Chapter 37 - Ibang Mundo
~Hemira~
Ilang minuto ang lumipas ngunit hindi pa rin namin maisip kung ano ang sagot sa palaisipan na ibinigay sa amin ng sphynx.
"Ano daldal? May naisip ka na ba?" tanong ni Kirion kay Aria.
"Sinong daldal?!" inis na tanong naman nito sa kaniya.
"Sapagkat palaging walang tigil yang iyong bibig ngunit ngayong kailangan namin 'yung pagiging madaldal mo ay saka ka nanahimik!"
"Bakit ikaw?! May naisip ka na bang tamang sagot sa palaisipan na iyon?!" napipikon na sigaw sa kaniya ni Aria.
"Wag na kayong magtalong dalawa. Imbis na nag-aaway kayo eh iniisip n'yo na lang 'yung sagot para makadaan na kayo sa lagusan papuntang moderno." saway sa kanila ni Seth.
Tumingin ako sa kaniya at nagpasalamat ng mahina dahil sa pagsaway niya sa dalawa.
"Malapit ngunit malayo? May dalawang bintana, pagsara'y pababa... Sanhi ng liwanag at sanhi rin ng dilim? Tsk! Wala akong maisip na sagot doon ah," sabi pa ni Seth at pilit na nag-iisip.
"Malapit ngunit malayo? Ahhh! Alam ko na!" sigaw bigla ni Aria kaya napatingin kami sa kaniya lahat.
Napamulat rin ang sphynx na kanina ay nakapikit lamang at hinihintay ang aming mga magiging sagot.
"Ano? Ano?" tanong ni Seth sa kaniya.
"Anino! Anino ang sagot!" tuwang-tuwang sigaw ni Aria sa sagot niya.
"Bakit naman anino?" nagtatakang tanong ko sa kaniya.
"Kasi sabi sa unang palaisipan, malapit ngunit malayo. Tingnan mo ang anino mo, malapit sa iyo ngunit kapag sinusubukan mong lapitan ay lumalayo sayo. Subukan mo dali!"
Sinubukan ko ngang tingnan ang aking anino at kapag nilalapitan ko iyon ay lumalayo sa akin.
"Sabihin nga nating tama na anino ang sagot sa unang palaisipan ngunit ano naman ang sagot doon sa may bintana at sanhi ng liwanag at dilim?" tanong ni Kirion sa kaniya.
Biglang nawala ang ngiti sa mga labi niya at napa-isip muli.
"Ngunit tama naman ang sagot kong anino, hindi ba sphynx?" tanong niya sa sphynx ngunit umiling lamang ito.
Biglang lumakas ang hangin at tila may bilog na liwanag ang unti-unting lumalaki sa pader na mga bato sa likod ng Sphynx.
"Nagbubukas na ang lagusan!" sigaw ni Seth.
Nagliliparan ang mga dahon sa paligid at mga buhangin sa lakas ng hangin na nagagawa ng pagbukas ng lagusan.
"Kailangan n'yo nang masagot ang palaisipan ng Spyhnx dahil kapag nagsara na ang lagusan ay iyon na ang katapusan ng oras ng pagsagot sa kaniya at kakainin na niya tayo ng buhay!" sabi ni Seth kaya naman kinabahan ako sa kaniyang sinabi.
Ngunit hindi ko talaga alam ang sagot sa palaisipan na iyon!
"Aray! Napuwing ako! Aray! May pumasok na kung ano sa mata ko!" reklamo ni Aria dahil nakalimutan ko siyang italikod sa hangin kaya napuwing siya ng mga nagliparang mga dahon.
"Hindi ito ang panahon para intindihin natin ang iyong pagkapuwing!" sigaw ni Kirion sa kaniya na nakakapit sa aking damit sa aking balikat.
"Hemira! Ang sakit ng mata ko!" reklamo pa rin ni Aria sa'kin at naluha na siya dahil siguro sa sakit ng kaniyang mga mata.
Tuluyan nang bumukas ang lagusan ngunit wala pa rin akong maibigay na sagot sa palaisipan.
Kabadong kabado na ako.
Nakahawak na rin ang aking isang kamay sa aking espada dahil kung hindi talaga namin magagawang masagot ang palaisipan ay pwersahan na lang kaming dadaan sa lagusan.
Lahat ay aking gagawin makapunta lamang kami sa modernong mundo kahit na kalabanin ko pa ang imortal na nabubuhay na ito!
"Hindi ko maimulat ang aking mga talukap dahil sa sakit," sabi pa ni Aria.
Bigla akong napaisip sa kaniyang mga sinabi.
Napatingin ako kay Seth at napatingin din siya sa'kin. Nanlaki pareho ang aming mga mata.
"Mata at talukap?!" sabay naming sabi sa isa't isa.
"Anong mata at talukap?" tanong naman ni Kirion at si Aria ay pakurap-kurap pa rin dahil sa pagkapuwing.
"Mata at talukap ang sagot sa palaisipan ng Sphynx!" tuwang-tuwang sabi ni Seth sa kanila.
Lumapit na agad ako sa Sphynx at nakatingin siya sa akin.
Napatingin ako sa lagusan at unti-unti na iyong lumiliit.
"Mata at talukap ang sagot sa iyong palaisipan. Mata sapagkat malapit lamang ito sa atin ngunit hindi natin ito makita kaya maihahalintulad siya sa isang malayong bagay na hindi natin makita. Talukap naman ang isa pang sagot sa iyong palaisipan sapagkat tila bintana ang ating mga talukap na ang pagsara ay pababa. Kapag tayo'y nagmumulat ay nasisilayan natin ang liwanag ngunit pag tayo'y nakapikit ay nagsasanhi iyon ng kadiliman kaya naman mata at talukap ang aking sagot." mahabang paliwanag ko sa kaniya.
Ngumiti naman siya na mas lalong nagpaganda sa kaniya.
"Tama ang iyong kasagutan. Tu autem vade, Uestra Celsitudo..." aniya sa kaniyang lenggwahe at umalis na siya sa pagkakaharang sa lagusan na tila kami'y pinaparaan na.
Naramdaman ko ang paghila sa akin ng lagusan na iyon.
Nagtago si Kirion sa loob ng aking baluti sa aking dibdib upang hindi siya mahiwalay sa amin.
Napalingon ako kay Seth habang patuloy akong hinihigop nitong lagusan.
"Maraming salamat Seth!" pagpapasalamat ko sa kaniya.
"Walang anuman! Pumunta kayo sa Primo High! Nandoon ang inyong hinahanap at kapag nakita n'yo na siya ay dumaan kayo sa restaurant ko! May napakamahalagang bagay akong ibibigay sa kaniya!" nakangiting sabi niya habang kumakaway sa amin.
"At oo nga pala, siya ay—"
Biglang pumuti na ang buong paligid at hindi ko na narinig ang sinabi pa niya.
~Seth~
Tuluyan nang nakapasok sila Hemira sa loob ng lagusan at nagsara na iyon.
Umalis na rin ang Sphynx dahil wala na siyang babantayang lagusan kundi sa susunod na mga buwan na iyon magbubukas.
Ako na lang ang natira rito.
Hindi ko alam kung narinig ba ni Hemira 'yung huling sinabi ko pero parang naman dahil nakangiti siya.
Sa dami ng oras na magkasama kami kanina ay nakalimutan kong sabihin sa kaniya na magpalit siya ng damit niya dahil siguradong mawiwirduhan sa kaniya ang mga tao sa moderno.
Hayae na. Kaya niya naman siguro iyong lusutan.
Marami akong gustong ipaalala sa kaniya tungkol sa moderno pero napuno ang isipan ko nang isang bagay.
Tama ba ang ginawa ko ngayon?
Na—
"Punong mandirigmang Seth..." tawag sa'kin ng isang boses ng lalaki kaya napalingon ako.
Isang mandirigmang nakatikluhod sa akin ang nakita ko.
"Ano iyon?" tanong ko sa kaniya. Hindi ko pwedeng gamitin sa mundong ito ang paraan ng pagsasalita ng mga moderno lalo na sa mga mandirigmang nakasasalamuha ko.
Tumayo na siya.
"Ipinatatawag po kayo ni reyna Mades..." magalang na sabi niya sa'kin.
Si reyna Mades. Gaya ng sabi ko kanina... Ang reyna ngayon ng secundo... Ngunit mayroon siyang sikretong isa ako sa mga nakaaalam.
Na kakampi niya si Abellona, ang pulang mangkukulam na siyang dumukot sa prinsesa ng Gemuria at ng mga primum na si Prinsesa Ceres.
At ako ngayo'y isang tagapagsilbi niya.
*—* * *—*
~Hemira~
Napapikit ako nang makaramdam ako na tila inalog ang aking buong katawan. Yakap ko rin ng mahigpit si Aria at ramdam ko na nagtatago lang si Kirion sa maliit na telang lagan na ikinuwintas ko.
Nang imulat ko na ang aking mga mata ay napatingin ako sa paligid.
Tila isang abandunadong silid ito na sobrang napabayaan sa dami ng mga sapot ng gagamba na nasa paligid.
Amoy na amoy ko rin ang alikabok at kung ano-anong mga wirdong bagay ang nakakalat sa sahig.
Tila mga bakal na pira-piraso ang mga iyon.
Lumabas na si Kirion mula sa telang lagan at tiningnan niya rin ang paligid.
Pati na rin si Aria ay lumabas na ang kaniyang mukha.
"Ito na ba ang mundo ng moderno?" sabay na tanong nila.
Nagulat kami nang tila bumabalik samin ang mga boses nilang dalawa. (echo)
Tiningnan kong muli ang paligid kung may kapahamakan bang nakaamba sa amin ngunit wala naman akong naramdaman kaya naglakad na ako palabas ng silid na ito.
Pagkalabas ko ay...
Brrrrrrrooooooooooommmmm!
Napiksi ako sa sobrang gulat at nagmamadaling bumalik si Kirion sa lalagayan.
Isang kung anong napakabilis na bagay ang dumaan sa aking harapan at nakalayo na iyon.
Agad kong kinuha ang aking espada at akmang aatake na sa kalabang baka umatake sa amin ngunit wala naman akong nakitang kalaban.
Ang lakas ng kabog ng aking dibdib.
Wala akong alam sa lugar na ito o sa kung ano mang mga nabubuhay ang mayroon dito kaya naman isang lubhang napakamapanganib ang mundong ito para sa aming tatlo.
"Hemira! Hindi ba't sinabi ni Seth na huwag mong ilalabas ang iyong espada!" sermon sa akin ni Aria kaya napabalik ako sa aking sarili.
Ibinalik ko na nga sa aking lalagyanan sa bewang ang aking espada.
"Paumanhin. Lubos lamang akong nagulat sa bagay na iyon." paghingi ko ng paumanhin sa kaniya.
"Ngunit nasaan na ba tayo?" tanong ni Kirion at muling sumilip.
Tiningnan naming tatlo ang paligid.
Nanlaki ang aming mga mata sa aming nakikita.
~Bagong Tagapagsalaysay~ ( Modernong Tagapagsalaysay muna ang inimbitahan ko para sa mga susunod na chapters para maexplain ng maayos ang mga pangyayari. May mga english terms and words dahil hindi ko na kayang maging makata sa mga gantong chaps. Dudugo ilong ko.)
Namangha ng sobra sila Hemira sa nakikita nila ngayon.
Mga nagtataasang gusali, iba't-ibang mga kasuotan ng mga taong naglalakad o mga nakasakay sa mga sasakyan na talagang nakapagpamangha sa kanila.
Ang mga jeep na nakikita nila, mga taxi at nang makakita sila ng mga motor ay nakadama agad si Hemira ng pagpapanic dahil iyon ang humarurot sa harapan niya kanina.
May mga nasakay sa mga sasakyan na sa kalsada na mga tao at nakita niya na suot ng mga iyon ang katulad ng kay Seth. Mga nakaT-shirt at jeans.
Ang iba'y mga nakasuit na siguradong papasok na sa kanilang mga trabaho at ang iba ay mga nakauniporme ng kanilang eskwelahan.
Mga wirdong bagay pa silang nakita sa paligid katulad ng mga poste, mga stalls at shops, mga railings sa gilid ng daanan at makukulay na mga pader na may mga murals.
Napuno ng pagkamangha ang kanilang mga mata sa mga bagong bagong bagay sa kanila at buka ang kanilang bibig sa paghanga.
"Ito na ba talaga ang moderno?" wala sa sariling tanong ni Kirion at napakurap kurap.
"Oo, mukhang ito na nga talaga ata. Ibang-iba ito sa aking inasahan na mundo. Ang akala ko ay kakaunti lamang ang pinagkaiba nito sa ating mundo ngunit nagkamali ako... Ibang-iba ito sa ating mundo." wala rin sa sariling sabi ni Aria.
Alas sais imedya pa lamang ng umaga kaya naman napakaaliwalas pa ng buong lugar.
May dumaan sa kanilang harapan na mga estudyanteng papasok pa lang sa kanilang mga eskwelahan at pinagtitinginan nila si Hemira.
Biglang nagtago si Aria at Kirion dahil sa pagdaan ng mga estudyanteng iyon dahil iyon nga ang babala sa kanila ni Seth.
"May parada ba ng mga cosplayers mamaya?"
"Baka. Ang ganda niya no. Bagay talaga sa kaniya 'yung icocosplay niya..." pag-uusap ng dalawang estudyanteng manghang manghang nakatingin sa kaniya.
Marami nang tao ang nakatingin sa kaniya dahil sa kakaibang kasuotan niya.
Ang akala ng iba ay may taping pa ng teleserye o movie at naghanap pa ng hidden camera sa may paligid.
"Hindi pa rin ako makapaniwalang may gantong mundo pala sa labas ng ating mundo...” sabi niya kina Kirion ngunit akala ng mga tao ay nagsasalita siyang mag-isa at iniisip na ng mga ito na nababaliw na siya.
Naglakad na siya at namamangha pa ring nakatingin sa paligid.
Tiningala niya ang nagtataasang mga buildings at hindi niya maiwasang hindi mapabulalas ng pagkamangha.
"Napakagandang tunay ng lugar na ito, Aria at Kirion! Hindi ko maipaliwanag kung gaano ito kaganda para sa akin!" masayang-masayang sabi niya at pinabubulungan na siya dahil sa kaniyang inaakto.
"Baka Wow Mali yan! Layo tayo. Baka maT.V pa tayo nito. Nakakahiya,” sabi ng isang matandang takatak boy sa isa pang takatak boy na mas bata sa kaniya.
"Ehhh! Gusto ko ngang makita sa T.V eh! saka ang ganda niya oh! Sexy pa!" sabi pa ng kaniyang kasama na nakatingin sa mga esposed na balat ni Hemira sa katawan.
Patuloy lang siya sa paglalakad at tila nakalimutan niya na kung ano ang pakay niya sa mundo kung nasasaan sila ngayon.
Palihim din na sumisilip sila Kirion at Aria at wala na rin sa kanilang isip ang kanilang misyon.
Nakarating sila sa isang bakanteng lote na walang katao-tao at hindi pa rin maalis ang pagkamangha sa kanila.
Pinulot ni Hemira ang lata na nasa lupa at tiningnan niya iyon.
Malinis naman ang lata at sinilip niya ang loob niyon.
"Ano kaya ang bagay na ito? Kulay pilak pa man din. Hindi kaya itinatapon lamang nila ang mga pilak rito dahil sila ay mayayaman. Sabi ni Seth ay mayaman siya sa lugar na ito, hindi ba?" tanong niya kina Aria.
"Baka ganoon na nga. Itago mo kaya iyan Hemira upang pagbalik natin sa ating mundo ay mayroon tayong mga ipambibili ng mga kakailanganin natin sa ating paglalakbay." suhestyon ni Aria.
Napatango siya sa sinabing iyon ni Aria at inilagay niya iyon sa loob ng kaniyang lagan sa pag-aakalang pilak ngang talaga ang bagay na iyon.
"Kailangan na nating hanapin kung saan ang eskwelahan na pinapasukan ni Argyris. Ang sabi ni Seth ay Primo... Primo High! Tama! Primo High ang eskwelahang iyon!" sabi ni Kirion.
"Isulat mo na sa akin ang lugar na iyon Hemira upang atin nang mapuntahan,” wika naman ni Aria at bumuklat siya sa isang blangkong pahina na sunod ng pahinang may sulat na Faro.
Isinulat ni Hemira. Primo Hay.
Ngunit biglang nawala ang sulat na iyon sa pahinang iyon kaya siya'y nagtaka at si Kirion.
Naramdaman din iyon ni Aria.
"Isulat mo na lamang muli." saad ni Aria.
Isinulat nga niyang muli. Primo Hay. Ngunit nabubura talaga iyon.
"Bakit ganito ang nangyayari Aria? Bakit nabubura ang aking isinusulat?" tanong niya kay Aria na puno ng pagtataka.
Tumiklop na si Aria at ngayon ay kaharap niya na siya.
"Aking naalala... Iba ang mundong ito sa ating mundo. Wala akong alam sa lugar na ito kaya naman wala rin sa akin ang mapa ng buong mundong ito,” sabi pa nito.
"Paano na natin pupuntahan si Argyris kung hindi naman natin alam kung paano pupunta roon?" nangangambang tanong ni Kirion.
"Marami namang maaaring maging solusyon dyan. Maaari naman tayong magtanong-tanong hindi ba?" sabi naman ni Hemira kaya napatingin sa kaniya ang dalawa.
"O-Oo nga... Maaari naman iyon...” wika na lamang ni Aria dahil nahihiya siya sa kaniyang sarili na hindi niya maituturo kina Hemira ang mga lugar na kailangan nilang puntahan sa mundong ito.
Bigla siyang tila nanlumo sa walang pakinabangang kaniyang nararamdaman sa sarili.
"Aba't mayabang ka talagang tar*ntado ka ah! Pagkatapos mong sulutin 'yung girlfriend ko, nakukuha mo pang samaan ako ng tinging g*go ka!" galit na sigaw ng isang boses ng lalaki.
Napatingin sila kung saan nanggaling ang sumigaw na iyon.
"Ano iyon, Hemira? Tila may nag-aaway," sabi ni Kirion.
"Umalis na tayo sa lugar na ito upang hindi na tayo madamay pa!" wika naman ni Aria at hinihila na si Hemira palayo sa pagkontrol sa kamay nito.
"Tingnan nating kung makapagyabang ka pa rin pag nadurog na namin yang mukha mo! Papatayin ka na rin naming g*go ka!"
Nakarinig sila na tila mayroong binubugbog kaya hindi niya napigilan na hindi alamin kung ano iyon.
May masama kasi siyang kutob na nararamdaman sa bagay na iyon.
"Hemira! Sabi nga diba ni Seth na huwag na lamang tayong lumapit sa gulo!" sermon muli ni Aria sa kaniya ngunit hindi siya nagpapigil.
"Eh paano kung may nangangailangan talaga ng tulong ni Hemira? Magagawa mo pa rin bang sabihin sa kaniya na hayaan na lamang na ang tao o anumang nabubuhay na iyon?" sabi naman ni Kirion sa kaniya.
Tinarayan lamang niya siya.
Nang makarating si Hemira sa isang abandandonadong bahay katulad ng pinagmulan nila kanina ay nakita nila ang pakikipaglaban ng isang lalaki sa lima pang kalalakihan.
Halatang pinagtutulungan ang lalaking iyon dahil sabay-sabay na umaatake sa kaniya ang lima na may hawak pang mga tubo.
Pare-parehas lang ang kanilang mga suot na mga uniporme.
Kulay maitim na asul na coat na may puting polo sa ilalim at may necktie na checkered.
Itim na pants naman ang pang-ibaba pero ang lima ay mga hindi nakabutones ang mga coat at nakabukas lang iyon kaya kitang-kita ang mga polo nila at wala rin silang suot na necktie.
Nahihirapan na ang lalaking iyon sa pakikipaglaban dahil sa hindi patas ang bilang nila nang biglang may pumalo sa likod niya na isa sa limang iyon kaya napaupo siya at napahawak sa likod niya.
"Tulungan natin siya, Hemira!" udyok ni Kirion sa kaniya.
"Paano na ang babala sa atin ni Seth?!" pagpipilit pa rin ni Aria ngunit dahil sa hindi nagustuhan ni Hemira ang nakitang iyon ay pumasok rin siya sa silid na iyon kaya napatingin ang mga lalaking iyon sa kaniya pati na rin ang pinagtutulungan ng mga ito.
"Woah! Boss! May nakacostume na dumating!" sabi ng isa sa tinawag niyang boss.
Napatingin nga ang leader ng grupong iyon sa kaniya at tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa saka nangunot ang noo sa pagtataka.
~Hemira~
"Ms., anong ginagawa mo rito? May kailangan ka ba?" tanong sa akin ng lalaking tinawag ng kaniyang kasamahan na boss.
Marahil ay Boss ang pangalan ng lalaking iyon.
Malaki ang kaniyang mga mata na bilugang bilugan at pango ang kaniyang ilong.
Ang laki ng kaniyang mga ipin na nakausli na at marami siyang tigidig sa kaniyang mukha.
"Boss, pakawalan mo na ang lalaking iyan na inyong pinagtutulungan bago pa may sakitang mangyari sa atin." aking sabi sa kaniya na kalmado.
Lalong nangunot ang kaniyang noo at nagtawanan naman ang kaniyang mga kasamahan sa hindi ko naman alam na dahilan.
"Sino ka ba? Si Darna ka ba? Hindi eh... Iba costume mo. Ano yan? Pauso mo? Ba't ba ganiyan itsura mo? Malayo pa naman ang halloween ah. In character na in character ka pa sa speech mo!" wika niya at ako naman ang nangunot ang noo.
"Darna? Costume? Ano nga iyong mga huli?" takang tanong ko sa kaniya sa mga salitang kaniyang sinabi.
"Ano ang mga iyon Aria? May alam ka ba tungkol sa mga salitang iyon?" tanong ko kay Aria.
Hindi lumalabas ang kaniyang mukha dahil siguradong galit siya sa'kin sa pagsuway ko na naman sa kaniya.
"Tsk! Boss! May tililing ata ang isang yan,” sabi ng isa pa niyang kasamahan kay Boss kaya napatinging muli ako sa kanila.
"Sayang ka! Chicks ka pa naman pero baliw nga lang. Pero ang pinakamaling nagawa mo ngayong araw na ito eh itong isang ito ang napili mong tulungan!" sabi ni Boss at sinabunutan niya ang lalaking pinagtutulungan nila.
Napakuyom ako ng aking mga kamao.
Halatang nasasaktan siya sa pagkakasabunot sa kaniya pero pumalag siya at tumayo saka sinuntok sa likod ng ulo ang isa sa mga lalaking kasamahan ni Boss na nasa tabi lang niya.
"G*go ka ah! Rumeresbak ka pang p*tangna ka!" sigaw ng sinuntok niya sa kaniya at pinagsusuntok siya niyon sa kaniyang sikmura habang hawak naman siya ng dalawa pa sa magkabila niyang kamay.
Nanonood lang si Boss sa kanila.
Nakakita ako ng isang may kalakihang bato sa aking paanan kaya sinipa ko iyon ng malakas at tumama iyon sa likod ng sumusuntok sa lalaking iyon.
"Araaaaaayyyyy! P*ta!" kaniyang daing ng sakit at napaupo siya habang nakahawak sa likod niya.
Nabitawan niya rin ang kaniyang hawak na bakal at kumalansing iyon sa pagbagsak sa sementong lupa.
Nagdugo agad ang kaniyang sugat sa likuran at nang makita niya ang kaniyang kamay na may dugo ay nanlaki ang kaniyang mga mata pati na nila Boss.
"Boss! Dugo!" hindi niya makapaniwalang sabi kay Boss at takot na takot rin.
Galit na galit na tumingin sa akin si Boss.
Pinakawalan na ng dalawa niyang kasamahan ang lalaking pinagtutulungan nila.
"You b*tch! Babawian kitang matinding-matindi!" galit na galit niyang sabi sa akin.
Ginamit niya ang lenggwaheng ginagamit ni Seth paminsan-minsan.
"Hindi kayo patas lumaban! Lima kayo ngunit iisa lamang siya na inyong pinagtutulungan! Para kayong mga mostro!" aking sigaw sa kanila.
Hinawakan ko na ang dalawa kong espada at akmang gagamitin ko na iyon ngunit naalala ko ang bilin ni Seth kaya binitawan ko na iyon.
"Anong pinagsasabi mo dyan?! Baliw!" sigaw sa'kin ng isa sa kanila.
Yinakap ko si Aria at itinaas ko ang paa ko sa direksyon ni Boss.
Napatigil naman sila.
"Kung aakitin mo kami niyang legs mo eh di effective yan!" sigaw sa'kin ni Boss at saka sumugod na ng atake sa akin ang kaniyang mga kasamahan.
Umilag ako sa sabay-sabay nilang hampas at hinarap ko ang isa sa kanila.
Hahampasin niya na ako ng bakal na hawak niya ngunit sinipa ko siya sa kaniyang sikmura.
"Augggggghhhh!"
Hindi iyon gaanong malakas dahil nakikita ko na mahinang tao lamang siya na baka mabutas ko ang kaniyang sikmura kapag aking nilakasan ang sipa ko sa kaniya.
Napa-urong ang isang iyon at napa-ubo ubo.
Napaupo siya habang hawak ang kaniyangsikmura at namilipit din sa sakit.
Naramdaman ko na may papalo mula sa aking likuran kaya agad akong yumuko at sinipa ko siya habang ako'y nakatalikod sa kaniya at tinamaan ko ang maselang parte niya. Ang kaniyang kayamanan at p*********i.
"Auuuck!" daing niya ng sakit at agad niyang nabitawan ang bakal na hawak niya at napahawak rin sa kung saan ko siya sinipa.
Namutla ang kaniyang itsura at mariing napakagat sa ilalim na labi sa sakit na nararamdaman.
Napahiga siya at namilipit sa sakit.
Napatingin ako sa isa pang nakahandang umatake sa akin ngunit nakita ko ang pagkatakot sa kaniyang mga mata. Halatang nagdadalawang-isip siya sa kaniyang pag-atake sa akin.
"Ano pang ginagawa mo! Atakihin mo na siya!" sigaw sa kaniya ni Boss kaya roon ay naglakas loob na siyang hampasin ako ngunit isinalag ko ang aking braso.
Tila hampas lamang ng isang paslit ang aking naramdaman.
Napatitig siya sa'kin at nang akma ko siyang sisipain rin sa maselan niyang parte sa ibaba ay agad niyang pinagdikit ang kaniyang mga binti upang hindi ko iyon magawa ngunit inumpog ko ang aking ulo sa kaniya.
Biglang umikot ang kaniyang paningin at walang malay na bumagsak sa sahig.
Kumalansing rin ang bakal na hawak niya sa pagtama non sa sahig at paunti-unti ang pabalik balik na paggulong.
Tiningnan ko na si Boss at lalong tumindi ang galit sa mga mata niya habang nakatingin sa akin.
"Hindi ako natatakot sayo!" sigaw niya at ibinato sa akin patusok ang bakal na hawak niya ngunit nailagan ko iyon ng walang masyadong galaw sa aking katawan.
Bumagsak iyon sa sahig at napakaingay.
Pinulot niya pa ang apat na bakal na hawak kanina ng kaniyang mga kasamahan at sunod-sunod na ibinato sa akin patusok ngunit nagawa ko ring mailagan ang mga iyon ng mabilis at malinis.
Naglikha rin ng napakalalakas na mga ingay ang mga bakal na iyon.
"Arrrrrgggggggggggghhhh!" inis na inis na sigaw niya at napasabunot pa sa kaniyang buhok.
"Babalikan kitang babae ka! Tandaan mo yan! Hindi pa tayo tapos!" kaniyang banta sa akin at tinulungan ang kaniyang mga kasamahan na tumayo at umalis na sila ng paika-ika.
Agad kong nilapitan ang lalaking nakaupo lamang ngayon at nakatuon ang kaniyang dalawang kamay sa sahig upang suportahan ang kaniyang sarili.
Itim na itim ang kaniyang buhok na may pagkagulo ng kaunti dahil sa pambubugbog sa kaniya kanina.
Tiningnan ko ang kaniyang mukha.
May dugo siya sa kaniyang labi dahil may sugat doon at namumula ang kaniyang pisngi.
May sugat rin siya sa kaniyang kilay.
"Ayos ka lamang ba?" nag-aalalang tanong ko sa kaniya.
Hinawakan ko siya upang sana'y tulungang tumayo ngunit tinabig niya ang aking kamay at napaupo ako sa sahig sa lakas ng kaniyang tabig sa akin.
Hindi ko inasahan ang ginawa niyang iyon.
Pilit siyang tumayong mag-isa at seryosong tumingin sa akin.
Itim na itim ang kaniyang mga mata at napakaganda niyon para sa isang lalaki. Ang tangos rin ng kaniyang ilong at napakakisig niyang binata.
Kung ihahalintulad ko ang kaniyang kakisigan ay mas makisig pa siya kay Seth at sa aking tingin ay parehas lamang kami ng aming edad.
Tiningnan niya ang aking kabuuan.
"Tss!" kaniyang sabi na tila isang pang-uuyam dahil sa kaniyang ekspresyon.
Naglakad na siya palabas na wala ng sinabing kahit ano kundi iyon lamang.
Naiwan ako ritong hindi makapaniwala sa ipinakita niyang iyon sa akin.
Lumabas ang mukha ni Aria at puno iyon ng pagkainis.
"Walang modo ang isang iyon! Pagkatapos mo siyang tulungan sa mga pangit na lalaking iyon ay hindi man lamang siya nagpasalamat!" galit na sabi niya at inis na inis.
Tumayo na ako at pinagpagan ko ang aking sarili dahil sa mga alikabok na kumapit sa aking baluti.
"Lahat naman ay may rason kaya hindi agad sila nakakapagpasalamat sa tulong na nakukuha nila." pagtatanggol ni Kirion sa lalaking iyon.
Naiinis na napatingin sa kaniya si Aria.
"Huwag mo ngang ilagay masyado ang iyong sarili sa lalaking iyon! Iba kayong dalawa! Ikaw tinulungan ka ni Hemira ngunit hindi ka agad nakapagpasalamat sa kaniya dahil hindi mo siya kilala at hindi mo rin alam kung saan siya makikita ngunit ang isang iyon! Nandito na si Hemira sa harap niya kanina at muli siyang nais tulungan upang tumayo pero anong kaniyang ginawa?! Tinabig niya si Hemira!" walang hingahang sabi niya at napatakip na lamang si Kirion ng kaniyang tenga sa lakas ng kaniyang boses.
"Tama na iyan, Kirion at Aria. Ayos lamang naman sa akin ngunit kailangan ko siyang makausap,” sabi ko sa kanila at lumabas na rin ako nitong lugar na ito.
"Bakit kailangan mo pang hanapin ang isang walang modong taong katulad niyon?!" tanong sa akin ni Aria.
"Dahil may itatanong ako sa kaniya." aking sagot.
Nagtago na siya dahil tuluyan na akong nakalabas ng lugar na ito pati na rin si Kirion ay nagtago na muli sa kwintas kong maliit na telang lagan na kanina pang nasa balikat ko lamang.
Nakita ko ang lalaking aking tinulungan na naglalakad na palayo.
Maayos naman ang kaniyang paglalakad at nakapamulsa pa siya. Mukhang hindi siya masyadong nabugbog kanina nila Boss.
Tumakbo ako papunta sa kaniya at nang maabutan ko siya ay hinawakan ko ang kaniyang balikat at iniharap ko siya sa akin.
Halatang nagulat siya sa ginawa kong iyon ngunit nang makita niya na ako ay napalitan ng pagkainis ang kaniyang ekspresyon.
"Nais ko lang sana—"
"Kung gusto mong magpasalamat ako sa pangingialam mo kanina sa laban namin, sorry ka pero di ko gagawin iyon. Hindi ko hiningi ang tulong mo kaya wala akong dapat ipagthank you sayo, freak,” sabi niya sa akin.
Napakahirap talaga na mayroon kang hindi mga naiintindihan mga salita na sinasabi ng iyong kausap.
"Hindi preak ang aking pangalan kundi Hemira. Hindi naman iyon ang nais kong sabihin sa iyo kaya ika'y aking pinigilan. Nais ko lamang sanang may itanong sa iyo." kalamadong kong wika sa kaniya.
Napataas siya ng isa niyang kilay.
"Tsk! Whatever,” sabi lang niya. Siguro ay ang ibig niyang sabihin doon ay sabihin ko na ang nais kong itanong sa kaniya.
"Maaari mo bang ituro sa akin kung saan ang—" napatigil ako sa aking itatanong nang aking makita ang mga maliliit na letrang nakasulat sa kaniyang damit.
Primo High.
"Primo Hig? (Primo Hig ang kaniyang basa talaga imbis na Hay)" aking basa roon.
Napatingin rin ang lalaking ito roon.
"Primo High." pagtatama niya sa aking basa at nanlaki ang aking mga mata at kasabay ng aking pagsinghap.
Kung ganoon ay isa siyang estudyante sa eskwelahang iyon?!