"Hindi 'ko na alam kung anong gagawin 'ko sa kapatid mo. Hindi na pala pumapasok ang lalaking iyon! At posibleng hindi siya maka-graduate ngayong taon sabi ng teacher niya," humihikbing sabi sa kanya ng ina.
Kahit siya ay nabigla rin sa nalaman ng mama niya mula sa class adviser ng kapatid. Ilang linggo na raw na hindi pumapasok ang kanyang kapatid. Pero madalas niya naman itong makita sa kanilang school.
"Paanong hindi mo iyon napansin, Jasmin? Hindi naman ganoon kalaki ang paaralan ninyo. Anong nangyari?"
Hindi niya rin alam ang isasagot sa ina. Paano nga bang hindi niya iyon napansin?
Sinisisi ba siya ng mama niya? Pero wala talaga siyang alam sa pagliban ng kapatid sa klase at umabot na pala iyon sa buwan?
"Hindi 'ko po alam, ma."
Napahagulgol ang kanyang ina at muli niya itong dinaluhan. Nag-aalala siya na baka may mangyaring masama rito dahil kanina pa ito iyak ng iyak.
"Ma, tama na po. Baka po makasama sa inyo," paalala niya rito.
"Saan ba ako nagkulang? Kami ng papa niyo? Naging pabaya ba kami at humantong sa ganito ang kapatid mo, ha, Jasmin?"
"Ma, wala kang kasalanan, kayo ni papa. Choice iyon ni kuya."
"Hindi 'ko na alam ang gagawin 'ko! Hindi 'ko alam kung paano iyon sasabihin sa papa niyo."
Ramdam niya ang pag-aalala sa boses ng kanyang ina. Marahil ay nag-aalala ito sa magiging reaksyon ng papa nila. Bakit ba naman hindi? Kayod kalabaw na nga ito ay ganoon pa ang malalaman nito pag-uwi.
O baka nag-aalala pa rin ang kanyang ina para sa kanyang kapatid. Hindi malayo. Mahal na mahal sila ng kanilang ina at kahit na madalas na napagsasabihan ang kanyang Kuya Jake ay makikita pa rin ang pagmamahal dito ng ina kahit na sa mga simpleng bagay lang.
"Sorry, ma, wala po akong nagawa para pigilan si kuya," mahina niyang saad. Nakukunsensiya talaga siya dahil masyado siyang naging abala sa pag-aaral upang makalimutan ang paglayo ni Harry sa kanya.
Dahil doon ay hindi na niya napagtuunan ng pansin ang kapatid at ang mga ginagawa nito.
Nakita niyang nagpahid ng luha ang ina. "Wala kang kasalanan. Alam naming abala ka sa pag-aaral. Pasensiya ka na kung pati ikaw ay nadamay."
Nakakaintinding tumango siya sa na.
"Ikaw na ang magluto ng hapunan, naroon na sa kusina. Magpapahinga lang ako," utos nito sa kanya.
"Opo."
Iyon lang at pumasok na ang kanyang ina sa kwarto nito. Bago magtungo sa kusina ay pumunta muna siya sa silid ng kapatid. Tulad ng inaasahan, wala pa ito gayong kanina pa ito dapat nakauwi.
Inabala na lang niya ang sarili sa pagluluto ng kanilang dinner. Naaawa siya sa ina. Matanda na ito pero puno pa rin ng alalahanin.
Napatingin siya sa pinto nang pumasok mula roon ang ama. Nang makita siya nito ay agad itong ngumiti.
"Aba! Ang aking unica hija pala ang nagluluto. Bakit? Nasaan ang mama mo?" nakangiting tanong nito sa kanya.
"Nasa kwarto po, pa, nagpahinga lang saglit," sagot niya.
Bumakas ang pag-aalala sa mukha ng papa niya. "Bakit? May sakit ba ang mama mo?"
"Wala po. Baka napagod po sa paglilinis kanina."
"Ganoon ba? Sandali, tapos ka na bang mag-aral para sa pagsusulit ninyo? Ako na lang muna diyan," anito.
"Tapos na po finals namin, pa, kaya ako na po ang magluluto. Magpahinga na muna kayo at tatawagin 'ko na lang po kayo ni mama kapag kakain na."
Ngumiti ang papa niya. "Ang bait talaga ng anak 'ko. Maswerte talaga kami ng mama mo at nagkaanak kami ng mababait. Mapalad kami at kayo ang anak namin."
Hindi siya nakasagot sa sinabi ng papa niya. Parang gusto niyang maiyak dahil doon. Masabi pa kaya iyon ng ama kapag nalaman nito kung anong nangyari sa kuya niya?
Ngayon pa lang ay nasasaktan na siya para sa ama. Kanina nga lang ay halos madurog na ang puso niya nang makitang umiiyak ang mama niya. Wala namang hinangad ang mga ito kundi ang mapabuti sila. Ang makapagtapos ng pag-aaral para sa kanilang kinabukasan.
"Kuya, ano bang ginagawa mo?" tanong niya.
Nang makatapos sa pagluluto ay naghain na siya para makakain na sila at nakapagpahinga na rin. Hindi siya napagod sa pagluluto pero napagod siya sa kakaisip sa sitwasyon nila ngayon.
Randam niya ang tensyon habang kumakain sila. Marahil ay alam na ng papa niya ang nangyari dahil tahimik ito sa harap ng hapag na bihirang mangyari.
Halos hindi nga nakakain ang mga ito.
Ang kuya niya? Wala pa hanggang ngayon. At wala silang ideya kung nasaan ito.
Kahit na naiinis siya rito ay hindi pa rin niya maiwasang mag-alala para sa kapatid. Dati naman ay hindi ito nagpapagabi ng ganoon. Ngunit dis oras na ay wala pa ito.
"Wala pa ba ang kuya mo?" bahagya pa siyang nagulat nang magsalita ang mama niya. Naroon siya sa sala nila dahil hinihintay talaga niya ang kapatid.
"Wa-wala pa, ma," sagot niya sa ina.
Wala siyang mabasang reaksyon sa mukha nito pero alam niyang nag-aalala rin ito dahil maging ito ay gising pa. Siguro ay hindi rin ito makatulog dahil wala pa ang anak.
"Matulog ka na. Masama ang magpuyat."
"Opo, ma."
Gusto pa talaga niyang hintayin ang kapatid para makausap ito pero ayaw na niyang suwayin ang ina. Sa kwarto na lang siya maghihintay.
Antok na antok na si Jasmin ay hindi pa dumarating ang Kuya Jake niya hanggang sa hindi na niya napigilan pa.
Kinabukasan, nang magising siya ay nakahanda na ang agahan nila. Dudulog na sana siya sa hapag nang maalala ang kapatid. Papunta na siya sa kwarto nito nang magsalita ang mama niya.
"Tulog pa ang kuya mo. Umaga na siya dumating at lasing na lasing," pagbibigay alam nito.
"Uminom si kuya?"
Hindi na sumagot ang ina at inilapag na ang pagkain sa mesa. Hindi na siya nag-usisa pa dahil halatang ayaw pang pag-usapan ng mama niya ang tungkol doon.
"Si papa po, ma?" tanong niya nang mapansin na hindi pa lumalabas ang ama niya.
"Maagang pumasok ang papa mo."
Nalulungkot siya sa nangyayari sa pamilya nila. Ngunit wala naman siyang magagawa. Hindi rin naman kasi nagpapapigil ang Kuya Jake niya kahit na ilang beses na niya itong kinompronta. Sarili lang nito ang pinakikinggan.
Mabuti na lang ay nakahinga na siya dahil sa pagtatapos ng mga pagsusulit nila. Siguradong hindi siya makakapag-concentrate kung ganoong may dalahin siya sa dibdib. Naaawa talaga siya sa mama at papa niya.
Dahil sa abala ang isip niya, hindi niya agad napansin ang taong tumabi sa kanya habang naglalakad siya papasok.
"Jasmin," tawag nito sa kanya.
Napahawak siya sa dibdib dahil sa gulat nang biglang magsalita sa tabi niya si Harry.
"Harry!"
"Sorry," nakangiting sabi nito nang mapansing nagulat talaga siya.
"Bigla ka naman kasing lumilitaw!"
"Kanina pa ako sa tabi mo. Hindi mo ba talaga ako napapansin?"
"Totoo?"
Tumango ito. "Is there something bothering you?"
"Ha? Ah... Wala naman. Hindi lang talaga kita napansin," pagsisinungaling niya.
Matiim siyang tinignan nito. Hindi ito naniniwala, naisip niya. Ganoon kasi ito tumingin sa kanya kapag alam nitong nagsisinungaling siya. Magaling itong bumasa ng tao.
Hindi na ito nagsalita pa. Kaya hindi na rin siya nagsalita. Magkasabay silang naglakad na walang kumikibo.
Siya naman ay nakikiramdam lang. Ngayon lang sila nagkasabay ulit ni Harry papasok. At aaminin niyang na-miss niya iyon.
Malapit na sila sa classroom nang biglang magsalita si Harry.
"Okay na kayo ni Nilo?"
Nagulat naman siya sa tanong nito. Anong "okay" ba ang ibig nitong sabihin?
"Ano?" tanong niya.
"Nanliligaw na siya sa iyo?" hindi tumitinging tanong muli ni Harry.
Kumunot ang noo niya. Saan naman nakuha ni Harry ang balitang iyon? Sinabi naman niya rito na hindi niya gusto si Nilo at hindi niya prayoridad ang pakikipagligawan.
"Ayan! Kaya iba na lang ang niligawan ni Harry dahil sa pinagsasabi mo!" tuya ng isang bahagi ng kanyang utak.
"You don't have to answer," biglang bawi ng lalaki.
Naguluhan siya kay Harry. Gusto sana niyang ipaliwanag dito na mali ang iniisip nito. Pero naglakad na ito.
Ganoon? Hindi man lang siya binigyan ng chance na makasagot? Basta na lang siyang iniwan?
Bakit pa ito nagtanong kung hindi rin naman pala ito interesadong pakinggan ang sagot niya? Ano iyon?
Papasok na sana siya sa silid nila nang harangin naman siya ni Nilo.
"Hi, Jas!" nakangiting sabi nito. Narinig pa niya ang malakas na panunukso ng mga classmate nila.
Kumunot ang noo niya. Habang si Nilo naman ay ngingiti-ngiti lang. Lalagpasan na sana niya ito ngunit hinawakan nito ang kanyang braso para pigilan. Agad siyang pumiksi.
"Jas, huwag ka nang magpakipot. Sagutin mo na ako," bulong nito sa kanya. Inilapit pa nito ang mukha sa kanyang mukha.
"Ano ba?" Nagpigil pa rin siyang masigawan ang lalaki. Gumagawa pa ito ng eksena sa harap ng buong klase. Baka kung ano pang isipin ng mga ito.
Hinanap ng mga mata niya si Harry at nakita niyang nakatingin lang ito sa kanila ni Nilo. Wala siyang makitang reaksyon dito.
Hindi man lang ba siya ipagtatanggol nito?
Binitiwan naman siya ni Nilo nang dumating na ang kanilang guro. Ngunit hindi pa rin nakaligtas sa kanya ang malisyoso nitong ngisi.
Naiinis na umupo na siya sa kanyang pwesto. Hindi niya nilingon si Harry. Mas naiinis siya rito kaysa kay Nilo. Wala na ba talaga itong pakialam sa kanya?
Hindi sila nagkibuan ng lalaki hanggang sumapit ang breaktime. Agad siyang nilapitan ni Amy. At tulad ng inaasahan, nakaabang na agad ang team mates ni Harry sa kanya sa labas ng kanilang classroom.
"Anong nangyari kanina?" usisa ni Amy sa kanya nang lagpasan sila ni Harry. "Bakit magkausap kayo ni Nilo kanina? At todo tukso pa sa inyo ang mga classmates natin."
Kumunot ang noo niya. "Hindi 'ko alam. At si Nilo ang lumapit sa akin."
"Eh, anong sabi ni Harry?"
"Wala. Ano bang dapat niyang sabihin?"
"Wala? As in wala talaga kahit "ha" o "ho"?" tila hindi makapaniwalang muling tanong ni Amy.
Hindi na siya sumagot at tuloy-tuloy na pumasok sa canteen para bumili ng pagkain. Bahagya siyang napatigil nang makita ang basketball team sa loob.
"Bakit?" nagtatakang tanong ni Amy nang hindi siya gumalaw.
Umiling na lang siya at nagkunwaring walang nakita. Hindi na lang niya nilingon ang gawi kung nasaan sila Harry. Agad namang sumunod sa kanya si Amy.
Palabas na sana sila nang biglang bumuhos ang malakas na ulan.
"Ano ba 'yan? Paano tayo pupwesto sa tambayan natin?" ani Amy.
Hindi nga sila makakatambay doon dahil wala namang bubong sa park. Isa pa ay hindi rin naman sila makakapunta roon dahil mauulanan sila.
"Wala tayong choice. Okay lang ba sa iyo na dito tayo kumain?" tanong ni Amy.
"Oo naman, bakit naman hindi?"
"Eh, kasi nandito sila Harry."
"Ano naman?" kunwari ay sagot niya.
Naiintindihan naman niya kung ano ang ibig sabihin ni Amy. Na baka mailang siya dahil kay Harry. Dahil katabi na naman nito si Sidney. Ano pa bang bago ron, eh, araw-araw naman yata ay ganoon ang dalawa?
Tahimik silan umupo ni Amy sa isang sulok ng canteen at kumain.
"Kamusta na ang kuya mo?" tanong ni Amy habang kumakain.
"Hindi 'ko alam. Hindi naman kami nagkakausap," maikling sagot niya. Naikwento niya sa kaibigan ang mga nangyari sa kanila noong nakaraan sa kanilang magkapatid ngunit hindi niya pa kayang ibahagi rito ang natuklasan ng mama niya.
"Huwag kang magagali sa akin ha?" maya-maya ay saad ni Amy sa kanya. Nagtaka naman siya sa sinabi nit. Bakit naman siya magagalit dito?
"Bakit naman ako magagalit sa iyo?"
"Ano kasi, may naikwento kasi sa akin si Glen. Ano kasi, ang sabi niya, matagal na raw hindi pumapasok ang kuya Jake mo."
"Ano?"
"Ang sabi ni Glen..."
"Jasmin?" Sabay silang napalingon ni Amy sa tumawag sa kanya. Dahil doon ay naputol ang sana'y sasabihin ng kaibigan.
Nakatayo sa kanilang harapan si Nilo at kasama pa ang ilan sa mga kaibigan nito. Hindi niya ito pinansin pero makapal talaga ang mukha nito dahil kusa na itong umupo sa tabi niya.
"Huwag ka munang magalit, Jas. May gusto lang sana akong itanong sa iyo tungkol kay Jake. You know, nag-aalala na kasi ako sa kaibigan 'kong iyon," sabi nito.
"Ano ba iyon?" matabang niyang tanong kay Nilo at ipinahalata rito na ayaw niya itong makausap.
"Pumasok ba siya ngayon? Hindi kasi siya makita ng tropa. May kailangan kasi siyang ibalik sa akin," mahina nitong sabi.
Hindi niya alam kung bakit kinabahan siya sa simasabi nito pero nakuha nito ang atensyon niya.
"Anong kailangan mo sa kuya 'ko?"
"Sa amin na lang muna iyon, Jas. Pakisabi na lang kay Pareng Jake iyong sinabi 'ko," sagot ni Nilo.
"Bakit hindi mo pa sabihin sa akin?" curious niyang sabi sa lalaki.
"Whoa! Masarap pala sa pandinig kapag gusto mo akong kausap, Jas," sa halip ay saad ni Nilo.
Magsasalita pa sana siya nang bigla na lang lumitaw si Harry sa harap nila.
"Oy, oy! Ang ating knight in shining armor! Dude, anong problema mo?" maangas na tuya rito ni Nilo.
"Leave her alone," may diin ang pagkakabigkas ni Harry noon.
"And why? Pag-aari mo ba si Jasmin? Sa pagkakaalam 'ko, may Sidney ka na?"
"Leave her!"
"Ang angas mo talaga! Bakit ba? May importante lang naman kaming pinag-uusapan ni Jasmin." Binalingan siya ni Nilo. "Hindi ba, Jas?"
Hindi naman niya alam ang isasagot doon. May pinag-uusapan nga sila ni Nilo at importante nga iyon ngunit paano naman kung isipin ni Harry na tungkol sa kanilang dalawa iyon?
"Eh, ano naman? Eh, siya nga ay dini-display pa sa harapan ko ang Sidney na iyon?" naisip niya.
Bahala na! Isa pa ay sa kanya na nga napunta ang atensyon ng lahat! "Ano ba naman iyan?!"
Para matapos na ay tumango na lang siya. Ayaw niya na ng gulo. Pinagtitinginan na sila roon. At isa pa, bakit ba bigla na lang sumulpot itong si Harry? May kailangan pa naman siyang malaman kay Nilo tungkol sa kuya niya. Baka ito na ang makasagot sa kung ano ba ang nangyari sa kapatid.
"Kita mo na? Sa susunod huwag kang masyadong mapapel. Pero pagbibigyan kita ngayon, hindi kita papatulan alang-alang kay Jasmin. Pero sa susunod, may kalalagyan ka na," ani Nilo kay Harry bago umalis kasama ang tropa nito.
Nagkasalubong ang mga mata nila ni Harry. Matiim na matiim ang mga tingin nito sa kanya ngunit wala itong sinabi. Siya naman ay naguguluhan na rin.
"Ah... Jasmin!" untag sa kanya ni Amy. "Tara na, baka ma-late pa tayo."
Hinila na siya ni Amy palayo roon. Malalaki ang mga hakbang nito kaya naman napabilis din ang lakad niya.
"Grabe! Ang intense non!" ani Amy nang makabalik sila sa classroom. Umupo ito sa tabi niya dahil wala pa naman si Harry. "Natakot ako! Akala 'ko mag-aabot na naman iyong dalawa."
Hindi siya sumagot. Ano bang ibig sabihin ni Harry sa paglapit nito sa kanila? Samantalang, akala niya ay wala na nga itong pakialam sa kanya.
"Alam mo, feeling 'ko nagselos si Harry kanina kaya biglang lumapit! Alam mo ba, natumba pa iyong upuan niya sa sobrang biglaan ng pagtayo niya. Iyong Sidney nga todo habol kay Harry pero dinedma lang!"
Napalingon siya kay Amy. Hindi niya iyon alam.
"Nagulat ka?" tanong ni Amy. "Naku, sobrang seryoso ba ng pinag-uusapan niyo ni Nilo kanina? Hindi 'ko marinig. bubulong-bulong kasi siya!"
"May sinasabi siya tungkol kay kuya, pero hindi na niya natapos dahil biglang dumating si Harry."
"Ano raw 'yun?"
"Hindi nga naituloy."
Magsasalita pa sana ito nang makita nila pareho ang pagpasok ni Harry. Tumayo na si Amy at nagpaalam na sa kanya.
Deretso lang ang kanyang mga mata sa harapan at wala siyang pakialam kung magka-stiff neck pa siya pagkatapos niyon. Basta hindi niya titignan si Harry. Pero ramdam niya ang mga titig ni Harry.
"Matutunaw na yata ako!" aniya sa isip.
"I thought, you don't like him," mahinang saad ni Harry maya-maya.
Deadma pa rin siya. Malay ba niya kung siya ang kinakausap nito.
"Jasmin," tawag nito sa kanya. "Alam 'kong naririnig mo ako."
"Bakit gusto mo pa tinatanong?"
"So, you are really giving him a chance? Akala 'ko ba, hindi iyan ang priority mo? We're you lying to me?"
Hindi niya gusto ang tono ni Harry dahil parang may pag-aakusa iyon.
"Wala ka na ron."
"I want to know."
"Bakit ang kulit mo?"
"I want to know kung may kapalit na ba ako sa iyo."