Chapter 5 - Hemira Laban kay Hypnal
Maliliit na mga Hoblin na namimighati
Tutulungan ng mandirigmang puso'y kaybuti
Lalabanan, pupuksain si Hypnal na kaysama ng uri
Magagawa niya bang magapi? O buhay niya ang magiging kapalit?
* * *
Papunta na kami ngayon sa kagubatan ng Kobal ni Nyebe upang hanapin ang lungga ni Hypnal. Madilim pa rin ang kalangitan dahil hindi pa nag-uumaga.
Nang papasok na kami sa kagubatan ay hinila ko ang tali niya upang siya'y tumigil na sa pagtakbo at doon ay bumaba na ako mula sa kaniya. Hinarap ko siya at hinawakan ang kaniyang mukha saka ko tinitigan ang kaniyang mga mata. "Nyebe, dito ka lamang hangga't wala pa ako. Kung mayroon mang mga kalaban ay magtago ka ngunit dapat ay balikan mo ako sa mismong lugar na ito. Kapag isinigaw ko ang iyong pangalan ay agad mo akong puntahan. Naiintindihan mo ba?"
"NEEHEEEEE!" sagot niya habang nakatingin sa akin.
Napangiti ako dahil mukhang nakakaintindi talaga siya ng salita ng mga tao.
Hinaplos kong muli ang kaniyang mukha. Hindi ko siya maaaring isama sa loob ng kagubatan dahil baka kung ano ang mangyari sa kaniya kaya iiwan ko muna siya rito.
Naglakad na ako papasok ng Kobal at sunog na sunog ang aking mga nadadaanan tuyong puno ngunit mamasa-masa ang lupa dahil sa pag-ulan kanina.
Pinakiramdaman kong maigi ang paligid. Kailangan kong hanapin ang kuweba kung saan naglulungga si Hypnal.
Nang malayo na ang aking narating sa paglalakad ay napansin kong ang nilalakaran ko ngayon ay hindi natupok ng sunog sa nagawa kong mahika kanina. Mukhang ito na ang kalahati ng kagubatang ito.
Nakaramdam ako ng napakaraming presensya ngunit napatigil ako nang maramdaman kong isa sa mga iyon ay malaki. Hindi lamang pala malaki kundi sobrang laki.
Naririnig ko rin ang pagbabaksakan ng mga puno at may mga naghihishisan na batid kong mga hypnalis.
"Siya iyon ina. Siya ang pumaslang sa ilan sa amin." narinig kong salita ng isang napakaliit na tinig.
Tumingin ako sa paligid. Mas dumami ang hishisan ng mga ahas na lumabas mula sa mga punong tuyot.
Hinanda ko na ang aking sarili upang umatake sa mga iyon ngunit napaatras ako nang isang napakalaking ahas ang lumabas mula sa isang direksyon at nadaganan niyon ang mga punong tuyot. Tumingala pa ako upang makita iyon nang maayos.
Katulad ng mga hypnalis ang kaniyang hitsura ngunit sobrang laki naman ng isang ito at napakalapad pa. Humishis ito nang malakas kasabay ang paglabas ng napakahabang dila nito. "Ikaw ba ang pumatay sa ilan sa aking mga anak? Ssssss..."
Hindi ko inaasahan ang bigla niyang pagsasalita. Ang kaniyang tinig ay sa isang babae at nakatingin siya sa akin. Ang mga mata niya ay berdeng berde at labas ang mga pangil na napakatulis ng dulo.
"Oo, ako nga! Nakasisigurado naman ako na ikaw si Hypnal!" matapang na sigaw ko.
Ngumiti pa siya. "Ganoon na nga. Sssssss... "
Napangisi ako. Mabuti na lamang at hindi ko na siya kailangan pang hanapin dahil siya na mismo ang lumapit sa akin.
Muling lumabas ang mahaba niyang dila. "Magpakilala ka sa akin!"
Ang ibang maliliit na hypnalis ay nanonood lamang sa aming pag-uusap.
"Ako si Hemira at mandirigma ako ng kaharian ng Gemuria! Naririto ako upang ikaw ay paslangin nang sa gayon ay maibalik na ang kagubatang ito sa inagawan ninyong mga hoblin!"
Natigilan siya sa aking sinabi ngunit pagka ay tumawa nang matinis. Nagsitawanan din ang maliliit na mga hypnalis sa paligid. "Anong iyong sabi? Ako'y iyong papaslangin? Nasisiraan ka na ba ng bait? Mukhang hindi mo pa batid kung ano ang aking kakayahan kaya walang makatalo sa akin. Sssssssss... Sawing palad ka, babaeng mandirigma ng Gemuria. Dahil sa iyong kapangahasan at pagsugod sa akin nang walang nalalaman ay papanaw ka para lamang sa walang kasing pangit na mga hoblin na iyon! Hyaaaahahaha! Maghanda ka dahil ako ang tatapos sa iyong kahangalan!"
Sasakmalin na niya ako nang buong-buo ngunit tumakbo ako palayo mula sa aking kinatatayuan.
Nakailag ako sa kaniyang atake at dahil doo'y sa lupa sumalpok ang kaniyang mukha na naglikha ng malakas na tunog. Ang mga puno rin doon ang kaniyang nakain na naging abo kaagad pati na rin ang natuluan niya ng kaniyang laway.
Miski na ang lupa ay nagkaroon ng napakalaking butas dahil sa pagsalpok ng malaking ulo niya roon.
Habang hindi niya pa naaangat ang kaniyang ulo ay tumakbo ako palapit sa kaniyang katawan at kinuha ang isa sa aking mga espada saka bumwelo na upang saksa'kin ang kaniyang balat.
Buong lakas kong itinarak ang aking espadang iyon subalit...
TAAAAAAAANNGGGG!
Isang tunog na tila pinukol ng bakal ang isa pang bakal ang nilikha niyon at tumalsik lamang palayo ang aking espada.
Sinubukan ko lamang kung kakayanin ko bang masaksak ang balat ng malaking ahas na ito ngunit tama nga si ginoong Orum. Napakatibay nga nito na tila bakal na pagkakapal-kapal.
Nang makita ng maliliit na mga hypnalis ang aking espadang tumalsik ay agad silang gumapang papunta roon ngunit binilisan ko ang aking kilos.
Kailangan ko silang unahan.
Nang malapit na ako roon ay may isang hypnalis na ang nakagapang doon kaya agad kong inapakan ang ulo nito nang pagkalakas-lakas. Napisat iyon saka ko na dinampot ang aking espada.
Pinagsasaksak ko sa lupa ang mga hypnalis na gumagapang papunta sa akin.
May isang patuklaw na sa akin ngunit hiniwa ko ang ulo nito.
Naramdaman ko na may tumuklaw sa likod ng aking binti kaya mabilis akong lumingon doon. Isang hypnalis ang madiin na nakakagat doon.
Bago ito makawala sa pagkakakagat sa akin ay agad kong hinawakan ang ulo nito at ipinakagat ko ang aking braso dahil ito ang paraang sinabi sa akin ni Ginoong Orum upang matalo ang kamandag ng isang hypnalis, ang kamandag din nito mismo.
"Igghhhhhhh..." daing ko dahil lubos ang hapdi ng sugat sa aking binti pati na rin sa braso. Wala ring dugong lumalabas mula sa mga tuklaw na iyon.
Nakaramdam ako ng pagkahilo ngunit pinilig ko ang aking ulo dahil isang kisapmata ko lamang ay siguradong libu-libong hypnalis ang pagpepiyestahan na ako.
Itinapon ko sa lupa sa aking harapan ang hypnalis na nakatuklaw sa akin saka ko isinaksak dito ang aking espada. Dumaing pa ito ngunit nawalan din agad ng buhay.
Tumingin ako sa aking paligid. Napakarami ng mga hypnalis na nakapaligid sa akin ngunit napatingin kaming lahat kay Hypnal na nagawa nang maiangat ang ulo.
Galit na galit na ito.
Napansin ko na kahit napakalaki niya ay mabagal naman ang kaniyang pagkilos.
"Ikaaaaaaaawwwww!" galit na galit na sigaw niya sa akin.
Nang muli niya na akong aatakihin ng sakmal ay pinaghihiwa ko ang mga maliliit na hypnalis sa aking gilid at tumakbo ako palayo sa aking kinatatayuan kaya hindi niya naituloy ang pagsakmal sa akin.
Tiningnan ko lamang siya na ngayon ay inis na inis na ngunit napalitan ang kaniyang pagkainis ng isang mapang-uyam na ngiti. "Ssssssssss... Akala ko ba'y pumunta ka rito upang ako ay paslangin? Sssssssss... Bakit iwas ka nang iwas sa aking mga atake? Diskarte mo ba iyan o ika'y sadyang duwag lamang at puno lamang ng satsat?"
Nginisian ko lamang siya. "Ikaw ang pulos satsat! Manahimik ka at umatake ka na lamang!" sigaw ko sa kaniya.
Lalo siyang nainis dahil sa pagpapahiya ko sa kaniya kaya muli na siyang umatake sa akin.
Hhinintay kong bumaba ang kaniyang ulong sasakmal sa akin at nang kapantay ko na iyon ay agad akong tumalon sa itaas ng kaniyang bibig na nakabuka at kinuha ko pa ang isa kong espada saka ko isinaksak ang aking dalawang sandata sa tig-isa niyang mga mata.
"GAAAAAAAAAHHHHHH!"
Agad na sumirit ang dugo mula roon at natalsikan ako sa aking mukha.
Hinila ko na ang aking mga espada sa kaniyang mga mata at tumalon pababa dahil nagsimula na siyang magwala.
"GAAAAAAAHHHH! ANG AKING MGA MATA! HINDI AKO MAKAKITA! WALA AKONG MAKITA!" sigaw niya habang nagwawala.
Dahil sa kaniyang pagwawala ay nadadaganan na niya ang maliliit na mga hypnalis na malapit sa amin pati na ang mga tuyot na puno.
Patuloy pa rin ang kaniyang pagwawala at nang ihahampas niya na ang kaniyang sarili sa aking direksyon ay agad akong umilag at tumakbo nang malayo upang hindi niya ako madaganan.
BAAAAAAAAMMMMM!
Napakalakas nang paghampas niya sa kaniyang sarili roon at nalindol pa ang lupa sa lakas niyon.
Sigaw pa rin siya nang sigaw.
"Ikaw ang hangal Hypnal! Paano mo naman nalaman na wala akong nababatid ukol sa iyo! Alam ko na napakakunat ng iyong balat kaya walang matatalas na sandata ang makagawa ng sugat sa iyo ngunit naisip ko na hindi ka naman pulos balat! Mayroon kang dalawang mata na alam kong kayang-kaya kong sugatan! At isa pa! Ikaw ang walang kasing pangit dahil sa labis mong kasamaan! Inagaw mo ang lugar at tirahan ng mga hoblin na wala namang ginagawa sa iyo upang lamang ika'y maginhawahan ngunit ngayon, kailangan nang maibalik ang kagubatang ito!" Tumakbo ako upang umatake na sa kaniya ngunit hinarang na naman ako ng maliliit na mga hypnalis.
Nakaririndi ang kanilang sabay-sabay na paghishis at pinalibutang muli nila ako.
Naisip ko na gamitin na lamang muli ang mahikang aking nagamit kanina ngunit siguradong magkakaroon na naman ng sunog dito dahil sa pagsabog na lilikhain niyon at baka buong kagubatan na ang matupok ng sunog na iyon. Kung gayon ay wala nang mababalikan ang mga hoblin rito.
Paikot ko na lamang na iwinasiwas ang aking mga espada upang mahati lahat silang mga nakapalibot sa akin.
Tumakbo ako habang patuloy na iwinawasiwas paibaba ang dalawa kong espada. Pinagsasasaksak ko rin ang mga nagtatangkang tumuklaw sa akin.
Ramdam ko ang sobrang pagkirot ng aking mga sugat na tuklaw ng hypnalis sa akin kanina.
"AHHHHHHHHH!" Patuloy pa rin sa pagwawala si Hypnal at nang ihahampas niya ang kaniyang leeg sa aking direksyon at ng iba pang mga hypnalis na nakapalibot sa akin ay agad akong tumalon sa kaniyang ulo at kumapit nang mabuti sa kaniyang kaliskis upang hindi ako mahulog mula sa kaniya.
Ang mga hypnalis na maliit naman ang tuluyan niyang nadaganan.
Tumigil na ang kaniyang ulo sa paggalaw sa ere kaya nakakatayo na ako nang maayos sa itaas ng kaniyang bibig.
Nakikita ko ngayon nang malapitan ang kaniyang mga matang nagdurugo at may mga saksak sa gitna. "Ano ang pakiramdam Hypnal na ikaw ang naghihirap ngayon?" seryoso kong tanong sa kaniya.
"Ahhhh! Tulungan mo ako Hemira!" Narinig ko ang maliit na boses ng isang babae at nang mapatingin ako kung sino iyon...
"Eriza!" sigaw ko nang makitang nakapulupot sa napakaliit na katawan niya ang manipis at pinakadulong buntot ni Hypnal. "Anong ginagawa mo rito?!" Hindi ako labis na makapaniwala na naririto siya. Kanina lamang ay nakita ko pa siya sa kanilang tahanang mga hoblin kaya tunay ang aking pagkabigla na bihag siya rito ni Hypnal.
Tanging ulo niya na lamang ang aking nakikita at may mga luha na sa kaniyang mga mata. Halatang hindi na rin siya makahinga dahil sa higpit ng pagkakapulupot ng buntot ni Hypnal sa kaniya.
"P-patawad He-hemira. S-s-sinundan lamang n-naman kita u-upang t-tulungan ka s-sana na t-talunin ang m-malaking A-ahas na i-ito." paputol-putol niyang sabi.
Puno ng galit na tiningnan ko si Hypnal sa kaniyang mga matang nakapikit na. "Pakawalan mo siya mostro!"
Iginalawgalaw niya ang kaniyang ulo kaya ako'y napatalon pababa. Nang lumapag na ako sa lupa ay tumingala ako sa kaniya na nakapaling ang ulo sa aking direksyon.
Galit na galit ang kaniyang mukha. "Isa kang pangahas! Bakit mo iyon ginawa sa aking mga mata?! Sssssss... Akala mo siguro ay matatapos mo ako nang ganoon-ganoon na lamang. Hindi lamang ikaw ang may utak, lapastangan! Siya'y nasa akin na nang magsimula tayong maglaban! Dahil sa iyong ginawa sa akin ay ang buhay ng hoblin na ito ang magiging kapalit! Ssssssss!"
Nakita kong mas humigpit ang pagpulupot niya kay Eriza kaya naman mabilis akong tumalon sa isang mataas na punong tuyot saka buong lakas na tumalon sa dulong katawan ni Hypnal.
Tumakbo ako papuntang buntot niya na nasa ere kung nasaan si Eriza at nang marating ko iyon ay sabay kong ipinanghiwa roon ang dalawa kong espada at umaasang mahahati ko iyon dahil manipis lamang naman ang buntot na iyon.
TAAAAAANNNGGGGG!
Sa kasamaang palad ay hindi ko nagawang mahati iyon katulad ng nangyari kanina. Ni hindi man lamang iyon gumawa ng kahit kakaunting sugat kahit na ang nipis lamang ng kaniyang buntot ngunit hindi ako sumuko. Mas nilakasan ko pa ang aking pwersa sa sunod kong paghiwa sa kaniyang buntot.
Umalingawngaw muli ang tunog ng tumamang bakal sa isa pang bakal ngunit wala pa ring nangyari doon. Pinanghihinaan na ako ng loob.
Napatingin ako kay Eriza na tirik na ang mga mata.
Hindi ko na malaman ang aking gagawin. Kung magtatagal pa ito ay siguradong mawawalan na siya ng buhay!
Napatingin ako sa dalawang espadang aking hawak.
"Ito ang dalawang espada ng tiwala, Hemira. Kung nagtitiwala ka sa iyong kakayahan at sa talas ng mga espadang ito, hindi ito basta-bastang masisira habang ikaw ay nakikipaglaban at magagawa mong mahati ang kahit na ano." naalala kong wika ni Ginoong Sueret sa akin nang ibigay niya sa akin ang mga ito.
Tama. Tiwala.
Doon ay bumalik sa akin ang pag-asa kaya naman bumuwelo na ako upang muling subukang hatiin ang buntot ni Hypnal.
Pinakiramdaman ko ang dalawang espadang aking hawak.
[Magagawa kong mahiwa ang balat ni Hypnal dahil kaya ko iyon at kaya ng mga espadang hawak ko iyon.
Na hindi ito masisira at nagtitiwala ako roon.]
Paulit-ulit ko iyong binabanggit sa aking isipan.
Ibinuhos ko na ang lahat ng aking lakas sa paghiwang gagawin ko sa kaniyang buntot.
"HAAAAAAAAAHHHH!"
Ipagpapatuloy...