Hemira 40

4005 Words
Chapter 40 - Atake ~Hemira~ Tumigil na ang sasakyang aming sinasakyan. "Dito na tayo Miss. Primo High na to," sabi sa akin ng Manong. "Maraming salamat sa iyong paghatid sa akin." pagpapasalamat ko sa kaniya at itinutulak ko ang pinto ngunit hindi iyon nagbubukas. Pilit ko pa ring tinutulak ngunit hindi ko iyon mabuksan. "Miss, iangat mo yang kulay itim dyan, bubukas yan,” sabi sa akin ng Manong kaya sinunod ko ang kaniyang sinabi at iningat ko nga ang itim na kaniyang tinutukoy at tuluyan ko na nga itong nabuksan. Kakaiba talaga ang mga bagay rito. Masyadong kumplikado. Nginitian niya lang ako na tila natatawa siya sa akin nang akin siyang tingnan. "Hindi po Miss ang aking pangalan kundi Hemira. Maraming salamat po ulit Manong." aking sabi sa kaniya at isinara ko na ang pinto ng kaniyang sasakyan. Nakita ko pa siya sa loob na tila napakamot siya sa kaniyang ulo at siya ay umalis na. Hinarap ko na ang eskwelahan ng Primo High at namangha ako ng sobra sa ganda ng lugar na ito. ~Tagapagsalaysay~ Namangha nang sobra si Hemira nang kaniya nang masaksihan ang Primo High. Napatingin siya sa napakalaking nakasulat na PRIMO HIGH sa itaas na isang arko. "Ito na nga ang Primo High..." kaniyang sabi na wala sa sarili sa sobrang pagkamangha. Lumabas si Kirion sa kaniyang kwintas at sumilip rin. Kinuha niya naman sa loob ng lagan si Aria upang ibalita na rito na sa wakas ay nasa Primo High na sila ngayon. "Aria... Tingnan mo at nasa Primo High na tayo ngayon!" mahinang sabi niya rito na sabik na sabik. Lumabas ang mukha nito at iniharap niya ito sa arko ng Primo High. "Naririto na nga tayo! Sa wakas naman Hemira!" bulalas nito. Niyakap niya na itong muli. Ang Primo High ay ang #1 elite school sa bansa at sa pinakangmayayamang mga pamilya lamang nagmumula ang mga estudyante sa loob. Mga anak ng pulitiko, business man, anak ng doctor na may sariling hospital, mga heir at heiress ng kanilang mga kompaniya at marami pang iba na nanggaling sa mga kilalang personalidad sa bansa. Ang may-ari ng school na ito ay si Charlie Primo at ang kaniyang anak na si Gino Russell Primo ay nag-aaral rin mismo sa school na ito na kanilang pagmamay-ari. Walang katao-tao sa labas dahil may mga klase pa ang mga estudyante kaya pumasok siya sa mini gate. Nakasarado iyon ngunit nagbukas nang mapaharap siya roon. Walang ingay na ginawa ang pag-ingit non. Nang makapasok na ay lalo siyang namanhang sa ganda ng loob ng eskwelahan. Mas lalong napabuka ang kaniyang bibig sa pagkamangha pati na rin sila Aria at Kirion. Naglakad na siya papasok at hindi man lamang siya napansin ng dalawang guards na abalang abala sa pagkekwentuhan. Dumaan siya ng scanner at hindi tumunog iyon bagkus ay kusang namatay. Kapag kasi may dumaan doon sa scanner na unidentified person katulad ng mga outsiders o hindi binigyan ng permisyon na makapasok ay mag-aalarm iyon at mabuti at hindi nag-alarm iyon upang hindi siya masita ng dalawang guards. Nakalayo na siya sa may gate at natanaw niya agad ang napakalaking building na apat ang palapag at mahaba iyon na pakurba ang pagkakagawa. Maraming pasukan iyon at napakaraming classroom na tanaw na tanaw niya agad kahit na nasa malayo pa lamang siya. Napatingin siya sa mga tambayan ng mga estudyante sa kaniyang kanan. Mga tila cottage iyon at gawa sa bato. Sa mga pader na nasa likod naman niyon ay mga naggagandahang mga murals tungkol sa kapaligiran at sa mundo. Namangha siya nang sobra sa nakita niyang iyon. Tiningnan niya naman ang kanan niya at iyon ay mga halaman na mataas at well trimmed. Maze iyon na mas lalong nagpaganda sa eskwelahang ito. Napakagaganda rin ng mga punong pantay na pantay ang pagkakahanay sa magkabilang daan na pagkakataas at pagkakaganda na siyang nagpapabango sa hangin. "Napakaganda naman ng eskwelahang ito, Hemira! Ngayon lamang ako nakasaksi ng napakagandang lugar na tulad nito!" manghang manghang sabi ni Aria. "Tama ka Aria. Napakagrande ng lugar na ito. Napakaswerte ni Argyris na rito siya nag-aaral," sabi naman niya. "Baka naman kapag sinabi natin na sumama sa ating mundo si Argyris ay hindi siya pumayag dahil ayaw niyang iwan ang lugar na katulad nito? Ano sa inyong tingin?" si Kirion kaya napatingin siya sa kaniya. "Hindi iyon maaari. Siya'y kabilang sa ating mundo kaya narapat lamang na bumalik siya sa atin." Nagkibit balikat na lamang si Kirion dahil may posibilidad ang kaniyang nasa isip. Pumasok na sila sa building at ang unang unang nakakuha ng kanilang pansin ay ang kumikislap na chandelier na nakasabit sa itaas ng kisame. Hindi iyon umiilaw ngunit tila mga tunay na brilyante ang mga nakalawit roong padiamond shapes na mga palamuti at pahaba ang pagkadiamond niyon at ayos na ayos ang pagkakahilera na tila paikot na hagdan pababa. Transparent ang kulay ng mga iyon at pagkalaki laki na umiikot pa sa kisame. "Wahhhh..." hindi napigilang bulalas ng tatlo ngunit mahina lamang iyon. "Tunay ngang mayaman ang mundong ito sapagkat ginagawa lamang nilang palamuti ang mga mahahalagang bagay sa ating mundo tulad ng pilak at brilyante,” sabi ni Hemira habang minamasdan ang chandelier na nangingintab sa kaniyang mga mata. Kriiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiinnnnggg! Bigla silang napapitlag tatlo sa malakas na tunog na iyon at hinanap agad kung saan iyon nanggagaling. "Ano iyon Hemira?! Tila mayroong pahiwatig na may aatake sa eskwelahang ito!" si Aria at punong puno ang pangamba ang kaniyang mukha. Naghanda si Hemira para sa pag-atake at marahas na tumingin sa paligid upang hanapin kung mayroon nga bang mga panganib ngunit napatingin siya sa mga naglabasan na mga estudyante sa paligid at masayang nagusap sa isa't isa ang mga ito. Mayroong mga bumababa sa hagdan, lumabas sa mga pinto sa gilid ng daanan at lumabas galing elevator. Biglang umingay ang kaninang tahimik na lugar. "Sa wakas! Lunch na girls! Hindi ko na kayang tiisin 'yung history teacher natin! She's so boring!" sabi ng isang babae sa kasamahan nitong tatlo pang babae. Ang tumunog pala kanina ay ang bell ng school na hudyat na lunch time na sa buong school. Napakaganda ng apat at sopistikadang sopistikada ang mga ito. Ang puputi ng mga balat at pagkakinis kinis. Napatingin siya sa kasuotan ng mga ito. Nakablazer ang tatlo sa mga iyon hanggang sa pulso ang sleeves na gray at paldang hanggang itaas ng tuhod na kulay black at mga nakamedyas na white hanggang sa ibaba lang ng tuhod. Ang isa naman ay vest na kulay gray lamang ang suot at naiilaliman iyon ng polong pangbabae na manggas lamang ang mayroon. "Anong history eh english tayo kanina? Mamaya pa ang history subject natin,” sabi ng isang iyon na naiiba ang suot na uniform sa tatlong babaeng kasama niya habang nakatingin sa maliit na salamin na kaniyang hawak. "Eh kasi puro siya kwento ng history ng buhay niya. Like we care diba? Kainis lang." maarteng sabi naman ng isa na bumulalas kanina na boring daw at siya ang pinakamaganda sa kanila. Lahat sila ay may suot na I.D at halata ang pagiging mga anak ng mayaman ng mga ito sa mga itsura, kilos at pananalita. Pati ang kanilang mga gamit at dalang bag ay pangmayamang pangmayaman talaga. Napatingin siya sa iba pang mga estudyante sa paligid. Ang suot ng mga lalaki ay katulad ng suot ng lalaki kaninang kanilang tinulungan pati na ng lima pang kalalakihan na kaniyang binugbog. "What the!" nabulalas ng iba nang siya ay makita na. Pinagtitinginan na siya ng mga ito dahil nasa sentro siya ng daanan at ang iba ay nagbubulungan na tungkol sa kaniya. Ang iba naman ay tinuturo pa siya sabay pagtawa dahil sa kaniyang costume. "The heck! May costume party ba tayo? Bakit parang late ata ako sa balita?" "What the f*ck is with her? May event ba ng theatrical play today?" sabi ng ilan nang makita nila siya. Napag-isipan na niya na lumapit sa kanila at magtanong tungkol kay Argyris. Naglakad siya papuntang hagdan at sa kaniya na napunta ang atensyon ng lahat. Sa suot niya pa lamang na baluti na mayroon ng ilang mga galos, yupi at mga bakas ng pukol ng espada, nakaipit ang kaniyang mahabang buhok ng maimis gamit ang isang pinilas lamang na tela na nakalawit lamang ang dalawang dulo kasama sa kaniyang buhok, ang dalawang espada niya sa kaniyang bewang at puniyal, ang lagan niya na bagpack sa mundong ito na lalong nagpaweird sa kaniya dahil sa wirdong pagkakagawa non lalo na ang makapal na librong hawak niyang si Aria na may kalumaan na. Tunay siyang wirdo sa mundong ito lalo na sa lugar kung nasasaan siya ngayon. Iniiwasan siya ng iba dahil sa pagkawirdo sa kaniya ngunit ang iba naman ay namamangha sa kaniya dahil sa angkin niyang kagandahan at bagay sa kaniya ang kaniyang kasuotan. May nakita siyang isang babae nag-iisa lamang at busy sa pagtetext sa cellphone niya na padaan na sa kaniyang harapan kaya hinarangan niya lalo ito at pilit naman itong dumadaan ngunit hinaharang niya talaga ang daanan nito kaya sa wakas ay tumingin na ito sa kaniya na mayroong isang taas na kilay na tila naiinis at nagtatanong kung ano ba ang kaniyang kailangan. "Binibini, maaari bang magtanong? Nais ko sanang malaman kung mayroon ka bang kilalang Argyris ang pangalan sa eskwelahang ito?" magalang na tanong niya rito. Nangunot naman ang noo ng babaeng iyon. "Anong sabi mo?" takang-takang tanong nito dahil hindi niya nakuha ang tanong ni Hemira lalo na at hindi niya nagets kung ano ba ang trip nito at nakacostume ito ng pangwarrior at ganoon pa kalalim ang tagalog magtanong sa kaniya. "Ang aking sabi ay kung mayroon ka bang kakilalang Argyris ang pangalan sa eskwelahang ito?" ulit niya ng kaniyang tanong. "Argyris? Like heck! Wala noh!" nawiwirduhan nitong sagot sa kaniya at umalis na habang umiiling dahil iniisip nito na isa siyang baliw o nantitrip lamang. Hindi siya nawalan ng pag-asa at nagtanong pa siya sa ibang mga estudyanteng dumadaan ngunit nilalayuan siya ng mga ito. Pinupukol rin siya ng mga ito ng mga nawiwirduhang tingin at tila isa siyang taong may sakit kung magsilayuan ang mga ito sa kaniya. Naglakad pa siya papasok ng building upang maghanap pa ng maaring mapagtanungan at di katulad kanina na nilalayuan siya ay ngayon ay pinagkakaguluhan naman siya ng mga 3rd year students. "May show ba sa Music and Arts Theater mamaya?" "Di ko alam." "Baka cosplayer." "Astig niya Dude noh!" "Ganda ng armor niya shet! San niya kaya pinagawa yan?" kaniya kaniyang opinyon at pag-uusap ng mga estudyante sa paligid. "Mayroong ka bang kakilalang Argyris?" tanong ni Hemira sa isang lalaki na mayroong kasama pang isang lalaki. Nabighani ng kaniyang kagandahan ang dalawang lalaking estudyanteng iyon kaya naman naglakas loob ang mga ito na lumapit. "Wala but you doon't need ito find that Argyris or whoever. How 'bout me? I'm single and I can fight with you... in bed,” sabi ng isa sa mga ito at malisyosong tiningnan ang kaniyang kabuuan. Pati na rin ang isa ay tiningnan ang kaniyang kabuuan at napansin niya iyon kaya sabay niyang tinapik ang mga mata nito gamit ang likod ng kaniyang mga kamay at lumagapak iyon. "Sh*t!" sabay na mura ng mga ito sa sakit ng ginawa niya. Napaurong pa ang mga ito at sabay na napahawak sa kanilang mga mata. "Matuto kayong gumalang sa babae. Ang katawan ng babae ay iginagalang at hindi dapat tinitingnan sa ganoong paraan." payo niya sa mga ito at umalis na siya. ~Hemira~ Nag-ikot pa ako sa paaralang ito ngunit wala pa ring nakapagsasabi sa akin na kakilala nila si Argyris. "Hemira, bakit tila walang nakakakilala kay Argyris?" tanong sa akin ni Kirion. Umakyat siya sa aking balikat at nakatingin sa akin. "Ang sabi naman ni Seth ay dito siya nag-aaral." sagot ko sa kaniya. "Hindi kaya nagkamali tayo ng eskwelahang pinuntahan at hindi ito ang Primo High na tinutukoy ni Seth kundi iba pa?" sabi naman ni Aria at lumabas ang kaniyang mukha kaya iniharap ko siya sa akin. "Sana ay hindi iyon ang nangyayari sa atin sapagkat napakahirap humanap ng lugar sa mundong ito sapagkat hindi natin ito alam,” sabi ko naman sa kaniya at niyakap ko siyang muli. Napatingin ako sa lugar kung nasasaan kami ngayon. Isa itong napakalawak at maaliwalas na lugar. Mayroong mga maliliit na mga d**o at halaman sa kalawakan ng lupa. (Field/Oval) Mayroon namang mga puno na maayos ang pagkakahilera sa gilid ng lupain na ito. Dumaan ang napakasariwang hangin at napakasarap langhapin niyon. Tila ba bumalik ako sa aming kaharian bago pa mangyari ang pambibihag kay Prinsesa Ceres. Ganito kaaliwalas ang lupain ng Gemuria at kakulay berde dahil sa mga halaman at puno sa paligid. Nais ko na muling bumalik sa lugar na iyon ngunit hindi ko dapat unahin ang aking sariling kagustuhan dahil kailangan kong maiuwi sa lalong madaling panahon ang aming prinsesa. Ang prinsesa ng lahat ng mabubuting nabubuhay. Maraming mga estudyante ang naririto at masaya silang magkakasama. Walang mababakas na paghihirap o problema ang kanilang mga mukha. Siguro ay simula pagkabata nila ay hindi sila nakaranas noon. Sa mga ngiti pa lamang sa kanilang mga mukha, mahahalatang hindi sila umintindi ng kahit isang problema sa kanilang buhay. Hindi tulad ko, napakarami ko nang naranasan bago ako dumating sa kaharian ng Gemuria at maging heneral ng mga mandirigma niyon. Nang mamatay ang aking Nana Thelia ay roon na nagsimula ang maitim kong nakaraan. Nakaraan na kailanman ay ayoko nang balikan. May nilapitan akong isang babaeng kumakain sa ilalim ng isang puno at may kasama siyang dalawa pang babae. Nakaupo sila sa isang malinis na tela na kanilang nilatag at nakapatong roon ang mga lalagyanan nila ng pagkain na gawa sa kahoy. (basket) Napatingin sila sa'kin at bigla silang nasamid nang ako'y kanila nang masilayan. Hindi ko na lamang iyon pinansin. "Mga binibini, may itatanong lamang ako. Mayroon ba kayong kilalang Argyris na nag-aaral sa eskwelahang ito?" Nang mukhang mawala na ang pagkasamid nila ay tumingala sila sa akin dahil sila nga ay nakaupo at ako ay nakatayo. Sabay-sabay silang umiling. Nanlumo ako sa kanilang naging sagot. "Maraming salamat na lamang,” sabi ko sa kanila at ako'y umalis na para magtanong pa sa iba ngunit wala talaga sa kanilang nakakakilala kay Argyris. Naglakad lakad pa ako at nakalayo na ako sa malawak na lupain na iyon. Lahat ng naroon kasi ay akin nang napagtanungan at unti-unti nang nawawala ang mga estudyante sa paligid. Siguro'y nagsisimula nang muli ang kanilang klase kaya ganoon. Napatingin naman ako sa lugar na aking narating ngayon. Isa itong liblib na lugar at walang katao-tao. "Saan kaya natin matatagpuan si Argyris sa napakalawak na lugar na ito? Kanina pa ako nagtatanong-tanong ngunit wala talaga ni isa ang nakakikilala sa kanila. Ang iba'y ginagawa pang biro ang kaniyang pangalan at pinagkakatuwaan dahil lumang luma raw iyon." himutok ko kina Kirion. Hindi ako nagrereklamo sapagkat ayaw ko nang hanapin si Argyris kundi iniisip ko ang sinabi ni Aria kanina na baka maling eskwelahan itong aming napuntahan at hindi naman talaga ito ang eskwelahan nila Argyris. "Mag-ikot ka pa Hemira at kung hindi mo talaga siya makita ay saka na tayo mamroblema sa paghahanap sa kaniya sa ibang eskwelahan." suhestyon ni Aria kaya tumango ako sa kaniya. Inilakad ko nang muli ang aking paa at nang maglakad na ako ay tila mayroon akong napasukang isang hindi nakikitang bagay. Naramdaman iyon ng aking katawan na tila mayroon akong pinasukang isang napakalaking mahika. Napatingin ako sa paligid at ito pa rin naman ang kapaligiran kanina. Liblib. Iisa lamang ang gusali na aking nakita at mataas iyon ngunit tila abandunado na dahil walang tao roon. Walang halaman o puno sa paligid at lupa lamang ang aming inaapakan hindi katulad nang kanina na semento. Wala talagang makikitang kahit anong kakaiba sa lugar na ito. "Naramdaman mo ba iyon Hemira?" tanong ni Kirion sa akin kaya napatingin ako sa kaniya. Naramdaman niya rin iyon kaya siguradong may hindi tama sa lugar na ito. Nakaramdam ako ng tila isang malaking atake mula sa itaas namin kaya agad akong gumulong sa lupa pagkatapos tumalon ni Kirion mula sa aking balikat at nag-anyong nemean siya saka mabilis kaming tumakbo parehas. Isang malakas na tunog na tila may bumagsak na napakalaking bagay ang aming narinig kaya agad kaming napalingon roon ni Kirion. Nanlaki ang aming mga mata nang aming makita ang isang napakalaking bloke ng yelo na nangingintab pa sa sikat ng araw. Napakalaki niyon na kung tinamaan sana kami'y nayupi na kami ng wala sa oras. Agad kong kinuha ang aking isang espada at yakap ko pa rin si Aria. "Gaaaaaaaaaarrrrr!" atungal ni Kirion na isa nang nemean dahil siguradong naramdaman niya ring may prisensya ng isang nabubuhay na tulad namin sa paligid. "Sino ka?! Magpakita ka sa amin!" sigaw ko ngunit walang umiimik. Aking tiningnan ang paligid at hindi ko mahanap ang may gawa ng bloke ng yelo na iyon na bumagsak sa amin. Alam kong hindi iyon isa lamang aksidente dahil na ramdam na ramdam ko ang isang napakalakas na mahika sa paligid ngunit hindi ko lamang talaga matanto kung saan iyon nanggagaling dahil humahalo iyon sa normal na awra ng lugar na ito. "Hemira!" sigaw sa akin ni Aria kaya muli akong napatingin sa bloke ng yelo at nanlaki ang aking mga mata nang ang yelo niyon ay pagapang na sa lupa papunta sa amin. Binabalot niyon ang lahat ng kaniyang madaanan kaya naman ang lupa kanina ay naging isang makintab na na yelo. Tumakbo kami ni Kirion ngunit napakabilis nang paggapang sa lupa ng yelo na iyon. Nang maaabutan na niyon ang aking mga paa ay agad kong hinugot ang aking isang espada at tumalon ako saka ko isinaksak ang espadang iyon sa lupa na nabalot na ng yelo. Nakatiwarik lamang ako sa ere at ibinabalanse ang aking sarili habang isang kamay lamang ang nakahawak sa aking espada upang hindi ako malaglag sa lupa. Buti na lamang at napakatibay ng aking espada kaya hindi iyon bumabaliko sa aking bigat. Paakyat na ang yelo sa aking espada at malapit na niyong mabalot ang aking espada hanggang aking kamay. "Aria, magtago ka!" sigaw ko at nawala ang mukha ni Aria saka ko siya inihagis nang sobrang mataas sa ere at mabilis kong hinugot sa aking bewang ang isa ko pang espada saka ko iyon inihampas sa isa namang nababalot na ng yelo pati aking kamay. Nabasag ang mga yelo roon at saka hinayaan ko nang makababa ang aking mga paa sa lupang nababalot ng yelo na tila dumikit na iyon doon kaya nakaliyad ako ngayon dahil hindi ko pa nahuhugot ang espadang nasa lupa. Buong lakas kong hinila ang iyon gamit ang aking isang kamay lamang at nagawa ko iyon. Umuusok pa iyon sa lamig. Buti at walang baliko o anumang sira ang nangyari roon. Agad akong tumingala at pabagsak na si Aria kaya agad ko siyang sinalo kahit dalawang espada ang aking hawak. Naramdaman ko ang pamamanhid ng aking isang kamay na nabalot kanina ng yelo. Namumutla iyon. Lumabas ang mukha ni Aria. "Ayos ka lamang ba, Hemira?" nag-aalalang tanong niya sa akin. Tumango ako ngunit nang aking maalala si Kirion ay agad ko siyang hinanap. Nakita kong nakahiga siya sa lupang yelo at pilit na tumatayo ngunit hindi niya magawa dahil sa dulas niyon. May mga biyak sa yelong kaniyang inaapakan na tila tinalunan niya iyon. Tumalon din siguro siya kanina upang hindi siya mabalot ng yelo. "Ikaw Kirion? Ayos ka lamang ba?" tanong ko sa kaniya at pilit pa rin siyang tumatayo ngunit bumabagsak talaga siya at nagkakaroon ng markang kalmot ang yelong kaniyang inaapakan dahil sa kaniyang mga matutulis na kuko. "A-ayos lamang..." pilit siyang tumayo at pilit niyang pinapanatiling nakatayo siya ngunit bumagsak lamang siyang muli. "...ako..." nahihingal niyang sabi. Napatingin muli ako sa paligid. Nabalot ng yelo ang paligid at lahat ng lupa. Sino kayang may kagagawan nito? Bakit niya ginagawa ito sa amin? Sinubukan kong ihakbang ang aking mga paa upang maghanda para sa mga susunod na atake ng kalaban ngunit tila nakadikit na iyon doon. Nararamdaman ko na ang sobrang lamig sa aking mga paa sapagkat bakal ang sapatos na aking suot at madaling naipapasa ng yelo sa lupa ang lamig niyon sa aking mga paa gamit ang aking sapatos. Ibinalik ko ang aking isang espada sa aking bewang upang mahawakan ko ng maayos si Aria. Pilit kong inangat ang aking isang paa at nagawa ko iyon. Ang isa naman ang aking inangat at nagawa ko rin iyon ngunit katulad ni Kirion ay nadudulas dulas rin ako at bumagsak kaya nabitawan ko si Aria at ang layo ng kaniyang narating. "Aria!" sigaw ko at pilit akong tumatayo ngunit pagewang gewang ang aking katawan at bumagsak muli ako. "Hemira!" tawag rin sa'kin ni Aria nang marinig niya ang aking pagbagsak. Umupo ako ng maayos at muli sanang tatayo nang mapatigil ako at maramdaman ko na tila mayroong humihigop ng aking sarili mula sa aking katawan. Ramdam na ramdam ko ang paghigop niyon at bigla bigla na lamang... "Augggggghhh!" daing ko nang tila napakalalaking mga matutulis na bagay ang tumusok sa aking katawan. Napasuka ako ng dugo at napatingin ako sa aking katawan. Mayroong mga sibat, espada at palaso ang mga nakatusok sa aking katawan at lumagpas iyon hanggang aking likuran. Napakasakit ng aking nararamdaman na tila mawawalan na ako ng buhay. Kahit na ganoon ang aking nararamdaman ay pilit kong inilingon ang aking ulo kay Aria. Hindi ko siya makita pati na si Kirion. Nandidilim na ang aking paningin ngunit naramdaman ko bigla na tila may mga humugot sa aking katawan ng mga nakasaksak roon. "GAAAAAAAAAAAAHHH!" aking sigaw sa sakit niyon. Naging kulay pula na ang yelong lupa dahil sa pag-agos ng aking masaganang dugo roon mula sa aking katawan. Isa-isang hinuhugot sa akin ang mga nakasaksak sa akin at ramdam ko ang pagsama roon ng aking mga laman ngunit hindi pa rin ako nawawalan ng buhay sa hindi ko malaman na dahilan. Napatuon na ang aking kamay sa yelong lupa na kulay pula na at aking habol na habol ang aking hininga ngunit nawala ang lahat ng dugo sa yelong lupa bigla. Pati ang mga napakalalaking butas sa aking katawan na gawa ng mga nakasaksak sa akin na hinila ay nawala. Pinilit kong tumayo dahil hindi ko na naiintindihan ang nangyayari sa akin ngunit hindi ko kaya kaya lalo akong nasadlak sa aking pagkakaupo. Dumilim ang paligid. Napakatahimik na rin ngunit wala sa wisyo ang aking sarili. "Parang awa n'yo na po! Pakawalan n'yo na ako! Parang awa n'yo na..." narinig kong tinig ng isang batang babae na pamilyar na pamilyar sa akin. Umiiyak ang batang iyon at puno ng pagmamakaawa ang kaniyang tinig. Napatingin ako sa nagaganap na eksena sa aking harapan at nanlaki ang aking mga mata nang matanto ko kung ano iyon. "Hinde! Hindi mo nagawang maipanalo ang laban kanina kaya naman hinding hindi ka namin pakakawalan! Isandaang laban muli ang kailangan mong mapanalunan ng sunod-sunod at walang palya upang makaalis ka na sa lugar na ito!" sigaw sa batang babaeng iyon ng lalaking mayroong napakalaking katawan at may suot na makakapal na bakal sa kaniyang katawan. Unti-unting pumatak ang luha sa aking mga mata nang latiguhin niya ng walang awa ang batang babaeng iyon na punong-puno na ng sugat sa katawan at tila mawawalan na ng buhay. "Sayang! Kung naipanalo mo lamang sana ang ikaisandaang laban mo ngayon ay pipilasin na sana namin ang kasulatang isa kang alipin at Gladyator sa lugar na ito. Ngunit tandaan mo, hindi kami basta basta nagpapakawala ng mga pagmamay-ari namin! Wahahahha!" Napakuyom ang aking mga kamao. Patuloy na ang pag-agos ng aking luha sa aking nasasaksihan. Wala ng malay ang batang babaeng iyon ngunit patuloy niya pa rin siyang nilalatigo na tila isa lamang itong hayop. Lahat ng nararamdaman ko noon sa pangyayaring iyon ay bumalik sa akin. Takot, pangamba, pagdurusa poot at matinding pagkaawa sa sarili. Unti-unting napuno ng galit ang aking puso. "HAAAAAAAAAAAAAAAAAHHHHH!" sigaw ko sa sobrang galit at biglang tila nabasag na salamin ang napakadilim na paligid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD