NAGKASABAY sila Kyzer at Naylor pagpasok sa headquarter kinabukasan.
Nag-commute lang siya nang araw na iyon dahil iniwan daw nito ang kotse niya nang ihatid si Kylie.
Magkasabay silang naglakad papasok.
Iniabot nito sa kaniya ang susi ng kotse ni Kylie.
Tiningnan niya ito bago kinuha ang susi. Bakit kaya kotse ni Kylie ang dala nito at hindi ang sa kaniya?
"Salamat," wika na lang niya rito imbes na usisain pa.
"Ayos lang, Sir Sea," mabilis nitong tugon. Palagi talaga siya nitong tinatawag sa kaniyang code name. "Mukha yatang puyat ka, hindi maikakaila ng eyebags mo, " tapos ay puna nito sa kaniya.
"Medyo may nagpagulo lang sa isipan kaya napuyat ako," nakangiti niyang sabi rito.
"Babae ba?"
"Tshh… " Ngumisi siya at tinapik ito sa balikat. "P’wede ba akong humingi ng pabor?" lihis niya sa usapan.
"Uh-hmm… Ano ba 'yon?" mabilis na sagot at tanong ni Naylor.
Huminto siya gayundin ito. "P’wede bang ikaw na muna ang maging PD ni Kylie hanggang makabalik ang driver niya?"
Hindi ito kaagad nakasagot at napatitig sa kaniya.
"Bakit naman ganiyan ang naging reaksyon mo?" tanong niya.
Ngumiti ito. "Wala naman. Hindi lang ako makapaniwala na sa ikalawang pagkakataon ibibigay mo ang tiwala mo kahit si Kylie ang pinag-uusapan natin dito, una kay Kuya Mike tapos ngayon sa akin."
Siya naman ang hindi nagsalita. Napaka-protective niya sa kapatid. Halos hindi nga niya ito padapuan sa langaw.
Ibinalik niya rito ang susi ng kotse ni Kylie. Kinuha naman nito iyon kaagad.
"I'll count on you," sabi lang niya.
"Sir Kyzer!" sabay pa silang napalingon ni Naylor kay Eynon.
Nagmamadali ito sa paglapit sa kanila.
Tinapik siya ni Naylor sa balikat. "Mauna na ako sa inyo," paalam nito bago tumalikod at iniwan siya.
Hinintay niyang makalapit si Eynon.
Nang ganap na itong makalapit sa kinatatayuan niya ay sabay silang naglakad patungo sa opisina niya. Nang sumapit sila roon ay kaagad nitong ini-abot sa kaniya ang brown envelope.
" ‘Yan palang. Pero kumakalap pa ako ng higit pang impormasyon tungkol sa kaniya."
Kaagad niyang tiningnan ang mga dokumentong naroon sa envelope na iyon at pinasadahang basahin.
Napakunot pa ang noo niya nang tumingin kay Eynon. "Bakit para kang sira kung makangiti r'yan?” puna niya rito sa medyo inis na tono.
"Wala. I was just thinking, who among the two of us could be her soulmate? Maganda s'ya, ha," sabi nito.
Napaangat ang mga kilay niya at napailing. Kaiba rin talaga itong si Eynon.
"Maxine Marie Cuenco," kapagkuwan ay sabi pa nito. "Ganda ng pangalan niya. M.M. Oh, M.M, sanay iyong dinggin ang puso kong may pagtingin, kahit ang pinakamataas na bituin ay aking susungkitin—"
"Haist, p’wede ba?" putol niya rito. "One thousand B.C pa 'yang style mo. Nagtataka ako kung paano mo na aakit ang mga naging babae mo sa ganiyang estilo."
"Effective pa rin kaya."
"Sa palagay ko p’wede ka na umalis. It's all fine, I'll handle the rest of the information I need to know about her," pagtataboy niya at ini-ayos na ang mga dokumento sa envelope bago inilagay sa drawer na naroon sa kaniyang desk.
Inismiran siya nito. "Ganoon na lang ba 'yon?"
"O, 'di sige bukas, paliliguan at lulunurin kita sa alak," pagbibiro niya rito.
"Kahit sana mobile number lang ni Kylie, ayos na sa ‘kin," hirit nito sa kaniya na sinundan pa ng pagkindat.
"Kapag napabagsak mo ako sa sparring, bakit hindi?"
"Darating tayo r'yan, " mabilis nitong sabi saka tumayo at umalis.
Napapailing na sinundan na lang niya ito ng tingin.
Hindi man lang talaga ito nahihiya o nag-aalangan na ipaghantaran sa kaniya ang matinding gusto sa utol niya.
•••
SUMABAY si Kyzer kay Naylor nang mag-out sa trabaho ng hapong iyon. Gamit ang kotse ni Kylie ay susunduin nila ang dalaga at ihahatid sa bahay.
Sumabay siya rito para makuha ang kotse niya. Ang kotse naman ni Naylor ay nanatili sa parking area ng headquarter nila.
Kakaiba ang ngiti ni Kylie nang makita sila. Si Naylor kagaya ng dati ay pormal lang.
Sa backseat niya pinaupo ang kapatid, sila ni Naylor ang nasa harap at ito ang nagmamaneho.
"Naylor, p’wede bang dumaan tayo saglit dito?" tanong ni Kylie sabay abot ng kapirasong papel.
Kinuha ni Naylor iyon at tiningnan tapos ay tumingin sa kaniya. Tinanguan niya ito bilang pagpayag.
Nang makita ang pag-ayon niya ay kaagad nitong pinasibad ang sasakyan.
Tahimik lang silang tatlo hanggang sa marating ang lugar na nais puntahan ni Kylie.
Napakunot ang noo niya nang makilala ang lugar. "Bakit..." binitin niya ang tanong nang maalala na tinanguan nga pala niya si Naylor kanina.
Bakit ba hindi niya naisip tingnan muna ang address kanina na iniabot dito ni Kylie?
Naroon sila ngayon sa labas ng gate ng Catholic school.
"Gusto ko lang pasyalan si Sister Max," sabi ni Kylie. Alam niyang sa kaniya nito iyon ipinaparating.
Naalala niya ang paghaharap nila ni Sister Maxine sa hotel, napaisip siya ng sandaling iyan kung bakit nga ba naroon si Sister? Gayunpaman ay wala siyang planong banggitin iyon sa kapatid.
"Dito lang muna kayo," sabi nito at bumaba na ng kotse.
Naikamot niya ang hintuturo sa kilay habang inihahatid ito ng tanaw.
Si Naylor naman ay tahimik lang na tinatanaw ang dalaga.
Napatingin siya rito at napansin ang kakaiba nitong tingin kay Kylie.
Tila naramdaman naman nito na nakatingin siya kaya tiningnan siya nito.
"I just wanna make sure na walang lalaki na bigla na lang susulpot para hablutin siya," kaagad nitong paliwanag.
Inangat niya ang mga kamay sabay kibit-balikat. "I said nothing," sabi niya.
•••
NADISMAYA si Kylie nang sabihin ng Mother Superior ni Maxine na umalis pala ito at hindi babalik sa kumbento sa loob ng isang buwan.
Pinahintulutan daw nito si Maxine upang mas makapag-isip kung magpapatuloy pa ba sa pag-mamadre o hindi na.
"Mother, baka naman po meron kayong contact number ni Sister Max."
Ngumiti ito. "S’yempre, iyon ang una kong hiningi sa kaniya, gusto ko ring malaman kung ano'ng kaganapan sa buhay niya sa labas." Binuklat nito ang katabing bibliya.
Kinuha roon ang kapirasong papel kung saan nakasulat ang mobile number ni Maxine.
"Dito ko ito inilagay, maliban kase rito ay walang remembrance na iniwan sa akin si Sister Maxine. Kung magkausap kayo, maaari bang balitaan mo rin ako kung kumusta na siya?"
"Oo naman po. Sige po aalis na ako, maraming salamat po," sabi rito at inabot ang kamay nito para magmano.
Umalis na siya at bumalik na sa sasakyan.
"O, bakit naman para kang nalugi r'yan?" puna ni Kyzer sa kaniya na bumaba pa ng kotse para ipagbukas siya ng pinto sa backseat.
Pumasok muna siya. Inilapat nito ang pinto at bumalik na rin ito sa puwesto nito kanina.
Matapos ilapat ang pinto ay nilingon siya nito habang si Naylor naman ay pinausad na ang sasakyan.
"Umalis pala si Sister Max, binigyan daw ni Mother Superior ng isang buwan para magdesisyon kung magpapatuloy pa ba sa pagmamadre o hindi na," sabi niya.
Dahil abala siya sa pag-dial ng number ni Maxine ay hindi niya nakita ang naging reaksyon ni Kyzer habang nakatingin sa kaniya.