"Sinabi 'ko na sa iyo, magbibitiw na ako bilang personal assistant mo," naiinis na sabi niya kay Harry.
Nasa byahe na sila dahil nagprisinta na naman itong ihatid siya. Hindi na siya nakipagtalo rito dahil hanggang ngayon ay sariwa pa rin ang takot na naramdaman niya sa asong iyon kagabi. Ayon kay Harry, sinabi ng doktor na ipinatawag nito na maaaring sa sobrang takot ay nahimatay siya kagabi.
"At sinabi 'ko rin sa iyo na hindi ako papayag," sagot nito sa kanya na sandali siyang sinulyapan bago muling itinutok ang mga mata sa daan.
Bakit ba ang kulit ng lalaking ito? Ang akala niya ay ihahatid lang siya nito ngunit akala mo kung sino na namang inutos sa kanya na gumayak papasok sa opisina. Nauubusan na talaga siya ng pasensiya kay Harry. Hindi ba nito naiintindihan na ayaw na niya itong makasama?
Bakit? Una, dahil pagod na siya sa pagiging dominante nito at kung ituring siya ay para bang nabili na siya nito. Ikalawa, delikado na naman ang puso niya rito. Dahil kahit na sagad sa buto na ang pagkainis niya sa lalaki ay nagagawa pa rin niyang hangaan ang pisikal nitong anyo, ang boses, ang amoy nito at kung anu-ano pa. Hindi ba't hindi naman normal iyon? Galit siya pero crush niya?
At isa pa, baka tuluyan na siyang mabaliw dahil palagi na lang nagtatalo ang utak at puso niya pagdating kay Harry. Hindi siya nagiging consistent kapag ito na ang kaharap niya. Mabuti pa nga noon. kontrolado niya ang sarili.
Bukod sa mga iyon ay ano pa ba ang mukhang ihaharap niya sa mga kasamahan sa trabaho pagkatapos ng nangyari kagabi? Nang bumalik sa isip ang paghalik nito sa kanya ay nagkagulo-gulo na naman ang sistema niya.
"Baliw ka na, Jasmin!" ani ng utak niya.
"Bakit ang kulit mo?" tanong niya kay Harry.
"Me? How about you? How stubborn can you get?" ganting tanong nito sa kanya.
Aba't hindi talaga patatalo ang lalaki sa kanya? At sino ang matigas ang ulo sa kanilang dalawa? Siya pa raw?
"Masyado ka kasing pakialamero!" singhal niya kay Harry.
"Watch your mouth, Jasmin. You know how I punish that sharp mouth," banta nito.
"Ayan! Diyan ka magaling!" bumaling siya rito. "Isa pa 'yan sa problema 'ko ngayon! Ano pa ang mukhang ihaharap 'ko sa opisina pagkatapos ng ginawa mo kagabi?"
"Is that a problem? I'll fire them if they would talk about that," parang wala lang rito ang sinabi.
"Ano?! Ganoon lang ba iyon kadali sa iyo? Ang magtanggal ng mga taong wala namang kasalanan?"
"Then what do you want me to do?!" singhal nito sa kanya.
"Huwag mo akong sigawan dahil ikaw naman ang nagsimula ng lahat ng ito! Halik ka kasi ng halik!" ganting sigaw niya rito.
"Then do not provoke me! Don't say anything that would make me go angry and want to kiss you!"
Natigalgal siya sa sinabi nito. Hindi niya alam ang isasagot doon. Bakit siya pa ang sinisisi nito? At anong ibig sabihin ng sinabi nito?
"Don't look at me like that," sita nito sa kanya nang ilang sandali pa siyang natulala rito.
Umayos siya ng upo at pinigil ang sarili na magsalita. Mahirap na at baka ipagkanulo pa siya ng bibig niya.
Ilang saglit pa at nakarating na sila sa tapat ng kanyang apartment. Ang akala niya ay ibababa lang siya nito at aalis na rin. Pero kumunot ang noo niya nang makitang bumaba rin ito ng sasakyan.
"Saan ka pupunta?" tanong niya rito nang sumunod ito sa kanya. Alam naman niya ang sagot ngunit nagtanong pa rin siya.
"Inside?"
"At bakit?"
"Hihintayin kita. Sabay na tayong pumasok sa opisina."
Naitikom niya ang bibig. "Saang parte ng sinabi 'kong "hindi na ako papasok sa opisina mo" ang hindi mo naintindihan?"
"I told you, it's not gonna happen," sagot nito sabay kuha sa hawak niyang susi at ito na ang nagbukas ng pinto.
"Sandali nga, Harry!" habol niya rito. "Hindi maaaring ikaw lang ang masunod palagi. Hindi 'ko na talaga kayang makasama ka sa iisang opisina."
Prente itong umupo sa plastic na upuan niya. "Okay, if you don't want to go to the office, I won't go there too. Dito na lang tayo sa bahay mo."
"At sinong may sabing welcome ka rito?" mataray niyang tanong.
"Oh! Come on, I already slept here."
Muntik na niyang maibato rito ang tsinelas na kasusuot lang niya. "Masaya ka ba talaga na naiinis mo ako?"
"Not that much,"papilosopo nitong sagot.
"Bahala ka, sino ba ang magsasayang ng oras? Ako ba?"
"The company will still run without me there," sagot pa nito.
"Anong ginagawa mo?!" sita niya rito nang makitang hinuhubad nito ang coat at isinunod na ang sapatos nito.
"Mainit. If you want us to spend the day here, might as well make me comfortable," sagot nito habang ipinagpapatuloy ang ginagawang paghuhubad.
"Hep! Kung ano man 'yang binabalak mo, tigilan mo 'yan!" pigil niya rito nang makitang sinimulan na nitong tanggalin ang pagkakabutones ng long sleeves nito.
Hindi pa niya nakakalimutan ang itsura ng upper body nito na nababalot ng polong iyon. At tiyak niyang magkakasala na naman ang mga mata niya, isama na pati utak niya, kapag nakita ang mga abs nito.
"What? It's too hot here. Mag-aamoy pawis ako," anito.
"Wala akong pakialam! Basta huwag kang maghuhubad sa bahay 'ko. Hindi ka na nahiya sa akin!"
"Are you serious?"
"Oo! At pwede ba, umalis ka na dahil hindi mo na ako mapipilit na bumalik sa opisina mo."
Nagdadabog siyang pumunta sa banyo para maligo. Bakit nga ba kasi ang init-init sa bahay niya? Parang gusto tuloy niyang maligo ng malamig na malamig na tubig.
"Naku, Jasmin! Pigilan mo ang sarili mo. Kanina lang ay galit ka sa Harry na iyon pagkatapos ay maghuhubad lang, para ka nang natutunaw?" bulong niya habang nasa banyo.
"Jasmin?" narinig niyang tawag nito sa labas.
"Ano na naman ang kailangan mo?"
"Can I join you?"
Nag-init ang bunbunan niya sa pagka-m******s ng lalaki sa labas. Hindi na talaga siya nito ginalang.
"Hoy, Harry! Lumayas ka na sa pamamahay 'ko!" sigaw niya rito. "Napaka-bastos mong lalaki ka. Hindi ako tulad ng ibang babae na madali mong nakukuha."
Narinig niya ang pagtawa nito sa labas. "What did I say? What I mean is, can I join you for lunch? I just had coffee and I am really hungry now."
Lunch lang pala! Pinagloloko talaga siya ng lalaki. Alam naman niya na double meaning ang sinabi nito sa kanya.
"Get lost!" sigaw niya.
Muli na namang umalingawngaw ang mga halakhak ni Harry.