Ano raw? Anong huwag muna siyang sagutin si Nilo? Eh, kahit sa panaginip kinikilabutan na siya kapag nasa malapit ang lalaki na iyon.
"Anong sabi mo?" Nais niyang ulitin nito ang sinabi kanina dahil baka mali lang ang dinig niya.
"Huwag mo munang sagutin si Nilo," ulit nga nito. Kumpirmado, hindi nga siya nagkamali ng dinig. Pero bakit naman iyon iisipin ni Harry? Alam naman nito sa simula pa lang na hindi niya gusto si Nilo at never na magugustuhan!
"Hindi naman nanliligaw si Nilo. At isa pa ay wala siyang pag-asa sa akin!"
"Huh?" tila naguluhang sabi anas ni Harry. "Bakit sabi ni Amy-"
Hindi na nito naituloy ang sasabihin dahil umasim na ang kanyang mukha. Sinasabi na nga ba niya! Ang kaibigan talaga niyang iyon, hindi mapagkakatiwalaan.
"Anong sinabi ni Amy sa iyo, Harry?"
"Ha? Ah..." parang nagdalawang isip pa ito kung sasabihin nito ang mga kalokohan ng kaibigan niya.
"Okay! Para lang maliwanagan ka kung ano ang totoo, hindi ako nililigawan ni Nilo. Dahil una, hindi 'ko siya gusto. At higit sa lahat, wala pa sa isip 'ko ang makipagligawan."
"Pwera na lang kung liligawan mo ako!" piping hiling ng kanyang puso.
Matagal siyang tinitigan ni Harry matapos niyang sabihin iyon. Hindi ito sumagot o nagkomento sa mga pinagsasabi niya, basta nakatitig lang ito sa kanya.
"Nakakailang!" aniya sa isip. Sigurado ay namumula na naman ang kanyang mukha dahil sa pagkahiya.
Iniwas niya ang tingin kay Harry. Parang sasabog ang dibdib niya sa pakikipagtinginan sa lalaki.
"Hoy, Harry! Matutunaw naman ako niyan! Ano ba? May dumi ba ako sa mukha?" naiilang niyang sabi rito. Hindi na kasi niya matagalan ang nangyayari sa kanila.
At bakit ba parang ang bagal ng oras? Pati mga tao sa paligid nila ay nag-slow motion na ba?
"You are really pretty," sa halip ay sagot ni Harry. "Lalo na kapag namumula ka."
"Ha?"
Ngumiti lang si Harry. Iyong makalaglag alam niyo na. Para tuloy siyang nanuno dahil natulala siya.
"At least, hindi ka nagpapaligaw sa iba. That's enough for me," anas ni Harry. Mahinang mahina lang iyon at halos hindi niya narinig.
"Ano?"
"Jasmin, I know, kahit na hindi 'ko sinasadya, nasaktan kita. But believe me, it hurts me more. Ayaw 'ko lang na mas lumaki pa ang away niyo ng kapatid mo because of me. Alam 'ko naman na ayaw niya sa akin at pinapaiwas ka rin ng parents mo sa akin."
"Harry, ano..." Gusto niyang ipaliwanag dito ang nangyari. Na wala itong kasalanan kung hindi man sila nagkasundo ng kapatid niya noon.
"I understand. Do not worry, really." Ngumiti pa ito para ipakita sa kanya na ayos lang dito ang naging desisyon ng pamilya niya.
Pero tapos na iyon!
"Kaya mo ba ako iniwasan dahil doon?" naisip niyang itanong.
"Partly, yes. Pero hindi naman kita kayang tiisin. Mas ako ang nahirapan."
Napanganga siya sa sinagot ni Harry. Ang iksi lang sumagot ng lalaking ito pero iba't ibang klase na yata ang naramdaman niya dahil doon.
"I got scared that you'd end up with that... with that douchebag. It kills me," dugtong pa nito.
Wala na. Wala na ang puso niya sa loob ng dibdib niya, pati yata atay at baga niya napunta na kay Harry! Grabe naman itong magpakilig. Napipi na siya eh!
At parang hindi pa ito tapos, maingat nitong kinuha ang kanyang isang kamay. "Jasmin, maghihintay ako."
Makahulugan iyon at alam na alam niya kung ano ang ibig nitong sabihin.
"Oo na agad!" sagot ng puso niya.
Pero hindi niya magawang isatinig iyon dahil umurong na yata ang dila niya dahil sa mga pinagsasabi ni Harry ngayon.
Hindi na nga niya namalayan na nakabalik na pala sila sa classroom. Mabuti na lang at review na lang ang ginagawa nila ngayon pagkatapos ng finals.
Nang mag-uwian ay nagpaalam pa sa kanya si Harry dahil may meeting ito kasama ang buong basketball team. Siya naman ay pupuntahan ang kanyang kapatid dahil ngayon ang usapan nila na kakausapin ang class adviser nito.
Pero bago siya umuwi ay nagmamadali niyang hinabol si Amy. Gusto niyang malaman kung ano ang pinagsasabi nito kay Harry kanina.
"Amy!" tawag niya rito.
"Jasmin!" nakangiti pa ito nang lingunin siya. Halatang may ginawang kabalbalan.
"Ikaw talagang babae ka! Ano na naman ang pinagsasabi mo kay Harry kanina?" sita niya rito.
"Ako? Wala no!" pagkakaila pa ni Amy.
"Anong wala? Bakit mo sinabing nanliligaw sa akin si Nilo?!"
"Okay, fine! Sinabi 'ko lang naman iyon para magising siya sa bangungot na ikaw talaga ang gusto niya at hindi si Sidney. Kaya sinabi 'ko na balak mo nang sagutin si Nilo."
"Ano?!" dahil sa inis ay nahampas niya ang kaibigan sa balikat.
"Aray! Ang sakit naman non!" reklamo nito habang hinihimas ang nasaktang bahagi ng katawan. "Bakit ka ba nagagalit? Hindi ba't effective naman?"
"Gaga ka talaga! Hindi mo dapat sinabi iyon sa tao."
"Bakit ba? Eh, babagal-bagal kasi siya! At kung hindi 'ko pa siya pinush ay malamang na maungusan nga siya ni Nilo sa iyo."
"At sinong may sabing may pag-asa sa akin si Nilo?"
"Kaya nga! Kapag naging kayo na ni Harry, tatantanan ka na ng makulit na Nilo na iyon!"
"Naku ka! Hindi 'ko alam kung bakit kita kaibigan, puro ka kalokohan!"
"Haha! Ano ba ang nangyari kanina noong iniwan 'ko kayo? Nagtapat na ba si Harry sa iyo? Sinagot mo na ba?"
Bigla niyang naalala ang nangyari kanina at ang pinag-usapan nila ni Harry. Dahil doon ay namula ang kanyang mukha.
"Hala! Bakit namumula ka, Jasmin? Anong nangyari? Ikwento mo naman!" natatawang tukso ni Amy sa kanya.
"Hinaan mo naman iyang boses mo, Amy! Nakakahiya sa mga makakarinig!" saway niya sa kaibigan.
"At bakit? Dapat nga ipagmalaki natin iyan. Imagine, ang daming nagkakagusto kay Harry pero ikaw ang nagustuhan niya!"
"Papuri ba iyan o insulto?" matabang niyang tanong sa kaibigan.
At nakuha pa talaga nitong matawa. "Siyempre, papuri!"
Ewan 'ko sa iyo. Pupuntahan 'ko na ang kuya 'ko. Bukas na lang," paalam niya kay Amy.
"Ang daya mo! Basta bukas ikwento mo ha!" habol pa ni Amy.
Tumango na lang siya para matigil na ito. Pagkatapos ay nagmamadali na siyang pumunta sa classroom ng kapatid niya. Doon daw siya nito hihintayin.
Ngunit pagdating niya roon ay wala ito at sa halip ay isa sa mga kaklase nito ang naroon. Kung hindi siya nagkakamali, kaibigan din ito ni Nilo.
"Nandiyan ka na pala, Jasmin," bati nito nang mapansin siya sa labas ng silid. "Pinapasabi ng Kuya Jake mo na sumunod ka na lang daw sa faculty room sa itaas."
Tinanguan niya ito at nagpasalamat. Mabilis siyang naglakad at tumungo sa sinabing silid nito. Nakakahiya, baka siya na lang ang hinihintay ng kuya niya at teacher nito. Dapat pala ay bukas na lang niya sinita si Amy. Hindi tuloy niya inabutan ang Kuya Jake niya.
Wala nang katao-tao sa ikaapat na palapag kung nasaan ang faculty room. Nagtaka man ay ikinibit na lang niya ang balikat. Marahil ay maagang nag-uwian ang fourth year students.
Kumatok siya sa pinto pero walang sumagot. Kumunot ang noo niya, wala bang tao? Pinihit niya ang seradura at napag-alamang bukas naman pala iyon.
Nang makapasok sa loob ay binundol ng kaba ang kanyang dibdib. Bakit parang pamilyar sa kanya ang eksenang iyon? Bakit parang nangyari na iyon?
"Hello po?" tawag niya sa loob nang tuluyan nang makapasok doon. Ngunit marahas siyang napalingon nang marinig ang pagsara ng pintuan ng faculty room. Hindi rin nakaligatas sa kanyang pandinig ang pag-lock niyon mula sa labas!
"Sandali! May tao po!" malakas niyang kinatok ang pinto at sumigaw para iparating sa nagsara noon na may tao pa sa loob.
Ngunit kahit anong gawin niya at pagsigaw ay parang walang nakakarinig sa kanya.
Anong nangyayari?
Diyos 'ko po! Ang panaginip niya!