Chapter 36 - Palaisipan
~Hemira~
"Mundo ng moderno? Kailanma'y hindi ko pa naririnig ang tungkol sa lugar na iyan,” wika ni Kirion.
"Hindi ba't minsan na iyong nabanggit ni Aloja?" tanong ni Aria sa akin.
Napatingin rin sa akin si Kirion.
Ibinalik ko na sa aking baluti ang papel ng sikreto.
Tama siya. Misan na ngang nabanggit iyon ni Aloja sa amin dati.
"Iyon ang mundo kung saan nanggagaling ang iba't-ibang mga wirdong bagay tulad ng makina at 'yung barkong ating sinakyan na nakuha ni Aloja para sa atin." dagdag pa ni Aria.
"Kung ganoon ay iyon ang susunod nating pupuntahan at ang pangalan ng susunod nating makakasama ay Arg—"
"Kaaaaaaaakkkk! Kaaaaaaaaakkkkkk!"
Napatingin kaming tatlo sa isang napakalaking ibon at mayroon siyang hinahabol na isang lalaki.
Sobrang laki ng ibon na iyon at purong purong puti.
Napakaganda ng kaniyang mga pakpak at mahaba ang kaniyang tuka.
"Anong nangyayari sa kanila Hemira?!" tanong sa akin ni Kirion.
"Ikaw ba'y bulag? Hindi mo ba nakikita na siya'y inaatake ng nabubuhay na iyon?" masungit na sagot sa kaniya ni Aria.
Napansin kong may kinukuha sa kaniyang lagan ang lalaking hinahabol ng ibon na iyon ngunit napakawirdo ng kaniyang lagan miski na ng kaniyang kasuotan.
Patakbo na siya sa aming direksyon ngayon.
Nang makuha niya na ang nasa loob non ay isang bagay iyon na hindi pamilyar sa akin.
"Kaaaaaaaaaaaakkkk!" inaatake pa rin siya ng ibon at pilit siyang tinutuka.
Hinarap niya ang ibon at iwinasiwas niya ang kaniyang kamay na tila gumagawa ng mahika.
Biglang umangat sa ere ang bagay na kaniyang kinuha sa kaniyang lagan at may kung anong mahahaba at maninipis na mga bagay ang lumabas roon at sobrang dami niyon.
"Noodles! Attack!" kaniyang sigaw.
Inatake ng mahahabang bagay na iyon ang ibon at nagmistulang makapal na lubid na siya ngayong sumasakal roon.
Pati sa kaniyang mga pakpak ay tila itinatali rin ng mga iyon.
"Kaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaakkkkk!" galit na galit na ang malaking ibon na iyon at nagawa nitong mapigtal ang nakasakal sa kaniya at malakas niyang ipinagaspas ang kaniyang malalaking pakpak kaya naman gumawa iyon ng malakas na pwersa at tumalsik sa aming direksyon ang lalaki.
Nanlaki ang aking mga mata.
Sa sobrang bilis ng pangyayari ay hindi ko nagawang umiwas at tumama ang kaniyang katawan sa akin.
Tuluyan na kaming napahiga sa lupa at nabitawan ko si Aria.
Nakatalikod siya sa akin ng dagan.
"Kaaaaaaaaaaaaakkkkkkkkk!" rinig ko pa ring galit na huni ng ibon at malapit na siya sa amin.
Agad na tumayo ang lalaking nakadagan sa akin at hinarap niya ako.
"Sorry Miss... I mean paumanhin binibini... Nasaktan ka ba?" nag-aalalang tanong niya sa akin.
Nakita ko nang mabuti ang kaniyang mukha at mayroon siyang taglay na kakisigan.
Kulay ginto ang kulay ng kaniyang buhok at naamoy ko sa kaniya ang isang napakabangong amoy na ngayon ko lamang naamoy sa tana ng aking buhay.
Wirdong tunay nga ang kaniyang kasuotan lalo na't sa malapitan.
Tinulungan niya akong umupo ngunit nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang napakalaking puting ibon na nasa likod niya lamang at nalipad habang galit na galit na nakatingin sa amin.
Hinawakan ko na ang aking dalawang espada at handa na akong umatake...
"Gaaaaaaaaaaaaaaaaaaarrrrrr!"
Napatingin kami sabay nitong wirdong lalaki sa aming gilid at mas lalong nanlaki ang aking mga mata nang makita kong unti-unting nagbabagong anyo si Kirion at tuluyan na siyang naging isang nemean.
Totoo nga ang kaniyang turan! Na siya'y bumabalik sa kaniyang pagiging Nemean kapag siya'y nagagalit.
Lagpas kalahati ko ang kaniyang laki at akin na namang nakita ang kaniyang nanlilisik na mga mata ngunit hindi na katulad iyon noon na puno ng poot.
Halatang nasindak itong wirdong lalaki nang makita niya si Kirion sa anyo nitong Nemean.
"Isang Nemean!" natatakot niyang wika.
Inatake ni Kirion ang puting ibon na iyon kaya nawala ang pagkasindak sa kaniyang mukha dahil napag-alaman na niyang kakampi namin ang Nemean na si Kirion ngunit iwas ng iwas ang puting-puting ibon sa mga atake ni Kirion.
"Kaaaaaaaaaaaaaaaaakkk!"
Lumipad papuntang direksyon namin ang ibon kaya agad kaming napatayong dalawa nitong wirdong lalaking.
Kinuha ko ang aking isang espada at sinimulan nang atakihin ang ibon ngunit katulad ng kay Kirion ay iwas lamang ito ng iwas.
"Kaaaaaaaaakkkkk!" pagaspas lamang siya ng pagaspas ng kaniyang pakpak at kapag pilit ko siyang inaatake ay tinataasan niya ang kaniyang lipad upang hindi ko siya masugatan.
Bigla siyang lumipad papunta sa direksyon ng wirdong lalaking at nag-iisa lamang siyang nakatayo roon sapagkat sa sobrang pag-atake ko ay napalayo na ako sa kaniya.
Nang paatake na ito sa kaniya ay mabilis na kinalmot ni Kirion ang isang pakpak nito kaya naman pumadaus-dus itong bamagsak sa lupa.
"K-Kaaaakkk..." pilit pa rin itong lumilipad ngunit hindi nito na magawa dahil sa natamo nitong sugat.
"Hemira!" tawag sa akin ni Aria kaya agad ko siyang hinanap.
Nakita ko siyang nakalapag lamang sa lupa malapit sa ibon na iyon kaya naman tumakbo ako upang kaniya siyang kunin.
Nang makalapit na ako sa kaniya at akmang kukunin ko na siya...
"Kaaaaaaaaaaaaaaakkkk!"
Nagsimula na namang pumagaspas ang ibon na ito kaya akin nang itinutok sa kaniya ang aking espada ngunit pilit siyang gumapang papunta sa wirdong lalaki at hindi man lamang ako pinansin.
Kinuha ko na si Aria at pinagpagan ko siya.
Nagtataka akong napatingin na lamang sa ibon na iyon sapagkat tila ang kaniyang inaatake lamang ay ang lalaking iyon at determinadong determinado siya na magawa iyon kahit na hirap na hirap na siya.
Nadumihan na ang napakaputi niyang mga balahibo at nagdurugo rin ang kaniyang pakpak ngunit kahit na halatang nasasaktan siya sa paggalaw sa kaniyang may sugat na pakpak ay pilit pa rin siyang gumagapang.
Mukhang hindi naman siya isang masamang nabubuhay.
Pagkat walang kasing puti niya ang mga mostro kaya napatingin ako sa lalaking iyon na kaniyang pakay.
Nakaposisyon siya na tila gagawa ng mahika ngunit pinigilan ko siya.
"Huwag mo na siyang saktan!" sigaw ko kaya napatingin siya sa akin.
Napatingin din sa akin ang nemean pa ring si Kirion.
"Ano ka ba Hemira?! Baka mamaya ay saktan pa tayo ng ibon na yan kapag hindi natin siya napatay!" natatakot na turan sa akin ni Aria.
"Ngunit tila hindi naman siya isang masamang nabubuhay. At isa pa, hindi tayo ang kaniyang inaatake kundi ang wirdong lalaking iyon,” wika ni Kirion habang nakatingin sa wirdong lalaki.
Mukhang natanto niya rin kung ano ang nasa aking isipan.
Lumapit ako roon at tiningnan ko siya ng seryoso.
"Anong ginawa mo sa nabubuhay na ito at determinadong-determinado siyang ika'y atakihin?" tanong ko sa kaniya.
Kumunot ang kaniyang noo.
"Wala naman akong ginawa sa kaniya! Nagulat nga ko nang bigla niya na lang akong habulin!" depensa niya sa akin.
Nangunot ang aking noo nang aking marinig kung paano siya magsalita.
Walang galang ang kaniyang mga salitang ginamit sa kaniyang kausap.
Hindi ko na pinansin iyon at tiningnan ko siya ng isang mapagdudang tingin.
Nang makalapit na sa kaniya ang ibon ay tinuka nito ang kaniyang wirdong lagan at pilit na kinukuha sa kaniya.
Hinawakan niya iyon at pilit na inaagaw.
"Let go of it Albam!" wika niya at napataas ang aking isang kilay.
Bumigkas ba siya ng isang mahika?
Biglang napilas ang kaniyang lagan at nalaglag mula roon ang isang malaking bilog na bagay na puting-puti at hugis itlog.
Mayroon ring isang lagan na katulad ng akin ang nalaglag kasama non.
Pinulot ko ang malaking itlog at nadama ko ang isang nabubuhay sa loob non.
Napatingin ako sa puting ibon na tila nais kunin sa'kin itong hawak kong itlog kaya naman lumapit ako sa kaniya at dahan dahan ko iyong inilapag sa kaniyang harapan.
"Kaaaaaaaaaaaakkkk!" huni niya at tinakpan niya ng kaniyang pakpak na may sugat ang itlog na iyon.
Napatingin ako sa wirdong lalaki at may pagdududa ang tingin ko sa kaniya.
Nanlalaki rin ang kaniyang mga mata na nakatingin sa ibon.
"O-Oy! Teka! Wag ka munang mag-isip ng masama! Let me expl- I mean... Hayaan mo muna akong magpaliwanag!" wika niya habang nakataas pareho ang kaniyang mga kamay.
Lumapit sa akin si Kirion at bumalik na siya sa pagiging liosalfar niya at inilagay ko siya sa aking balikat.
"Naglalakad lang ako nang meron akong makitang itlog sa lupa. Tumingin naman ako sa paligid na mga puno kung merong pugad o ano pero wala naman kaya naisipan kong kunin na lang. Tutal naman, pwede kong magamit iyon na ingredients sa restaurant ko. Pero di ko naman alam na sa isang Albam pala 'yung itlog na iyon,” wika niya ngunit nagtaka ako sa mga salitang ngayon ko lamang narinig na kaniyang sinabi.
"Kung gayon ay hindi mo sinasadyang makuha ang kaniyang itlog at hindi mo alam na siya ang ina nung itlog na iyon?" tanong ni Kirion sa kaniya.
Nang mapatingin siya kay Kirion ay mukhang ngayon niya lamang ito napansin.
"Wow! Liosalfar! Ngayon lang ako nakakita ng katulad mo! Ikaw ba 'yung nemean kanina?" tanong niya kay Kirion at hindi pinansin ang tanong nito sa kaniya.
Halata ang pagkamangha sa kaniyang mukha.
Sinubukan niyang hawakan si Kirion pero kinagat siya nito.
"Ouch!" sigaw niya na kinanuot ng aking noo.
Awts? Anong salita iyon?
"Sagutin mo na ang aking tanong bago ko pa lasugin ang iyong katawan kapag ako'y nag- anyong nemean muli." pananakot ni Kirion sa kaniya.
Parang hindi naman siya natakot at ngumiti lang.
"Oo... Tama ka doon sa sinabi mo. Di ko nga sinasadya na manakaw tong itlog niya sa kaniya. Ni hindi ko nga naisip na kaya pala kanina niya pa ko inaatake eh dahil sa itlog na pala na yan. ito kasing Albam na to. Di naman sinasabi. Basta na lang nang-aatake." nagkakamot sa batok niyang ani.
"Albam ang tawag sa nabubuhay na tulad niya?" aking tanong sa kaniya.
Tumango naman siya.
Nilapitan niya ang Albam na nakahiga lamang sa lupa habang protektadong yakap ang kaniyang itlog.
Nang lapitan niya ito...
"Kaaaaaaaaakkk!" angil nito dahil siguro akala nito ay kukunin na naman niya ang itlog.
May kinuha siya sa kaniyang pilas na lagan na mga dahon at marami iyon.
"Per magua, Faxo herba." kaniyang bigkas ng mahika at umangat sa ere ang mga dahon na kaniyang hawak at tila nilulukot iyon ng malakas ng hangin saka pumatak ang mga katas niyon.
Unti-unting nawalan ng kulay ang mga dahon at nawala na sa hangin.
Namangha ako nang aking makita na nawawala na ang malaking kalmot sa pakpak ng ibon.
Nagawa na nitong maipagaspag ang kaniyang mga pakpak kaya itinalikod ko si Aria at iniharang ko ang aking kamay kay Kirion upang hindi siya liparin ng lakas ng hangin.
Nakapikit din ang aking mga mata upang hindi ako mapuwing.
Nang mawala na ang malakas na hangin ay napatingala kami.
Wala na ang ibon na iyon pati na ang kaniyang itlog.
"Haaaaaaaaayyy... Hindi ko alam na nakapurwisyo pala ko. Ngayon na nga lang ulit ako napadpad dito tapos ganto pa nangyari. Tsk!" rinig kong reklamo nung wirdong lalaki kaya napatingin ako sa kaniya.
Ibubuka ko na ang aking bibig upang magtanong...
"Sino ka ba talaga? Bakit ganiyan ang iyong kasuotan at ang iyong pagsasalita?" tanong agad ni Kirion sa kaniya.
Iyon din sana ang aking itatanong.
"Hindi dapat ganiyan ang iyong pagtatanong iyakin...” wika naman ni Aria sa kaniya at nang tingnan ko ang mga mata niya ay nangingintab iyon habang nakatingin sa wirdong lalaki.
Siguradong dahil iyon sa kakisigan ng lalaking ito.
"Sinabi nang huwag mo akong tawaging iyak—"
"Ano ang iyong pangalan, Ginoo? Saan ka nakatira? At anong klase kang maheya?" tanong ni Aria kaya napatigil sa pagrereklamo si Kirion.
"Oh! Librong nakapagsasalita! Ikaw ba ang maalamat na librong Ariadne?" tanong niya kay Aria at kinontrol ni Aria ang aking kamay upang makatango siya.
"Oo, ako nga makisig na Ginoo!" tuwang-tuwang wika ni Aria sa kaniya dahil nakilala niya agad siya.
"Kung ganoon ay magpapakilala ako sa inyong dalawang magagandang binibini at astig na liosalfar. Ang pangalan ko'y Seth at hindi ako nakatira sa mundong to. Tagamoderno ako at—"
"MODERNO?!" sabay-sabay na tanong namin sa kaniya kaya siya'y napapitlag bigla at napahawak sa kaniyang dibdib sa gulat.
"Nakakagulat naman kayo!" sigaw niya sa amin.
Agad kong inilapit ang aking mukha sa kaniya ngunit umurong siya.
"Maaari mo bang sabihin sa amin ang mga bagay tungkol sa mundong iyon? Sapagkat kami'y papunta na roon ngayon." aking wika.
"Malayo ba iyon?" tanong ni Kirion.
"Mapayapa ba o puno ba ng panganib ang lugar na iyon?" tanong naman ni Aria sa kaniya.
"Teka isa-isa lang pwede ba? Hindi ko pa nga kayo kilala tapos andami n'yo ng tanong sa'kin. Ipakilala n'yo muna ang mga sarili n'yo sa'kin." kaniyang wika.
"Ako si Ariadne! Gaya ng iyong sabi ay ako nga ang maalamat na libro ng mga direksyon. Kinagagalak kitang makilala Seth." nangungunang pakilala ni Aria sa kaniya na mayroong napakatam-is na ngiti sa kaniyang mga labi.
Nginitian din siya nitong si Seth.
Napailing-iling na lamang si Kirion habang nakatayo sa aking balikat dahil sa inaakto ni Aria.
"Ako si Kirion, isa akong liomean. Ipinanganak na liosalfar ngunit kapag ako'y nagagalit ay nagbabago ang aking anyo at nagiging isa akong nemean." pakilala naman ni Kirion sa kaniya.
"Cool! Ngayon lang ako nakarinig ng katulad non ah!" manghang-manghang wika ni Seth sa kaniya.
Sa akin naman siya bumaling ng tingin.
"Ang aking pangala'y Hemira at isa akong mandirigma na nagmula sa kaharian ng Gemuria." aking pakilala.
"Heneral ng mga mandirigma ng Gemuria, Hemira." pagtatama ni Aria sa akin.
Napansin ko ang lubos na pagkagulat sa mukha ni Seth at nanlaki bigla ang kaniyang mga mata.
"IKAW ANG HENERAL NG MGA MANDIRIGMA NG GEMURIA?! HINDI BA'T IYON ANG KAHARIAN NG PRIMUM?!" sigaw niyang tanong sa'kin at hindi siya makapaniwala.
Kamuntikan nang mahulog si Kirion mula sa aking balikat dahil sa lakas ng kaniyang boses. Buti na lamang at nakakapit siya sa isang hibla ng aking buhok kaya hindi siya tuluyang nalaglag.
Tumango ako bilang pagsang-ayon at nagtaka ako sapagkat batid niya ang tunay na tawag sa unang angkan ng mga maheya.
"Ganoon na nga ang aking sinabi ngunit paano mo nalaman na primum ang tawag sa unang angkan ng mga maheya?" aking tanong sa kaniya ngunit hindi pa rin maalis ang pagkagulat sa kaniyang mukha.
Bigla siyang tumikluhod sa akin na hindi ko inaasahan.
"Paumanhin, heneral ng mandirigma ng mga primum dahil sa huli kong pagbibigay galang sa iyo. Sana'y huwag mong isipin na isang pambabastos iyon." kaniyang wika na ikinanuot ng aking noo.
Tumayo na siya at tumingin ng deretso sa aking mga mata.
"Ipakikilala ko na ng maayos ang sarili ko sayo. Ako si Seth, isang maheya ng mga pagkain. Nagmula ako sa lahi ng Tritus at dating mandirigma ng Secundo. Ako ay isa sa mandirigma ni prinsesa Aerin, ang prinsesa ng Secundo pero sa mundo ng moderno na ako ngayon nakatira dalawangpung taon na dahil binigyan ako ng kalayaan ng aming prinsesa." kaniyang pakilala.
"Prinsesa Aerin? Hindi ba't siya ang asawa ni prinsipe Alberon na matagal nang pumanaw at ang nakababatang kapatid naman ng prinsipeng iyon ay ang kasalukuyang reyna ng Secundo na si reyna Mades?" aking tanong sa kaniya.
"Tama ka. Dapat ay si prinsesa Aerin ang reyna ng Secundo pero pumanaw ang bagong silang niyang sanggol na sanang magiging prinsipe ng Secundo. Naunang pumanaw si prinsipe Alberon na sanang magmamana ng trono dahil nagtataglay siya ng purong dugo ng angkan ng Secundo kaya naman ang naging reyna ay ang nakababata niyang kapatid na si prinsesa— reyna Mades." mahaba niyang paliwanag.
"Saglit nga lamang... Hindi ko naiintindihan ang inyong usapan. Ano ba ang primum? Ang secundo saka ang tritus? Maaari n'yo bang ipaliwanag iyon sa amin?" takang tanong sa amin ni Aria.
"Ang Primum ang tawag sa maheyang kabilang sa unang angkan at ang isa sa kanila ay ang ililigtas nating si prinsesa Ceres. Ang Secundo naman ay ang tawag sa ikalawang angkan at kaming dalawa naman nitong si Seth ang halimbawa ng mga kabilang sa Tritus, ang ikatlong angkan ng mga maheya at kami ang mga tagapagsilbi ng Primum at Secundo." paliwanag ko sa kaniya.
"Kameng mga maheya lang ang nakakaalam ng mga tawag na 'yon sa mga angkan at kapag kausap na namin ang ibang mga nabubuhay ay hindi namin binabanggit 'yon dahil hindi naman nila alam iyon. Mahaba-habang paliwanagan naman kung ipipilit pa naming ipaliwanag sa kanila, diba?" pagpapatuloy na paliwanag ni Seth kina Aria at Kirion.
"Pero sinabi mong ililigtas n'yo ang prinsesa ng Gemuria na si Prinsesa Ceres? Bakit? Ano bang nangyari?" tanong niya sa'kin na halatang nabigla.
"Sabi ni Hemira'y siya ay binihag ng mangkukulam na nagngangalang Abellona." sagot ni Kirion sa kaniya.
"Si Abellona?! Binihag siya ng pinuno ng mga mostro na iyon?!" gulat na gulat niyang tanong.
Tumango kami ni Kirion pati na rin si Aria.
"Bakit di man lang nakarating sa'kin ang balitang iyon?" tila nababagabag niyang tanong.
"Iyon ay sapagkat hindi hinayaan ng aming mahal na hari na kumalat ang tungkol sa bagay na iyon sapagkat magsasanhi iyon ng kaguluhan sa ibang mga mabubuting nabubuhay." akin naman sagot sa kaniyang katanungan.
Biglang nagkaroon ng pangamba sa kaniyang mga mata at tila mayroon siyang iniisip na malalim.
"Ngunit nalalayo na ang ating usapan, sabihin mo naman sa amin ang tungkol sa mundo ng moderno. Iyon ba ay tawag lamang sa lugar na iyon o iba talagang mundo iyon mula sa mundong itong ating ginagalawan?" tanong ni Aria kaya akin nang naalala na kung saan saan na napadpad ang aming mga usapan.
"Oo ganoon na nga. Iba ang mundong iyon dito pero huli na talagang tanong na gusto kong malaman mula sa inyo. Ano namang gagawin n'yo roon sa mundong iyon?" tanong ni Seth.
"Pupuntahan namin ang taong nagngangalang Argyris upang isama siya sa aming paglalakbay sa pagliligtas kay prinsesa Ceres." aking sagot sa kaniya.
Nangunot ang kaniyang noo at tila napuno ng pagdududa ang kaniyang mga mata.
"Argyris? Isasama n'yo siya sa inyong paglalakbay? Bakit?" tanong niya na tila nasa tono niya ang pagkapamilyar sa pangalang iyon.
"Kilala mo si Argyris?" tanong ko sa kaniya.
Napataas siya ng isa niyang kilay at hindi ko alam kung ano ang iisipin kong reaksyon niyang iyon.
"Oo... Magkaibigan kami pero hindi naman kami masyadong malapit sa isa't isa. Pero bakit n'yo siya kailangang isama sa paglalakbay n'yo?" tanong pa rin niya at mukhang nais niya talagang malaman ang kasagutan sa tanong niya.
"Sya'y isa sa mga naatasan ng aming mahal na hari na sumama sa amin sa aming paglalakbay. Ililigtas namin ang prinsesa at sama-sama naming tatalunin si Abellona at napakahalaga niya sa aming misyon. Hindi pwedeng hindi namin siya maisama sapagkat kapag nangyari iyon ay baka tuluyan nang mapaslang ni Abellona si Prinsesa Ceres at tuluyan nang masakop ng kasamaan ang ating mundo." aking paliwanag sa kaniya.
Napansin ko ang sobra niyang pag-iisip.
"Kung ika'y nag-aalala na baka may masamang mangyari sa kaniya bilang isang kaibigan ay sinasabi namin sa iyo, hindi namin siya pababayaan habang kami'y naglalakbay. Hindi namin pababayaan ang isa't isa at sa paglalakbay na ito, walang maiiwan miski isa at kapag naging maayos na ang lahat ay makababalik na kami sa Gemuria dala ang isang magandang balita para sa lahat."
Napatitig siya sa'kin.
Tila hinahalungkat niya ang aking pagkatao sa kaniyang mga titig.
"Kaya naman maaari mo ba kaming samahan papunta sa Argyris na iyon?" tanong ni Kirion.
Napahinga siya ng malalim.
"Hindi kasi pwede kasi napadpad lang naman ako sa lugar na ito para kumuha ng mga ingredients, este mga gagamitin kong mga sahog sa mga bago kong menu sa restaurant ko. Dalawang beses lang ako kada taon napapadpad dito at pangalawa ko na ngayon. Mamamalagi ako rito buong araw para manguha ng mga kailangan ko kaya nga may lagan akong dala para kahit gaano karami ang kunin ko eh hindi mabigat at hindi madaling mapuno kaya baka hindi ko kayo masamahan pabalik doon. May limitasyon kasi ang pagbalik-balik dito kaya ganoon ." kaniyang paliwanag.
"Sige na naman Seth... Samahan mo na kami kay Argyris para naman sa akin,” wika ni Aria sa kaniya at ngumiti muli siya ng pagkatam-is tam-is.
Saglit na napaisip pa si Seth at tila nahihirapan talaga siyang magdesisyon.
"Uhmmmmm... Sige na nga pero samahan ko na lang kayo papuntang lagusan sa mundong iyon. Madadaanan ko rin naman iyon habang nangunguha ako ng mga kailangan kong pagkain at sahog. Habang papunta tayo doon eh saka ko na lang ikekwento sa inyo 'yung tungkol sa mundo ng moderno. Tutal naman eh kanina n'yo pa gustong gustong malaman ang mga tungkol sa mundong iyon."
*—* * *—*
Naglalakad na kami ngayon papunta sa sinasabing lagusan nitong si Seth.
"Tama ba na pinagkatiwalaan natin siya Hemira?" tanong sa akin ni Kirion.
Ako lamang ang nakarinig noon sapagkat mahina lamang ang kaniyang tinig at sa aking tenga ko siya bumubulong.
"Mukhang siya'y tunay na naninirahan sa mundong moderno kaya naman malaki ang kaniyang magiging tulong kung sasabihin niya sa atin ang mga bagay roon. Tingnan mo ang kaniyang kasuotan. Hindi ba't napaka-kakaiba at pati ang kaniyang pananalita. Marami siyang mga salitang nabanggit na hindi ko naman naiintindihan." aking mahinang sabi rin sa kaniya.
Hindi na siya umimik.
"Sa mundong moderno, ganto ang kasuotan namin. Ang tawag sa suot ko ngayon eh T-shirt at jeans tapos bagpack naman tong pinilas nung Albam na iyon kanina. Tsk! Mahal pa naman ng bili ko rito. Ganto rin ang pananalita ng mga tao roon sa mundong iyon. Walang masyadong paggalang kaya huwag kayong magugulat. Sinasanay ko na nga kayo kaya ganto ko kayo kausapin. May mga bagay roon na bagong-bago lang sa inyo kaya mamamangha talaga kayo sa mundong iyon." mahabang wika ni Seth habang naglalakad kami at siya naman ay namimitas ng mga dahon sa mga nadadaanan namin.
Napatingin ako kay Aria at Kirion at matiim silang nakikinig sa kaniya.
Halatang nais talaga nilang malaman ang mga bagay tungkol sa mundong moderno.
"PERO!" biglang sigaw niya kaya nagulat kaming tatlo nila Kirion at Aria.
"Wag na wag kayong magpapakita sa mga tao doon lalo na kayong dalawa." turo niya kina Aria at Kirion.
"Ngunit bak—"
"Basta! Kahit anino n'yo, wag na wag kayong magpapakita at itago n'yo rin ang prisensya n'yo para hindi kayo maramdaman doon ng ibang mga nabubuhay. Marami ring mga itim na maheya roon na maaring humadlang sa paglalakbay n'yo kaya ang pinakamabuting gawin n'yo ay wag kayong magpapakitang dalawa kahit kaninuman." babala niya.
"Paano na ako Hemira? Saan ako magtatago?" tanong sa akin ni Kirion.
"Dito ka na lamang sa loob nitong dating lalagyanan ko ng mga perlas at kabibeng ibinigay sa akin ng diwata ng Syierian na si Aloja." aking wika sa kaniya at aking pinakita ang supot na telang maliit at may tali iyon sa magkabilaan na kapag hinila mo ng sabay ay sasara ang butas ng tela.
Napahinga siya ng malalim at tila nanlulumo sapagkat alam kong nais niyang masilayan ang mundo ng moderno.
"Maaari ka namang sumilip Kirion. Hindi ko na lamang isasara ang butas nito."
Mukhang natuwa naman siya sa aking naging solusyon at tumango.
"Akala ko'y iiyak ka na naman iyaking liomean! Wahahaha!" pang-aasar na naman ni Aria sa kaniya.
Sinamaan niya ito ng tingin.
"Ikaw Aria, ilalagay kita sa loob ng aking lagan." aking sabi sa kaniya at nanlaki naman ang kaniyang mga mata.
"Ano?! Ngunit nais ko ring makita ang mundo ng moderno!" pagrereklamo niya.
"Sige... Bibitbitin pa rin kita ngunit huwag mo na lamang ilabas ang iyong mukha upang hindi ka nila makita." aking solusyon naman sa problema niya ngunit hindi pa rin nawawala ang pagkadisgusto sa kaniya.
"Gawin mo na lamang iyon at baka ikaw pa ang maging sanhi na lapitan tayo ng mga mostro roon." ganti ni Kirion sa kaniya.
Sya naman ang pumukol ng masamang tingin rito.
"IKAW RIN HEMIRA!" sigaw na naman ni Seth sa akin kaya ako'y muling nagulat.
"Huwag na huwag mong gagamitin ang mga espada at yang puniyal mo sa mundong iyon. Kahit na ipakita man lang ang kumikislap na talim niyan ay hindi pwede. Kung may mga taong gagawa sa inyo ng masama roon o ano man ay wag na wag mo silang papatayin. Pwede kang gumamit ng kamao pero kahit nga ganoon ay di pa rin pwede. Baka mahuli lang kayo ng mga pulis. Basta, umiwas na lang kayo sa gulo."
Napatango-tango ako sa kaniyang sinabi.
Kung ganoon ay hindi ko pala magagamit ang aking mga talim sa lugar na iyon?
Depende na lang siguro kung mga itim na maheya ang mga makakalaban ko o ibang mababangis na nabubuhay na naroroon.
"Halos lahat ng tao roon ay hindi alam ang tungkol sa ating mundo. Hindi rin sila naniniwala sa mga mahika at sa mga tulad natin kaya naman wag n'yo na lamang ipakilala ang sarili n'yo at wag niyong sasabihin na kayo'y mga mayroong mga mahika sapagkat magmumukha lamang kayong baliw sa paningin nila. Naiintindihan n'yo ba iyon?" tanong niya.
"Oo makisig na Seth...” wika ni Aria sa kaniya.
Tumango naman kami ni Kirion.
Tumigil siya sa paglalakad kaya napatingin ako sa paligid.
Napakaraming puno na hitik na hitik sa bunga.
"Per magiae, Necesse habeo ut aliquis fructus!" bigkas niya ng isang mahika.
Napatingin ako sa mga prutas sa paligid at kusang napitas iyon sa mga sanga noon at nakapilang nagpunta sa loob ng nakabuka niyang lagan.
"Hindi ba't ang sabi mo ay ika'y isang maheya ng pagkain?" tanong ko sa kaniya nang maalala ko ang kaniyang sinabi kanina.
Tumango siya.
"Kaya kong kontrolin ang kahit anong nakakain. Sobrang masarap akong magluto kaya nga nagtayo ako ng sarili kong kainan sa mundo ng moderno. Napakabili roon ng aking mga luto kaya mayaman ako sa mundong iyon." kaniyang paliwanag.
Naubos na ang mga prutas sa puno kaya nagsimula na ulit kaming maglakad.
"Marunong ka rin ba ng ibang mga mahika katulad ng mga pagpapalipad sa iyong sarili na walang gamit na kung ano? Yung mga mahikang iyong magagamit upang maipagtanggol ang iyong sarili sa isang kalaban." tanong ni Kirion sa kaniya.
"Uhmmm... Meron naman pero konti lang. Yung mahika sa pagkain lang kasi ang mahikang bihasa ako kasi yoon na ang pinag-aralan kong mabuti. Hindi ako marunong gumamit ng ibang mga malalakas na mahika katulad ng pagbabasabog pero hindi naman ako pwedeng maliitin dahil lang doon. Kaya kong gumawa ng pagkaing may lason na makapagdadala agad sa kamatayan sa magiging kalaban ko o kaya naman ay ganito..."
"...Ego vocabo, Monstrum alimento futura nutrimus!" bigkas niya muli ng mahika at napatingin ako sa mga prutas na kusang lumalabas mula sa loob ng kaniyang lagan.
Nagsama-sama ang mga iyon at nakabuo ng isang malaking nabubuhay.
"Gaaaaaaarrrrrrrr!" tinig ng isang halimaw ang nagmula sa atungal ng mga prutas na iyon.
Namangha kami nila Aria sa kaniyang ipinakitang iyon.
Bumalik ng muli isa-isa at nakapila ang mga prutas na iyon sa kaniyang lagan.
"Nasagot ko na ba ang tanong mo Kirion? Hindi ko lamang ito nagawa kanina doon sa Albam gawa ng wala pa kong mga pagkain na pwedeng magawang isang halimaw,” sabi niya kay Kirion.
"Ngunit marunong ka ring manggamot? Nagawa mo ngang magamot ang sugat ng Albam kanina, hindi ba?" tanong naman ni Aria.
"Ang panggagamot ay isa lang sa mga kaalaman ng mga maheya. Depende na lamang kung talagang pageensayuhan mo na maging magaling ka sa panggagamot. Katulad ko, ang mga halamang gamot ay naisasahog ko rin sa pagkain na nakapagpapagaling sa mga taong may sakit na kumain niyon kaya naman kaya ko ring kontrolin ang mga dahong herbal." paliwanag naman muli niya.
"Ikaw Hemira? Anong klase ka namang maheya?" tanong niya sa akin habang namimitas pa rin siya ng mga dahon sa mga nadadaanan namin.
"Ako? Hindi ako marunong gumamit ng mahika. Magaling lamang ako sa pakikipaglaban." sagot ko sa kaniya.
Napataas siya ng isa niyang kilay sa pagtataka.
"Isa kang heneral ng mga mandirigma ng angkan ng Primum pero di ka marunong gumamit ng mahika? Di ba at sabi mo, galing ka rin sa angkan ng Tritus?" nagtataka niyang tanong.
Nagkibit balikat na lamang ako.
"Hindi ko rin alam. Basta ang alam ko, hindi talaga ako marunong gumamit ng mahika. Isang beses, nagawa kong magpasabog ng isang lugar noong nakikipaglaban ako sa mga hypnalis sa isang kagubatan ng Kobal ngunit aksidente ko lamang iyong nagawa."
"Ganon? Ang alam ko ay parang isang pilay ang isang maheyang hindi marunong gumamit ng mahika,” wika pa niya.
Nagkibit balikat na lamang akong muli.
Hindi naman naging kahinaan sa akin ang walang masyado kong kaalaman sa mahika sapagkat kahit napakalakas na maheya noong dating heneral ng Gemuria na aking nakalaban ay nagawa ko pa rin siyang matalo.
Marami na akong maheya na natalo sa labanan kahit wala akong mahika kaya hindi ko kahinaan iyon.
"Ito na ang lagusan." aniya kaya napabalik ako sa aking sarili.
Napatingin ako sa aking harapan ngunit isa lamang iyong pader ng mga bato na tinubuan ng maliliit na mga d**o at halaman.
Napatingin ako sa itaas niyon ngunit mataas na pader lamang ito ng bato at ang tuktok niyon ay hindi ko matanaw.
"Aakyatin ba natin ito?" tanong ko sa kaniya.
"Hindi. Aantayin nating bumukas ang lagusan dito,” sabi niya at itinuro ang pader na nasa harapan namin.
Napatango ako.
"Dito ka ba dumadaan sa tuwing pumupunta ka sa mundong ito galing moderno?" tanong kong muli sa kaniya.
Umiling siya.
"Kaya kong gumawa ng mahika na makakapagpunta sa akin sa mundong ito galing sa moderno pero sarili ko lang ang kaya kong dalhin kaya itong lagusan na lamang na ito ang tanging solusyon para makapunta kayo doon sa mundong iyon... Pero..." pabitin niyang sabi.
Napatingin sa kaniya si Kirion at pati na rin si Aria.
"Gaaaaaaaaaarrrrr!" angil ng isang nabubuhay kaya sabay-sabay kaming napalingon sa aming likuran.
Isa iyong nabubuhay na may katawan ng isang leon ngunit ang ulo'y sa isang napakagandang babae na may makintab at mahabang buhok na kulay ginto.
Mayroon rin siyang dalawang napakalaking pakpak na kulay ginto rin katulad ng kaniyang kulay.
May mahaba rin siyang buntot at matutulis na kuko sa mga kamay na parang sa isang pusa.
Doble ni Kirion ang kaniyang laki kaya nakatingala kami sa kaniya.
Hinila ako ni Seth palayo sa pader na bato at doon pumwesto ang malaking nabubuhay na may ulo ng babae.
Hinarangan niya ang pader na iyon na tila pinoprotektahan niya iyon.
"Ang Sphynx,” wika ni Seth kaya napatingin ako sa kaniya.
"Inyo bang pakay ay makatawid patungong moderno?" tanong sa amin ng nilalang na tinawag ni Seth na sphynx.
Pangbabae ang kaniyang tinig at maganda iyon sa pandinig hindi katulad ng kaniyang angil kanina na nakapang ngangatog ng tuhod katulad ng kay Kirion.
"Oo, ganoon na nga." aking sagot sa kaniya kaya napatingin siya sa akin.
Napakagandang tunay ng kaniyang mukha.
Umupo siya at nakatingin lamang sa akin.
"Nais nilang dumaan sa lagusan na iyan kaya ano ang kailangan nilang gawin upang sila'y iyong payagan?" tanong ni Seth sa kaniya.
"Maaari ko lamang kayong hayaan na dumaan sa lagusan na ito kung masasagot n'yo ang palaisipan na ibibigay ko sa inyo." sagot niya.
"Palaisipan?" nagtatakang tanong ni Aria.
"Sya ang bantay ng lugar na ito at nagbibigay siya ng palaisipan sa mga gustong gumamit ng lagusan papuntang moderno. Kapag hindi iyon masagot ng nangahas na humingi sa kaniya ng palaisipan ay kakainin niya ito ng buhay. Lubhang napakalakas ng sphynx kaya naman talagang matatalino lamang na mga nabubuhay ang nakakadaan sa lagusan. Isa rin siyang immortal kaya wala tayong laban sa kaniya kapag hindi natin nasagot ang palaisipan niya." paliwanag ni Seth.
"Nako Hemira! Paano kung hindi natin masagot ang palaisipan na ibibigay niya?!" natatakot na tanong sa akin ni Aria.
"Hindi natin iyon malalaman kung hindi natin susubukan." pangongontra ni Kirion sa kaniya.
"Kung ganoon ay nais kong sagutin ang iyong palaisipan,” sabi ko sa sphynx.
Nakatingin lamang siya sa akin.
Ilang saglit lamang ay yumuko siya sa akin at ibunuka niya ang kaniyang gintong mga pakpak na sumayad na sa lupa.
Isa sigurong simbolo na ako ang bibigyan niya ng palaisipan.
Pagkaangat niya ng kaniyang mukha ay seryosong seryoso iyon.
Itiniklop niya na rin ang kaniyang mga pakpak.
"Ito ang palaisipang kailangan niyong sagutin... Malapit ngunit malayo, may dalawang bintana, pagsara'y pababa... Sanhi ng liwanag at sanhi rin ng dilim." pagbibigay niya ng kaniyang palaisipan.
* * *
Primum - tawag sa unang angkan. Ang mga nabibilang dyan ay sila haring Heman, Reyna Devora at Prinsesa Ceres pati na 'yung mga kamag-anak nila.
Secundo - Ikalawang angkan. Ang prinsipe o prinsesa nila ang dapat ikasal sa prinsipe o prinsesa ng mga Primum. Si haring Herman ay dapat ikinasal sa isang babae sa Secundo pero mas pinili niya ang empresa (empress) ng mga diwata na si diwata Devora na siya na ngayong reyna ng Gemuria.
Tritus - ikatlong angkan o kilala bilang mga tagapagsilbi ng primum at secundo. Hindi lahat ng nasa tritus ay mga tagapagsilbi dahil ang iba ay may sari-sariling buhay ngunit mas nagiging angat ang tingin sa isang tritus kapag mayroon siyang pinagsisilbihan sa una o ikalawang angkan. Kaya tumikluhod si Seth kay Hemira ay dahil ang pinagsisilbihan ni Hemira ay ang mga primum pero siya ay ang secundo kaya mas mataas si Hemira sa kaniya sa pagiging tritus.
Sphynx - imortal na nabubuhay at isa siyang nabubuhay na nagbabantay sa lagusan papuntang modernong mundo. Nagbibigay siya ng palaisipan sa mga humamon sa kaniya na magbigay. Ang time limit na ibinibigay niya ay kapag nagbukas na ang lagusan at tuluyan na itong sumara ay tapos na ang oras upang sagutin ang palaisipan niya at kakainin niya ng buhay ang binigyan niya non.
Mga Maheya. Puti o itim - ang mga maheya ay may inborn na kapangyarihan kung saan dinedevelope lang nila. Kung ang meron ka ay mahika na kayang kumuontrol ng mga pagkain katulad ni Seth ay iyon ang dapat mong idevelop. Hindi ka pwedeng lumihis ng aaralin masyado dahil mamamatay ang pagiging maheya mo at magiging isa ka na lamang na normal na tao. Maaaring mag-aral ng ibang mahika ngunit hindi iyon kasing galing ng kung ano talaga ang meron ka nung ipinanganak ka. Katulad ni Seth. Marunong siyang manggamot pero mga minor injuries lang katulad nung sa Albam. Maaaring meron pa siyang ibang alam pero hindi iyon kasing lakas ng mahika niya sa pagkain.
Ang may kaya lang na gawin ang kahit anong uri ng mahika ay ang primum na may taglay ng regnum na si Prinsesa Ceres nga.