Hemira 7

2282 Words
Chapter 7 - Tatlungpung Minuto ~Tagapagsalaysay~ Isang Irik ang papalapit na sa wala nang malay na si Hemira. Ang Irik ay isang uri ng nabubuhay na pangkaragatan. Bilog na bilog ang hugis nito at lumalaki kapag sumisinghap ng hangin at lumiliit naman sa pagbuga nito. Malaki ang mga mata nito at wala ni isang ngipin. Napakaliwanag rin ng katawan nito at napakakinis na mahirap hawakan kaya naman mahirap makahuli nito. Unti-unti nang lumulubog pailalim ng karagatan ang katawan ni Hemira habang hindi pa rin siya tinitigilan ng dugo ng Rami sa pagsipsip ng dugo sa kaniyang katawan. Ang Rami ay ang nabubuhay na sinaksak ni Hemira kanina nang siya ay aatakihin nito. Ang dugo nito ay sumisipsip rin ng dugo ng biktima nito. Nang makalapit na ang Irik sa kaniya ay suminghap ito ng hangin at saka binugahan ng itim na tinta ang buo niyang katawan. Unti-unti namang nawala ang dugo na nakabalot sa kaniya. Isang lalaking makara ang napadaan sa kanila at hindi sila nito napansin. "Bon! Bon! Buti na lamang at ikaw ay napadaan rito! Isang maharlikang makara ang naririto! Ako'y iyong tulungan na siya ay dalhin sa ating kaharian!" sabi ng Irik sa makara na nagngangalang Bon. Napalingon naman ito sa kanila. "Ano ang iyong sinabi, Anol? Paanong nangyaring may nakarating na maharlikang makara sa lugar na ito? Hindi ba't ito ang teritoryo ng mga Rami?" Lumangoy na ito papunta sa kanila at tiningnan si Hemira na balot ng itim na tinta na binuga rito ni Anol. "Hindi ko rin batid ngunit nakita ko ang kaniyang gintong buntot! Isa siyang maharlika Inaatake siya ng dugo ng Rami kaya naman binugahan ko siya ng aking tinta upang mawala ang dugo ng Rami na kumapit sa kaniyang balat." Agad na niyakap ni Bon si Hemira upang maakay na at mailangoy papunta sa kanilang kaharian. "Bilisan na natin Anol dahil kung hindi ay ito ang magiging sanhi ng kaniyang pagkamatay. Ang balat niya ay siguradong sunog na sunog na at kulang na rin ang dugo sa kaniyang katawan kaya kailangan na natin siyang madala sa malaking kabibe." nag-aalalang wika nito at saka mas binilisan pa nila ang paglangoy papailalim ng karagatan. ~Hemira~ Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata. Madilim. Wala akong makita. Nasaan na ba ako? Ramdam ko na nakahiga ako ngayon sa isang malambot na bagay. Dahan -dahan ay umupo ako ngunit ramdam ko ang aking panghihina. Ang huling naaalala ko lamang ay pinalibutan ako ng dugo ng nabubuhay na aking pinaslang at saka tila sinusunog na ang aking balat. Balat? Agad kong hinipo ang aking balat na alam ko kanina'y nasusunog na ngunit wala na ang hapdi roon. Wala na rin akong nararamdamang kahit anong sakit sa aking katawan ngunit nakapa kong wala na ang dalawang espada at aking puniyal sa aking baywang. Agad akong napalangoy patayo ngunit naumpog lamang ako sa isang matigas na bagay. Sinubukan kong mangapa sa aking paligid at tila ba ako'y nakakulong sa loob ng isang bagay. ♪ ♪ ♪ Hmmmm...♪ ♪ ♪ ♪ ♪ ♪ Hmmmm...♪ ♪ ♪ Napatigil ako nang aking marinig ang isang paghimig na nanggagaling sa labas. Tila ba napakalungkot ng humihimig na iyon. Hindi kaya iyon na ang mga Keledones?! Nahuli ba ako ng mga Keledones?! Ngunit ang sabi ng mahal na hari ay humihimig lamang sila kapag sila ay wala sa tubig at saka isa pa, ang mga Keledones ay mga babae at iisa lamang ang kanilang lalaking kalahi, iyon ang kanilang hari. Bakit tila boses ng batang lalaki ang humihimig na iyon? Unti-unti na akong kinabahan. "Ilabas n'yo ako rito!" Pinaghahampas ko ang pader na aking nahahawakan. Biglang nahati sa gitna ang pader na aking hinahampas at bumukas iyon paitaas. Gumawa iyon ng malalaking bula sa tubig. Nasilaw ako sa liwanag na agad na sumalubong sa aking mga mata kaya itinakip ko ang aking braso roon. "Maharlikang makara, ipagpatawad n'yo po na amin kayong pinatulog sa loob ng isang malaking kabibe. Iyan po ang paraan upang maibalik ang ganda at kinis ng inyong balat na nasunog kanina ng dugo ng raming inyong pinaslang," wika ng isang boses ng batang lalaki kaya naman akin nang ibinaba ang aking braso at tiningnan ang isang bagay ng umiilaw sa aking harapan. Isang bilog na nabubuhay ang aking nakita. Siya ay naliit at nalaki kasabay ng kaniyang paghinga. "Maayos na po ba ang inyong nararamdaman? Mahapdi pa ba ang inyong balat? Kamangha-mangha ang bilis ng inyong paggaling. Ang alam ko ay umaabot sa dalawa hanggang tatlong araw ang paggaling ng isang makara kapag siya ay inatake ng dugo ng Rami." Napatingin ako sa aking sarili. Wala nga akong ni isang sugat o sunog sa aking balat. Pumalatak siya kaya napatinging muli ako sa kaniya. "Mali ang iyong ginawa kanina, maharlikang makara. Hindi mo dapat ginagamitan ng matutulis na bagay o anumang paraang makakapagpadugo ang isang Rami sapagkat hindi sila ang panganib kundi ang dugo na manggagaling sa kanila. Mabuti na lamang at ako'y napadaan sa lugar na iyon kung hindi ay marahil wala na kayo ngayon." Doon ay nawala na ang kaba sa aking dibdib. "Ganoon ba? Kung gayon ay lubos akong nagpapasalamat sa pagliligtas mo sa aking buhay ngunit nasaan ang aking mga espada at puniyal? Naririto lamang ang mga iyon sa aking baywang." tanong ko sa kaniya nang maalala ko na naman ang aking dalawang espada at puniyal. Inilibot ko ang aking tingin sa paligid upang hanapin ang aking mga espada at puniyal. Isang hindi kalakihang silid ito na puno ng mga halamang dagat at iba pang mga bagay na kagamitan ng mga tao na mukhang inipon lamang. Maraming katulad ng nabubuhay na nasa aking harapan ang nasa itaas namin na nagbibigay liwanag sa silid na ito. "Bon! Pumasok ka at ibigay mo na ang mga kagamitang iyan sa ating maharlikang makara!" sigaw niya at biglang bumukas ang pinto na gumawa ng mga bula sa tubig. Pumasok ang isang lalaking makara na may hawak ng aking mga sandata. Kulay asul ang kaniyang buntot na kumikintab. "Gising na ba siya, Anol?" tanong niya sa nabubuhay na bilog na ito. Agad akong lumangoy papunta sa kaniya upang kunin ang aking mga kagamitan. Pagkakuha ko niyon ay agad kong ibinalik ang mga iyon sa lalagyanan sa aking baywang. Nakatulala lamang sa akin ang makarang nagngangalang Bon. Tila wala siya sa kaniyang sariling nakatulala sa akin. "Napakaganda mo po maharlikang makara." Nginitian ko lamang siya. "Kung mamarapatin n'yo ay maaari ko bang malaman ang inyong pangalan?" Nakatulala pa rin siya sa aking mukha. "Ang pangalan ko'y Hemira. Nagmula ako sa kaharian ng Gemuria at isa akong mandirigma ng kahariang iyon kung kaya't hindi ako isang tunay na makara. Lumunok lamang ako ng perlas ng Keledones upang makahinga ako rito sa tubig at magkabuntot ng katulad ng sa isang makara." Nanlaki ang kaniyang mga mata na tila hindi makapaniwala. Lumapit sa amin ang bilog na umiilaw na nabubuhay na si Anol. "I-i-isa kang tao?" hindi nila makapaniwalang tanong. Tinanguan ko sila at nagkaroon ng takot ang kanilang mga mata na akin namang ipinagtaka. "Hindi ako isang masamang tao kaya't mapalagay ang inyong loob dahil wala akong gagawin sa inyong masama." pag-aalo ko sa kanila upang hindi na sila matakot sa akin. "Tunay ba?" paninigurado nila at sinsero ko silang tiningnan saka ako tumango. Nakahinga naman sila nang maluwag pareho. "Ngunit ang iyong buntot. Maharlika lamang ang nagkakaroon ng gintong buntot na kasing kintab niyan." Napatingin ako sa aking gintong buntot nang iyon ay sabihin ni Anol. "Marahil kaya ganito ang kulay ng aking buntot ay sapagkat ang nilunok kong perlas ng Keledones ay pag-aari ng isang maharlika. Sa mahal na reyna ng Gemuria nanggaling ang perlas na aking nilunok." "Ganoon ba? Nakamamanghang tunay. Pares na nga ng iyong buntot ang gintong buntot ni diwata Aloja,” wika niya na lalong lumiwanag ang katawan. Sandali. Aloja? Hindi ba't pangalan iyon ng diwatang nagbabantay sa Ariadne na nakalagay sa papel ng sikreto? Bigla kong naalala ang aking misyon. Ang aking misyon! Apat na oras lamang ang maaari kong gugulin sa lugar na ito! Nagulumihan ako nang akin nang mapagtanto iyon. "Maaari ka ba naming tawagin sa iyong pangalan mandirigma?" tanong muli ni Anol sa akin. "Oo, maaari ngunit nais kong malaman kung ilang oras na akong naririto?" Hindi na ako mapakali. Napakahalaga ng oras sa akin ngayon. Nagkatinginan naman silang dalawa. "Tatlong oras at kalahati, Hemira." nagtatakang sagot sa akin ni Bon. Nanlaki ang aking mga mata sa aking narinig. "Ano?! Hindi maaari!" Malapit nang matapos ang aking apat na oras! "Bakit? Ano ang hindi maaari?" nagtatakang tanong rin sa akin ni Anol. Napatingin ako sa kaniya. "H-ha? Ahh... Wala." pagsisinungaling ko sa kanila. Paano na ang aking gagawin? Dahil sa dugo ng Rami na iyon ay naaksaya ang tatlong oras at kalahati ko sa lugar na ito ngunit hindi na mahalaga ang natapos na. Ang mahalaga ay kung ano ang ngayon at hindi pa nangyayari. Tiningnan ko sila. "Ngunit nabanggit mo kanina Anol ang pangalang Aloja. Hindi ba't siya ang nagbabantay ng maalamat na libro ng Ariadne? Maaari n'yo ba akong dalhin sa kaniya dahil may kailangan lamang ako sa kaniyang sabihin?" Biglang lumungkot ang kanilang mga mukha. Nagtaka naman ako sa kanilang naging reaksyon. "Ipagpaumanhin mo Hemira ngunit sa tingin namin ay hindi mo na makakausap ang aming diwatang si Aloja." malungkot sa sabi ni Anol. "Ngunit bakit?" Hindi na gumaganda ang aking kutob sa mga sunod niya pang sasabihin. "Sya ay may malubhang karamdaman na hindi namin mahanapan ng kahit na anong lunas. Ang aming karagatan ay nababalot na ng kadiliman dahil sa kaniyang malubhang karamdaman. Ang mga makara ay kasalukuyang naghahanap pa rin sa iba't-ibang karagatan ng lunas para sa kaniya. Ang iba'y sama-samang nagbabantay sa kaniya kaya naman ako na lamang ang paikot-ikot rito ngayon at si Bon naman ay nagbabakasakali lamang sa lugar na rin iyon upang humanap ng lunas para sa kaniya." Humihina na ang kaniyang liwanag. Nangunot ang aking noo. Kung gayon ay mayroong malubhang sakit ang diwata ng karagatang ito? Napayuko si Bon habang kuyom ang kaniyang mga kamao. "Sabi ng makarang manggagamot namin ay ilang araw na lamang at ang aming diwata ay malalagutan na ng hininga kapag walang tamang lunas na maibigay sa kaniya. At kapag mangyari iyon, ang buong karagatan na ito ng Syierian ay magiging purong itim at wala ng kahit na sino ang maaaring tumira pa rito. Magiging isang patay na karagatan na ito na ayaw na ayaw naming mangyari. At ang librong Ariadne naman na iyong nabanggit, isa lamang iyong alamat na gawa-gawa ng ilang makara. Hindi totoong si diwata Aloja ang nagbabatay niyon dahil wala naman talagang ganoong libro. Iyon ang pagkakaalam naming malalapit sa diwata." Hindi maaari ang kaniyang sinabi. Hindi nagsisinungaling ang papel ng sikreto kaya imposible na wala talagang librong Ariadne ngunit baka naman hindi lamang talaga nila alam ang tungkol sa librong iyon? Hindi ko na lamang sila tatanungin tungkol doon. Si Aloja ang kailangan kong kausapin ukol sa Ariadne. "Ano ba ang karamdaman ng inyong diwatang si Aloja?" tanong ko sa kanila ngunit malungkot lamang na umiling silang dalawa. "Hindi namin malaman kung ano ba ang kaniyang karamdaman kaya hindi rin namin malaman ang lunas na dapat ibigay sa kaniya. Ngayon nga ay lahat ng lunas na dala ng mga makara na nagmula pa sa iba't-ibang karagatan ay pinapasubok sa diwata upang maisalba namin ang kaniyang buhay." Lumuluha na si Bon ngayon pati na si Anol. Napakahalaga talaga ni Aloja sa kanila ngunit may bigla akong naalala. "Sandali. Lunas ba para sa malulubhang karamdaman ang inyong kailangan?" Napatigil silang dalawa sa pag-iyak dahil sa aking naging himig. Kinuha ko sa sikretong bulsa ng aking baluti ang mga makukulay na dahong ibinigay noon sa akin ni Salom. Sabi niya ay nakagagamot ang mga dahong ito ng kahit anong malulubhang karamdaman. Maaaring ito na ang sagot sa kanilang problema! "Ito ang mga makukulay na dahon na galing pa sa kagubatan ng Kobal. Ang batid ko ay nakagagamot ng kahit anong malulubhang karamdaman ang mga dahong ito. Maaaring ito ang makalunas sa inyong diwatang si Aloja." Nanlaki naman ang kanilang mga mata. "Totoo ba ang iyong sinabi, Hemira?!" sabay pa nilang tanong. Lumiwanag nang muli si Anol. Nabuhayan na rin ng pag-asa si Bon. "Oo, hindi ako nagsisinungaling. Nasaan ba siya at ibigay na natin sa kaniya ang dahong ito upang maisalba natin ang kaniyang buhay. Ang totoo niyan, kalahating oras na lamang ang dapat kong itagal dito sa ilalim ng karagatan dahil mawawala na ang bisa ng perlas ng Keledones sa aking katawan kaya kailangan nating bilisan!" Nanlaki naman ang mga mata nila dahil sa aking sinabi. Agad na binuksan ni Bon ang pinto. "Kung gayon ay halika na! Dalhin na natin sa kaniya ang mga dahong iyan. Amin kang sasamahan upang mapuntahan ang aming diwata at makaahon ka sa tubig sa tamang oras na mawala ang bisa ng perlas ng Keledones sa iyong katawan." Lumangoy na kami palabas ng silid at sinundan ko lamang silang dalawa kung saan sila pupunta. "May kalayuan ang tahanan ni diwata Aloja sa lugar na ito ngunit kung bibilisan natin ang ating paglangoy ay makararating rin agad tayo roon sa saktong oras na hindi ka pa bumabalik sa pagiging tao," wika ni Anol kaya mas lalo naming binilisan ang aming paglangoy. Kung ako'y nasa lupa ay tila tumatakbo ako ngayon sa bilis ng aking paglangoy. Kalahating oras na lamang ang nalalabi sa akin sa lugar na ito. Kung hindi ko agad magagawa ang kailangan kong gawin dito sa loob ng kalahating oras ay mawawala na ang bisa ng perlas ng Keledones sa aking katawan at ako'y malulunod na sa kawalan ng hangin na hinding hindi ko dapat hayaang mangyari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD