WALANG nagawa si Kylie nang magmatigas si Maxine sa pagtanggi na sumama pa sa mga ito para kumain sa labas.
Nadagdagan ang pagkainis niya at pagkapahiya kay Kyzer dahil sa nakita nitong ayos niya kanina. Maiilang lamang siya at hindi mapapakali sa presensya nito kung sasama pa siya.
“Sige, pero sa susunod dapat sumama ka na ha…” malambing na sabi ni Kylie.
Ngiti at tango lang ang itinugon niya rito.
Lumakad na ito palapit sa sasakyan. Ipinagbukas ito ng pinto ni Kyzer na nakatayo lang kanina pa sa tabi ng kotse.
Bago sumakay si Kylie ay kumaway pa ito sa kaniya na tinugon din niya ng pagkaway.
Nang makapasok na ito ay inilapat na ni Kyzer ang car door tapos ay lumapit sa kaniya.
Napaarko ang kilay niya pero bahagya siyang napaatras nang walang sabi-sabi ay ilapit nito ang mukha sa kaniya.
“Akala ko ba papatayin mo ako, Sister,” sabi nito habang nakangiti ng nakakaloko.
“Kung hindi mo pa ako lulubayan, baka nga mapatay na kita ngayon.”
Hindi ito natinag. “Naisip ko lang, Sister, p’wede na, may ibubuga rin naman pala,” banat nito sabay baba ng tingin sa kaniyang dibdib.
Nandilat sa pagkapahiya at pagkainis ang mga mata niya. "Bastos ka talaga!” Akmang uumbagin ito pero mabilis itong nakaigkas palayo at iniwanan siya.
Hindi siya aware sa pamumula ng mga pisngi niya dahil sa hiya at pagkainis. Gusto niya itong habulin at sipain sa p’wetan nito hanggang masubsob sa aspalto.
Bago nito buksan ang pinto ng kotse ay tumingin pa ito sa kaniya at nakakalokong ngumiti.
“Salamat sa perfect view, Sister. Nag-enjoy ako. Nextime, magdadala ako ng mas maraming ipis for grand exposure,” sabi pa nito at kumindat pa.
Tiim-bagang na tiningnan lang niya ito ng matalim hanggang sa makapasok sa kotse at mailapat ang pinto.
Sinundan pa niya ng tingin ang sasakyan nang umusad na ito palayo.
•••
HINDI si Kyzer mapakali sa higaan. Inaantok na siya pero hindi pa siya makatulog.
Bumangon siya at hubo’t hubad na umibis sa kama tapos kinuha sa bedside cabinet ang brown envelope na ibinigay sa kaniya ni Eynon na naglalaman ng ilang impormasyon sa pagkatao ni Maxine. Pinasadahan lang niya ito ng basa noong i-abot sa kaniya ni Eynon dahil nasa trabaho nga siya.
Taga Quezon province ito. Haciendera at nag-iisang tagapagmana. Isa itong runaway bride ni Marcus Villamor na unico hijo ng gobernador sa lalawigan ng mga ito.
Tiningnan niya ang larawan ni Marcus, guwapo naman ito at kahit sino ay kukuwestyunin si Maxine kung bakit nito ito tinakbuhan.
Naupo siya sa gilid ng kama at pinagpatuloy ang pagbasa sa iba pang nilalaman ng mga papel.
Napatitig siya sa isa pang larawan ng lalaki roon. Ito si Leo De Vega, isa itong sundalo, kababata at bestfriend ni Maxine. Isinunod niya ang huling dokumento. Natigilan siya at napaisip ng mabasa ang nilalaman niyon.
Kinuha niya ang cellphone at nag-type ng message roon.
“Mom, pakicheck naman bukas sa master list ng AFP si Leo De Vega. Hindi ko alam kung anong year siya enlisted ikaw na ang bahala, thanks,” sabi niya sa mensahe.
Sundalo rin ang kaniyang ina, Lieutenant Captain ito at sa Armed Management Information Center Department naka-assign.
Pagka-send ng mensahe ay kinuha niya ang lighter at sigarilyo sa bedside cabinet at nagsindi niyon.
Sumandal siya sa headboard habang hinithit-buga ang sigarilyo at nag-iisip.
Hindi niya maintindihan, bakit duda siya at talaga namang kinukutuban sa pagkatao ni Sister Maxine?
•••
SABADO noon at walang opisina, pero heto si Naylor at nakaabang sa cellphone niya, nagbabakasakali na tumawag si Kylie.
Tumayo at lumapit siya sa bintana ng kaniyang silid.
Ibinulsa niya sa suot na walking shorts ang dalawang kamay saka tumanaw sa malayo.
Si Kylie ang nasa isip niya nang mga oras na iyan.
Sa haba ng panahon ng pagkakaibigan nila ni Kyzer ay ngayon lang siya nakalapit sa dalaga ng ganoon kalapit.
Nang ibigay sa kaniya ni Kylie ang susi nito ay iyon din ang unang pagkakataong nahawakan niya ito at naidaiti rito ang kaniyang balat.
Gayunpaman ay palagi lang siyang nakatingin dito kahit sa malayo.
“Hindi lang tayo bestfriends, parang magkapatid na rin, kaya ngayon palang dapat alam mo na, na hindi mo dapat magustuhan si Kylie, kase kapag ginawa mo ‘yon, sisirain mo lahat ng pinagsamahan natin at maaaring habang buhay kitang ituring na kaaway," naaalala pa niyang sabi ni Kyzer noong nasa mid school pa lang sila.
Tumanim iyon sa isip niya at hindi kinalimutan, pero dumating pa rin ang araw na nagising na lang siya isang umaga na in love na siya kay Kylie.
Hindi niya iyon pinansin noon dahil sa pag-aakalang puppy love lang iyon, pero lumipas ang mga panahon at hindi nagbago ang nararamdamang iyon bagkus ay mas tumindi pa at hindi na niya kayang supilin.
Ngayon, nag-iisip siya, naguguluhan. Gusto niyang aminin sa dalaga ang nararamdaman ngunit naiisip niya ang maaaring maramdaman ni Kyzer, maging si Eynon na alam niyang patay na patay kay Kylie. Ayaw niyang masira ang matagal na nilang pagkakaibigan dahil lang sa pag-ibig, pero nahihirapan na ang puso niya.
Ano ba ang mainam niyang gawin?
Nasa ganiyang pag-iisip siya nang mag-ingay ang cellphone niya sa ibabaw ng kama.
Kaagad siyang lumapit doon at kinuha iyon tapos ay sinagot nang makita ang pangalan ng kaniyang ina.
“Ma!" kaagad niyang sabi, nakangiti.
“Kumusta ka na? Hindi ka ba magbabakasyon dito? Halos dalawang taon na tayong hindi nagkikita,” sabi nito. Bakas sa boses nito ang lungkot.
Napabuntong-hininga siya at hindi napigil na mahawa. “Ma, h‘wag po kayong mag-alala, malapit na po akong magbakasyon d’yan,” sabi na lang niya.
Saglit itong hindi nagsalita. Pinakinggan niya ito sa kabilang linya. Naririnig niya roon ang boses ng kaniyang Lola.
Napangiti siya at napailing habang sapo ang noo niya.
“Ang lola mo, itinatanong kung uuwi ka raw ba rito kasama ang magiging asawa mo, mas masaya raw siya kung uuwi ka kasama ang apo niya sa iyo,” sabi ng kanyang ina.
Narinig nga niya na sinabi iyon ng kaniyang Lola.
Matagal na nito iyong iniu-ungot lalo pa at nag-iisang apo siya dahil solong anak lang din nito ang kaniyang ama.
“Sabihin mo kay Lola, Ma, malapit na rin, nasa first base na kamo ang apo niya," pagbibiro niya.
Narinig ulit niya ang kaniyang Lola matapos sabihin dito iyon ng ina niya.
Itinatanong nito sa kaniyang ina kung kailan daw ba siya makaka-final base kapag na-tsugi na raw ba ito? S’yempre, hindi naman siguro.
•••
NAGULAT pa si Maxine nang mapagbuksan si Kylie. Maluwang pa sa bukas ng pinto niya ang ngiti nito.
Pumasok ito nang walang sabi-sabi at naupo sa naroong sofa at ibinaba sa center table ang paper bag na dala.
“Bihis na bihis ka yata," puna nito sa ayos niya.
“Oo, sabado at linggo kase ang pasok ko sa part time job na nakuha ko,” turan niya.
Kailangan niya iyon hanggang makabalik siya sa kumbento dahil kung hindi ay mauubos ang savings niya.
Bumakas sa mukha nito ang pagkadismaya. “Ano ba ‘yan, wrong timing naman. Tumakas pa naman ako sa ’min, nag-taxi nga lang ako papunta rito, eh, nahiya kase akong abalahin si Naylor kase rest day niya ngayon,” kunwa'y nakasimangot na sabi nito. "Ano pa lang part time job ang nakuha mo?” tapos ay kaagad ding tanong nito.
Ngumiti siya. “Martial arts instructor ako, malapit lang naman dito, balak ko nga lakarin na lang, eh, lalo na sa umaga para warm up na rin.”
Natutop nito ang bibig. “Sabi ko na nga ba, eh, marunong ka ng mga ganoon. Ayaw lang maniwala ng kapatid ko. Astig ka talaga!”
Napakunot ang noo niya. “May utol ka pala?” tanong dito na hindi pinansin ang huling sinabi nito na papuri sa kaniya.
“Oo, si Kyzer, hindi ko ba nasabi sa ’yo?”
Napaawang ang bibig niya kasunod ang pagtawa. "Ah, utol mo talaga siya?" napatangong tanong pa niya.
“Oo, bakit hindi ba halata?”
May hawig naman ang mga ito pero hindi talaga sumagi sa isip niya na magkapatid talaga ang mga ito.
Ganoon naman daw talaga, ‘di ba? Kadalasan kapag soulmate, magkahawig. Kaya ang inakala talaga niya ay boyfriend nito si Kyzer.
“Pangit lang si Kyzer, pero hindi siya ampon, kapatid ko talaga siya," tumatawang sabi nito sa kaniya nang hindi siya magsalita.
Natawa rin siya.
‘Hindi naman mukha ang pangit sa kaniya, ‘yong ugali niya. Ampon siguro ang ugali niya, ano? Kase siya lang ang masama ang ugali sa inyo,' sa isip-isip niya.
Nagkibit-balikat lang siya imbes na isatinig ang sinabi.
Tumingin siya sa wristwatch. “Paano ba ‘yan, kailangan ko na umalis.”
“Hindi ba ako p’wedeng sumama sa ’yo?”
“P’wede naman, kaya lang hindi ka kaya ma-bored? Five hours din tayo roon, mga alas sais na rin tayo ng gabi makakalabas.”
“Hindi, noh. Ayos lang sa ’kin. Gusto kitang makita habang nagtuturo ng martial arts na ‘yan,” sabi nito saka kinuha ang bitbit kanina na inilapag nito sa center table. “Doon na lang natin kainin ‘to. Tara.” Umabresyete ito sa kaniya.
Napatingin siya sa braso nitong naka-angkla sa braso niya saka napangiti ng matamis.
May kakaibang damdamin ang bumangon sa dibdib niya dahil diyan.
Tinitigan niya ito sa maganda nitong mukha at kumislap ang konsensya roon, pero dahil hindi ito nakatingin sa kaniya ay hindi nito napansin iyon.
“Tara,” aniya kapagkuwan.