Hemira 35

4625 Words
Chapter 35 - Ikaapat ~Hemira~ "Hemira... Alam kong naririnig mo ako. Ako ito, si Agafya." rinig kong sabi ni prinsesa Agafya sa akin ngunit hindi ko maimulat ang aking mga mata. Ni hindi rin ako makabangon o maigalaw man lamang ang aking katawan. "Alam kong nagtataka ka sapagkat hindi ka makabangon o makagising ngunit yan ang epekto sa iyo ng mga palaso ng mga dakalfar na tumama sa iyo. Sa sobrang dami noon ay sa tingin ko ay dalawang buwan pa ang aabutin upang tuluyan nang gumaling ang iyong katawan at saka ka na makakagising." Nagulat ako sa kaniyang sinabi. Dalawang buwan?! Ngunit hindi maaari! Halos isang buwan na akong naglalakbay at dalawang kasamahan ko pa lamang ang aking naiipon kaya naman hindi ako maaaring maratay dito ng ganoong katagal! Hindi maaari! Pinilit kong gumising ngunit sumasama ang aking pakiramdam. "Huwag kang mag-alala Hemira. Nakaisip ako ng paraan upang hindi umabot ng ganoon g katagal ang iyong paggaling,” sabi niya pa kaya naman napatigil ako sa pilit kong paggising sa sarili ko. "Amang hari, naririto ka na pala. Siya ang aking kaibigan na si Hemira na siyang nakapaslang sa hari ng mga dakalfar na si Rufus." "Ganoon ba? Mukha nga siyang matapang na babae ngunit kitang-kita ko kung gaano kadaming palaso ang tumama sa kaniya base sa mga itim na pasang lumalabas sa kaniyang katawan. Lagpas dalawang buwan pa ang kaniyang paggaling." rinig kong boses ng isang lalaki at may kabaritonohan iyon. "Kaya nga ama, ako ang hihiling sayo na siya'y pagalingin na upang hindi siya umabot ng ganoon g katagal na natutulog rito. May misyon pa siyang kailangang tapusin." pakiki-usap ni Prinsesa Agafya sa kaniya. "Mahirap ang iyong hinihingi anak kong prinsesa ngunit sige... Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang siya'y gumaling agad." Nakahinga ako ng maluwag sa aking narinig na iyon. Sana ay magamot na nila ako at magising na ako ngayon din upang makapagsimula na kaming makapaglakbay. Alam kong maisasama ko na si Kirion dahil sa pagliligtas niya samin ay mukhang gusto niya na ring sumama sa amin ni Aria. "Agafya, prinsesa ng kagubatang ito. Akong hari ng kagubatang ito ay ninanais na marinig ang iyong hiling." bigkas ng mahika ng ama ni Prinsesa Agafya. "Aking hinihiling, si Hemira ay gumaling na mula sa lason ng mga palaso ng mga dakalfar at makagising ngayon din,” wika naman ni Prinsesa Agafya. Bigla akong nakaramdam ng sobrang init sa aking katawan na tila may isang enerhiyang pumapasok sa akin. Unti-unti ring gumagaan ang pakiramdam ko hanggang sa tila kaya ko nang igalaw ang aking katawan. Iminulat ko ang aking mga mata at una kong nabungaran ay si Aria na hawak hawak ni Prinsesa Agafya. "Hemiraaaa!" umiiyak niyang tawag sa akin. Nakita ko na naman ang tiyara niya na isang brilyante sa may apat na kulay ngunit malabo ang dalawang nasa baba. Hindi ko pa masyadong maigalaw ng maayos ang katawan ko ngunit kaya ko na naman kahit papaano. Pinilit kong umupo at tinulungan naman ako ng isang kawal. "Aria, mabuti naman at ayos ka lamang." aking wika kay Aria at ibinigay na siya sa'kin ni Prinsesa Agafya. Nang mahawakan ko siya ay agad niyang iniyakap sa'kin ang kaniyang sarili na ikinagulat ko naman. "Akala ko ay hindi ka na talaga magigising! Kung nakita mo lamang kung ano ang itsura mo kanina ay parang sinunog ang iyong katawan sa dami ng itim na pasa na naroroon!" aniya na ngumangalngal sa pag-iyak. Niyakap ko na talaga siya at tinapik tapik ang likod upang pakalmahin. Ngayon ko lamang siya nakitang ganto kaalala sa akin. "Ngayon naman ay ayos na ako Aria kaya huwag ka nang mag-alala pa..." nakangiti kong wika at napatingin ako kina Prinsesa Agafya at sa lalaking nasa kaniyang tabi na may katandaan na at nakasuot ng sa isang hari. Agad akong bumaba mula sa aking malambot na hinihigaan at tumikluhod sa kanila. Iniyuko ko ang aking ulo bilang paggalang habang yakap ko pa rin si Aria. "Maraming salamat Prinsesa Agafya at sa inyo na kaniyang amang hari sa pagtulong at panggamot ninyo sa akin. Anumang nais ninyo na aking gawin ay aking gagawin bilang pagtanaw ng utang na loob." magalang sabi ko sa kanila. Nakita ko ang mga paa ni Prinsesa Agafya na palapit sa akin at umupo siya sa harap ko. Hinawakan niya ang aking balikat kaya naman napaangat ang aking tingin sa kaniya. Nakangiti siya sa'kin. "Wala kang dapat gawin Hemira sapagkat kami naman talaga ang dapat na tumanaw ng utang na loob sa iyo. Tinalo mo ang hari ng mga dakalfar na si Rufus at tuluyan na naming nahuli ang kanilang lahi na lubos na nakabubuti sa amin kaya isang maliit na bagay lamang ang paggamot ni amang hari sa iyo." kaniyang turan. Inalalayan niya na akong tumayo. "Tama ang aking prinsesa Hemira. Isang napakalaking tulong ng iyong ginawang iyon kaya naman sabihin mo ang iyong mga nais at aming ibibigay sa iyo. Kahit ano pa iyon ay pipilitin naming maibigay sayo." nakangiti namang sabi sa akin ng hari. Umiling ako sa kaniya. "Wala na po akong mahihiling, mahal na hari. Ang iyong paggamot sa akin ay sapat na." "Isa pa ring tulong mong nagawa ay ang maibalik sa dati ang liomean na si Kirion. Isa rin iyong napakalaking bagay hindi lamang para sa aming kagubatan ngunit para na rin kay Kirion mismo,” wika naman ni Prinsesa Agafya na nagpaalala sa akin tungkol kay Kirion kaya agad akong tumingin sa buong paligid upang hanapin siya. Isang napakaganda at maaliwalas lamang na kwarto ito ngunit wala rito si Kirion. "Kaaalis niya lamang Hemira at hindi namin alam kung saan siya tutungo...” wika niya nang mapansin ang aking paghahanap. "Ipagpaumahin n'yo ngunit akin muna siyang hahanapin." pagpapaalam ko sa kanila at tumango naman sila sa'king mag ama kaya ako'y lumabas na ng silid na iyon. Tumakbo ako at nagmamadaling hinanap kung nasaan si Kirion. Ipinagtanong tanong ko pa siya sa mga kawal ngunit ang turan nila ay lumabas na raw ito ng palasyo. Lumabas na ako ng palasyo. "Kirion! Kirion!" tawag ko sa kaniya at marahas na tumingin sa paligid. Tumakbong muli ako at pilit pa rin siyang hinahanap. "Kirioooooooooooooon!" isang napakalakas na pagtawag sa kaniyang pangalan ang aking ginawa ngunit walang Kirion na lumalapit sa akin. Ang aking natatandaan ay bumalik siya sa pagiging liosalfar niya at hindi ko alam kung hanggang ngayon ay liosalfar pa rin ba siya o bumalik na siya sa pagiging nemean niya. Umalis ba siya sapagkat ayaw niyang sumama at nais niya na lamang manirahan dito? "Hemira, hindi kaya tayo'y nilayasan na ng iyaking liomean na iyon sapagkat ayaw niyang sumama sa ating paglalakbay?" tanong sa akin ni Aria at iisa lamang pala ang nasa aming isipan. Umiling ako. Hindi totoo iyon. Alam naman ni Kirion kung gaano kahalaga para sa amin ni Aria, para sa akin na siya'y sumama sa aming paglalakbay. "Kirion!" tawag kong muli sa kaniya. Ngunit paano na ang aking misyon pag iyon nga talaga ang kaniyang naging desisyon? "Mukhang hindi na talaga siya magpapakita sa atin Hemira." walang pag-asang sabi ni Aria at dahil doon ay unti-unti na rin akong nawalan ng pag-asa. Napaupo na lamang ako sa damuhan at hindi ko alam kung ano ang iisipin ko. Iniharap sa akin ni Aria ang kaniyang sarili sa pagkontrol sa kamay ko at nakita niya kung gaano ako kawalang pag-asa ngayon. "Huwag ka nang malungkot Hemira... Ginawa mo naman ang lahat upang siya'y suyuin ngunit siya lamang talaga ang may matigas na puso na hindi makadama ng iyong sinserong hangarin kaya kapag nakita ko talaga ang iyaking liomean na iyon, nako! Nako! Baka hindi ako makapagtimpi at—" "At ano? Ano naman ang kayang gawin ng isang librong katulad mo sa akin?" wika ng isang boses ng lalaki kaya agad akong napalingon roon. Nanlaki ang aking mga mata. "Kirion?!" hindi ko makapaniwalang tawag sa kaniya. Katulad ni Prinsesa Agafya ay kaunti lamang ang itinanda ng kaniya itsura kahit na apatnapung taon na ang lumipas nung huli ko sila makita sa kaniyang nakaraan. Suot niya ay isang berdeng kasuotan. Umiwas siya ng tingin sa akin at halatang nahihiya siya sa akin. Agad akong tumayo at hindi ko napigilang yakapin siya. Ramdam ko ang pagpitlag niya sa gulat sa pagyakap ko sa kaniya. Lumuluha na rin ako at hindi ko rin napigilang humikbi. "Akala ko ay umalis ka na. Balak mo ba talaga kaming iwanan kaya ka umalis?" tanong ko sa kaniya. Hindi siya umiimik ngunit naramdaman ko ang pagyakap niya rin sa'kin at ang mahinang pagtapik sa likod upang ako'y pakalmahin. "Umalis ako sa palasyong iyon sapagkat ako'y naiilang na manatili roon kasama sila Prinsesa Agafya at ang kaniyang amang hari. Naiinis naman ako kay Prinsipe Garen sa kaniyang mga titig sa akin." paliwanag niya. Lalong humigpit ang yakap ko sa kaniya sapagkat naisip ko na bumalik na siya sa dati niyang anyo na nais na nais niyang mangyari. Naalala ko rin ang mga araw na sinusuyo ko siya at ang pagliligtas niya sa amin nung nasa kaharian pa kami nila Rufus. "Maraming salamat at iniligtas mo kami Kirion. Maraming salamat rin sa pagbalik mo sa amin." Ibinaon niya ang kaniyang mukha sa aking balikat at tumigil ang pagtapik niya sa aking likod. Naramdaman kong unti-unting nababasa ang aking balikat ng kaniyang luha. "Maraming maraming salamat din sa lahat Hemira... Maraming salamat at dumating ka sa buhay ko." mahinang sabi niya sa'kin. "Kung ganoon ba ay sasama ka na sa aming paglalakbay?" tanong ko sa kaniya. "Oo nga iyakin, sasama ka na ba sa amin?" tanong rin ni Aria sa kaniya na ngayon ay nasa gilid niya sapagkat yakap ko siya. Agad na napahiwalay sa'kin si Kirion nang marinig niya ang tinig ni Aria. Agad niya ring pinunasan ang kaniyang mata na basa ng luha. "Tigilan mo na nga ang pagtawag mo sa akin ng iyakin!" naiinis niyang sabi kay Aria. "Sige, titigilan ko na... Iyakin." pang-aasar naman nito sa kaniya at binelatan pa siya. Halatang napipikon na siya kaya balak ko na silang awatin ngunit nakita kong palapit na samin sila Prinsesa Agafya at ilang mga kawal at isa pang lalaki na nakasuot ng sa prinsipe. May hawig silang dalawa ni Prinsesa Agafya. "Kirion..." tawag ni Prinsesa Agafya kay Kirion kaya napalingon siya sa kaniya. Hindi ko makita ang emosyon sa mukha ni Kirion sapagkat nakatalikod na siya sa'kin. "Alam kong walang kapatawaran ang aking nagawa sa iyo ngunit sana ay dinggin mo na ang hiling ni Hemira na sumama sa kaniya sa kaniyang paglalakbay,” wika ni Prinsesa sa kaniya. Puno ng pangungusap ang kaniyang mga mata. Hindi siya umiimik. "Kirion, ako'y humihingi rin ng kapatawaran sa kasamaang ginawa ko sa iyo. Na pinasabi ko sa kawal na pinaabutan mo ng mensaheng paghingi ng tulong sa prinsesa ngunit ako ang nagbigay ng sagot sa kaniya. Sana ay huwag ka ng magalit kay Agafya." hinging tawad naman sa kaniya ng prinsipe. "Kinalimutan ko na ang lahat ng iyon kaya wag na kayong mangamba pa,” wika niya na sobrang nagpasaya sa prinsesa. "Talaga?! Maraming maraming salamat Kirion! Hindi mo alam kung gaano pinagaan ng mga salitang iyon na iyong binitawan ang aking nararamdaman. Maraming salamat talaga sa iyong kapatawarang binigay sa amin!" masayang masayang sabi ng prinsesa sa kaniya. Ngumiti rin lang ang prinsipe sa tabi niya. "At sa aking desisyon naman na pagsama sa paglalakbay nila Hemira, sasama lamang ako kung mayroon siyang ipapangako sa akin." Napatingin ako sa kaniya at tumingin rin siya sa'kin. "Hindi ba't ang inyong kaharian ang pinakamalakas sa lahat at ang inyong prinsesa naman ay kayang talunin ang lahat ng mostro?" tanong niya sa akin. Tumango naman ako bilang pagsagot. "Kung ganoon ay napakalakas niya hindi ba? Kung maipapangako mo sa akin na tuluyan na akong maiibalik sa anyo kong ito ng inyong prinsesa ay sasama na ako. Ililigtas natin siya upang matulungan niya ko. Sigurado kasi ako na ako'y babalik pa rin sa aking pagiging nemean kapag nagagalit ako kaya naman hihilingin ko sa inyong prinsesa na alisin na sa akin ang pagiging halimaw ko na iyon. Maipapangako mo ba?" tanong niya sa akin. Mabilis akong tumango sa kaniyang katanungan dahil alam ko na kayang kayang gawin iyon ni Prinsesa Ceres. "Ipinapangako ko iyan Kirion. At alam kong matutupad iyon." paninigurado ko sa kaniya. Napakalakas na maheya ni Prinsesa Ceres at alam kong walang mahika na hindi niya alam. Hindi niya nga lamang talaga nagawang protektahan ang kaniyang sarili dahil sa bigla-biglaang pagbihag sa kaniya. At isa pa ay hindi pa niya nabubuksan ang kaniyang tunay na kapangyarihan at mabubuksan lamang iyon sa ikadalawangpung taon niya. *—* * *—* Palabas na kami ngayon ng Faro at nasa akin na ang lahat ng aking kagamitan. Suot ko ng muli ang aking baluti, sakbit ko na sa aking likod ang aking lagan at nasa mga lalagyanan na sa aking bewang ang aking dalawang espada at puniyal. Lahat ng mga ito ay ibinalik sa akin ng mga kawal na kasama nila Prinsesa Agafya kanina lamang. Yakap ko si Aria at kasabay kong naglalakad si Kirion. Nagpaalam na kami kina Prinsesa Agafya, sa kaniyang nakatatandang kapatid na si Prinsipe Garen at sa kanilang amang hari na kami'y aalis na. Hiniling ni Kirion na umalis na kami agad at huwag nang maipaalam sa mga liosalfar ang aming pag-alis kaya naman ngayon ay palabas na kami ng kagubatang ito at balak nang puntahan ang susunod na lugar na aming kailangang puntahan. "Hoy iyakin! Sigurado ka ba talagang sasama ka sa amin? Baka biglang magbago ang iyong desisyon sa kalagitnaan ng ating paglalakbay o baka naman may pinaplano ka lamang sa amin upang ika'y makatakas?" bintang sa kaniya ni Aria. Agad namang napatingin sa kaniya si Kirion at may kunot na noo. "Ano ang pinagsasabi mo riyan? Wala sa aking isipan ang ganiyang mga bagay kaya huwag mo akong pagbinatangan. At isa pa, tigilan mo na sabi ang pagtawag sa akin ng iyakin!" napipikon na sabi niya kay Aria. Mukhang hindi sila talagang magkasundong dalawa. "Hmp! Kung hindi lamang talaga ang iyong pangalan ang nakasulat sa papel ng sikreto ay hinding-hindi ako papayag na isama sa paglalakbay ang isang iyaking katulad mo! Baka maging pabigat ka lamang sa amin ni Hemira!" mataray na sabi naman ni Aria sa kaniya. "Tingnan natin kung sino ang mas pabigat sa atin? Ikaw nga, pinapahirapan mo lamang ang mandirigmang ito sa pagbitbit sayo samantala naman ako ay may sariling mga paa at kamay." pagmamalaki ni Kirion at mukhang napunto niya ang kahinaan ni Aria dahil iyon naman talaga ang kahinaan nito. Ayaw ni Aria na masabihan siya ng pabigat sapagkat iyon ang tingin niya sa kaniyang sarili. "Eh ano naman?! Kaya ko namang ituro ang direksyon ng ating pupuntahan kesa sayo na walang alam!" pikon na na sigaw ni Aria kaya naman inawat ko na silang dalawa. "Wag na kayong magtalong dalawa... Parehas kayong mahalaga sa paglalakbay na ito at walang pabigat sa inyo kaya naman magbati na kayo." Iniharap ko si Aria kay Kirion upang sila ay pag-ayusin na ng hindi nila pagkakaunawaan. "Hmp!/Hmp!" pagtataray nila sa isa't isa. Napabuntong hininga na lamang ako. Mukhang hindi magiging payapa ang aming magiging paglalakbay sa kanilang mga pagtatalo. Nang makita na namin ang lagusan palabas ay isa iyong malaking katawan ng puno na nakadereksyon patungong kalangitan. Napatingin ako sa napakalaking butas non dito sa lupa. Nagmistulan ng kweba iyon. Napatingin ako kay Kirion habang naglalakad kami papunta na sa lagusang iyon. Seryoso lamang siyang naglalakad. Kung titingnan siya ay parang mas bata siya sa akin at mas maliit ang kaniyang tangkad sa akin. Patusok ang mga tenga at magulo ang ayos ng buhok na bumagay naman sa kaniyang itsura na may kakisigan. Kung titingnan kami ng ibang tao ay masasabi nilang nakababata ko siyang kapatid. Napangiti ako sapagkat hindi pa rin ako makapaniwala na sumama na siya sa amin. Wala siyang dinalang kahit ano kundi kaniyang sarili lamang. Napakatagal ko ring namalagi sa kagubatang ito. Umabot ako ng siyam na araw rito. Tumingin siya sa'kin kaya akin agad siyang nginitian ngunit umiwas lamang siya ng tingin. Nangiti lalo ako dahil halatang nahihiya pa siya sa'kin. Napatingin naman ako kay Aria na aking yakap at napansin kong muli ang suot niyang tyara. Iniharap ko siya sa akin at halatang nagtaka siya sa aking ginawa. Napatigil din ako sa aking paglalakad kaya napatigil din si Kirion at napatingin sa akin. Nakatitig lamang ako sa brilyanteng nasa tiyara ni Aira. Isang buong bilyante iyon ngunit nahahahati naman sa apat na kulay. Kulay asul at pula ang nasa itaas niyon at kumikintab sa tama ng liwanag. Kulay puti naman at dilaw ang dalawang nasa baba ngunit tila malabo ang mga iyon. Napuno ako ng kuryosidad dahil doon. "Aria, kailan ka pa nagkaroon ng tiyara na iyan?" tanong ko sa kaniya. Napatingin naman siya sa itaas upang tingnan rin ang suot niyang tiyara. "May tiyara akong suot?" nagtataka niyang tanong naman sa akin. Tumango ako. "Kaya pala tila may nararamdaman akong nakasuot sa aking noo. Ngunit hindi ko rin alam kung paano ako nagkaroon ng ganiyan,” wika niya. Naalala ko bigla noong siya'y naging isang taong apoy kaya mas lalo akong napuno ng kuryosidad. "Ngunit paano ka naging apoy noong nakikipaglaban pa ako kay Rufus? Ang buong akala ko noon ay tuluyan ka nang nasunog ngunit nagulat na lamang ako nang mag-anyo kang tao at lumabas ka mula sa apoy na iyon." nagtataka kong turan. Napa-isip rin siya. "Iyon ay hindi ko rin alam Hemira... Ngunit ang natatandaan ko lamang noon ay nais na nais ko pang mabuhay sapagkat narinig ko ang miserableng pagtawag mo sa aking pangalan. Alam ko kung gaano kasakit ang maiwan kaya naman lubos na ginusto kong mabuhay. Naramdaman ko na lamang na napuno ako ng isang napakalakas na kapangyarihan at doon ay nagawa ko nang makapag-anyong isang tao at nababalot ako ng apoy na ipinagtataka kong hindi masakit sa aking balat." mahabang paliwanag niya. Nangunot ang aking noo. "Hindi kaya may iba ka pang kapangyarihan Aria? Noong nasa Syierian tayo, nakapag-anyo kang makara at ngayon naman ay nakapag-anyo ka naman na babaeng apoy." "Baka siya'y isang mangkukulam,” sabi naman ni Kirion na kanina pa nakikinig lamang sa amin. Masama naman siyang tiningnan ni Aria. "Eh ikaw nga, antagal tagal mong napagdesisyonan na tulungan at iligtas kami ni Hemira! Napakatagal mong dumating!" sumbat ni Aria sa kaniya. Nangunot na naman ang noo ni Kirion. "Ako'y may paliwanag sa bagay na iyon." seryoso niyang wika. "Ano naman iyon? Baka palusot mo lamang yan. Baka naman talaga natatakot ka lamang na kami'y iligtas dahil baka mapahamak ka at umiyak lamang!" matabil na sabi ni Aria sa kaniya. Ito talagang si Aria... Masyado talagang matabil ang kaniyang dila. "Hindi iyon iyon! Ipinaliwanag sa akin ni Prinsesa Agafya na kayo'y bumalik sa aking nakaraan kaya napagtanto kong ikaw Hemira ay ang babaeng mandirigmang tumulong sa aking ina at siyang nanghikayat sa mga liosalfar na apulahin ang sunog sa aming bahay nonn kaya naman napag-isipan ko na na kayo'y iligtas ngunit pagdating ko sa lugar kung saan makakapasok na ako sa teritoryo ng mga dakalfar ay tila may napakalaking harang na hindi nakikita ng aking mga mata..." "...Sinubukan kong sirain iyon ngunit sobrang lakas ng mahikang iyon kaya naman ako'y natagalan at nang mawala na iyon ay roon na ako nakapasok sa kanilang teritoryo at nakarating upang tulungan kayo." kaniyang paliwanag. "Malaking harang na mahika?" tanong ko naman sa kaniya. "Naamoy kong gawa ang mahikang iyon ng isang napakalakas na dakalfar." kaniya pang sabi. "Siguradong gawa iyon ni Rufus upang mapigilan ang mga liosalfar na mailigtas ikaw na inaakala nilang si Prinsesa Agafya,” sabi naman sa akin ni Aria. Napatango-tango ako. Nagsimula na ulit akong maglakad at naglakad na rin si Kirion. "Ikaw naman ang magpaliwanag sa amin, Hemira. Noong naging apoy ako... Nakita kita. Nababalot ka ng isang napakalakas na itim na mahika? Ano iyon?" tanong sa akin ni Aria. Puno ng pagtataka ang kaniyang mga mata. Nangunot naman ang aking noo. "Ako? Gumamit ng mahika? Itim na mahika pa? Baka ika'y nagkakamali lamang Aria. Ni hindi nga ako marunong gumamit non. Minsan lamang ako nakagawa ng isang mahika at aksidente ko pa iyong nagamit kaya imposible ang iyong sinasabi." ani ko. Mayroon pa ring pagtataka sa kaniyang mukha. "Ngunit akin talagang nakita Hemira eh... Balot ka talaga ng isang napakalakas na itim na mahika!" pangungulit pa rin ni Aria. "Kapag sinabi niyang hindi siya iyon, hindi siya iyon at huwag mo nang ipagpilitan pa." masungit na saway sa kaniya ni Kirion kaya pinukol niya ito ng isang matalas na tingin. "Bakit ka ba nakikisali?! Di naman ikaw ang aking kinakausap!" napipikon na sigaw sa kaniya nito. "Iyong isipin... Ipapadala ba ng kaharian nila si Hemira upang iligtas ang kanilang prinsesa gayong isa rin naman pala siyang mostro at itim na maheya pa na siyang mga banta sa buhay ng prinsesang iyon?" wika pa ni Kirion sa kaniya. Napatingin sa akin si Aria pagkabi niya non. Tila mayroon siyang iniisip na malalim ngunit ilang sandali lamang ay nag-iwas na siya ng tingin sa akin. "T-Tama ka... Imposible ngang ganoon ang mangyari...” wika niya ngunit napansin ko ang pag-aalinlangan sa kaniyang mukha. "Malapit na tayo sa lagusan,” wika ni Kirion kaya napunta sa kaniya ang aking atensyon. Nakatingin siya sa unahang daanan kaya tumingin na rin ako roon at niyakap ko nang muli si Aria. Nang papasok na kami ng lagusan ay nagulat kami pare-pareho nang tumunog ng napakalakas ang isang trumpeta. Hinawakan ko agad ang aking espada dahil baka seniyales iyon na mayroong hindi magandang nangyayari rito sa lugar. Biglang may nagliparan sa paligid na mga maliliit na dahon papunta sa dereksyon namin. Napatingin ako sa mga iyon at sobrang dami niyon. Napansin ko ring may mga nakasulat roon kaya pumulot ako ng isa at binasa. "Maraming salamat Hemira. Patawad Kirion." basa ko sa nakasulat roon at may mga pangalan rin sa pinaka-ibaba. Napatingin sa akin si Kirion at nakita namin sa mga nagliliparang mga dahon ang iba't-ibang mga mensahe ng pagpapasalamat at paghingi ng tawad. Lumapag naman sa aking kamay ang isang dahon. 'Mag-ingat kayo sa inyong paglalakbay' - Agafya Mukhang galing ito sa mga liosalfar sa kagubatang ito at nalaman nila na kami'y aalis na. Alam ko na kung sino ang may pakana nito. Siguradong ang pilyang si Prinsesa Agafya ang may gawa nito. Nakangiting napailing-iling na lamang ako sapagkat ang hiling sa kaniya ni Kirion kanina ay huwag ipagsasabi kahit kanino ang aming magiging pag-alis ngunit kaniya pa ring ginawa. Pilya ngang talaga. Naluluha si Kirion sa kaniyang mga nababasa sa dahon ngunit agad niya rin iyong pinunsan sapagkat alam niyang kapag lumuha siya at nakita ni Aria iyon ay aasarin na naman siya nito. "Tara na at umalis na tayo." aya niya at nang tingnan ko siya ay may ngiti sa kaniyang mga labi. Isang napakagaan at sinserong ngiti. Sa ngiting iyon ay alam kong napatawad niya na ang mga liosalfar na kaniyang kalahi na minsang nang-api sa kaniya. Na minsang nang-apak sa kaniyang pagkatao. Humakbang na kami papasok ng lagusan ngunit naramdaman ko ang isang pamilyar na prinsensya ng isang nabubuhay kaya napalingon ako. Nakita ko si Ginoong Laar na nakatingin sa amin. Nakatayo lamang siya at nakangiti sa akin. Ngiti ng pagpapaalam at pagpapasalamat. Tuluyan na kaming nakapasok sa lagusan at napakadilim na hindi na namin makita ang isa't isa. "Paano tayo makakalabas rito?" tanong ni Kirion. Kinapa ko siya kung nasaan siya sapagkat baka magkahiwalay kami at nang mahawakan ko ang braso niya ay kumapit ako roon. "Kailangang magkakapit tayo upang hindi tayo magkahiwa-hiwalay,” wika ko sa kaniya. Hindi na siya umimik. Naglakad lamang kami at patuloy na nangangapa sa paligid. Hindi kasi nabanggit ni Prinsesa Agafya na madilim pala rito at kailangan namin ng sulo. Mukhang hindi pa rin nakakarating rito si Kirion sapagkat miski siya ay wala ring alam. Nagulat kaming dalawa nang biglang tila umangat ang lupa kaya kami'y napaupo pareho. Nang mahawakan ko ang lupa ay tila ang kinis kinis non. Bigla iyong nagliwanag kaya napapikit ako sa pagkasilaw. Nang imulat ko ang aking mga mata ay namangha ako nang makita ang aming sinasakyan ngayon. Isang napakalaking umiilaw na dahon na hugis puso at dahan dahan kaming inilulutang pataas. Sobrang bagal lamang niyon. Napatingin ako sa paligid at napuno ng umiilaw na mga maliliit na dahon na nasa pader lamang. Tiningnan ko si Aria at manghang-mangha rin siya miski si Kirion. Nang magkatinginan sila pareho ay biglang nagtarayan. Naramdaman kong tila bumibilis ang pagakyat ng dahon na aming sinasakyan. Isinakbit ko sa aking unahan ang lagan at ipinasok muna si Aria sa loob. "Dito ka muna dahil baka mabitawan kita." ani ko sa kaniya at pumayag naman siya. Kumapit ako sa tangkay sapagkat bumibilis na ng bumibilis ang pag-akyat nito. Pati si Kirion ay pinakapit ko na rin para hindi siya mahulog. Sobrang bilis na ng pag-akyat kaya napahigpit ako ng kapit at napapikit ako. Nang tila tumigil na ang aming sinasakyan ay napamulat ako. Nasilaw muli ako sa mas maliwanag na paligid. Unti-unti akong lumalaki at napigtal na ang suot kong kwintas. Bumalik na ako sa normal kong laki at napatingin ako sa paligid. Isa pa ring kagubatan ang aming nilabasan ngunit naalala ko si Kirion kaya napatingin ako sa paligid. Wala siya. "Kirion!" tawag ko sa kaniya at naramdaman kong may gumagalaw sa balikat ko kaya napatingin ako roon. Isang napakaliit na Kirion ang aking nakita at mas malaki lamang siya ng kaunti sa aking hinlalaki. "Nakalabas na tayo ng Faro!" manghang manghang wika niya habang masayang-masayang nakatingin sa asul na kalangitan. "Hemira! Nais ko ring makita ang paligid!" sigaw ni Aria mula sa loob ng lagan kaya naman kinuha ko na siya. Manghang-mangha rin siyang napatingin sa kalangitan. "Bakit tila ika'y namamangha pa sa asul na kalangitan gayong matagal mo na naman iyang nasilayan?" tanong ni Kirion sa kaniya. Napatingin tuloy siya sa kaniya. "Iyon ay sapagkat matagal-tagal rin na hindi ko ito nakita. Purong berde na lamang ang nakikita ko sa Faro kaya naman namangha ako sa kagandahan ng asul na kalangitan. Ngunit sandali lamang. Lumiit ka?" tanong niya sa kaniya na tila nang-aasar. Umasim naman ang mukha ni Kirion sa kaniya. "Ako'y isang duwende kaya natural lamang na ako'y maliit!" maasim niya na turan. "Ngunit hindi ko inakalang ganiyan ka KALIIT! Wahahaha!" pang-aasar pa rin ni Aria sa kaniya. Namumula na sa pagkapikon si Kirion. "Hindi kumong ako'y ganto kaliit ay ibig sabihin ay maaari mo na akong maliitin!" sigaw niya sa pagkapikon. Tinakpan ko na ang bibig ni Aria na mukhang may sasabihin pa upang matigil na silang dalawa. "Kirion, kailangan ko ang patak ng iyong dugo upang malaman natin kung saan at sino na ang susunod nating pupuntahan." aking wika kay Kirion. Nawala na ang pagkapula niya sa pagkapikon at tumingin na sa akin. Tinanggal ko na ang aking kamay sa bibig ni Aria. "Aking dugo?" "Ganoon na nga." Kinuha ko ang papel ng sikreto sa loob ng aking baluti kung saan iyon nakaipit roon at ipinakita ko sa kaniya ang dalawang marka ng dugo roon. Dahil doon ay pumayag na siya. Kinagat niya ang kaniyang hinalalaki at nagdugo iyon saka niya idiniin iyon sa papel ng sikreto na iniharap ko sa kaniya. Nagliwanag ang papel at nabura ang mga nakasulat roon. Napalitan iyon ng ibang mga salita. Iniharap ko sa aming tatlo iyon at sabay-sabay na binasa. Ibang mundo, ibang mundo, mundo ng moderno Ibang-iba sa kinagisnan, sa mata'y bagong-bago Mga bagay at lugar, kamangha-mangha sa iyo Iyong mga kilos at salita, sayo'y magpapawirdo Sa isang eskwelahan, iyong matatagpuan Isang binatang pagkakisig ngunit pagkasuplado naman Kaniya'y hindi batid, lahing maheya ang pinagmulan Argyris, isama sa iyong mundo, at iyong turuan
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD