Hemira 39

5616 Words
Hemira 39 - Mirora ~Tagapagsalaysay~ "Alam mo ang eskwelahan ng Primo High?!" hindi niya makapaniwalang tanong ni Hemira kay Nathalie. Halatang nagtaka naman ito sa sobrang pagkagulat niya. "Malamang! Sinong di makakaalam ng school na iyon? By the way, ako si Nathalie and I will be your personal assistant today. Ikaw? Anong pangalan mo?" nakangiti nitong tanong at inilahad ang kamay nito bilang pakikipagkilala sa kaniya. "Ikinagagalak din kitang makilala, Nathalie. Ang pangalan ko'y Hemira." yumuko nang kaunting sabi niya rito. "Er... Okay?" nagtatakang sabi na lang nito at ibinaba na ang napahiyang kamay na dapat ay ipangkakamay niya sa kaniya. "Para ka talagang totoong totoong makalumang warrior kung magsalita ah. But that's good. Ipagpatuloy mo lang yang pagpapractice mo at baka tayo ang manalo!" tuwang-tuwang sabi ni Nathalie. "Manalo? Saan?" "Sa cosplaying competition." "Kompetisyon?" takang tanong pa rin ni Hemira sa kaniya. "Tinagalog mo lang eh. Basta. Kasali ka sa competition at kailangang manalo ka kasi kailangan ko talaga ng pera,” sabi niya pa. "Ako? Kasali ako? Sinong nagsabi?" tanong muli ni Hemira sabay turo sa sarili niya sa pagtataka. "Ang dami mong tanong! Diba nga, kinausap ka na ni Mich." nakukulitan na niyang sabi rito. "Mich?" Napaikot na lang siya ng mata sa pagkainis. "Basta na nga!" naiinis niyang sabi. "Ngunit maaari mo ba akong samahan sa Primo—" "Ayun! Bukas na sa wakas tong mall! Tara na at ipaparegister na agad kita! Hanggang 10:30 na lang 'yung huling registration non eh!" wika niya habang nakatingin sa kakabukas pa lang na salaming pinto ng mall dahil opening na at hindi pinansin ang nais sabihin ni Hemira. Hinila niya na ito at pumila na sila sa mga papasok ring mga tao. "Nathalie, papunta na ba tayong—" Kring... Kring... Tumunog ang cellphone niya kaya kinuha niya iyon sa bulsa ng pantalon niya. "Hello, Mom? What is it?" kausap niya sa kaniyang ina sa kabilang liniya. Namangha naman si Hemira sa bagay na hawak niya ngayon. Naisip niya na katulad ng cellphone ni Nathalie ang mensaherong kabibe sa karagatan ng Syierian na kayang maghatid ng mga mensahe kahit na magkalayo ang dalawang may gamit niyon. Lubha siyang namamangha roon dahil tuloy tuloy ang pakikipag-usap nito sa tao sa kabilang liniya. Nang makapasok na sila ng tuluyan sa loob ng mall kasabay ang iba pang mga cosplayers ay napatingin na si Hemira sa kaniyang paligid. Kanina kasi ay abala siya sa pagtingin sa cellphone ni Nathalie. Namangha ng sobra siya nang masilayan niya na ang loob ng mall. Napakaliwanag ng lugar at nagkikislapang mga tiles at salaming mga pader ng mga stalls at shops sa paligid ang bumungad sa kaniya. Napabuka ang kaniyang bibig sa sobrang pagkamangha. Palihim ding sumilip si Kirion sa lugar pati na rin si Aria at parehas silang mga namangha ng sobra sa panibagong lugar na naman na kanilang nakita. Kakaunti pa lamang ang mga tao sa loob kaya naman ang mga shops agad ang nakakuha ng kaniyang atensyon. Tumakbo siya papasok ng Goodilock na sobrang nakakuha agad ng kaniyang atensyon dahil nakita niya roon ang napakagandang mga tinapay na nakabalot sa plastic na may mga designs at sulat. "Welcome Ma'am!" bati agad sa kaniya ng cashier sa shop na iyon ngunit nang makita ang suot niya ay napataas ng kilay. Nang mapatingin siya sa cashier na iyon ay ngumiti ito bigla. May pumasok na ring ibang tao at nagugulat ang mga iyon kapag nakikita nila siya na manghang manghang nakatingin sa mga tinapay na nakadisplay. Sobrang nagugutom siya sa nalalanghap niyang bango ng tinapay at hindi pa siya kumakain. Nakita niyang isang may edad ng babae ang kumuha ng isang nakabalot na tinapay at dinala iyon sa may cashier. Nakasunod lang siya ng tingin sa babaeng iyon. Kumuha ang babae sa pitaka niya ng perang ipambabayad sa tinapay at nakita niyang nagbayad ito ng kulay gintong mga limang piso at kulay pilak na mga piso saka ilang papel na pera. Doon niya naintindihan kung paano bumili ng tinapay sa lugar na ito. Pumili siya ng tinapay na nais niya ring bilhin. "Kirion, ano ang iyong nais?" tanong niya kay Kirion na kanina pa nakalabas ang ulo sa may dibdib niya. "Yung kulay itim na tinapay Hemira. Naaamoy ko ang napakatamis na amoy niyon na parang sa tsokolate,” wika ni Kirion at itinuro ang isang chocolate na tinapay. Dahil doon ay iyon ang kaniyang kinuha at dinala sa cashier gaya ng ginawa ng babae kanina. "Hi Ma'am, baka may gusto pa po silang i add? Baka po gusto nila ng chocolate polvoron?" suhestyon ng cashier sa kaniya. "Nila? Alam mong hindi lamang ako nag-iisa at may mga kasama?" nagtatakang tanong niya rito at dahil doon ay nagtaka rin ang cashier sa kaniyang sinabi at tiningnan ang kaniyang likuran kung may kasama siya ngunit wala naman itong nakita. Dahil doon ay kinalibutan ito dahil akala nito na ang tinutukoy ni Hemira na mga kasama ay mga bagay na di nakikita. Mga multo. "A-ahhhh... S-Sige po Ma'am. Ipapunch ko na po tong bibilhin n'yo,” sabi pa nito at minadali nang ipunch ang tinapay na binili niya. "49 pesos po." pagsasabi nito ng presyo ng tinapay. "Pesos? Baka pilak ang iyong nais sabihin ngunit napakamahal naman nito sa apatnapu't siyam na pilak para lamang sa isang tinapay." reklamo niya. "Po? Pilak?" ngunot noong tanong ng cashier sa kaniya. Humahaba na ang pila sa tagal ng transaksyon nilang dalawa. "Ahhhh! Alam ko na! Mayroon akong isang napakalaking pilak na napulot kanina lamang. Maaaring pwede na ito bilang kabayaran sa tinapay na iyan." natutuwang sabi niya at hinalungkat ang lagan niya. Nang makuha niya na ang lata na napulot niya sa bakanteng lote kanina ay iniabot niya iyon sa cashier. Lalong nangunot ang noo ng cashier na iyon sa latang ibinibigay niya. "A-ano po 'to?" nagtatakang tanong nito sa kaniya habang pilit na iniisip kung bakit siya binibigyan ng lata ng customer na nasa harapan niya ngayon. Sobra na ring pagkawirdo ang tingin niya kay Hemira at konti na lamang ay iisipin niyang may sira ito sa pag-iisip. "Antagal naman Miss! Hanggang bukas ba kayo mag-uusap dalawa?!" reklamo ng isa sa mga nakapila na isang matandang babae. Nayayamot na ito sa tagal nila Hemira at ng cashier. "Hemira! Ano ka ba?! Nalingat lang ako ng konti tapos nandito ka lang pala!" sabi ng kapapasok pa lang na si Nathalie sa Goodilock kaya napalingon si Hemira sa kaniya. "Paumanhin Nathalie ngunit nais ko sanang bilhin ang tinapay na ito,” sabi niya at itinuro ang tsokolateng tinapay na naipunch na ng cashier. "A-ahh... Ma'am, kakilala n'yo po ba siya?" tanong ng cashier kay Nathalie. "Sort of... But what's the problem?" tanong niya rito. Pinakita sa kaniya ng cashier ang latang ibinigay sa kaniya ni Hemira. "Ipinambabayad niya po kasi sa'kin tong lata na to,” sabi nito. Nangunot rin ang kaniyang noo at di makapaniwalang napatingin kay Hemira. Nagtataka namang tumango si Hemira sa kaniya dahil nagkakagulo ang dalawa dahil lamang nagbayad siya ng isang malaking pilak na lata naman talaga. Namula sa pagkahiya si Nathalie dahil sa naging tingin sa kaniya ng mga nakapila at ilang taong nagtitingin sa loob na nasa kanila kanina pa ang atensyon. Agad niyang kinuha ang wallet niya at naglabas ng isandaang piso at agad na na ibinigay sa cashier. Hinawakan niya na ang braso ni Hemira kung saan nito hawak ang librong si Aria para hilahin na paalis ngunit pilit na kinuha nito ang tinapay na nabili nila at nagpahila na paalis. "Ma'am, 'yung sukli n'yo po!" habol pa ng cashier sa kanila kaya napatigil silang dalawa. Kumuha ng isa pang chocolate na tinapay si Nathalie na katulad ng binili nila ni Hemira at pinakita iyon sa cashier na iyon. "Happy?" nakangiti niyang sabi rito na may pagkasarkastiko at lumabas na silang dalawa sa shop na iyon. Mabilis ang kaniyang paglakad para lang makalayo sa shop na iyon at nakakaladkad na niya si Hemira na nakatingin lang sa tinapay na tsokolateng hawak niya at takam na takam siya roon. Tumigil si Nathalie at binitawan niya na ang braso niya at hinarap niya ito. "Ikaw. Acting mo lang ba 'yung kanina o nutcase ka talaga?" tanong niya rito. Hindi niya nakuha ang atensyon ni Hemira na takam na takam pa rin sa tinapay na hawak nito. "I think it's the latter." sagot niya sa sarili niyang tanong. Iniaabot niya rito ang tinapay na kinuha niya pa kanina. Doon ay nakuha niya na ang atensyon nito at nanlalaki ang mga matang napatingin ito sa tinapay na iyon. "Nais mong ibigay sa akin iyan?!" hindi makapaniwalang tanong nito sa kaniya. Napahinga na lamang siya ng malalim. ~Hemira~ Nabigla ako nang kunin sa akin ni Nathalie ang tinapay na aking hawak. Akala ko'y ibibigay niya sa'kin ang kaniyang tinapay ngunit kinuha niya ang akin. Pumunta siya sa aking likuran at hinarap ko siya upang sana'y bawiin ang tinapay na aking pagmamay-ari ngunit pumunta na naman siya sa aking likuran at pilit ko siyang hinaharap. "Sandali nga Hemira. Huwag mo kong sundan,” sabi niya na tila naiinis kaya akin siyang sinunod. Pumunta na siyang muli sa aking likuran at naramdaman kong ginagalaw niya ang aking lagan at tila may nilagay siya sa loob niyon. "Nilagay ko na 'yung dalawang tinapay mo dyan sa weird mong bag so pwede na ba kitang iparegister?" tanong niya sa akin. "Ipagregiste—" "Whatever! Tara na nga! Nakakastress ka!" sabi niya at muli akong hinila kung saan niya ako nais dalhin. Napatingin ako sa paligid. Marami ng tao ang naririto ngayon na mayroong iba't-ibang mga kasuotan. Mayroong pamilya na kasama ang kanilang mga anak, babae't lalaki na magkahawak ang kamay at mga magkakaibigang masayang nakikipag-usap sa isa't isa. Binitawan na ni Nathalie ang aking braso at may kausap na naman siya sa kaniyang mensahero. Muli akong namangha sa aking mga nakikita. May mga bilog bilog sa kisame ng lugar na ito na nagtataglay ng liwanag. Napatingin ako sa nadaanan naming mga kainan. "Mang inasal. Tokyo tokyo. Red Rib-bon?" basa ko sa mga nakasulat sa itaas ng mga pasukan. (entrance) Mayroong mga kumakain at halata ang pagkasarap ng pagkaing kanilang kinakain. Tila gustong tumulo ng aking laway sa pagkatakam. May nakita pa akong tila isang malaki at matabang bubuyog na puti ang kamay at nakakaway sa harap ng isang kainan na aming nadaanan. Malaki ang kaniyang mga mata at mayroong sumbrerong suot ngunit hindi siya gumagalaw. Mayroon rin palang ganitong mga nabubuhay sa mundong ito ngunit ngayon lamang ako nakakita ng ganoong kalaking bubuyog at hindi nangangalay sa kaniyang pagngiti kaya naman akin siyang nilapitan. Hindi pa rin siya gumagalaw at nakangiti lamang habang nakatingin sa malayo. "Magandang araw ginoo? Ikaw ba'y naninirahan sa mundong ito? Bakit sinabi sa akin ni Seth na ang mga katulad nating may mga mahika at ibang nabubuhay ay hindi pinaniniwalaan ng mga tao gayong naririto ka at ngumingiti sa kanila." aking pagka-usap sa kaniya ngunit hindi pa rin siya gumagalaw. "Mommy! May warrior oh! Kinakausap niya si Jollibee!" rinig kong sigaw ng isang lalaking bata mula sa aking likuran kaya ako'y napalingon sa kaniya. Tila manghang mangha siya sa akin. Makisig siyang mabata at mapula-pula ang pisngi. Ako'y lumuhod sa kaniyang harapan upang pantayan siya at akin siyang nginitian. May nais sana akong sabihin sa kaniya ngunit may lumapit na isang babae sa amin na mukhang kaniyang ina. "Oh! Clarence! Nandito ka lang pala! Ikaw talagang bata ka! Pasaway!" sermon sa kaniya ng kaniyang ina at siya'y kinarga nito. Nang mapatingin na sa akin ang kaniyang ina... "Cosplayer ka miss? Anong oras ba start ng event n'yo?" tanong niya sa akin at tumayo na ako. Lagi ko na lamang naririnig ang salitang Cosplayer. Hindi kaya iyon ang tawag sa isang mandirigma sa mundong ito? "Ganoon na nga. Isa nga akong cosplayer. Ngunit ipagpaumanhin mo sapagkat hindi ko alam ang sagot sa iyong katanungan." "Cool!" bulalas sa akin ng batang lalaki at manghang mangha sa akin. "Mommy! Papicture tayo sa kaniya!" sigaw pa niya at masayang tumango ang kaniyang ina at may kinuha sa kaniyang bulsa. Nang makita ko kung ano iyon ay nanlaki ang aking mga mata dahil isang mensahero iyon na katulad ng kay Nathalie. May kaibahan lamang ng kaunti ngunit alam kong mensahero rin ito. Tumabi na siya sa akin habang karga pa rin ang kaniyang anak at itinapat sa amin ang kaniyang mensahero. Napatingin ako roon at nanlaki ang aking mga mata nang aking makita ang aming mga sarili roon. Kamukhang kamukha namin ang naroroon na tila kami'y mga nananalamin lamang. "Thank you Miss!" sabi niya sa akin at umalis na sila. Nakangiting kumakaway pa sa akin ang kaniyang anak na batang lalaki. Nakamamanghang tunay talaga ang mundong ito. Maraming bagay ang bago sa ak— "Hemira!" tawag sa akin ng isang boses kaya ako'y napalingon. Si Nathalie at salubong na salubong ang kaniyang mga kilay na tila siya ay galit. "Binitawan lang kita sandali tapos dito ka naman napadpad ngayon! Di na nga kita bibitawan! Para kang batang pasaway! Ba't ba kasi ikaw ang kinuha ni Michelle?! Yung bruha talagang iyon! Gusto akong pahirapan!" Hinawakan niya ako ng mahigpit sa aking braso at kinaladkad na sa direksyon ng kaniyang pupuntahan. Hindi ko pa rin alam kung ako'y dadalhin niya na sa Primo High ngunit hindi ako makapagtanong sa kaniya sapagkat alam kong galit siya sa akin sa aking pagiging pasaway. Pumasok kami sa isang napakalawak na silid at napakaliwanag rito. Marami ring tao rito na nakaupo sa kanilang mga upuan at isang malaking entablado ang nasa unahan. Isinama niya ako sa loob ng isa pang silid sa loob nito at maliit lamang ang silid nito. Naririto ang maraming mga katulad kong mga manlalakbay at nag-aayos sila ng kanilang mga mukha. Ang iba ay nagsasalitang mag-isa at tila eneensayo ang kanilang mga sinasabi dahil paulit-ulit lamang iyon. Ang iba naman ay nageensayo ng kanilang paggamit ng espada. "Dito ka na muna Hemira ah. Ipaparegister na kita. Magpractice ka dyan kung anong ipeperform mo mamaya. Sabi sa'kin ni Mich, well prepared ka naman daw kaya ikaw ng bahala. 25,000 peso cash ang mapapanalunan natin kapag ikaw ang nanalo kaya galingan mo ah,” sabi sa akin ni Nathalie ng pabulong sabay pinaningkitan ako ng mata at nang akmang lalabas na siya ng silid na ito... "Ngunit hindi ba at papunta tayo ngayon ng Primo High?" tanong ko sa kaniya kaya siya'y napalingon sa akin at napahingang malalim na tila nagpipigil lamang ng inis. "Sige. Pupunta tayo doon. Pero mamaya na pagkatapos nitong competition,” sabi lang niya at tuluyan na siyang lumabas ng silid na ito. Iniharap ko si Aria sa akin at lumabas ang kaniyang mukha. "Ano Hemira? Nasaan na tayo?" tanong niya sa akin at tumingin sa paligid at nang makita niya ang mga manlalakbay na katulad ko ay muli siyang napatingin sa akin. "Sino ang mga iyan? Sila na ba ang mga maheyang nag-aaral sa eskwelahan ng Primo High? Kung ganoon ba ay nasa Primo High na tayo?!" nasasabik niyang tanong sa akin. "Hindi pa ito Primo High, daldal,” sabi ni Kirion sa kaniya na nakalabas lamang ang kaniyang ulo sa aking telang kwintas. "Ang sabi ni Nathalie, ang babaeng nakilala ko kanina ay sasamahan niya tayo papunta roon mamaya pagkatapos ng kompetisyon ngunit hindi naman niya sinabi kung anong kompetisyon iyon. Ang sabi lamang niya ay kailangan na mapanalunan ko ito upang manalo kami at doon ay sasamahan niya na tayo papuntang Primo High." mahina kong sabi sa kaniya. "Nasabit ka na naman sa gulo, Hemira?!" napataas ang boses niyang sigaw. "Shhhhh!" saway ko sa kaniya dahil baka may makarinig sa kaniya at tumingin ako sa mga naririto ngayon. Nakatingin sila sa aking lahat at tahimik ngunit bumalik na rin agad sila sa kanilang ginagawa. Tila wala silang pakialam sa akin. Lumayo ako sa kanila at pumunta sa isang sulok kung saan may kalayuan sa kanila upang makapag-usap kami ng maayos. "Hindi naman mukhang gulo ito—" "Hindi mukhang gulo?! Kompetisyon nga Hemira! Ibig sabihin ay makikipaglaban ka ng lakas! Paano kung may mangyaring masama sa iyo sa kompetisyong ito?!" sermon niya sa akin kaya hindi ko natapos ang aking sasabihin. "Heneral ng mga mandirigma ng Gemuria si Hemira kaya wag mong maliitin ang kaniyang kakayahan. Nagawa niya ngang matalo si Rufus kaya alam kong hinding-hindi siya matatalo, diba Hemira?" pagkampi sa akin ni Kirion. Tumango ako. Napahingang malalim na lamang si Aria at umikot ang mga mata sa pagkainis sa amin ni Kirion. "Bahala na nga kayo sa inyong nais!" naiinis niyang sabi at nawala na ang kaniyang mukha. Nagalit na siya ng tuluyan. "Aria, paki-usap naman. Si Nathalie ngayon ang makakatulong sa atin sa pagpunta sa Primo High kaya kailangan kong gawin ito. Kung nahabol ko lamang sana 'yung lalaking tinulungan ko kanina, hindi ko na sana kailangang gawin ang lahat ng ito." paliwanag ko sa kaniya. Lumabas muli ang kaniyang mukha at mukhang pumapayag na siya sa aking naging paliwanag. "Sige na nga. Ilagay mo na lamang ako sa loob ng iyong lagan dahil nais kong magpahinga,” sabi lang niya kaya sinunod ko ang kaniyang nais. Nilagay ko siya sa loob ng aking lagan. ~Tagapagsalaysay~ Umakyat na ang lalaking emcee sa stage dahil magsisimula na ang gaganaping event. Ang cosplaying competion ay mayroong sampung kasali. Pagkatapos ng ilang pang opening ceremony ng event ay simula na ng main event. Ang pagrampa ng mga cosplayers sa stage at pagkatapos niyon ay ipapakita nila ang kanilang mga talentong inihanda. "Hello everybody! Gusto n'yo na bang makita ang ating mga cosplayers?!" tanong ng emcee sa audience. "Oo!" sabay sabay na sigaw naman ng mga audience na sabik nang mapanood ang pagrampa sa stage ng mga cosplayers. Karamihan sa mga audience ay mga teenagers. "Okay! Let's heat the stage up with our first finalist!" pag-aannounce ng emcee at lumabas ang isang cosplayer sa gilid ng stage at rumampa na. Nagsimula na ring tumugtog ang isang kantang napakaganda ng beat na bagay na bagay sa pagrampa. Naghiyawan ang mga tao. "Trafalgar Law ng One Piece!" Naghiyawang muli ang mga tao sa lalaking rumarampa sa stage dahil bagay na bagay sa kaniya ang ikinocosplay niya. "One Piece! One Piece! One Piece!" sigaw ng mga tagahanga ng anime na One piece. Ipinakita ni Trafalgar law ang kaniyang galing sa paggamit at pagwasiwas ng espada. Nagpalakpakan ng sobra ang mga audience sa kaniyang galing at inakto niya pa ang signature moves ni Law sa one piece. Nang matapos niya nang magperform ay umalis na siya ng stage at sumunod na ang ikalawa. Ang vocaloid ng Japan na si Hatsune Miku na may napakahabang buhok na kulay sky blue at nakapigtails. Nakasando na uniform na kulay puti at may kulay sky blue rin na necktie na plain. Nakablack na maikling-maikling palda at mahabang medyas na hanggang itaas ng kaniyang tuhod. Ngunit ang problema sa cosplayer na iyon ay hindi bumagay sa kaniya si Miku. Maliit siya na babae na may katabaan at napakakapal ng poundation niya at masyadong napasobra sa pagdetalye sa kaniyang mukha. Nanahimik ang marami ngunit ang iba ay pumapalakpak pa rin. Kumanta lamang siya o tamang sabihing na nag lip sync siya ng boses ni Hatsune Miku. Sumunod naman sila Naruto, Zoro ng One piece rin, Ichigo ng bleach, Kirito ng SAO, isang nakapang maid, isang nakasimpleng uniform lang sa anime. Ang ikasyam na ay si San Goku ng Dragon Balls. Ginawa niya rin ang signature moves ni San Goku katulad ng kami hame wave, super sayan at iba pang mga laging sinasabi ni San Goku sa anime. Marami sa kanila ay bagay na bagay ang kanilang mga kinocosplay ngunit ang ilan ay hindi bumagay. "Okay! Last na tayo guys! Huli na siyang nagparegister kaya huli siya sa listahan ng mga magpeperform pero diba nga, may kasabihan... Last but not the least. So we welcome, Hemira! The warrior!" pagpapakilala ng emcee kay Hemira. Pinalabas na sa stage si Hemira ng mga producer ng event at wala siyang kaalam alam sa kaniyang gagawin. Kumakabog ng malakas ang stage dahil sa lakas ng beat ng tugtog at nararamdaman iyon ni Hemira sa kaniyang dibdib. Dim ang light sa buong lugar pero may nakatapat na spotlight sa kaniya kaya napatakip siya ng kaniyang mga mata dahil sa pagkasilaw. Itiningin niya ang kaniyang mga mata sa napakaraming taong mga nakaupo lang sa kanilang mga upuan sa ibaba ng stage habang nakatingin sa kaniya at naghihiyawan. Natahimik ang mga ito dahil hindi pa siya narampa. Pilit niyang hinahanap kung nasaan si Nathalie at nang makita niya ito sa ikalawang row ng upuan ay may sinasabi ito sa kaniya. "Maglakad ka?" basa niya sa ibinubuka ng bibig nito. Tumango tango ito kaya naglakad nga siya hanggang dulo ng stage. Doon ay naghiyawan ulit ang mga audience. Nakatingin lang siya kay Nathalie at pinapaikot siya nito kaya umikot siya. "Grabe! Parang totoo 'yung armor niya noh? May mga gasgas gasgas pa saka mga yupi." "Yung aura niya nga saka 'yung dating niya, pang warrior talaga." "Sobrang ganda niya! Para siyang girl version nung knight in a shining armor!" sabi ng mga audience. "Okay! So anong ipeperform mo para sa amin, Hemira?" tanong sa kaniya ng emcee kaya napatingin siya roon. Nakangiti ito sa kaniya. "Mawalang galang na ngunit ano ang salitang ipeperform?" tanong niya rito. Napawoah ang audience sa lalim niyang magtagalog pati na rin ang emcee. "Sige, palaliman pala ng tagalog ah... Magandang binibining mandirigma, ano ang ipapakita mong talento sa amin na iyong mga manonood?" tanong nito sa kaniya at umakto pa na isang ginoo sa kaniya. "Talento? Ang aking talento ay ang aking pakikipaglaban. Ang paggamit ng aking dalawang espada ay masasabi kong aking pinakamaganda talento,” sabi niya rito. Napataas naman ito ng dalawang kilay. "Meron ng mga nagpakita satin ng sword scenes kanina. Sila Trafalgar Law, Zoro at Ichigo pero magagawa kaya silang matalo ni Hemira sa pagandahan ng paggamit ng espada? Tingnan natin,” sabi pa nito. "Sige, mandirigmang Hemira, ipakita mo sa amin ang iyong talento sa paggamit ng iyong dalawang espada." ~Hemira~ "Hemira, akala ko ba ay isa itong kompetisyon. Tila isa lamang pala itong patimpalak ng mga talento,” sabi sa akin ni Kirion kaya napatingin ako sa kaniya sa aking telang lagan na kwintas na malapit na sa aking dibdib. "Mukhang ganoon na nga."sabi ko sa kaniya. Tumingin ako sa paligid nang aking maramdaman na may aatake sa akin mula sa aking likuran kaya agad akong yumuko. Mabilis rin akong tumayo nang maayos at tumalon-talon paatras dahil sa isa na namang atake na sa harapan ko naman isinagawa. Isang babaeng maikli ang buhok na mayroong mahabang kasuotang tila salamin ang aking nakita. Nasasalamin niya ako at ang lugar na ito sa kaniyang kasuotan. Nakapikit ang kaniyang mga mata at may hawak siyang dalawang espada. "Sino ka?!" sigaw na tanong ko sa kaniya. "Ako si Mirora, ang diwata ng mga salamin." kaniyang pakilala. Nakalutang ang kaniyang paa sa ere ngunit tila hindi siya nakikita ng mga tao na naririto dahil hindi sila nagulat sa bigla niyang pagsulpot. Sa akin lang sila lahat nakatingin. Lumipad siya papunta sa akin at sinimulan akong atakihin sabay ang kaniyang dalawang espada kaya sinalag ko iyon gamit din ang aking mga espada. Napaurong ako ng aking mga paa sa lakas niya. Napakapikit pa rin ang kaniyang mga mata at napakaganda ng kaniyang mukha. Itinulak ko siya palayo kaya napalayo siya sa akin ngunit nagsimula na naman siyang umatake. Kung saan saan siyang direksyon umaatake sa akin ngunit hindi niya hinahayaan na mapababa kaming dalawa sa entablado. Nililimitahan niya ang galaw niya sa pag-atake sa akin upang hindi ako mapababa at panay lamang ang salag ko sa kaniyang mga atake. Napakalakas niyang umatake. "Woooooowww!" narinig kong manghang-manghang bulalas ng mga manonood. "Astig! Para talaga siyang may kalaban no?" "Oo nga eh! Yung movements niya, para talaga siyang may ka sword fight!" sabi pa nila. Iwinasiwas ng babaeng ito ang kaniyang espada sa aking paa kaya tumalon ako ngunit kasabay niyon ang pagwasiwas naman niya ng kaniyang isa pang espada sa itaas kaya muntik niya nang maputol ang aking leeg kung hindi lamang naging mabilis ang aking kilos at naiyuko ko ang aking ulo kasabay ng aking pagtalon. Paglapag na paglapag ko sa sahig ay isasaksak niya na sa akin ng sabay ang kaniyang espada kaya gumulong ako papuntang ibang direksyon upang maiwasan ang kaniyang atake. Nandito na ako sa kaniyang likuran ngayon at tumayo ako. Sabay niya muling isasaksak sa akin ang kaniyang dalawang espada habang nakatalikod siya sa akin ngunit agad kong iniharang rin ng sabay ang dalawa kong espada kaya lumihis ang kaniyang saksak at saka ko siya sinipa sa kaniyang likuran at tumalsik siya sa isang pader di kalayuan at doon ay nabasag siya na tila isang salamin. "Last but not the least ngang talaga!" sigaw ng isang lalaki na umakyat rito sa entablado. Sya rin 'yung kaninang nagsabi sa akin na ipakita ko ang aking talento. Biglang naghiyawan ng malakas at nagpalakpakan ang mga tao. Mabigat ang aking paghinga dahil sa aking pakikipaglaban at hindi ko na naiintindihan ang sinasabi ng lalaking iyon. Nakita ko na naipon ang basag na piraso ni Mirora at unti-unti siyang hinigop papunta sa isang pwesto kaya napatingin ako kung saan iyon. Sa likod iyon ng isang pader at aking nakita na tila may tao roon na humihigop kay Mirora ngunit hindi ko makita kung sino iyon. Bababa sana ako upang tingnan kung sino ang naroroon ngunit napatingin ako ng may mga tumabi na sa akin at iyon ay ang mga katulad ko ring mga mandirigma. (Cosplayers) Kumakaway sila lahat sa mga manonood at mga nakangiti. "Napakagagaling ng ating mga cosplayers at sa tana ng buhay ko na naging emcee ako, ngayon lang ako naentertain ng ganito sa mga napanood ko,” sabi pa ng lalaking tagapagsalita. "Woooooooohhhh! Sobrang galing ni Hemira!" "Si Hemira ang bet ko! Sobrang astig niya shet!" sabi ng mga tao. Hinanap ko si Nathalie at nakita ko siyang pabalik ng kaniyang upuan. Saan kaya siya galing? Tumingin siya sa'kin at nginitian ako na parang humihingi siya ng paumanhin at saka pumalakpak na rin kasabay ng mga manonood. Napa-isip ako. Bakit ako inatake ng isang diwata? Ano ang kaniyang rason? At isa pa talaga sa mga malalakas na diwata ang umatake sa akin. Sino 'yung humigop sa kaniya kanina? Isa kaya siyang nabubuhay na katulad ko? *—* * *—* "Yehey! Ikaw ang nanalo Hemira! Ang galing mo! Atleast, 'yung mga paghihirap ko ng paghahanap sayo kapag nadidistract ka sa mga shops eh may naging kapalit!" tuwang-tuwang bulalas ni Nathalie sa akin habang binibilang ang papel na hawak niya na tinatawag niyang pera. Nakalabas na kami ng tinatawag nilang mall at nandito kami ngayon sa gilid ng daan at naglalakad. Sabi niya ay ako raw ang nanalo sa patimpalak na iyon dahil napakaganda raw ng 'perpormans' na aking ipinakita. Ngunit napupuno ang aking isip tungkol kay Mirora, ang diwatang umatake sa akin kanina at sa taong humigop sa kaniya. Ano ba ang kanilang pakay sa akin? "Saan ka galing kanina? Tila umalis ka sa iyong upuan noong ako ay nasa entablado." tanong ko sa kaniya kaya napatingin siya sa akin. "Naiihi kasi ako ng sobra kanina nung ikaw na 'yung rumarampa sa stage. Gusto ko nga sanang mapanood 'yung performance mo pero di ko na kinaya kaya napatakbo na ko ng C.R. Sorry." nakangiti niyang sabi at tila humihingi siya ng paumanhin. Hindi ko man naintindihan ang ilan sa kaniyang sinabi ay hinayaan ko na lamang dahil may mas mahalaga pa akong bagay na dapat itanong sa kaniya. "Maaari mo na ba akong samahan ngayon papuntang Primo High gayong nasalihan ko na ang kompetisyon na iyong nais?" tanong ko sa kaniya. "Alam mo Hemira, tapos na 'yung cospalying competition pero in character na in character ka pa rin sa pagsasalita mo pero kung yan ang trip mo kasi feel na feel mo yang suot mo eh bahala ka pero gusto kong malaman kung bakit mo ba gustong gustong pumunta sa school namin at kanina ka pa nangungulit?" tanong rin niya sa akin. "School?" "School... Yung Primo High. School iyon diba?" sabi niya kaya nanlaki ang aking mga mata. "Doon ka nag-aaral?!" hindi ko makapaniwalang tanong sa kaniya. Napataas siya ng isang kilay ngunit pagka'y tumango. "Kung ganoon ay kakilala mo ba si Argyris?" tanong ko sa kaniya. Napatigil siya ng paglalakad kaya ako'y napatigil din. "Sino?" tanong niya. "Argyris." Namayani ang maikling katahimikan sa amin... "Pfffffttt! Wahahahah!" bigla niyang paghagalpak ng tawa na hindi ko inaasahan na kaniyang magiging reaksyon. Pinagtitinginan na kami ng mga tao sa lakas ng kaniyang pagtawa. "Sino? Argyris?! Wahahahah! Pangalan pa ata yan ng kanunununuan ko eh! Wahahahah!" sabi niya habang humahagalpak ng tawa. "Sinong napakalupit na magulang sa henerasyon ngayon ang magpapangalan ng ganiyan sa anak nila?! Wahahahah!" sabi pa niya habang tawa pa rin ng tawa. Seryoso lamang akong nakatingin sa kaniya hanggang sa maubos niya na ang kaniyang tawa. Pinahid niya ang kaniyang mga mata na nabasa ng luha sa sobrang kakatawa. "Woooh! Laughtrip iyon ah! kailan ba ko huling tumawa nang ganito kagrabe?" kausap niya sa kaniyang sarili. "Mukhang hindi mo siya kakilala,” sabi ko sa kaniya at may panlulumo akong naramdaman dahil wala pa akong nahahanap na maaaring kakilala si Argyris upang maging mabilis ang aming magiging paghahanap. "Tsk! Tsk! Tsk! Lakas ng trip mo ngayon Hemira ah. Pero bahala ka na nga. Isasakay na lang kita ng taxi papuntang Primo High tapos doon mo na hanapin si pfffft... Argyris... Wahahahah!" pagtawa niyang muli at hinahampas pa ako sa aking braso. "Hindi mo ako sasamahan?" tanong ko sa kaniya at tumigil na muli siya sa kaniyang pagtawa. "Hindi eh. Uuwi pa kasi akong bahay gawa ng nakalimutan ko doon 'yung report papers ko sa trigo. Itinawag pa nga sa'kin yun ni Mom kanina eh. Cutting lang ako ngayon tapos mamayang 1 pa ko ng hapon papasok gawa nga nung cosplay event kanina na raket ko. So, kita na lang tayo mamaya sa school kapag nagkasalubong tayo." nakangiting sabi niya. Tumango ako. "Oh! Oo nga pala! Yung parte mo sa premyo mo. Ang napag-usapan ay 50/50 kaya hati tayo sa 25,000. Tig 12,500 tayo,” sabi niya ngunit hindi ko iyon tinanggap. "Bakit? Ayaw mong kalahati? Yun ang usapan—" "Sa iyo na lamang yan lahat. Hindi ko rin naman iyan magagamit. Kabayaran ko na rin sa pagtuturo mo sa akin kung saan ko matatagpuan ang Primo High." nakangiti kong sabi sa kaniya. Napabuka siya ng kaniyang bibig na tila hindi makapaniwala sa aking tinuran. "Sigurado ka?!" hindi niya makapaniwalang tanong at tumango lamang ako. "Sige, kung yan ang gusto mo." tuwang-tuwang sabi niya at ibinulsa na ang mga perang papel. "Pero sure ka na pupunta ka doon ng nakaganiyan?" tanong niya saka tiningnan ako mula ulo hanggang aking paa. Tumingin rin ako sa aking sarili. "Bakit? Ano ang mali sa aking kasuotan?" tanong ko sa kaniya. Napangiwi naman siya ng ngiti sa akin. "W-Wala naman. Hehehe...” sabi na lang niya. "Ipapara na nga kita ng taxi,” sabi niya at itinaas ang kaniyang kamay at ibinaba taas iyon at may tumigil na puting sasakyan sa aming harapan. Katulad iyon ng sinakyan nung lalaking aking tinulungan kanina. Pinapasok niya na ako sa loob non. Pagkapasok ko ay naamoy ko ang kakaibang amoy at masakit iyon sa ulo. Hindi naman iyon mabaho ngunit masakit lamang talaga sa aking ulo. (amoy ng aircon sa taxi) Napakalambot din ng upuan na para sa dalawa hanggang tatlong tao at may dalawa pang upuan sa unahan kung saan nakaupo ang isang lalaki. Nakahawak siya sa isang bilog na bagay(manibela) at may maliit na samin sa itaas kaya aking nakikita ang aking mukha. Binuksan ni Nathalie ang pintuan sa unahan kaya napatingin kami sa kaniya. "Manong, ihatid mo siya sa Primo High safe and sound okay,” sabi niya sa tinawag niyang manong. May inabot siyang papel na pera sa kaniya na kulay lila. Tumango ang manong at isinara na niya ang pinto. Tiningnan ko siya mula sa labas at naging medyo madilim ang kulay ng labas dahil sa salamin. Nakangiti siya sa akin at kumaway na sa akin. Nginitian ko rin siya. Nagulat ako nang bigla nang umandar itong sinasakyan ko ngunit tama lamang ang bilis nito. Napatingin ako sa aming mga dinaraanan. Yung mga nakita kong nagtataasang gusali kanina, mga iba't-ibang sasakyan at mga sasakyan na katulad nito at iba't-ibang mga taong may iba't-ibang mga kasuotan. Sobrang namamangha pa rin ako sa aking mga nakikita. Inilabas ni Kirion ang kaniyang ulo sa kaniyang kinalalagyan at nanood rin ng mga tanawing aming nakikita. Sa wakas, papunta na kami ngayon sa Primo High kung saan nag-aaral ang maheyang si Argyris. Sabi sa papel ng sikreto na hindi niya batid na sa lahi siya ng mga maheya nagmula kaya mukhang mahihirapan talaga kaming hanapin siya ngunit hindi ako papayag na hindi ko siya mahanap sa lalong madaling panahon. Dalawang buwan na lamang ang natitira sa amin para iligtas namin si Prinsesa Ceres. Kapag nahuli kami kahit isang segundo lamang sa pagliligtas sa kaniya, lahat ng mabubuting nabubuhay ay masasakop na ng mga mostro. * * * Mirora - diwata ng mga salamin. Ang kaniyang kakayahan ay kaya niyang kopyahin ang abilidad ng kaniyang kalaban. Kinopya niya ang abilidad ni Hemira na gumagamit ng dalawang espada sa pakikipaglaban ngunit hindi niya kasing lakas at kasing husay ang ginagaya niya. Hindi niya kayang masalamin ang husay ng kaniyang kalaban na nagsisilbing kaniyang kahinaan. Nababasag siya ngunit kailangan niya ng mahabang panahon para maghilom. Ang mga diwata ay mabubuting nilala at hindi sila mahilig sa pakikipaglaban at mga bayolenteng bagay ngunit sa pagpoprotekta lamang ng kanilang mga binabantayan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD