Hemira 6

2038 Words
Chapter 6 - Karagatan ng Syierian ~Hemira~ Dalawang araw ang lumipas matapos kaming maglakbay muli ni Nyebe papunta sa karagatan ng Syierian at ngayon ay naririto na kami. Nasa dalampasigan na kami at humampas ang malakas at malamig na hangin kaya naman hinahangin ang aking buhok. Bumaba na ako kay Nyebe at lumubog nang kaunti ang aking mga sapatos na bakal sa napakapinong kulay puting buhangin. Magbubukang liwayway pa lamang at sigurado akong malapit nang sumikat ang araw. Hinarap ko si Nyebe at hinaplos ang kaniyang mukha. "Maraming salamat Nyebe sa pagdadala mo sa akin dito. Sana ay makauwi ka sa ating kaharian nang ligtas. Ikamusta mo na lamang ako kina Eriza na madadaanan mo sa iyong pag-uwi at sa iba pang mga hoblin. Iparating mo rin kay Ginoong Sueret at sa mahal na hari na ako'y ligtas na nakarating sa karagatang ito. Iyon lamang at maaari mo na akong iwan. Maraming salamat muli." Hinaplos kong muli ang kaniyang mukha. "NEHEEEEEE!" Doon ay tumakbo na siya papaalis. Nang mawala na siya sa aking paningin ay tumingin na ako sa karagatang nasa aking harapan. Kalmadong kalmado iyon ngunit ang kakaiba rito ay ang kulay ng tubig. Kulay itim iyon na tila ba isang napakalawak na pulasian (Bangbang) kaya naman ang mga buhangin na nababasa ng tubig na iyon ay kulay itim na rin. Naglakad ako palapit sa tubig at sumalok ako niyon sa aking kamay upang kumpirmahin na hindi nga ako nagkakamali sa pagtingin sa kulay nito dahil madilim ngunit tama nga ako. Kulay itim nga iyon. Bumalik ako sa buhanginan at ibinaba muna ang aking lagan mula sa aking balikat. Tinanggal ko ang pagkakasakbit sa akin niyon at hinanap ang isang maliit pang tela na kulay puti. Nang mahanap ko iyon ay akin din iyong binuklat at doon ko nakita ang isang maliit na bilog na bagay. Kulay asul iyon at kumikintab pa sa kadiliman ng paligid. ~~Pagbabalik tanaw~~ ["Hemira, ito ang isa sa mga perlas ng isang Keledones. Napakahirap nitong kunin sa kanila at ibinibigay lamang nila ito sa mga taong kanilang iginagalang at sa may mga dugong maharlika," sabi ng mahal na hari sa akin dito sa silid ng pagpupulong. "Kamahalan, nais ko po sanang malaman kung ano po ang mga Keledones." Yukong-yuko ako sa kaniya habang nakatikluhod pa rin. "Sila ay ang mga kalahating tao at kalahating isdang mga nabubuhay. Ang katawan nila sa itaas ay sa tao at may buntot naman sila ng isang isda ngunit sila ay lubhang mapapanganib. Nang-aakit sila ng mga lalaking namamangka sa kanilang teritoryong karagatan sa pamamagitan ng kanilang napakagandang himig at kapag naakit naman ang mga kalalakihang iyon ay kinakain nila ang mga ito nang buhay. Kapag babae naman ang kanilang naakit ay inaalay nila ang mga babaeng iyon sa kanilang hari at ito na ang magiging asawa nito kaya naman ang kailangan mong gawin ay hiwaan mo ang iyong sarili sa iyong kamay o gumawa ka ng sugat sa iyong katawan na magpipigil na ikaw ay maakit ng kanilang himig." Narinig ko ang mga yabag na palapit sa akin kaya naman aking inangat nang kaunti ang aking tingin at nakita ko ang sapatos ng hari. "Iangat mo ang iyong ulo at ika'y tumayo." Dahan-dahan akong tumayo ngunit nakayuko pa rin ang aking ulo. "Ako'y iyong tingnan." utos nyang muli kaya inangat ko na ang aking paningin at tiningnan ko siya nang deretso. Ang kanyang mga mata, parang nakita ko na iyon sa kung saan ngunit hindi ko lamang maalala. "Magagamit mo ang perlas na ito sa pagkuha ng librong Ariadne sapagkat kapag iyo itong nilunok, ikaw ay makakahinga sa tubig sa loob ng apat na oras." Napatingin ako sa aking kamay na kaniyang hinawakan at tila may inilagay siya roong isang bagay. "Kaya naman sa loob ng mga oras na iyon ay kailangan mo nang mapaki-usapan ang diwata ng karagatan upang maisama mo ang Ariadne sa iyong gagawing paglalakbay ngunit kapag hindi mo iyon nagawa... maaari kang malunod at mawalan ng buhay kaya naman mag-iingat ka." Binitiwan niya na ang aking kamay at bumalik na siya sa kaniyang trono. Tiningnan ko ang bagay na ibinigay niya sa akin. Isa iyung puting maliit na telang lalagyan. "Ang reyna ang nagmamay-ari niyan dahil mayroon siyang isang kaibigang Keledones. Siya'y binigyan niyan sapagkat iginagalang siya ng keledones na iyon at bukod pa roon ay isa rin siyang dugong maharlika. Sinabi niya sa akin na ibigay ko ito sa aatasan kong magligtas sa aming prinsesa upang makatulong siya sa gagawing paglalakbay." Tumango ako. "Pasensya na Hemira kung hindi ka mahaharap ng reyna ngayon sapagkat siya ay lubhang nalulungkot sa pagkakabihag sa aming prinsesa." mapaumanhin niyang turan. Muli akong tumikluhod at yumuko. "Ako po dapat ang humingi ng kapatawaran sa inyo mahal na hari dahil sa aking naging kapabayaan sa aking tungkulin. Lubos po akong humihingi ng kapatawaran." "Wala kang kasalanan Hemira. Batid kong ginawa mo ang lahat ng iyong makakaya upang maprotektahan ang ating kaharian kaya huwag mong isiping ikaw ang may kasalanan kung bakit nangyari ito. Hindi ka rin naman namin sinisisi." Naantig ang aking puso sa kaniyang winika. Isa talaga siyang napakabuting hari. Hindi talaga ako nagkamali sa aking desisyon na sila ay pagsilbihan at protektahan. ~Katapusan ng pagbabalik tanaw~ Muli kong tiningnan ang asul na perlas na aking hawak matapos kong maalala ang lahat ng iyon. Ang perlas na ito at ang aking misyon sa lugar na ito, napakahalaga ng mga ito upang makarating ako sa kaharian ng Abellon. Isinubo ko na ito at nilunok. Nagulat ako nang biglang maging tubig iyon sa aking lalamunan na tila uminom ako ng tubig. Tiningnan ko ang aking sarili at wala namang nagbago sa akin. Maaaring kapag lumusong na ako sa tubig magkaroon ng pagbabago sa aking katawan. Ibinaon ko na muna sa buhangin ang aking wala ng laman na lagan upang hindi malaman ng mga kalaban base sa amoy ko roon na ako ay nasa Syierian. Magiging pabigat lamang din naman sa akin iyon kapag ako ay nasa tubig na. Ang dahong makukulay naman na ibinigay sa akin ni Salom ay inilagay ko sa loob ng aking kasuotan sa gilid ng aking baywang. Sigurado ako na magagamit ko ang mga ito sa aking magiging paglalakbay. Pati na rin ang papel ng sikreto ay kasama kong isinuksok doon. Ang sabi ni Ginoong Sueret ay hindi naman nababasa ang papel na ito kaya hindi ito masisira kahit pumunta pa ako sa ilaim ng karagatan. Dahan-dahan ko nang tinahak ang itim na katubigan at lumusong doon. Nang nasa malalim na ako ay sumisid pa ako pailalim. Nakapikit lamang ako sapagkat baka mapasukan ang aking mga mata ng dumi sa tubig na ito. Doon ko na natanto na nakakahinga na ako sa ilalim ng tubig gaya ng sabi sa akin ng mahal na hari. May nararamdaman pa ako na nangyayari sa aking mga paa na tila ba nagdikit ang mga iyon at iisa na lamang. Mas nilaliman ko pa ang aking pagsisid dahil ang sabi sa papel ng sikreto ay nasa pinakailaliman pa ng karagatang ito ang Ariadne. Lubos na napakalalim na ng aking nasisid. Minulat ko na ang aking mga mata upang tingnan kung hanggang ilalim ba ay kulay itim pa rin ang tubig ng karagatang ito ngunit sa kabutihan naman ay malinaw na ang aking nakikita ngunit madilim pa rin. Tumigil ako sa paglangoy at tiningnan ang aking itaas. Napakaitim ng tubig doon na nagiging sanhi ng pagdilim dito ngunit kahit papaano naman ay malinaw na ang tubig subalit nang mapatingin ako sa aking mga paa ay nagulat ako sa aking nakita. Isa na itong buntot ng isda! Kulay ginto iyon at makapal ang mga kaliskis. Mahahaba rin ang aking mga palikpik ngunit hindi naman nagbago ang aking pang-itaas na kasuotan. Nasa lalagyanan pa rin sa aking baywang ang dalawa kong espada pati na rin ang aking punyal. Napahawak ako sa aking leeg. Pakiramdam ko ay roon na ako humihinga sa pagkaroon ko roon ng hasang. Ito marahil ang epekto ng nilunok kong perlas ng Keledones. Magiging isa akong taong isda na ang alam ko ay tinatawag na mga Makara. Ang mga makara ay kaparehas ng Keledones na mga taong isda ngunit ang pinagkaiba ay mabubuti silang mga nabubuhay hindi katulad ng mga Keledones. Napatingin ako sa aking paligid. Wala akong makitang Makara na naririto sa paligid o kahit iba pang mga nabubuhay na pangkatubigan. Gusto ko sanang magtanong o magpaturo man lamang kung nasaan ang librong Ariadne upang mas mapabilis ang aking paghahanap na gagawin. "Kapag iyo itong nilunok, ikaw ay makakahinga sa tubig sa loob ng apat na oras." naalala kong wika ng hari sa akin kaya naman nagmadali na akong sumisid sa pinakailalim. Apat na oras lamang ako sa lugar na ito kaya naman kailangan ko nang bilisan ang aking paghahanap. Napakabilis ng aking paglangoy kumpara noong tao pa ako dahil napakalalim na ng aking nararating kaagad. May bigla akong naramdaman na paatake na sa akin mula sa aking likuran kaya naman agad kong kinuha ang aking espada saka ko hinarap ang kung sinong pangahas na iyon na gustong umatake sa akin. Isang nabubuhay na nakanganga na at handa na akong lamunin ng buo ang aking nakita. Isa itong malaking isda na halos kalahati ko ang laki at napakahaba at kaytutulis ng mga pangil. Wala itong mga mata at tanging dalawang butas lamang ang mayroon sa mukha bukod sa kaniyang bibig. Agad kong iwinasiwas ang aking espada at hinati siya sa gitna. Nabiyak naman ang katawan nito at kumulay sa tubig ang pulang-pula nitong dugo. Unti-unti nang lumubog ang katawan nito paibaba ng tubig. "Akala mo ay makakapayag ako na ako'y iyong kainin nang buhay? May misyon pa ako na kailangang tapusin kaya naman hindi pa ako maaaring mapaslang." Ibinalik ko na ang aking espada sa aking baywang ngunit napansin ko na ang dugo mula sa nabubuhay na iyon ay unti-unting pumapalibot sa akin. Tumingin ako sa mga dugong papaakyat sa akin na nanggagaling sa bangkay ng nabubuhay na aking pinaslang kanina. Sinubukan kong lumangoy palayo roon kung saan nag-iipon ang mga dugong iyon ngunit tila sinusundan ako niyon at doon ay tuluyan na iyung dumikit sa aking balat na walang balot ng baluti na aking suot. "GAAAAAAAAAHHHHH!!!" sigaw ko sa lubos na pagkahapdi niyon na para bang sinusunog ang aking balat. Sinubukan kong kuskusin ang mga dugong dumikit sa akin gamit ang palad ko ngunit tila unti-unti nang namumutla ang aking balat dahil sa dugong kumakapit na iyon sa akin. Waring sinisipsip niyon ang aking dugo. Hindi na ako makalangoy dahil sa hapdi at sakit na aking nararamdaman lalo na sa aking buntot. Nahihilo na rin ako at nanlalabo na ang aking paningin. "GAAAAAAAAAHHHHHHHHH!!!!" sigaw ko nang napakalakas dahil buong katawan ko ay lubos-lubos nang napakahapdi pati ang aking mukha na tila bang ako'y sinusunog nang talaga. Pilit kong iminulat ang aking mga mata. Katapusan ko na ba? Hanggang dito na lamang ba ang aabutin ng aking paglalakbay? Paano na si Prinsesa Ceres? Paano na ang mahal na hari at reyna na lubos na nalulungkot at umaasang maibabalik ko sa kanila ang kanilang prinsesa? Paano na ang kaharian namin na naghihitay sa prinsesang sa hinaharap ay mamumuno rito? Hanggang dito na lamang ba talaga ako? Unti-unti na akong nawawalan ng ulirat ngunit may isang umiilaw na bagay ang nakita kong papalapit sa akin. Tulong… Ipagpapatuloy... Makara - ang mga makara ay mga kalahating tao at kalahating isda. Mabubuti sila ngunit ilag sila sa mga tao. Iba ang mga Makara sa mga Keledones sapagkat ang mga Keledones ay may kasamaang taglay ngunit ang mga makara ay mga mabubuting nabubuhay. Keledones - magaganda ang kanilang mga himig kaya marami ang kanilang naaakit pati na rin ang kanilang mukha ay may karikitan ngunit kapag naakit na nila ang kanilang biktima ay magiging mabangis na ang kanilang itsura at mabubura ang kagandahang kanilang taglay. Kumakain sila ng mga lalaking tao sapagkat may alamat na ang kanilang prinsesa noon na anak ng kanilang hari ay niloko at pinatay ng isang lalaking tao kaya naman ipinaghihiganti nila ang kanilang prinsesa sa mga ito. Isa ring dahilan ay mas lalong bumabata ang kanilang itsura sa tuwing makakakain sila ng laman ng tao.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD