"MUNTIK na 'kong masubsub doon, ah." Napailing si Kyzer at napangisi. "Salbahe ka, Sister!" pasigaw pa na sabi niya bago lumakad palayo sa pintuan ng apartment nito.
Kumuha siya ng sigarilyo sa bulsa habang lumalakad at inipit sa labi iyon bago sinindihan.
Muntik nang mapaso ng apoy sa lighter ang ilong niya nang masagi ng kasalubong na bulto ang kamay niya na may hawak sa lighter.
"Hey!" inis na sabi rito.
Huminto ito at lumingon sa kaniya.
Patay na ang mga ilaw sa hilirang iyon ng apartment at medyo malayo roon ang ilaw sa poste kaya hindi niya masyadong maaninaw ang mukha nito na bahagya pang naikubli sa sumbrero nang tumungo ito. Kaagad na sumilid sa isip niya ang lalaki kanina.
Nakita niyang kumilos ang kamay nito at may kung anong bagay ang binubunot sa baywang.
Ngunit bago pa nito iyon mabunot nang tuluyan ay nasabayan na niya ito ng bunot.
Dahil malapit sila sa isa't isa ay nagsalpukan ang dulo ng mga baril nila.
Kaagad gumana ang paa niya na mabilis din nitong na-block ng matigas nitong tuhod.
Mabilis naman niyang hinawi ang kamay nitong may hawak na baril gamit ang libre niyang kamay.
Pareho silang mabilis kumilos.
Kapwa sila nakakaiwas at naba-block ang bawat atake ng isa't isa habang kapwa hindi binibitiwan ang hawak na baril na hindi magawang itutok sa isa't isa dahil sa bilis ng mga kamay nila.
Nang magawa nitong i-umang sa kaniya ang baril ay mabilis niyang natabig ang kamay nito kasabay ang pagputok ng de silencer nitong baril.
Gayunpaman ay nagpatuloy sila.
Lumundag siya at umigpaw sa ere sabay ikot at sipa rito, kàagad nitong na-block iyon ng matigas nitong braso.
Muli itong nagpaputok ng baril at sa pagkakataong iyon ay dumiklap ang hawak niyang baril kasabay ang pagtilapon niyon. Doon tumama ang bala nito.
Nag-init ang kamay niya bago namanhid ngunit inignora niya iyon.
Muli siyang nagpakawala ng dalawang sunod na sipa bago pa ito makakilos para sa susunod na planong gawin at sa pagkakataong iyan ay tinamaan ito ng sipa niya sa dibdib. Napaigik ito at napaatras.
Sinamantala niya iyon at muling nagpakawala ng dalawang sipa pa ulit at pinatamaan ito sa leeg. Gamit ang kamay nito ay na-block nito iyon pero nabitawan nito ang baril.
"Kyzer!" tawag sa kaniya ni Maxine pero hindi siya lumingon.
'Buwisit!' bagkus ay inis na sabi niya sa isip.
Noon naman kumaripas ng takbo palabas ng gate ang lalaking ito.
Hahabulin pa sana niya ito pero maagap siyang napigilan ni Maxine.
Noon lang niya ito nilingon.
"Ano bang ginagawa mo?!" galit na tanong niya rito. Dahil sa pagpigil nito sa kaniya ay nakatakas ang lalaking iyon.
"Ano bang nangyari!?" tanong din nito imbes na sagutin siya.
Imbes na tugunin ito ay padarag niyang pinalis ang kamay nitong nakahawak sa kaniya.
Inaninaw niya sa tulong ng liwanag sa poste ang nabitawang baril kanina. Pinulot niya iyon nang makita.
Pinulot din niya ang baril ng pangahas na hindi na nito nagawang pulutin bago tumakas.
"Sa susunod ayaw ko na tatawagin mo pa ako sa pangalan ko. Mga special na tao lang sa buhay ko ang binibigyan ko ng pahintulot at karapatang tawagin ako sa ganoong paraan!" paasik na sabi niya sa dalaga.
Napanganga ito sa kaniya at hindi nagawang magsalita.
Hinawakan niya ito sa kamay at hinila palabas ng gate.
"Hoy, sandali nga," pigil nito sa kaniya na tinangka pang hilahin ang kaliwang kamay sa pagkakahawak niya. "Saan mo ako dadalahin?"
"Kailangan mong sumama sa 'kin, I don't think you will be safe here."
"Eh, ano naman ngayon—"
"P'wede bang mamaya ka na lang makipagtalo!?" paasik na tanong niya rito.
Nang hindi ito sumagot ay iginiya na niya ito patungo sa kotse niya.
•••
HINDI niya napigil ang sariling tingnan si Kyzer nang makasakay na sila sa kotse nito at simulan na nitong paharurutin ang sasakyan.
Naliligo ito sa sariling pawis.
"Hindi ba natin iri-report ang mga nangyari sa mga pulis? Naisip ko iyon kanina kaya ako lumabas sa apartment ko," sabi niya rito.
Hindi ito nagsalita at nanatili lang nakatuon ang atensyon sa kalsada.
Bumaba ang tingin niya sa kamay nito na nakahawak sa manibela at napatuwid siya ng upo nang makitang dumurugo ang kanang kamay nito.
"Dumurugo ang kamay mo!" Nabahala siya.
Sinulyapan lang siya nito. "Daplis lang 'yan. Malayo sa bituka," kaswal nitong sabi.
"Ano ba kaseng nangyari?" tanong niya sa binata.
"Shouldn't I be asking you? Bakit nangyari ang parehong insidente sa lugar mo hindi pa man lang nangangalahati ang gabing ito?" tanong nito na bahagyang tumaas ang boses.
Napaisip siya at hindi nakapagsalita.
"Tingin ko iisang tao lang sila at ikaw talaga ang pakay niya. Pero nagtataka ako sa kaniya, bakit gugustuhin niyang maisakatuparan ang plano niya na hindi pa man lang umedad ang gabi samantalang aware siya sa kapalpakan niya kanina? Matindi siguro ang atraso mo sa lalaking iyon," wika nito sabay sulyap sa kaniya sa rearview mirror.
"Wala akong naargabyadong tao," kaagad niyang salag dito, diretso at walang kagatul-gatol.
Ngumisi ito. "Talaga? Baka naman...may lalaki kang iniwanan noon at masyado mong nasaktan kaya hindi maka move-on sa 'yo."
Napalunok siya sa sinabi nito. Bakit kung makapagsalita ito ay para bang may nalalaman ito sa nakaraan niya?
Pero teka, napaisip din siya sa sinabi nito at naalala niya si Marcus.
"Sino namang lalaki ang gugusto sa katulad ko, 'ni wala ngang kahit na anong special sa akin," sabi na lamang niya.
Hindi na ito nagsalita at inabala ang sarili sa pagmamaneho.
Tiningnan ulit niya ang kamay nito.
"Wala ka bang first aid kit dito sa kotse mo?" tanong niya kapagkuwan at hindi pa man ito nakakasagot ay dinampot na niya ang crossbody range bag nito na nakapatong sa tabi ng manibela.
"Hey! Ano'ng...?" kunot ang noo na tanong nito sa kaniya at tinangka siyang pigilan pero iniiwas niya iyon dito. "Bitawan mo 'yan. Personal na gamit ko iyan kaya hindi mo dapat pakialaman!" bakas sa boses nito ang pagka-irita.
"Hahanap ako ng p'wedeng i-gamot d'yan sa kamay mo, tingnan mo nga namamaga na," sabi niya imbes na pansinin ang sinabi nito.
"Walang gamot d'yan, okay? Saka ano bang pakialam mo kahit mamaga pa ng sobra ang kamay ko?"
"Ayaw mo lang, eh. Huwag kang mag-alala, kapag ginamot ko 'yang sugat mo, quits na tayo." Saka tuluyan nang binuksan iyon at hinalungkat.
"Haist!" inis nitong react saka inihinto ang kotse para kunin iyon sa kaniya pero huli na ito.
Nakita na niya kung ano'ng ayaw nitong makita niya sa loob ng crossbody range bag nito.
Napanganga siya at napahiya na ihampas dito ang bag, paulit-ulit.
"Kadiri ka! Kadiri ka! Kadiri ka!" paulit-ulit na sabi niya rito habang inihahampas dito ang bag hanggang sa mangalat ang laman niyon.
Hinuli nito ang kamay niya upang pigilan siya sa ginagawang paghampas dito.
"Bakit ka kase nangingialam!?" nandidilat ang mga matang tanong nito sa kaniya matapos siyang mapahinto sa ginagawa niya.
Hindi siya nakapagsalita at napatitig dito.
Patulak siya nitong binitawan saka pinulot ang mga nangalat na condoms sa lapag ng kotse nito.
Iniwas niya ang tingin dito at isiniksik ang sarili sa sulok.
Tiningnan siya nito habang isinasarado ang zipper ng crossbody range bag na iyon.
"Please, pakihatid na lang ako sa Catholic School na pinanggalingan ko," kapagkuwa'y pakiusap niya rito.
Napailing ito. "Kung makapag-react ka, Sister, akala mo naman t**i ko na 'yong nakita mo. Condom lang ang mga 'yan, okay? Ang arte, putcha," iritang sabi nito na bahagya pang binabaan ang boses sa huling sinabi upang hindi siguro niya marinig.
Napigil niya ang hininga habang sinasabi nito iyon habang napaantanda ng krus at umuusal ng panalangin sa isip para sa kapatawaran ng kaluluwa niya pati na rin ng kaluluwa nito.
"Pakihatid ako sa Catholic School—"
"You can get off here and wait for a ride that can take you r'yan sa Catholic School na sinasabi mo!" paasik na sabi nito na napahampas pa sa manibela sabay tingin sa kaniya.
Hindi siya nakapagsalita pero kapagkuwa'y kumilos at inalis ang seatbelt sa kaniya.
Pinagmasdan lang siya nito.
Nang makababa siya sa kotse nito ay pabalya niyang inilapat ang car door.
Kaagad naman nitong pinaharurot palayo ang sasakyan.
Naghintay siya ng maaari niyang masakyan.
Ilang sandali na ang lumipas ay wala pa ring dumaraang pasaheruhang sasakyan doon.
'Nakakainis talaga ang lalaki na iyon, isasama ako para lang pala iwanan dito!' himutok ng kalooban niya.
Ilang sandali pa ay napakunot ang noo niya nang makita ang parating na sasakyan.
Pumarada ito sa tapat niya mismo. Bumaba ang driver niyon.
Ewan ba niya, pero parang kinilig siya at hindi napigil ang mapangiti habang nakatitig kay Kyzer.
Hindi siya nito natiis at umikot pa talaga para balikan siya.
"Hop in," kaswal lang na utos nito habang nakatitig sa kaniya.
Noon niya natanaw ang paparating na dyip. Nakita rin iyon ni Kyzer.
"Salamat na lang," sabi niya at itinaas ang kamay para pahintuin ang dyip.
Mabilis na kumilos si Kyzer, lumakad ito palapit sa kaniya at bago pa tuluyang makahinto ang dyip ay binuhat na siya nito.
Napatili siya. "Kyzer, ano ba!? Ibaba mo nga ako!" paasik na sabi niya rito at tinangkang pumalag.
"Tumigil ka kung ayaw mong ibagsak kita at ipaghampasan na parang baseball bat," pagbabanta nito sa kaniya na ikinatakot niya sa isip na baka totohanin nito.
Kumilos ito at gamit ang isang kamay ay binuksan nito ang car door sa passenger seat at ipinasok siya roon.
Inilapat nito ang pinto at nakangiting tumingin sa dyip na noon ay pausad na muli.
"Pasensya na kayo kay Misis. May regla kaya tinutopak!" nakatawang sabi nito sa mga nakasakay sa dyip.