Chapter 5.1

4085 Words
Chapter 5.1 - Eriza *~~Hemira~~* "HAAAAAAAAAAAHHHH!" Nang lumapat na sa kaniyang balat ang aking dalawang espada ay mas idiniin ko pa iyon. Naramdaman ko ang kakaibang lakas na nanggagaling mula sa mga ito kaya lubusang ko nang ipinuwersa ang paghati sa buntot ni Hypnal. "HAAAAAAHHHHHHH!" Doon ay nagtagumpay na ako sa pagputol niyon. "GAAAAAAAAHHHH!" sigaw ni Hypnal dahil sa pagkakaputol ng kaniyang buntot. Nalaglag na si Eriza at natanggal na rin sa kaniyang katawan ang nahiwa kong buntot na nakapulupot sa kaniya. Mabilis ko namang inilagay ang dalawa kong espada sa lagayan niyon sa aking baywang at tumalon ako upang sundan siya na pahulog na sa ibaba. "Eriza!" Nang maabot ko siya ay niyakap ko siya upang protektahan mula sa aming magiging pagkahulog. ~Tagapagsalaysay~ Dalawang paa ni Hemira ang unang lumapag sa lupa kaya ligtas silang dalawa ni Eriza mula sa pagkakahulog. Nasaktan man ang kaniyang mga binti dahil sa lakas ng pagkakahulog nila ay hindi niya na ininda pa iyon. Tiningnan niya si Eriza at tirik pa rin ang mga mata nito saka unti-unti ay pumikit na. "Eriza! Gumising ka!" Tinapik niya nang mahina ang mabintog nitong pisngi upang pamulatin. Dahan-dahan naman nitong iminulat ang mga mata kaya nakahinga siya nang maluwag. "Mabuti naman at ayos ka lamang." "H-he...mi..ra..." hinang-hinang tawag nito sa kaniya. Mabigat rin ang paghinga nito. Puno ng pag-aalalang hinaplos niya ang mukha nito. "Naririto ako Eriza. Ligtas ka na." Dahan-dahan nitong inangat ang kamay at hinang-hinang sumeniyas sa kaniya na ilapit ang kaniyang tainga sa bibig nito. Ginawa naman niya iyon. "A-ang... d-dila n-niya..." mahina nitong sabi at pilit na tinatapos ang bawat salita na binigkas. Nagtataka namang napatingin siya rito. "Ano ang mayroon sa kaniyang dila?" "P-putulin... m-mo iyon." Pagkatapos nitong sabihin iyon ay tuluyan na nitong ipinikit ang mga mata. Naramdaman din niya ang pahina na nang pahina nitong prisensya at doon ay nagulumihan na siya. "Eriza! Hindi maaari! Magmulat ka! Imulat mo ang iyong mga mata! Eriza!" Tinapik niyang muli nang mahina ang pisngi nito sa pagsubok na gisingin ito subalit hindi na ito nagmulat pang muli. Niyakap niya ang munting katawan nito. "Eriza..." Napapikit siya nang mariin. Lubos siyang nakaramdam ng pagluluksa dahil sa kaawa-awang nangyari sa batang hoblin. Naging malapit na siya rito kahit napakaikling panahon pa lamang sila nagkakilala at hangang-hanga rin siya rito sa katapangang ipinakita nito. Sumunod pa ito sa kaniya upang tulungan siya at ipabatid sa kaniya kung ano ang makakatalo kay Hypnal kahit na alam naman nito na maaaring malagay sa panganib ang buhay nito. Tumayo na siya habang buhat ang katawan ni Eriza. "NYEBE!" malakas na tawag niya kay Nyebe. Ilang saglit lamang ay narinig niya na ang yabag ng isang kabayo. May nagsisigawan ding mga hypnalis na batid niyang nayuyurak sa pagdaan ng malakas na pagtapak ng nabubuhay na iyon. May mga gumagapang palapit sa kaniya na mga naghihishisang mga hypnalis na agad niya namang pinaghihihiwa. Tumigil na sa pagtakbo si Nyebe nang nasa harapan na niya ito. "NEHEEEEEEEEEEEE!" Pinaghihiwa niyang muli ang mga hypnalis na nais sumakmal dito. Pinagsisipa naman nito ang mga tutuklaw sa paa nito. Seryoso siyang tumingin dito. "Ikaw muna ang bahala kay Eriza. Ingatan mo rin ang iyong sarili dahil may tatapusin lamang ako." Tumango naman ito sa kaniyang sinabi. Inilagay niya na si Eriza sa likod nito. Mabilis na tinalian niya rin ang katawan nito sa leeg ni Nyebe gamit ang lubid na nakakabit doon upang hindi ito mahulog. Tumakbo na ito papapaalis at ang lahat ng mga hypnalis na sumasalubong dito ay pinag-aapakan lamang muli nito ngunit hindi ito gaanong lumayo sa lugar na iyon. "AHHHHHHHHHH!" Hinarap niya nang muli ang kanina pang nagwawala na si Hypnal. Nakakabingi ang mga pagsigaw nito. Tiningnan niya ito nang may poot. "HAAAAAAAAHHHHHHH!" sigaw niya habang tumatakbo upang sugurin na itong muli. "Pagbabayaran mo ang ginawa mo kay Eriza!" galit na galit na sigaw niya pa saka tumalon nang pagkataas-taas papunta sa katawan nito saka tumakbo siya roon papuntang ulo nito. Mahaba ang katawan nito kaya malayo pa ang kaniyang tatakbuhin upang marating niya nang tuluyan ang ulo nito. Dahil nararamdaman ni Hypnal na natakbo siya sa katawan nito ay sinasakmal nito nang sinasakmal direksyong nararamdaman nito na kaniyang tinatakbuhan dahil hindi na nga ito makakita. Mabilis naman siyang nakakailag sa mga hula nitong sakmal. Hindi niya magawang matyempuhang hatiin ang dila nito dahil kapag naging padalos-dalos siya ay mahihiwa niya nga ang dila nito ngunit masasakmal naman siya nito nang buong-buo kaya umisip siya ng plano kung paano magagawa nang maayos ang pagpaslang dito. Bigla ay nagkaroon siya ng ideya kaya tumigil siya sa pagtakbo. Sumeryoso ang kaniyang mukha. "Katapusan mo na!" Humigpit ang hawak niya sa kaniyang mga espada. "HAAAAAAAHHHHHH!" Buong lakas niyang itinarak ang isa niyang espada sa balat ni Hypnal sa kaniyang gilid at ang isa naman ay sa kabila. "GAAAAAAHHHHHHHH!" sigaw nito nang maitarak niya iyon at idiniin niya pa iyon nang mas malalim. "GAAAAAAAAHHHHHHH!" Mas lalo itong napasigaw sa sakit. Tumakbo na siyang muli habang nakatarak pa rin ang dalawa niyang espada sa katawan nito kaya nahahati na ang balat nito sa kaniyang pagtakbo habang sumisirit din ang masagana nitong dugo. "GAAAAAHHHHHH! ITIGIL MO IYAN!" Nang sasakmalin na siyang muli nito ay lumiyad siya nang sobra upang hindi siya nito masakmal kaya lumagpas ang ulo nito sa kaniya. Umayos na siya ng tayo nang hindi man lang siya nadaplisan nito. Tinuloy niya nang muli ang kaniyang napakabilis na pagtakbo at papaakyat na siya papunta sa ulo nito. Mataas na ang kaniyang natatakbo at paatake nang muli ang bulag na ulo nito sa kaniya kaya naman hinugot niya nang sabay ang kaniyang dalawang espada saka agad na tumalon sa ere nang napakataas. Lumihis ang direksyon nito sa kaniya dahil hindi siya nito nakikita. Pasakmal na ito sa sarili nitong katawan sa pag-aakalang naroroon pa rin siya kaya naman nagkaroon siya ng malaking tsansa na mahiwa ang napakahabang dila nito na nangunguna-nguna. "HAAAAAAAHHHHHH!" Hinati niya iyon at naputol iyon pagka'y nasakmal na nito ang sarili nitong katawan. "GAAAAAAAAHHHHHH!" sigaw nito sa nangyari sa dila nito at pagkakasakmal nito sa sarili. Paikot ang katawan niya sa ere saka saktong lumapag na sa lupa ang kaniyang mga paa at naglaglag malapit sa kaniya ang malaking putol na dila nito. Ang kaniyang dalawang espada ay nagtatagaktak sa dugo nito. "GAAAAAAAAAAHHHH!" sigaw nito nang napakalakas nang biglang naabo ang parteng nakagat nito sa sarili katawan. Nagpagulong-gulong pa ito kaya mas lalong nasira ang malaking parte ng kagubatan. Tumakbo siya nang mabilis papaalis ng lugar na iyon dahil malapit na siyang madaganan nito ngunit nagulat siya nang madaanan niya si Nyebe na sakay-sakay pa rin si Eriza. Tumakbo siya papunta rito at nagmamadaling sumakay. Tinanggal niya nang mabilis ang pagkakatali niya kay Eriza sa leeg nito saka niyakap na lamang ang hoblin sa isa niyang braso. "Hiyaaahhh!" Doon ay tumakbo na si Nyebe nang mabilis paalis sa lugar na iyon. Kaunti na lamang at maaabutan na sila ng napakalaking katawan ni Hypnal na pagulong na sa kanila. Nasisira na nito ang kagubatan. May sumalubong pa sa kanilang mga hypnalis. Napahigpit ng hawak ang isang kamay ni Hemira sa lubid ni Nyebe dahil sa mga ito. Nakaabang na ang mga ito kaya napatigil ang puting kabayo sa pagtakbo. "NEHEEEEEEEEEEE!" pag-iingay ni Nyebe sa takot sa mga ito. Lumingon kaagad si Hemira sa kanilang likuran dahil maabutan na sila ng katawan ni Hypnal. Batid niyang huli na ang lahat sa kanila nang bigla na lamang itong maabo kaya nanlaki ang kaniyang mga mata. Ang mga anak din nitong mga hypnalis na nakapalibot sa kanila ay naabo na rin at doon ay tila nabunutan na siya ng tinik sa kaniyang lalamunan. Habol na habol niya ang kaniyang hininga sa pagpipigil niyon kanina. Nagapi niya si Hypnal at ang lahi nito. Malaya na ang Kobal. Doon ay napuno na siya ng pagkatuwa at napangiti nang malawak dahil sa wakas ay makababalik na ang mga hoblin sa lugar na ito… ngunit nang mapatingin siya sa yakap niyang si Eriza ay roon unti-unting nawala ang kaniyang ngiti. Muli siyang binalot ng kalungkutan sa pagpanaw nito. Naalala niya ang mga hoblin. Sigurado siyang hinihintay na siya ng mga ito. Magkahalong saya at lungkot ang kaniyang nararamdaman para sa mga ito dahil sa maganda at masamang balitang dala niya para sa mga ito. Niyakap niyang mabuti si Eriza at pinatakbo nang muli si Nyebe upang puntahan ang mga hoblin. Mabilis silang nakalabas ng Kobal at nang makapasok na sila sa katabing kagubatan kung nasaan naninirahan ang mga hoblin ay napatigil muli si Nyebe dahil sa mga hoblin na sumalubong sa kanila. Nag-ipon ang lahat ng mga ito at halatang hinihintay ang kanilang pagbabalik. Nang makita na sila ay sabay-sabay na nagdiwang ang mga ito dahil sa lubos na katuwaan. Tuwang-tuwa ang lahat dahil batid nila na isang napakagandang balita ang siguradong dala ni Hemira. Bumaba na siya kay Nyebe habang yakap-yakap pa rin si Eriza. Nakatungo lamang siya at ang mga hoblin ay napatahimik lahat nang makita nilang yakap niya ito. Nakatitig sa kaniya ang lahat ng hoblin at nahawi ang mga ito sa gitna. Lumabas doon si Ginoong Orum na nakangiti sa kaniya at bakas ang sobrang kasiyahan sa mukha ngunit nang makita rin si Eriza na yakap-yakap niya at hindi nagalaw ay nanlaki ang mga mata nito. Nabakas doon na hindi nito inaasahan ang nakita. "E-Eriza!" Nagmamadali itong lumapit sa kaniya kahit na hirap na sa paglalakad. "A-anong nangyari sa kaniya Hemira?" Tumingala ito sa kaniya at nanlalaki ang mga mata sa sobrang pag-aalala. Lumuhod siya at dahan-dahan na inihiga si Eriza sa lupa. Napasinghap naman ang lahat nang makita na wala na itong buhay. "Patawad. Hindi ko siya nagawang protektahan." Yumuko siya bilang paghingi ng tawad sa mga ito habang kuyom na kuyom ang mga kamao. ~Hemira~ Ako'y nakaluhod ngayon at nakayuko sa mga hoblin na nakapalibot sa amin. Nakatingin lamang ako sa mukha ni Eriza na aking inihiga rito sa lupa. Wala na talaga akong maramdamang kahit na katiting na prisensya mula sa kaniya kaya batid kong hindi na talaga siya magmumulat pa. "Sinundan niya ako sa kagubatang Kobal ngunit siya ay nahuli ni Hypnal. Pinuluputan siya ng buntot nito nang napakahigpit. Nagawa kong maputol ang buntot na iyon ngunit natagalan bago ko iyon magawa. Kahit na kakaunting lakas na lamang ang mayroon siya ay sinabi niya sa'kin ang paraan upang matalo si Hypnal at doon ay nalagutan na siya ng hininga. Patawad." Nakakuyom ko lalo ang aking mga kamao habang sinasabi ko iyon sa kanila. Nagkaroon ng katahimikan. Walang nakaimik ni isa sa kanila. ["Nagkakamali ka babaeng mandiri---ay mali. H-hemira. Maganda ang iyong pangalan at kasingganda mo nga iyon."] Napapikit ako nang mariin nang aking maalala si Eriza. Kung naputol ko agad sana ang buntot ni Hypnal na nakapulupot sa kaniya kanina, hindi sana siya nawalan ng buhay. Ngayon ay mas lalo kong natatanto sa aking sarili na kayhina ko dahil hindi ko rin nagawang iligtas noon si prinsesa Ceres na kakaunti na lamang ang distansya mula sa akin. Abot kamay ko na subalit wala akong nagawa. Hanggang tingin na lamang ang aking nagawa hanggang sa maglaho na sila noon sa kalangitan kasama ang bumihag sa kaniyang si Abellona. Hindi ko na nga nagawang iligtas nang maayos ang isang hoblin na katulad ni Eriza ay magagawa ko bang mailigtas ang mismong prinsesa pa? "Eriza..." Napatingin ako nang biglang humagulgol si Ginoong Orum at dahan-dahang niyakap ang wala ng buhay na si Eriza. "A-apo ko... Apo ko!" Nangunot ang aking noo sa kaniyang sinabing iyon. Apo niya si Eriza? Tuloy-tuloy ang matindi niyang pagtangis. Pati ang ibang mga hoblin ay nakiramay at umiiyak na rin nang lubos. "Eriza..." Napuno ng panaghoy ang kagubatang ito. "U-umbo(Ate)..." Napatingin ako sa isang payat na payat na batang lalaking hoblin na naglalakad papunta sa amin. May mga luha sa kaniyang mga mata habang deretso lamang na nakatingin kay Eriza na yakap-yakap ni Ginoong Orum. Tatatlo lamang ang kaniyang buhok na nakatayo pa at iisa lamang ang ngipin sa itaas. Marami na ring sira ang damit niya at napakadungis. Napakapayat rin niya ngunit katulad ni Eriza ay mabintog ang mga pisngi. Sya ang nakababatang kapatid ni Eriza! Binitawan na ni Ginoong Orum si Eriza at ipinayakap sa batang hoblin. "Umbo!" Humagulgol ito habang yakap ang nakakatandang kapatid. "G-gumising ka u-umbo Eriza! Imulat m-mo ang iyong m-mga mata!" pilit na gising niya rito. "P-patawad Salom. Ako ang nagdala sa iyong kapatid sa kaniyang kapahamakan." Nakayukong sabi ni Ginoong Orum sa batang hoblin na Salom pala ang pangalan kaya napatigil ito sa pag-iyak at napatingin sa kaniya. Miski ako ay napatingin din sa kaniya. "Ako'y tinanong niya kanina kung saan nagpunta si Hemira kaya naman sinabi ko sa kaniya ang gagawin ni Hemira na pagtalo kay Hypnal para sa ating kapakanan. Ni hindi ko man lamang naisip na susundan niya pala si Hemira dahil sa aking sinabi." Tila walang katapusan ang pagkawala ng mga luha mula sa kaniyang mga mata. Mas lalong nag-iyakan ang mga hoblin. Hindi ko napigilan ang aking sarili at niyakap ko ang dalawang hoblin dahil sa pagluluksang aking nararamdaman. "Patawad Salom. Nabigo ako sa pagliligtas sa iyong umbo Eriza. Patawad talaga sa napakalaking kapabayaan ko bilang isang mandirigma..." Mariin akong napapikit. May mga luhang tumulo na rin mula sa aking mga mata. Narinig ko rin na mas lalong napaiyak si Salom at yumakap na rin sa akin. Panaghoy pa rin namin ang namamayani sa buong lugar nang... "Haaaaaaaaahhh!" biglang malakas na singhap ng isa sa aking mga yakap kaya napabitaw ako sa gulat. Nagulat din si Salom at napatakbo papunta sa aking likuran. Miski ang ibang mga hoblin ay nagtakbuhan na sa kung saan-saan at hindi malaman kung saan magtatago. Isang mabigat na paghinga ang nangibabaw sa katahimikan. Ang ibang mga hoblin ay dahan-dahang sumilip mula sa mga lugar na kanilang tinataguan. Napatitig ako sa babaeng hoblin na patayo na mula sa pagkakahiga sa lupa at nakahawak sa dibdib habang habol ang kaniyang hininga. "Labis ka naman kung makayakap sa akin Hemira! Hindi na tuloy ako makahinga! Balak mo ba akong patayin!" sigaw niya sa akin. Tigagal akong nakatingin sa kaniya. "E-e-eriza?!" Hindi pa rin ako makapaniwala habang nakatulala sa kaniya. Napuno ng pagtataka ang kaniyang mukha. "Bakit ka gan'yan kung makatingin?" napatingin pa siya sa paligid habang nagkakamot ng ulo. "Bakit kayo nagtatago riyan? May problema ba?" Katulad ko ay tulala at hindi makapaniwala ang mga hoblin. Nagsilabasan na rin sila mula sa kanilang mga pinagtaguan dahil sa kaniya. "Eriza!/Umbo!" sabay-sabay na tawag sa kaniya ng mga hoblin na punong-puno ng kasiyahan pati na rin ng kaniyang nakababatang kapatid na si Salom. Dinumog siya ng mga ito. "S-s-sandali l-lamang! H-huwag n'yo ako i-ipitin!" Hindi pa rin ako makapaniwala sa aking nakita. Ang akala ko'y wala na siyang buhay... Natanto ko na may kapiraso pa siyang natitirang prisensya kanina at iba naman ang katawan ng mga hoblin kumpara sa mga tao kaya hindi na dapat ako magtaka nang ganito. Unti-unti na rin akong napangiti sa aking naisip na iyon. "Eriza..." nakangiti kong banggit ng kaniyang pangalan at napaluha pa ako sa labis na kasiyahan sapagkat wala naman palang nangyaring masama sa kaniya. Buhay siya ngayon at humihinga. Lubos na nagdiriwang sa kagalakan ang aking puso. Tumabi sa akin si Ginoong Orum na may mga luha sa mga mata habang nakangiti. Nakatingin lamang siya kay Eriza na pinagkakaguluhan pa rin ng mga hoblin. "Salamat at buhay ang aking apo." Pinunasan niya ang mga mata niyang basa ng luha. Napatigil ang lahat nang masinagan kami ng sikat ng araw. Nagbubukang liwayway na. *—* * *—* ~Sa Kagubatan ng Kobal~ "Maraming maraming salamat sa iyong pagtulong sa amin na bawiin ang aming tirahan kay Hypnal at sa mga anak nitong hypnalis, Hemira. Hinding-hindi namin makakalimutan ang kabutihang ito na ginawa mo para sa amin." Nakaluhod na pasasalamat sa akin ni Ginoong Orum. Sabay-sabay rin na lumuhod ang iba pang mga hoblin. "Maraming-maraming salamat, Hemira ng Gemuria." Yumuko rin ako sa kanila at nang i-angat ko na ang aking ulo ay napatingin ako kay Eriza na nakatayo lamang at nakatingin sa akin. Bakas na bakas ang sobrang kalungkutan sa kaniyang mukha. Nginitian ko siya. May tumulo namang mga luha mula sa kaniyang mga mata. "Hemira!" Umiiyak na tumakbo siya patungo sa akin at lumuhod naman ako upang salubungin siya ng yakap. "H-hemira... K-kailangan mo ba t-talagang umalis?... H-hindi ba m-maaring dumito k-ka na lamang at m-manirahan kasama n-namin?" Patuloy ang kaniyang pagluha. Hinaplos ko ang likod ng kaniyang ulo habang siya naman ay nakayakap sa aking leeg. Tumayo na rin ang mga hoblin na nakaluhod kanina at naiiyak sa tagpo naming ito. "Paumanhin Eriza ngunit lubhang napakahalaga ng misyong iniatas sa akin subalit huwag kang mag-alala, siguradong magkikita pa rin naman tayo pagkatapos ng aking misyon ito." Humiwalay siya ng yakap sa akin at tumingin nang deretso sa aking mga mata. "Pangako?" Mas lalo akong napangiti. "Pangako." ginulo kong muli ang kaniyang buhok at napangiti siya dahil doon. "Isa kang matapang na babaeng hoblin Eriza. Tulungan mo si ginoong Orum na pamunuan ang iba n'yo pang mga kalahi, naiintindihan mo ba?" Tumango-tango naman siya at may kinuha sa napakalaking bulsa sa harapan ng kaniyang damit. Isa iyong bagay na nakabalot sa makapal na puting tela at ibinigay sa'kin iyon. Nagtatakang tiningnan ko iyon. "Ano ito?" "Iyong buksan." ngiting-ngiting sabi niya. Binuksan ko nga ang telang iyon at nakita ko ang aking punyal. Napatingin ako sa kaniya na bakas ang labis na pagtataka sa aking mukha. "Napulot ko iyan nang kunin ko ang iyong lagan kagabi. Patawad kung akin din iyang kinuha sa iyo." Yumuko siya sa'kin. Lumawak naman ang aking ngiti. "Ayos lamang, Eriza. Ang mahalaga ay nasa akin na itong muli. Maraming salamat sa pagsasauli nito. Napakahalaga ng bagay na ito para sa akin." Tiningnan ko ang punyal na aking hawak. Kulay asul ang talim nito na kahawig ng buwan na kinagatan ng bakunawa (Crescent moon) at napakatalas din. Ang hawakan naman ay kulay puti na gawa pa sa sungay ng isang napakabangis na nabubuhay at may kulay asul rin na dyamante sa may gitna ng gintong disenyo nito. Mahalaga sa akin ang punyal na ito dahil ito ang ibinigay sa akin ng aking Nana noong ako'y paslit pa. Sabi niya ay regalo sa akin ito ng isang napakalapit kong pamilya ngunit hindi niya naman sinabi kung sino. Naalala ko noong nakikipaglaban ako sa mga hypnalis na pumalibot sa amin ni Nyebe ay itinapon ko ito sa aking tabi. Balak ko rin sana itong pulutin kasama ng aking lagan ngunit hindi ko na nga naalala dahil ang lagan ang mas nauna kong inaalala. Naalis ang aking malalim na pag-iisip at napatingin ako kay Salom na nasa aking harapan na rin. Hindi ko napansin ang kaniyang paglapit dahil sa lalim ng aking iniisip. Inilahad niya sa akin ang isa ring tela. Kulay puti iyon na nakatiklop. Nang buklatin niya iyon ay naroroon ang mga piraso ng iba't-ibang makukulay na dahon at maliliit na halaman. Napatingin ako sa kaniya at siya'y tila nahihiya sa akin. "Ang mga dahon na iyan ay nakagagamot sa mga taong may malalalang karamdaman o kahit mga hiwang gawa ng matatalas na bagay. Gamitin mo iyan kung iyong kailangan." Nakatingin siya sa sugat na nasa aking braso na gawa ng tuklaw ng isang hypnalis kanina. Napatingin ako kay Eriza at nakangiti siya sa amin. Kinuha ko na ang telang iyon kay Salom. "Maraming salamat Salom." Hinawakan ko ang kaniyang ulo habang nakangiti. Tatatlo nga lamang ang kaniyang buhok kaya wala akong magugulo roon. Nagtaka naman siya sa aking ginawa at tinawanan lamang siya ni Eriza dahil sa kaniyang naging reaksyon. Tumayo na ako at inilagay sa loob ng aking lagan ang telang naglalaman ng dahon na iyon saka hinawakan ko ang tali ni Nyebe na nanginginain lamang ng mga halamang makukulay. Napatingin ako sa paligid. Muling nagbalik ang pagiging makulay ng kagubatang ito kahit na ang kalahati ay sunog pa at ang iba naman ay mga tumba ang puno. Sumama na rin sa hangin ang mga abo ng mga hypnalis at ni Hypnal. Napangiti ako. "Kung gayon ay ipagpapatuloy ko na ang aking paglalakbay." Tumango silang lahat sa akin. Tumalikod na ako at naglakad na kami paalis ni Nyebe. "Maraming salamat muli Hemira! Mag-iingat ka! Aasahan ko ang pagkikita nating muli!" sigaw ni Eriza habang kami ay papalayo. "Mag-iingat ka mandirigma ng Gemuria!" narinig ko pang sabi ng iba pang mga hoblin. Hindi na ako lumingon. Itinaas ko ang aking isang kamay at kumaway-kaway habang may ngiti sa aking mga labi. Hindi iyon tanda ng isang pamamaalam kundi simbolo ng pagkakaibigan na nabuo kahit na sa maikling panahon lamang. ~Eriza~ Ngayon ay nakatanaw kaming lahat sa papalisan nang si Hemira at sa kaniyang kabayong si Nyebe. Napatingin ako sa aking tabi nang maramdaman kong mayroong lumapit doon. Pagtingin ko ay si nano Orum iyon. Nakangiti siya habang nakatingin rin sa papaalis nang si Hemira. "Eriza, masayang-masaya ako dahil hindi ka nawala sa amin ni Salom." Tumingin na siya sa'kin at mamasa-masa ang kaniyang mga mata. "Ako rin, umbo Eriza. Labis ang aking pasasalamat." malawak ang ngiting sabi naman sa akin ni Salom na nasa kabila kong tabi. Nginitian ko sila parehas. "Akala ko nga rin po ay hindi ko na kayo muling makikita." Yinakap nila akong dalawa at yumakap akong pabalik sa kanila. Napakapalad ko na makakasama ko pa rin sila. Humiwalay na kami sa isa't isa. "Ngunit nais ko lamang itanong sa iyo. Paano mo nalaman kung paano matatalo si Hypnal? Saan mo nabatid iyon?" Bakas na bakas ang matinding pagtataka sa mukha mukha ni nano Orum. Si Salom ay nakatingin lamang sa amin at halatang walang alam sa naging tanong niyang iyon. "Ang totoo niyan Nano, kagabi noong ninakaw ko ang lagan ni Hemira, napulot ko ang kaniyang punyal na itinapon niya habang nakikipaglaban siya sa mga hypnalis dahil ang kaniya nang ginamit ay ang dalawa niyang espada. Kinuha ko ang punyal niyang iyon upang protektahan ang aking sarili sa mga nakakalat na hypnalis ngunit may isang hypnalis na muntik nang makatuklaw sa akin." Matiim na nakikinig ang dalawa sa akin. "Sobrang takot na takot ako noon ngunit nang iwasiwas ko ang punyal ni Hemira na aking hawak ay naputol ko ang dila ng ahas na iyon at ito ay naabo ilang saglit lamang. Natakot ang iba pang mga hypnalis sa nasaksihan nilang aking ginawa kaya sila ay naglayuan na sa akin at doon ay nagawa kong makalayo kina Hemira." Naaalala ko pa kung gaano ako nagmamadaling tumakbo noon makalabas lamang at makalayo sa kagubatang Kobal at sa humahabol sa aking si Nyebe na sakay si Hemira. "Ganoon ba apo? Mabuti naman at napakalaki ng naitulong mo sa kaniya upang matalo si Hypnal. Masyado rin akong nag-alala kay Hemira para sa kaniyang kaligtasan dahil alam kong napakahirap matalo ng mga katulad ni Hypnal." Tumingin na muli siya sa direksyon kung saan naglakad paalis sila Hemira ngunit wala na sila. Nakalayo na silang dalawa ni Nyebe. Napangiti siya nang malawak. "Isang napakabuting mandirigma ni Hemira. Napakaputi ng kaniyang puso. Kung siya ay ipinanganak lamang na hari ng ating kaharian ay siguradong nasa mabuting kamay tayong lahat." Tumango naman ako bilang pagsang-ayon. Pati si Salom ay nakitango rin. Tinanaw ko rin ang direksyon na tinahak nila Hemira. Nasasabik na agad ako sa pagkikita nating muli... Hemira. * * * Buwan na kinagatan ng Bakunawa - Crescent moon. Isa itong superstitious belief sa Pilipinas na kapag crescent moon ay kinagatan daw ng bakunawa (isang sea serpent) ang buwan kaya nagiging crescent moon. Parang pa letter C 'yung punyal. Kapag new moon o walang buwan na makita sa langit ay kinain daw ng buo ng bakunawa ang buwan at isinusuka rin namang pabalik. Bakunawa - ang bibig nito ay kasing laki ng isang buong lawa, pula ang dila, makapal ang mga kaliskis, may mga mahahabang antenna sa bibig na parang sa hito at may dalawang pakpak na kulay abo. Ang isang pakpak ay sobrang laki at ang isa naman ay maliit at nasa pinakaibabang parte ng katawan matatagpuan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD