigil ako sa aking gagawin. "Isa kang pangahas! Sino ka upang lumapit ng gan'yan sa aming diwata?!" sigaw sa akin ng isang kawal na siyang nagtututok ng espada sa aking leeg. "Hemira!" sabay na tawag sa akin nila Anol at Bon. Lumangoy sila palapit sa amin ngunit agad na hinarang at tinutukan din sila ng espada ng dalawa pang kawal na makara. "Batid kong hindi ka tagarito sa Syierian sapagkat ang tanging maharlika lamang sa karagatang ito ay ang aming diwata!" sigaw ng isa pang kawal sa akin at ako'y tinutukan na rin ng espada. "Sya'y isang tao ngunit lumunok lamang siya ng perlas ng Keledones na pagmamay-ari ng isang maharlika kaya ngayon ay mayroon siyang gintong buntot!" nagmamadaling paliwanag ni Bon sa kanila. Nagsimulang umugong ang pag-uusap ng mga makara sa paligid. "Manahimik ka! Hindi ikaw ang aming tinatanong!" sigaw ng kawal sa kaniya kaya naman napatikom siya ng bibig. Bumaling muli ng tingin sa akin ang binibining manggagamot. "Ano ang iyong balak gawin sa kaniya?! Ang may mga dala lamang ng lunas ang pinapalapit namin kay diwatang Aloja! Tingnan mo nga ang iyong sarili! Mayroon ka pang mga nakapapanakit na mga sandata sa iyong katawan pagkatapos ay naglakas loob ka na lumapit sa kaniya! Lapastangan!" galit na sigaw niya habang nakatingin sa aking mga sandata sa aking baywang. Kinuha ko ang aking isang espada at itinapat ko iyon sa kawal na may hawak ng espadang nakatapat sa aking leeg. Narinig ko ang pagsinghap ng mga makarang nakasasaksi sa amin ngayon. Sumeryoso ako. "Kung nais ninyong gumaling ang karamdaman ni Aloja, hayaan n'yo akong lumapit sa kaniya at gawin ang aking kailangang gawin." Hindi pa rin nila inaalis ang pagkakatapat ng mga espada nila sa akin. Napuno na ako ng inis sa kanila. "Hahayaan n'yo na lamang ba siyang mamatay?!" malakas na sigaw ko at halata ang pagkagulat sa kanilang mga mukha. Pinakita ko sa kanila ang makukulay na dahon na aking hawak. "Ito ang lunas na aking dala na makagagamot sa karamdamang ni Aloja! Galing pa ito sa kagubatang Kobal kaya naman nais kong magtiwala kayo sa akin! Wala akong gagawin sa kaniyang masama! Sinisigurado ko na walang mangyayari sa kaniya na hindi kanais-nais kaya naman hayaan n'yo na akong gamutin siya!" Nagkatinginan naman sila sa isa't isa. "Nangangako ka bang ang mga dahong iyan ang makagagamot sa aming diwata? Nakakasiguro ka ba?" sabi ng matandang makara na huling nagbigay ng lunas kay Aloja. Muling umubo ng dugo si Aloja at nagsimula nang magsi-iyakan ang mga makara dahil sa nakikita nilang paghihirap na dinadanas nito. Tumango ako sa katanungang iyon ng matandang makara. Lumambot na rin ang ekspresyon ng mga kawal at ibinaba na nila ang mga espadang tinutok nila sa akin pati na rin ang mga kawal na nakaharang kina Bon at Anol. "Ngunit—" pagpigil pa rin sa akin ng makarang manggagamot subalit hinawakan siya sa balikat ng matandang makara na tila ba sinasabi nitong hayaan niya na ako sa aking gagawin. Wala na siyang nagawa kundi ang lumayo sa amin. Pati ang mga kawal na makara ay lumayo na rin. Ako na lamang ngayon ang malapit kay Aloja. Ibinalik ko na ang espada sa aking baywang at muli na akong yumuko kay Aloja upang ibukang muli ang kaniyang bibig. Putlang-putla na ang kaniyang balat. Nilukumos ko ang mga makukulay na dahon na aking hawak at piniga ito hanggang may mga pumatak na katas mula sa mga ito. Makukulay na katas rin ang pumatak sa loob ng kaniyang bibig. Itinikom niya na iyon at nilunok ang katas. Hhinintay namin ang magiging resulta ng aking ginawa. Unti-unting umiitim ang kaniyang puting-puting buhok. Napasinghap ang mga makara sa kanilang nasaksihan. Umeepekto na ang lunas kaya napangiti ako nang malawak. "Bakit nagkakagan'yan ang aming diwata?!" puno ng pangambang tanong ng isang makara sa akin. Natigilan ako sa gimbal nilang reaksyon at nawala ang aking ngiti. Nangunot din ang aking noo. Hindi ba maganda ang nangyayari? Dahan-dahang minulat ni Aloja ang kaniyang mga mata at nanghihina pa ring tumingin sa akin. Asul na asul ang kaniyang mata na tila ba nakalulunod iyon kapag tinitigan. Unti-unti niyang itinaas ang kaniyang isang kamay na waring ako ay inaabot kaya naman akin iyong hinawakan. Napakalamig ng kaniyang kamay. Isang ngiti ang nabuo sa kaniyang mga labi ngunit may luha ring tumakas mula sa kaniyang mata. Ang kaniyang buhok ay naging purong itim na at ang hawak kong kamay niya ay nawalan na ng lakas kaya naman nabitawan ko na ito at bumagsak na ang kaniyang kamay. Natulala ako sa nangyaring iyon. "DIWATA!" sigaw ng mga makara. Agad na lumapit muli sa kaniya ang manggagamot na makara at muli siyang pinulsuhan nito. Namilog ang mga mata nito at unti-unti nang lumuha. Tumingin siya sa aming lahat na puno ng luha ang mga mata. "Wala na siya! Wala ng buhay ang ating diwata!" Nanlaki ang aking mga mata. "Ano?!" tila nilindol ang aking mundo dahil hindi ako lubos na makapaniwala. Puno siya ng paghihinagpis at saka tumangis. Natahimik ang buong kwarto maliban lamang sa kaniyang pagtangis. Lahat ay tigagal sa kanilang narinig. Higit naman ang aking pagkatigagal. Nagsimula nang mapuno ng pagtangis ang silid na ito ngayon nang matanto na nilang wala na talaga si diwata Aloja. "I-i-imposible. H-hindi magsisinungaling sa akin si Salom. Maaaring ika'y nagkakamali lamang. Pulsuhan mo siyang muli—" "Manahimik ka!" malakas na pagsigaw sa akin ng manggagamot. Unti-unting napuno ng poot ang kaniyang mukha habang nakatingin sa akin. "Pinaslang mo ang aming diwata! Ikaw ang nagwakas sa kaniyang buhay na maaari pa sana naming maisalba sa mga lunas na mayroon kami!" Napatingin ako sa mga makarang puno ng poot na nakatingin sa akin pati na rin ang iba pang mga nabubuhay ay ramdam na ramdam ko ang poot sa akin. Tiningnan ko sila Bon at Anol. Malungkot na nakatingin rin sila sa akin ngunit bakas rin sa mga mata nila ang pagkadismaya. "Nangako ka sa amin! Sinabi mong ang dala mong lunas ang makapagpapagaling na sa kaniya. Kung naibigay pa sana namin sa kaniya ang mga lunas na dala ng tatlong makarang ito, maaaring buhay pa sana siya ngayon!" sumbat sa akin ng matandang makara. Poot ang nangingibabaw sa kaniyang mga mata. Ni hindi ko magawang makaimik. "Dahil sa iyong pangingialam at pagmamalaki ay buhay mo ang magiging kapalit!" sigaw sa akin ng manggagamot na makara kaya naman hinawakan na ako ng dalawang kawal sa aking mga braso. Kinuha nila ang aking dalawang espada at puniyal. Lubos na nalilito na ako ngayon. Maaaring huli na nang maipainom ko ang katas ng makukulay na dahon kay Aloja ngunit hindi dapat iyon ang akin munang isipin. Nais nila akong paslangin. Hindi ako makapapayag dahil may misyon pa ako na kailangang mapagtagumpayan. Ilang minuto na lamang ang nalalabi sa akin rito. Hindi ako rito matatapos! Habang hawak nila ang aking mga braso ay buong lakas akong pumalag kaya naman ako'y kanilang nabitawan. Inagaw ko sa isang kawal malapit sa akin ang kaniyang espadang hawak. "Ahhhhhhhh!" Nagkagulo ang mga makarang naririto at sila'y nagsigawan. Kaniya-kaniya silang labas sa may pinto. "Sinasabi na nga ba't ika'y isang masamang tao! Nais mong maghasik ng kadiliman dito sa aming kaharian!" sigaw sa akin ng manggagamot na makara. Pinalibutan na ako ng apat na kawal at mga nakatutok sa akin ang kanilang mga espada. Ako'y nakahanda lamang upang kung aatake sila ay magagawa kong protektahan ang aking sarili. Sampung minuto na lamang ang tantiya kong natitira sa akin at kailangan ko nang tumakas mula rito ngunit bigla na lamang akong nakaramdam ng pagkahilo nang makaamoy ako ng isang mabangong amoy sa aking hasang. Nakita ko ang manggagamot na makara ay may kung anong hinihipan sa kaniyang kamay papunta sa aking direksyon. Mga dilaw na pulbos na marahil dahilan ng aking pagkahilo. Ipinilig ko ang aking ulo upang labanan ang pag-ikot ng aking paningin at tinakpan ang aking hasang upang hindi ko na iyon maamoy pa ngunit biglang namanhid ang aking mga kamay kaya naman nabitawan ko ang hawak kong espada. Gumawa iyon ng mga bula sa tubig. Patuloy ang pag-ikot ng aking paningin hanggang sa naramdaman ko na lamang ang aking katawan na buhat ng kung sino. Naaninag ko ang mga mukha ni Bon. Siya ang may buhat sa akin ngunit patuloy pa rin ang pag-ikot ng aking paningin na lubusang nagpapahilo sa akin. "Maaari bang ikulong na lamang siya at huwag nang sistensyahan ng kamatayan?" narinig ko pa ang kaniyang hiling. Hindi maaari. Hindi... Hindi na ako maaari pang magtagal dito. Ilang minuto na lamang ang natitira sa akin at kung kanila akong ikukulong ay malamang na ikamamatay ko ang pagkalunod dito sa ikalaliman ng dagat ng Syierian. "B-bon..." nanghihinang tawag ko sa kaniya hanggang sa nawalan na akong muli ng ulirat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD