Hemira 38

3276 Words
Chapter 38 - Mga Manlalakbay?! ~Hemira~ Hinawakan ko ang mga nakasulat na letrang iyon sa damit nitong lalaking aking tinulungan ngunit umurong siya kaya ako'y napatingin sa kaniya. "What are you trying ito do?" seryoso niyang tanong sa akin na may halo na ring kaunting takot. "Ang eskwelahang iyan..." aking sabi at humakbang ako palapit sa kaniya para muling hawakan ang mga nakasulat sa kaniyang damit ngunit umurong siya. "Kailangan kong makapunta riyan." patuloy pa rin ang paglapit ko sa kaniya at siya naman ay patuloy ang pag-urong hanggang sa napasandal siya sa isang pader. "Paki-usap!" sigaw ko sa kaniya at napapitlag siya sa gulat. "Ituro mo sa akin kung paano pumunta sa lugar na iyan!" aking paki-usap sa kaniya ngunit nakita kong natatakot na siya sa akin at wirdong wirdo na rin siya sa akin. "Lumayo ka nga freak!" sigaw niya sa akin at tumakbo na paalis ngunit hinabol ko siya. "Sandali lamang!" aking sigaw sa kaniya ngunit binilisan niya ang kaniyang pagtakbo. Mayroon siyang sinakyang isang puting sasakyan na akin na ring nakita kanina lamang. (Taxi) Pumasok siya sa loob non at agad na isinara ang pinto. Naabutan ko na siya ngunit hindi ko mabuksan ang pinto. ~Tagapagsalaysay~ "Ginoo! Paki-usap! Ituro mo na sa akin ang lugar na iyan!" wika ni Hemira habang kinakatok ang bintana ng taxi. Habang sa loob naman... "Manong, sa Primo High po tayo! Bilisan n'yo po kasi baliw po tong babaeng kumakatok sa bintana!" paliwanag niya sa taxi driver kaya naman pinaandar na nito ang taxi ng mabilis. Naiwan si Hemira roon na nagulat sa biglang pag-alis ng taxi. "Ginoo! Sandali lamang! Ginoo!" kaniyang pagtawag sa lalaking iyon at hinabol niya ang taxi. Napakabilis niyang tumakbo at maaabutan niya na ang sasakyang iyon. Nasa liniya siya ng mga sasakyan at buti na lamang at iilan lamang ang mga sasakyan sa kalsada. Napapatingin sa kaniya ang mga taong kaniyang nadadaanan at nagtataka ang mga ito sa pangyayaring iyon. Na isang nakacostume na babae na pang mandirigma ang humahabol sa isang umaandar na taxi. Namangha sila sa bilis niyang takbo. Tiningnan ng taxi driver ang kaniyang side mirror at nakita niya ang babaeng kaninang kumakatok sa bintana niya na nakacostume na nakakahabol na sa kanila. "Sir.! Nahabol po satin 'yung babaeng baliw na sinasabi n'yo!" sabi niya sa kaniyang pasahero. Nanlaki naman ang mga mata ng lalaking iyon na nakauniporme ng sa Primo High at tumingin sa kaniyang likuran. Nakita niya nga si Hemira na malapit na silang maabutan kaya lalong nanlaki ang kaniyang mga mata. "Manong! Bilisan n'yo pa! Iliko n'yo na lang para mawala natin siya! Babayaran ko na lang kahit tumaas 'yung bill ko." utos niya sa taxi driver at iniliko nga nito ang sasakyan sa isang likuang nadaanan nila. Hindi inaasahan iyon ni Hemira at sa sobrang bilis ng kaniyang pagtakbo ay lumagpas na siya sa likuang iyon. Nahirapan siyang ipreno ang sarili niya. Nang maitigil niya na ang kaniyang mga paa ay may kasunod siyang dalawang kotse at ang unang kotse ay pabangga na sa kaniya na hindi agad nakapagpreno dahil sa bigla niyang pagtigil at bilis ng pangyayari ngunit agad siyang tumalon sa unahan ng kotseng iyon at kumalagabog iyon habang patuloy pa rin ang pag-andar. "Ahhhhhhh!" Nagpatili ang sakay niyong dalawang babaeng nasa driver's at passenger's seat at agad na nagpreno dahil sa nakita nilang babaeng nasa unahan ng kotse nila ngayon na nakacostume ng pang warrior. Umakyat siya sa bubong niyon. Sabay ng pagpreno na ng kotseng iyon ay ang pagtalon naman niya sa kalsada sa harapan ng susunod pa na kotse na pabangga na sa likuran ng nauunang kotseng nagpreno. Pabangga na rin ito sa kaniya kaya inihanda niya ang kaniyang sarili at hinawakan niya ang unahan niyon at pinigilan. Umangat pa ng kaunti ang likurang parte ng kotse dahil sa kaniyang pagpigil roon. Kaunti lamang ang iniurong ng mga paa niya dahil sa kaniyang angking lakas. Napayuko dahil sa impact ang lalaking driver niyon. Buti na lang at suot niya ang kaniyang seatbelt kaya hindi siya naumpog sa kaniyang manibela. Nang iangat niya na ang kaniyang tingin para hanapin ang babaeng mababangga niya sana ay wala na ito. "W-What the f*ck was that?..." wala sa sariling tanong nito. Tumakbo na siya papunta sa nilikuan ng taxing sinasakyan ng lalaking taga Primo High ngunit hindi niya na makita ang taxing iyon. Pilit niya pa ring hinanap ang puting sasakyang iyon ngunit puro mga jeep at tricycle na lang ang kaniyang nakikita. Naglakad takbo pa siya at nagbabakasakali ngunit ang kaniyang nakita ay kumpulan ng mga tao na nag-uusap usap at puno ng pangamba at takot ang mga mukha. "Huwag kayong lalapit kundi pasasabugin ko tong bungo ng babaeng 'to!" narinig niyang sigaw ng isang lalaki sa loob ng kumpulan kaya napatingkayad siya upang sana ay makita ang nangyayari sa loob. Lumabas si Kirion mula sa kaniyang kwintas pati na rin ang mukha ni Aria sa pabalat ng libro. "Mukhang may nangyayaring kaguluhan!" sabi ni Kirion sa kaniya. "Huwag mong sabihing mangingialam ka na naman Hemira? Paki-usap naman... Pakinggan mo na ako at umiwas na tayo sa gulo. Hanapin na lamang natin ang eskwelahan ni Argyris upang hindi masayang ang ating oras." pakiki-usap sa kaniya ni Aria. Napakuyom ng kamao si Hemira sapagkat napupuno na naman siya ng pagnanais na malaman kung ano ang nangyayari at kung mayroon siyang maiitutulong ay kaniyang gagawin. Iyon ay bunga ng pagiging Heneral niya sa mga mandirigma. Iyon ang kaniyang responsibilidad. Ang tumulong. Kapag nakakakita siya ng mga nangangailangan ng tulong lalo na at alam niyang may magagawa siya ay walang-ano ano'y lagi siyang tumutulong kahit na siya pa ang naduduol sa kaniyang ginagawa. Ngunit dahil sa babala na rin ni Seth na kanina ay sinuway na niya ay tumalikod na lamang siya at naglakad na palayo para muling hanapin ang taga Primo High na lalaking kaniyang tinulungan kanina. Pinilit na lamang niyang sabihin sa sarili na dapat ay makinig na sa sinasabi ni Aria na nakabubuti para sa kanilang tatlo. "Ahhhhhhh! Tulungan n'yo ko please!" sigaw ng isang babae at napasinghap ang mga tao. Dahil doon ay napalingon siya sa kumpulan ng tao kanina. Nagbigay daan ang ilan sa mga tao at dumaan mula roon ang isang lalaking mukhang hoodlum hostage ang isang babae at may hawak siyang baril na nakatutok sa sintido ng babaeng iyon. Ang lalaking iyon ay kalbo at napakakinis ng ulo at may pilat na mahaba sa kaniyang noo pababa ng kaniyang pisngi. May balbas at bigote. Nakasuot siya ng isang puting T-shirt at lumang pantalon. Puno ng tattoo ang kaniyang braso na mga dragon at iba pang mga klase ng tattoo. "Please! Ibibigay ko lahat ng gamit ko sayo, wag mo lang akong sasaktan... Please..." umiiyak na sabi ng babaeng iyon at puno ng takot ang kaniyang mukha. Hinarap ni Hemira ang dalawa at napatingin sa kaniya ang hoodlum na lalaki na kanina ay nasa mga kumpulan ng mga tao ang atensyon. "Pakawalan mo siya!" sigaw ni Hemira kaya napatingin sa kaniya ang lahat ng tao. Nagulat ang lalaki at ang babaeng hostage nito dahil sa bigla niyang pagsigaw niyon pati na rin ang mga tao. Akmang aatakihin niya na ang lalaking iyon nang isang suntok... "CUT!" galit na sigaw ng isang lalaki mula sa di kalayuan. Napatigil siya dahil sa malakas na sigaw na iyon at biglang nahawi ang mga tao sa gitna saka dumaan roon ang isang galit na galit na baklang mataba at nakapony tail ang napakaikling buhok. May balabal sa kaniyang leeg na kulay pulang checkered at nakaitim na T-shirt na banat na banat sa bilugan niyang katawan at tiyan. Nakaripped jeans din ito at may hawak na papel na nakukuyumos niya na sa inis. ~Hemira~ Biglang nag-alisan ang mga tao na kanina ay nakumpol at nakatingin sila ng masama sa akin na hindi ko batid kung bakit. Napatingin ako sa babaeng bihag kanina ngunit kausap niya ang lalaking nais gawan siya ng masama na tila magkakilala sila kaya lubos akong nagtaka. Umalis na ang lalaking iyon kasama ang isa pang lalaki na binigyan siya ng tubig at nais ko sana siyang habulin dahil sa pagtatangka niya sa buhay ng babaeng kaniyang bihag ngunit hinayaan lang siya ng mga tao rito na makaalis na parang wala lamang ang nangyari. Mas lalo akong nakaramdam ng pagtataka ngunit kahit ganoon ay kaagad kong nilapitan ang babaeng kaninang muntik nang nabihag. "Ayos ka lamang ba, binibini?" tanong ko sa kaniya at tiningnan ko kung mayroon ba siyang natamong mga sugat o galos sa kaniyang katawan. Tumingin siya sa akin at inayos niya ang kaniyang nagulong buhok kanina. Ngayon ko lamang napansin na isa siyang napakagandang binibini. Maladiwata ang kaniyang kagandahan lalo na sa malapitan. Mayroon siyang malaporselanang kutis at napakakinis ng kaniyang mukha. Di gaanong mapula pula rin ang kaniyang magkabilang pisngi. Napakaganda ng kaniyang buhok na itim na itim at hanggang kaniyang bewang at nakatirintas iyon na di gaanong magulo na. Ang kaniya namang mga mata ay tila nangungusap sa akin. Matangos ang kaniyang ilong at mapupula ang mga labi. Hugis puso rin ang kaniyang mukha na lalong nagpaganda sa kaniya. Tunay na napakaganda niyang binibini. "Ms. Roxanne..." may lumapit sa kaniyang isa pang babae kaya napunta ang kaniyang atensyon roon at inilayo siya sa akin niyon na tila isa akong masamang taong may balak ring masama sa binibining ito. Roxanne pala ang kaniyang pangalan. "Para-paraan talaga ng mga tao ngayon para makalapit lang sayo, Ms. Roxanne,” sabi pa ng babaeng iyon at saka sinamaan ako ng tingin. Binalutan siya nito ng manipis na tela na tila siya'y nais protektahan sa lamig ng simoy ng hangin at umalis na silang dalawa. "Hoy! Sino bang nagpapasok sa isang 'to sa eksena?!" sigaw ng isang lalaki na nasa aking harapan na ngayon kaya ako'y nagulat. Hindi ko siya napansin sapagkat ang aking atensyon ay nasa magandang binibini na si Roxanne kanina. May lumapit sa kaniyang isang lalaki kaya napatingin siya roon. "Direk, di po namin alam. Sumulpot na lang po siya bigla sa eksena at di naman po namin siya napansi—" "So ano?! Kasalanan ko pa ngayon na nasira ng letcheng nakacostume na ito 'yung napakagandang eksena na kanina pa natin paulit-ulit na tinatake?! Bwiset! Nakakaimbyerna na kayo!" galit na galit niyang sigaw sa lalaking iyon na napayuko na lamang at napapikit ng mariin sa takot sa kaniya. Kung ganoon ay Direk ang kaniyang pangalan. "Sandali lamang Direk... Bakit siya ang iyong sinisigawang gayong ang tunay na masama rito ay ang lalaking kaalis lamang na nagtangka sa buhay ng binibining si Roxanne?" puno ng pagtatakang tanong ko sa kaniya at nanlalaki ang mga matang napatingin siya sa akin na tila napakasamang bagay ng aking itinanong sa kaniya. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang aking paa at sobra ang naging pagtaas ng isa niyang kilay simbolo ng kaniyang pagtataray. "Siguro, padala ka ng ibang channel para magawan ng scandal tong movieng ginagawa namin no? Pinadala ka ba rito para sirain si Roxanne? Todo effort ka pa talaga..." nang-uuyam na kaniyang sabi base sa kaniyang tono. Nangunot ang aking noo sa kaniyang mga pinagsasabi. "Ano ang iyong ibig sab—" "Hay ewan! Uubusin ko lang sayo ang oras ko! Guards! Ilabas n'yo nga tong babaeng ito rito dali ng matapos na tayo! Leche!" kaniyang sigaw at umalis na sa aking harapan. Nagtaka ako sa kanilang inaakto ngunit naalala ko ang sinabi ni Direk kanina. Sinira ko ang kanilang ginagawang eksena? Kung ganoon ay hindi totoo ang mga nangyari kanina kundi mga akto lamang nila? May lumapit sa aking dalawang lalaking matitipuno ang mga katawan. "Ms., lumabas ka na lang ng walang pilitan para maging maayos na ang lahat,” wika ng isa sa kanila. Tumango ako. "Paumanhin sa aking naging perwisyong nagawa sa inyong palabas." aking paghingi ng paumanhin at umalis na ako sa lugar na iyon ng maayos. Lumabas si Kirion sa kaniyang kinalalagyan. Wala namang tao sa paligid. "Kung ganoon ay isang palabas lamang pala ang nangyaring pambibihag na iyon?" tanong niya sa akin. Tumango ako. "Mukhang ganoon na nga ngunit hindi ko iyon inaasahan sapagkat tunay na tunay ang kanilang pag-akto na napaniwala nila ako." aking sabi naman sa kaniya. "Baka kanila iyong ginagawa upang sanayin ang kanilang sarili kung sakaling mangyari talaga iyon sa kanila, ano sa iyong tingin?" tanong niya sa akin. "Hindi ba't sinabi ko na kasi sa iyo Hemira na umiwas na tayo sa gulo. Tingnan mo at nasayang lamang ang ating oras,” wika naman ni Aria na aking yakap yakap ngayon. "Paumanhin talaga Aria sa aking pagiging matigas ang ulo... Sapagkat hindi ko talaga kayang tikisin na talikuran ang isang nangangailangan ng aking tulong." malungkot na sabi ko sa kaniya. Iniharap niya ang kaniyang sarili sa akin kaya napatigil ako sa aking paglalakad. "Sige na Hemira... Huwag ka nang malungkot sapagkat hindi naman na ako galit. Basta sa susunod ay makinig ka na lamang sa akin." kaniyang sabi at tumango ako sa kaniya. "Bakit naman makikinig sa iyong mga utos ang heneral ng mga mandirigma ng mga primum? siya'y mataas sa'yo ng tiyak kaya huwag mong limitahan ang kaniyang pagdedesisyon,” turan ni Kirion sa kaniya kaya napatingin siya rito. "Hindi ko naman siya dinidiktahan kundi ginagabayan lamang upang hindi tayo malihis ng malihis sa tunay nating misyon." aniya. "Tama si Aria, Kirion. Mas maganda ngang ako'y kaniyang ginagabayan sa aking mga desisyon upang magawa na natin sa tamang oras ang ating misyon at ikaw naman Kirion ang tutulong sa akin sa aking mga pakikipaglaban,” sabi ko kay Kirion ngunit inismiran niya lamang ako. "Ngunit hindi ka pa rin dapat nagpapadikta tungkol sa nais mong pagtulong. Baka sakaling may katulad ko na naghihintay lamang sa iyo na siya'y iyong tulungan ngunit dahil sa pagpigil sa iyo ng madaldal na librong iyan ay hindi mo magawa,” sabi pa niya. Nginitian ko siya dahil doon. "Kung ganoon ang sitwasyon ay hinding-hindi ko ipagdadamot ang aking pagtulong." Nawala na ang kaniyang pagkainis na tila nakahanap siya ng kakampi sa akin. Napahingang malalim si Aria dahil sa aking pagiging pasaway ngunit pagka ay ngumiti na rin siya. Nagpatuloy na ako sa aking paglalakad at yinakap ko nang muli si Aria. "Kailangan na muna nating maghanap ng taong maaaring mapagtananungan papuntang Primo High. Pagkatapos niyon ay maaari na nating maisama si Argyris sa ating mundo." aking sabi sa kanilang dalawa ngunit napatigil ako nang aking maramdamang may nakatingin sa akin. Napatingin ako sa aking gilid at doon ko nakita si Roxanne na nakaupo lamang sa isang mahabang upuan. (Bench) Mag-isa lamang siya roon at may hawak na bote ng tubig. Nakatingin siya sa amin. Hindi pa kami nakakalayo sa lugar na kanilang ginagawan ng palabas kaya marahil ay nandito siya ngunit bakit wala siyang kasama? Napansin ko ang kakaibang tingin niya sa akin na aking ipinagtaka. Matalas ang kaniyang tingin at tila galit siya sa akin ngunit hindi pa rin nawawala ang kaniyang kagandahan. Marahil ay dahil iyon sa pagsira ko sa kanilang palabas. Iniwas ko na ang aking tingin sa kaniya at naglakad na ako palayo. *—* * *—* "Kanino kaya tayo maaaring magtanong ng direksyon papuntang Primo High?" tanong ni Kirion sa akin. Naglalakad-lakad pa rin ako ngayon at sa aking tingin ay napakalayo na ng aking nalakad ngunit puro mga tao lamang at mga kakaibang mga bagay at sasakyan ang aking mga nakikita. Sinubukan ko na sa kanilang magtanong ngunit lumalayo sila sa akin na para bang may dala akong malubhang karamdaman na maaari silang mahawa kaya hindi na ako muling nagtanong sa kanila. "Ano kaya kung maghanap ako ng katulad kong isang manlalakbay rin sa lugar na ito? Maaaring mayroon ring ibang manlalakbay na katulad ko rito, hindi ba?" tanong ko naman sa kaniya. Tahimik lamang si Aria at mukhang nagpapahinga siya dahil hindi lumalabas ang kaniyang mukha. "Maaari rin. Teka lamang! Ayun Hemira! Ang mga katulad mong mga manlalakbay ay naroroon!" biglang sabi sa akin ni Kirion at nang tingnan ko siya ay may itinuturo siyang isang lugar kaya tumingin rin ako roon. Nanlaki ang aking mga mata! Tama siya! Iyon nga ay manlalakbay na katulad ko. May suot rin silang iba't-ibang klaseng mga baluti. Ang iba ay may mga makukulay na kasuotan at maiikling mga palda. Iba-iba ang kulay ng kanilang mga buhok at ilang sa kanila ay may mga nakasakbit na espada sa kanilang bewang o di naman kaya sa kanilang mga likuran. May mga kasalamuha silang mga normal na mga tao ngunit hindi ako maaaring magkamali! Galing rin sila sa mundong aking pinanggalingan at marami sila. Sa aking sobrang pagkatuwa ay tumakbo ako papunta sa kanila. ~Tagapagsalaysay~ Tumakbo si Hemira papunta sa bungad ng entrance ng isang mall kung saan nakatambay ang mga cosplayers na inakala niyang katulad niyang manlalakbay. Sa mga cosplayers na iyon ay mayroong mga nagcosplay ng anime characters ng One Piece, Bleach, Naruto at marami pang ibang kilalang anime. May mga nakapangmaid na suot, mga nakaarmor na pang warrior, nakapang diety at prietess na mahahaba ang mga kasuotan at iba ay simpleng mga kasuotan lamang na mga uniporme na makikita rin sa mga anime. Agad niyang nilapitan ang mga ito upang sa kanilang magtanong tungkol sa Primo High dahil inaakala niyang maaaring alam ng mga ito kung saan iyon matatagpuan. Masayang nakikipag-usap ang mga ito sa isa't isa. Kinulbit niya ang isa sa mga ito na isang babae kaya napalingon ito sa kaniya. Nakasuot ang isang iyon ng pang maid sa isang cafe na bumagay sa kaniyang itsura dahil may taglay siyang kagandahan. "Manlalakbay, batid mo ba kung saan matatagpuan ang eskwelahan na mayroong pangalan na Primo High?" tanong niya rito. Nangunot ang noo ng babaeng iyon sa kaniyang naging tanong at paraan ng pagsasalita. "Nagpapractice ka na ba para sa speech mamaya? Astig ah. Ang galing mo." nakangiti nitong sabi sa kaniya. Nagtaka siya sa sinabi nito dahil wala siyang naintindihan doon kaya akmang tatanungin niyang muli ito nang biglang may humawak sa kaniyang braso kaya dahil doon ay agad niyang ibinaliko ang kamay nito dahil sa instinct niya ng pagiging mandirigma. "Aray! Aray! Aray!" daing sa sakit ng babaeng binabaliko niya ang kamay ngayon kaya agad niya iyong binitawan. "Paumanhin, binibini! Hindi ko sinasadya! Akala ko'y isa kang kalaban na nais akong atakihin." kaniyang paliwanag sa babaeng iyon na ngayon ay hinihimas ang nasaktan niyang kamay. "Grabe ka naman! Ang sakit non ah! Pano kung nabali mo talaga tong kamay ko?!" naiinis nitong tanong sa kaniya. "Paumanhin talaga, binibini." paghingi niyang muli ng paumanhin. Nakita niya ang kasuotan nito ay katulad ng kay Seth na T-shirt at jeans ngunit mas hapit ang suot nitong T-shirt sa kaniyang katawan kaya kitang-kita ang hulma at kurba nito sa katawan. Kulay dilaw ang T-shirt na iyon. Napakagandang babae rin nito na mayroong berdeng mga mata, may matangos na ilong at pulang labi. Nakaipit ang buhok nito ng lahatan at may kulot sa mga dulo na malalaki. May violet sling bag rin na nakasabit sa katawan nito. Inalis na nito ang pagkainis sa kaniyang mukha. "Proxy?" tanong niya kay Hemira ngunit hindi niya iyon naintindihan. "Proxy?" Ano iyon?" takang-takang kaniyang tanong. Dahil doon ay napaikot ang mga mata ng babaeng kaniyang kausap sa pagkairita sa kaniyang pagiging slow. "Duh! Eh di substitute! Ikaw ba 'yung kinuha ni Michelle na magsasub sa kaniya sa pagcocosplay today?" Hindi pa rin niya naiintindihan ang mga sinasabi nito. "Diba, ipinagtatanong mo kanina 'yung Primo High? Ibig sabihin, ikaw 'yung kinuha ni Michelle na sub niya sa cosplaying,” sabi pa nito. Nanlaki ang mga mata niya nang marinig niya ang salitang Primo High. "Alam mo ang eskwelahan ng Primo High?!" hindi niya makapaniwalang tanong rito. Chapter 39
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD