8

1338 Words
KALALABAS pa lang ni Maxine sa hotel kung saan siya nag-stay sa nagdaang gabi. Kaagad naman siyang nakakuha kanina ng murang apartment. Pinili lang niyang lumipat doon kapag madilim na ang paligid. Napahinto siya sa paglakad nang marinig ang tunog ng cellphone niya. Itinayo niya ang maleta at kinuha sa bulsa ang cellphone. Nagdalawang-isip pa siyang sagutin iyon nang makitang unknown number ang caller, pero sa huli ay sinagot niya ang tawag. Hindi muna siya nagsalita at inantay na mauna itong magsalita. “Max?“ tawag sa kaniya ng nasa kabilang linya. “Max?” ulit nito. “Kylie?” paniniyak pa niya kahit natiyak na niyang ito nga iyon. Natandaan kaagad niya ang boses nito kahit ilang beses pa lang itong nakausap. “Oo, ako nga, pinuntahan kita sa Catholic School pero umalis ka pala. 'Asan ka ba? P’wede ba tayong magkita?“ Bakas sa tinig nito ang excitement. Napangiti siya. Hindi naman niya inaasahan na ganoon lang ito kadali na magiging friendly sa kaniya. Oo nga at sinabi na nito sa kaniya na nais nitong maging kaibigan niya pero, masyado itong mabilis makampante. Kung sabagay maging siya ay magaan na rin ang loob noong una pa lang itong makita. Nawala ang ngiti sa labi niya nang may maalala. Hindi niya alam kung anong tunay na kaugnayan nito kay Kyzer pero naisip niya kung dapat ba niyang ipaalam dito ang nakita niya nang nagdaang gabi, pati na rin ang ginawa sa kaniya ni Kyzer. “Max?” Tumikhim siya. “Kung hindi ka naman maaabala ayos lang sa ‘kin,” tugon na lang niya. “Pauwi na ako at wala na gagawin. Sabihin mo na lang sa ’kin kung nasaan ka at ako na lang ang pupunta r’yan.” “Ah…” nahinto siya sa pagsasalita at tiningnan ang dalang maleta. “Magkita na lang tayo sa ibang araw, dala ko kase ang mga gamit ko ngayon sa lilipatan kong apartment, eh.” “Sakto. May dala akong sasakyan. 'Asan ka ba?” Napailing siya, mapilit din pala itong si Kylie. Nag-isip siya sandali. Sa huli ay sinabi na lang dito ang eksaktong lugar kung nasaan siya. ••• NAPAANGAT ang mga kilay ni Kyzer nang marinig ang mga sinabi ng kapatid, at napakunot naman ang noo niya nang dahil sa sobrang excitement ay dumukwang ang dalaga kay Naylor at niyugyog ang balikat nito habang pinagmamadali ito sa pagpapatakbo ng sasakyan, tuwang-tuwa si Kylie. Napasulyap sa kaniya si Naylor na para bang nag-aalala sa magiging reaksyon niya dahil sa ginawa ng dalaga. “Kylie, nagda-drive si Naylor. Maupo ka nga ng maayos d’yan sa likod!” inis na saway niya sa kapatid. Nakasimangot na sumunod ito sa sinabi niya. “Kababaeng tao hawak nang hawak sa lalaki,” pabulong-bulong na sabi pa niya. Sinulyapan naman siya ni Naylor. Hindi nakaligtas sa matalas na pandinig nito ang sinabi niya. Napailing siya. Alam naman niyang gusto ito ni Kylie. Hindi nga lang niya sigurado si Naylor, magaling itong magtago ng feelings. Ngunit kanina, nakita niya na may kakaibang kislap sa mga mata nito habang nakatanaw kay Kylie. Dedicated si Naylor sa trabaho kaya 'ni minsan ay hindi pa nagkaroon ng girlfriend kahit noong high school pa sila. Gentleman naman ito at hindi kagaya nila ni Eynon na mabilis sa babae. Kaya naman naisip niyang mapagkakatiwalaan niya ito kay Kylie habang wala pa ang driver ng kapatid. Napabuntong-hininga siya. Tungkol naman sa Sister Maxine na iyon, hindi friendly si Kylie. Mula nang magkaisip ito isa lang ang naging kaibigan nito na ngayon ay sa UK na namamalagi. Kaya nga parang hindi siya makapaniwalang magaan kaagad ang loob nito sa Sister Maxine na iyon. Nilingon niya sa backseat ang kapatid. Tahimik itong nakatanaw sa labas ng sasakyan. Masyado na pala siyang nahuhulog sa pag iisip, hindi niya namalayang madilim na ang paligid. Umayos siya ng upo at itinuon ang mga mata sa unahan. ••• NASAPO ni Kyzer ang noo nang makitang huminto sila sa tapat ng hotel kung saan sila nagpalipas ng magdamag ni Anica at kung saan niya ginawan ng kalokohan si Maxine. Mabilis na bumaba ng kotse si Kylie at sumunod naman dito si Naylor. Tinanaw niya ang mga ito sa labas ng sasakyan at napako ang mga mata niya kay Maxine na nang sandaling iyan sumasalubong sa dalawa. Hindi ito sexy manamit dahil na rin nga siguro galing ito sa kumbento. Pero aminado siyang mayroon itong ganda na maipagmamalaki. Nakita niyang binuhat ni Naylor ang dala ni Maxine. Inilagay nito iyon sa compartment ng sasakyan tapos ay ipinagbukas ng car door ang dalawa. Gentleman talaga itong si Naylor. Nakita niya sa rearview mirror ang naging reaksyon ni Maxine nang makita siya sa front passenger seat pag-sakay nito roon sa sasakyan. Parang gusto nitong tumalon palabas ng kotse pero sinikap nitong hindi ipahalata sa dalawa ang tensyon sa pagitan nila. Pinausad na ni Naylor ang sasakyan. Nasa bente singko minutos lang siguro ang itinagal ng biyahe nila nang pumasok sila sa isang maliit na kalye. Konti pa ang inusad nila at inihinto na rin ng kaibigan niya ang sasakyan. Hindi siya kumibo sa kinauupuan. “Kyzer,“ untag sa kaniya ni Kylie nang bumaba na sila Naylor at Maxine. Alam niya ang ibig nitong sabihin, bumaba siya at sumama sa pagpasok sa apartment ni Sister Maxine. Napailing siya bago inalis ang kaniyang seatbelt. Parang gusto niyang magsisi kung bakit sumama pa siya sa mga ito. Bumaba siya at sumunod sa mga ito. Magkakasunod silang pumasok sa isang malaking gate. Kaagad na gumala ang mga mata niya sa paligid. Napapatingin naman sa kanila ang mga taong nadadaanan nila. Huminto sila sa tapat ng isang pinto. Binuksan iyon ni Maxine at pinapasok sila. Napatingin siya kay Naylor na siyang may dala sa dalawang maleta ni Maxine. Hindi siya nagmagandang loob na tulungan ito. Inilagay nito iyon sa gilid ng pintuan. "Sa sasakyan na lang ako maghihintay,” sabi ni Naylor saka lumakad na palabas. Akmang susunod siya sa kaibigan nang pigilan siya ni Kylie sa braso. “Antayin mo kami,” sabi nito. Kunot ang noo na tiningnan niya si Kylie, pinandilatan naman siya nito ng mga mata. Inis na tumayo na lang siya sa isang tabi. Umakyat ang dalawa sa second floor ng apartment. Nauna si Maxine dala ang maleta nito. Nakamasid lang siya at hindi nag-abalang tulungan ito. Ilang sandali pa lang na nakakaakyat ang dalawa sa taas nang marinig niya ang tilian ng mga ito. Mabilis siyang napaakyat sa hagdanan. “Bakit!?” nag-aalala na tanong niya kay Kylie nang masalubong itong palabas sa silid na nandoon. Hindi ito nakapagsalita. Dumiretso siya sa kuwarto kung saan nagtititili pa rin si Maxine. Napamata siya nang makita itong nakahubad habang ginagamit pang hampas sa mga ipis na nandoon ang damit nito. Mabilis niyang na-analisa ang pisikal na katangian nito. Sapat ang liwanag ng ilaw sa silid na iyon upang makita niya ang makinis nitong balat. Impis ang tiyan nito at puson, pinatunayan ulit ng dibdib nito sa ikalawang pagkakataon na natatabingan ng suot nitong bra ngayon na hindi lahat ng sobrang laki ay maganda. Sakto lang ang laki at bilog ng mga iyon. Hindi lang talaga sa imbestigasyon mabilis ang kaniyang isip at mata, pati na rin sa mga ganoong bagay kaya ang tanawing iyon ay kaagad na umukit sa kaniyang isipan. Gayunpaman, mabilis siyang nakaiwas nang ihagis sa kaniya ni Maxine ang kung anong bagay na nadampot nito roon. “Ano'ng tinitingin-tingin mo r’yan?!” galit nitong sita sa kaniya. “Bakit sa ’kin ka nagagalit? ‘Di ba dapat sa owner nitong apartment kase dapat nilinis n’ya muna itong mabuti bago ka pinalipat?” paasik na sabi niya rito. Napaangat ang mga kilay niya nang makitang binuhat nito ang maleta imbes na magsalita. Walang anu-anong inihagis nito iyon sa kaniya. Mabilis ulit siyang nakaiwas at napatakbo palabas ng silid nito. Muntik pa siyang mahulog sa hagdanan dahil sa pagmamadali. “Patawarin ako ng nasa itaas, Kyzer. Mapapatay kita!” galit nitong sigaw sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD