"I want to know kung may kapalit na ba ako sa iyo," hanggang makauwi ay umi-echo pa rin iyon sa utak ni Jasmin. Hindi na niya nagawang sagutin si Harry dahil dumating na ang teacher nila. Hindi na rin naman ito muling nagsalita hanggang sa mag-uwian na.
Kaya heto na naman siya, bukod sa lutang ay nangangapa na naman.
Ginulat na naman siya ni Harry. Naubos ang lakas niya maghapon sa kakapilit sa sarili na mag-focus sa pag-aaral dahil sa mga salitang iyon.
Ang gulo-gulo mo, Harry!
Ano ba ang ibig nitong sabihin? Anong kapalit ba niya ang pinagsasabi nito? Bakit, sila ba? Bakit ito ay may Sidney na?
Hindi naman sa gusto niyang isipin nito na nagkakamabutihan na sila ni Nilo, dahil unang-una, hindi niya talaga magugustuhan ang lalaki, at pangalawa, hindi niya intensyon iyon. Ito lang ang nagbigay ng ganoong impresyon dahil lalapit-lapit sa kanya si Nilo.
Iidlip sana siya nang may kumatok sa pinto ng kwarto niya. Nang buksan niya ay ang Kuya Jake niya iyon. Mukha itong nalugi dahil sa itsura nito.
"Pwede ka bang makausap?" mahinang tanong nito.
Nagtataka man sa ikinikilos ng kapatid ay tumango siya at niluwagan ang bukas ng pinto.
"Tungkol saan?" tanong niya rito nang makapasok ito. Hindi ito agad nagsalita at naupo sa gilid ng kanyang kama kaya naman siya na ang nagsimula.
"Alam niyo na pala," maikling sagot nito. May ideya siya kung ano ang sinasabi ng kapatid.
"Anong nangyari sa iyo, kuya?"
"Hindi 'ko alam, Jasmin. Nagsisisi na ako," basag ang boses nito nang sabihin 'yon. Nakayuko lang ang kapatid at hindi tumitingin sa kanya. Napansin nga niyang iniiwasan nito ang kanyang mga mata.
Iiyak ba ito?
"Hindi pa naman huli ang lahat, kuya. Maaari ka pang magsimula ulit."
Doon lang umangat ang ulo ng kapatid. "Tama ka. Pe-pero, pu-pwede mo ba akong tulungan?"
"Oo naman, kuya! Tayo na nga lang ang magkapatid, kaya tayo rin ang magdadamayan."
Muli nitong iniwas ang paningin sa kanya.
"Patawarin mo ako, Jasmin," mahinang-mahina nitong sabi sa kanya.
"Ha?"
Umiling ang kapatid. "Bukas samahan mo ako, kakausapin 'ko si Ma'am Belen."
Ang tinutukoy nito ay ang class adviser nito.
"Alam na ba ito nila mama?"
"Hindi pa. Pero sana ay huwag mo nang banggitin dahil ayaw 'ko nang alalahanin ako ni mama. Kakausapin 'ko na lang sila kapag naging maganda ang pakikipag-usap natin kay Ma'am Belen."
Nagtataka man ay tumango na lang siya. Baka kailangan ng kapatid niya ng moral support kaya gusto nito na makasama siya.
Nang makalabas ang kapatid ay nahiga siyang muli. Kahit paano ay gumaang ang loob niya dahil sa wakas ang nagising na ang kuya niya. Hiling niya ay sana magtuloy-tuloy na ang pagbabago ng kapatid.
Tsaka na niya iisipin ang tungkol kay Harry. Mas importante ang kapatid niya at ang pamilya nila.
*****
Abala si Jasmin sa pagsagot sa kanilang workbook nang mapansing may ipinatong na papel sa mesa niya si Harry. Nilingon niya ito ngunit hindi naman ito nakatingin sa kanya.
Kinuha niya ang papel at binasa ang nakalagay doon.
"I'm sorry," basa niya.
Nang muli niyang lingunin si Harry napasinghap pa siya nang makitang nakatingin na pala ito sa kanya.
"Ano?" nagtataka niyang tanong sa katabi.
"I'm sorry," sagot nito. Inulit lang nito ang nakasulat sa papel.
"Para saan?"
"For being a jerk," mahina nitong sagot.
Hindi na siya nakasagot dahil napansin niyang nakatingin na sa kanila si Ms. Ignacio. Muli niyang itinutok ang atensyon sa workbook na sinasagutan pero sa halip na mga numero at letra ang nakita niya ay mukha na ni Harry ang naroon.
Ano bang mahika ito?
Kung kanina ay hirap na hirap siyang sagutan ang mga problem solving doon, mas nahirapan na siya ngayong ginugulo na naman ni Harry ang utak niya.
"Ms. Nicolas, ikaw ang sumagot ng problem number two," sabi ni Ms. Ignacio.
Nagulat na naman siya. Bakit ba ngayon pa siya natawag kung kailan hindi siya handa. Tumayo siya at pumunta sa harapan. Sinubukan niyang sagutan ang problem sa blackboard. Ngunit hindi naman niya magawang matapos.
"Ms. Nicolas, please review your answer."
"O-opo, ma'am,"
Muli niyang sinubukan ngunit mali pa rin. "Ano ba naman. Jasmin?!"
"Ma'am?" boses iyon ni Harry. "Pwede 'ko bang tulungan si Jasmin?"
Marahas siyang napalingon sa lalaki.
"Okay, Mr. Montenegro."
Lumapit sa kanya si Harry at mula sa kanyang kamay ay kinuha nito ang piraso ng chalk na hawak niya. Tila kasi siya natulala na roon.
Habang ginagawa iyon ay narinig niya ang malakas na panunukso ng mga kaklase.
Ngingiti-ngiti naman si Ms. Ignacio. Nasa mood yata ito. Ngunit kalaunan ay sinaway na rin nito ang mga nanunukso.
Namumula ang kanyang mukha nang bumalik sa kanyang upuan.
"Lapitin ka pala ng magaling sa math, Jasmin," tukso ng isa sa kanyang mga katabi.
"Nilo versus Harry ba ito?" wika ng isa pa.
"Quiet!" saway ni Ms. Ignacio sa mga ito.
Halos isubsob na niya ang mukha sa sobrang pagkapahiya.
Nang matapos si Harry ay tahimik lang itong bumalik sa upuan nito. Hindi na rin siya muli pang kinausap ng lalaki.
Breaktime
"Jasmin, pakitali mo iyang buhok mo," sabi ni Amy sa kanya nang makalabas sila sa classroom. Papunta na sila sa canteen.
Nagtataka siyang tumingin dito. Hindi naman ganoon kahaba ang buhok niya.
"Sus! Sobrang haba kasi, baka matapakan!" tukso nito sa kanya.
Doon lang niya na-gets ang ibig nitong sabihin.
Iiling-iling na lang si Jasmin sa biro na iyon ni Amy. Sa totoo lang ay naiilang pa rin siya dahil sa nangyari kanina.
"Sandali, Jasmin, bati na ba kayo ni Harry?" kulit ni Amy sa kanya.
"Hindi naman kami magkagalit."
"Ang ibig 'kong sabihin, okay na ba kayo ulit?"
"Anong ibig mong sabihin na "okay" ba kami?"
Alam naman niya kung anong ibig sabihin ni Amy ngunit hindi niya alam kung ano ang isasagot sa tanong ni Amy.
"Alam mo na 'yung ibig 'kong sabihin!"
Nagkibit siya ng balikat.
"Sabagay, kung okay na kayo edi sana kasama na natin si Harry ngayon," sabi naman ni Amy nang hindi siya sumagot.
Hindi na siya nakipagtalo pa rito para hindi na humaba pa ang usapan.
Siya ang natokang bumili ng pagkain nila sa canteen at si Amy naman ang magbabantay sa tambayan nila. Nang makarating siya sa canteen ay naroon ang mga ka-teammate ni Harry ngunit wala ang lalaki. Bahagya siyang nailang nang mapansing nakatutok sa kanya ang mga tingin ng ito.
Wala siyang kakilala sa mga ito kaya nagtataka siya kung bakit nakatingin sa kanya ang grupo. Tumingin pa siya sa kanyang likuran upang masiguro na sa kanya nakatingin ang mga ito. Wala naman siyang kasunod!
Hindi na lang niya ipinahalata na naillang siya at dere-deretsong bumili ng pagkain nila ni Amy.
Nagmamadali siyang kumilos at lumabas mula roon. Para siyang tanga kakamadali kaya hingal na hingal siya nang makarating sa park. Pero mas hiningal yata siya nang makita kung sino ang kasama roon ni Amy.
Si Harry! Anong ginagawa nito doon?
"Jasmin!" malakas na tawag sa kanya ni Amy nang mapansin siya nito.
Dahan-dahan siyang lumapit sa dalawa. Si Harry ay tumayo nang makalapit siya. Agad naman siyang hinila ni Amy paupo sa bench na inuupuan nito.
"Kanina ka pa hinihintay ni Harry! Bakit ba ang tagal mo?"
"Ha? Mahaba ang pila," pagdadahilan niya.
"Ah... sige, maiwan 'ko muna kayo," biglang paalam ni Amy at tumayo.
"Ano? Saan ka pupunta?" tanong niya rito.
"Pupuntahan 'ko lang si Glen."
Iyon lang at nagmamadali na itong umalis. Naiwan sila ni Harry na umupo na pala sa kanyang tabi.
"Hi!" tila nahihiyang bati nito sa kanya.
"Ah... Hi!"
Tila nagkailangan pa sila nang magsalubong ang kanilang mga mata a sabay na nag-iwas.
"Ano ba, Amy? Bakit ngayon mo pa 'ko iniwan?!" aniya sa sarili.
"About... what happened," narinig niyang anas ni Harry maya-maya. "I'm really sorry for... being a jerk."
Nilingon niya ang katabi. Deretso ang itong nakatigin sa harapan nila. Nang maramdaman nitong nakatingin siya ay lumingon ito sa kanya.
Para na naman siyang napaso at agad na iniwas ang tingi dito.
"Jasmin, I hope it's not too late for me. Huwag mo munang sagutin si Nilo."
Doon siya muling napalingon kay Harry. Ano raw?