11

1413 Words
TINUTUGPA nila ang daan pauwi. Ilang minuto na lang at makakarating na sila sa mansion pero kapwa sila tahimik at walang may balak kausapin ang isa’t isa. Pinabayaan lang niya si Kylie dahil abala rin ang isip niya kay Maxine. Inuusig siya ng kaniyang konsensya sa kabila ng lahat dahil sa ginawa niyang pang-iiwan kay Sister ng ganoon na lang. Napabuntong-hininga siya at wala sa loob na nasapo ang noo habang nagmamaneho. “Do you know the word gratitude?” kapagkuwa’y narinig niyang tanong ni Kylie sa kaniya. Hindi siya nagsalita at nanatili ang mga mata sa kalsada. “Hindi mo alam because you don’t have that, Kyzer!” bakas sa boses ni Kylie ang sama ng loob. “What’s the matter with you at nagkakaganyan ka because of her!?” inis na tanong niya rito. “Because of her!?” maanghang na ulit nito sa huli niyang sinabi. “She’s my friend, Kyzer.” “Your friend,” mabilis niyang sabi matapos nitong magsalita. “Kailan mo lang s’ya nakilala, Kylie, tapos ngayon sinasabi mong kaibigan mo na s’ya?” “Bakit? Hindi ba—” “Enough," putol niya sa dalaga. “Ayaw kong malalaman na pumupunta ka pa sa kaniya.” “At bakit—” “Never ka ng babalik sa lugar na iyon," putol ulit niya kay Kylie. “And don’t you dare ignore my word, Kylie! Nagkakaintindihan ba tayo?” Hindi ito nagsalita bagkus ay padabog na umayos ng upo. Hindi na lang siya nagsalita pa. ••• NARATING na nila ang mansion. Bumukas ang automatic gate nang tumapat ang kotse niya roon. Ipinasok niya ang sasakyan sa garahe at nang maihinto iyon ay tahimik na bumaba kaagad si Kylie. Sinundan niya ito ng tingin at napailing bago bumaba upang sumunod dito. Sinalubong sila ng mga magulang nila. “O, bakit ganiyan ang mga hitsura n’yo? Saan ba kayo galing?” kaagad na puna ng kanilang ama. Pero imbes na tumugon si Kylie ay nilampasan nito ang mga ito. Tiningnan siya ng mga magulang. "Ano'ng problema ng isang iyon?“ tanong ng kanilang ama. Bumuntong-hininga siya. “Mom, Dad, may sugat si Kylie sa tuhod,” wika niya imbes na tugunin ang tanong ng mga ito. “Kayo na ang bahala sa kaniya, may kailangan pa kase akong asikasuhin ngayon.” Hindi na niya inantay na makapagsalita pa ang mga ito at tumalikod na siya. Bumalik siya sa kotse at umalis. Nang makalabas sa gate ay pinaharurot niya ang kotse at naghanap ng drug store. Nang makakita ay dumaan siya roon. ••• NAPAIYAK si Maxine sa sakit nang dampian ng yelo na ibinalot sa malinis na towel ang namamaga niyang kamay. Ilang minuto ang pinalipas niya bago iyon inalis doon. Tapos ay hinubad niya ang damit at sa tagiliran naman idinampi ang yelo. “Ahh!s**t, ang sakit!” Hindi na niya napigil ang paanas na daing habang hindi na rin napigil ang mapaiyak. Nasa ganoong ayos siya nang marinig ang marahang katok sa pinto. Huminto siya sa ginagawa at tumingin doon. Naulit ang pagkatok na bahagya ng lumakas sa pagkakataong iyon. Tumayo siya at lumapit doon. "Sino ‘yan?” pinatatag niya ang tinig saka idinikit ang tainga sa pinto. “Just open the door.” Nailayo niya ang tainga at napatitig sa nakapinid na dahon ng pintuan. Kilalang-kilala niya ang boses na iyon kahit ilang beses pa lang niyang narinig, si Kyzer. Kaagad niyang inayos ang sarili, tinuyo niya ang mga mata saka kinuha ang damit at isinuot iyon bago binuksan ang pinto. “Anong ginagawa mo rito?” Pinakita niya ang inis sa anyo at tinig niya. Imbes na sumagot ay pumasok ito kahit wala pa siyang pahintulot. Inilapag nito sa center table ang bitbit nito. “Maupo ka," pantay ang tonog utos nito sa kaniya. Mukhang nabaliktad yata. Dapat siya ang nagsasabi rito ng ganoon. Tiningnan lang niya ito. Kumilos naman ito at inilabas ang laman ng supot na dala nito. “Hindi ka na dapat nag-abala pa,” matabang na sabi niya nang makita kung anong laman ng supot na iyon. Tumayo ito at nilapitan siya. Napakislot pa siya nang hawakan nito ang braso niya at iangat upang tingnan ang kamay niya. Hindi niya inaasahan ang naramdaman nang hawakan siya nito. Mainit ang palad nito at parang may mahikang kaagad na nabawasan ang matinding sakit na nararamdaman niya. Inignora niya ang pakiramdam na iyon. Gayunpaman ay nagpatianud na lang siya rito nang hilahin siya nito paupo sa sofa. “Ahw! Masakit!” paasik na sabi niya rito nang bahagya nito iyong i-masahe. Hindi siya nito pinansin bagkus ay hinila nito mga daliri sa kamay niyang may pinsala. Napasigaw siya at muntik ng maihi sa labis na sakit, mabuti na lamang at kaagad niyang napigil ang paglabas niyon. Padaskol niyang binawi rito ang kamay. “P’wede ba, sister, kung gusto mong gumaling ‘yan pabayaan mo ako.” “Bakit doktor ka ba?” maluha-luha sa inis at sakit na tanong niya rito. “Hindi, pero ilang beses ko nang ginawa dati ‘yan kapag napipinsala ako sa trabaho,” mabilis nitong sagot. Hindi siya nagsalita bagkus ay tinitigan lang ito. Tinitigan din siya nito saka inilahad ang palad sa harap niya. "Trust me,” sabi nito, mahinahon ang tono. Inis na ini-abot niya rito ang kamay na noon ay dumurugo na ulit ang sugat. Nang ulitin nito ang ginawa nito kanina ay napahawak siya ng mahigpit sa hita nito. Napangiti ito. “Sister, may kiliti ako r'yan,” wika nito na umiral na naman ang kapilyuhan. Kaagad naman siyang bumitaw at sinikap na lang na tiisin ang sakit hanggang matapos ito sa paghila ng lahat niyang daliri sa kamay. Matapos ay nilinis nito ang sugat niya bago nilagyan ng ointment at sinimulan balutin sa benda ang kamay niya. Nakatingin lang siya rito habang ginagawa nito iyon, at hindi niya naiwasang titigan ang kissable lips nito. Sinong mag-aakalang isa itong maninigarilyo? Nanatili siya sa pagkakatitig dito at hindi niya inaasahan ang bigla nitong pag-aangat ng tingin, kaya naman nahuli siya nito na nakatitig dito. Nagkatitigan sila pero ilang sandali lang ay iniiwas niya ang tingin dito. Hindi niya kinaya ang titig ng mapupungay nitong mga mata na mayroong mahahabang pilik-mata na binagayan naman ng medyo makapal nitong mga kilay. “Yong mga babaeng tumitig sa akin ng ganiyan, lahat na in love sa akin at dumaan sa aking mga kamay,” seryosong sabi nito. “Iba ako sa kanila,” malamig ang boses na sabi niya. Hindi ito nagsalita pero saglit pa siyang tinitigan bago tinapos ang ginagawa sa kamay niya. “Salamat, naabala pa kita,” nasabi niya habang sinisikap na hindi muling maligaw rito ang tingin. “Dahil kay Kylie kaya ko lang ginawa ‘yan, sa kaniya ka magpasalamat.” “Pakisabi kay Kylie, salamat. Sige na, makakaalis ka na," tapos ay pagtataboy niya rito. Ngumisi ito. “After all, paaalisin mo na lang ako ng ganoon lang? 'Ni hindi mo man lang ba ako aalukin kung anong meron ka riyan? Alas otso y medya na kaya ng gabi at nagugutom na ako,” sabi nito. Napaismid siya rito at kagyat na naalala ang pagsusungit nito kanina. “Bakit ikaw? Pagkatapos mo akong astahan ng ganon kanina ngayon bigla kang nagpa-friendly effect d’yan. Kung nagugutom ka, umuwi ka na at doon kumain sa inyo. Naka-budget lang lahat ng food stocks ko rito," pagtataray niya. Napanganga ito at napailing. "Iba ka rin, Sister, ha.” Napailing ito at sarkastiko siyang tiningnan bago tumayo at lumapit sa pinto. “Kun’di lang ako pinilit ni Kylie na gawin ‘to hindi naman talaga ako dapat pupunta rito, ano ba'ng pakialam ko sa ’yo?” sabi pa nito saka kumilos palabas ng pinto. “Hindi ka lang pinakain nagkakaganiyan ka na?” pang-aasar niya rito at bago pa ito tuluyang makalabas ay sinipa na niya ang dahon ng pintuan pasarado. Inabot ito ng dahon ng pintuan at muntik na itong mapasubsob sa labas dahil sa ginawa niya. “Arogante!” gigil na sabi pa niya saka ini-lock ang pinto. Narinig niya ang malalakas at sunud-sunod nitong katok pero hindi niya pinagbuksan. “Manigas ka riyan!” pasigaw na sabi niya. “Matigas na matigas na, Sister,” pilyong sagot nito. “Kaya humanda ka.” “Hmp!” gigil na sabi niya sabay kuyom ng kamao. "Bastos kang lalaki ka," tapos ay iritang bulong niya dahil nakuha niya ang ibig nitong sabihin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD