Ilang sandali na ang lumipas ngunit hindi pa rin maigalaw ni Jasmin ang mga paa paalis sa lugar na iyon. Kanina pa nakaalis ang jeep na sinakyan ni Harry.
Nalulunod pa rin ang isip niya sa nangyari kanina. At hindi siya makaahon. Ano bang nangyari? Totoo ba iyon? Mga katanungan na hindi niya masagot. Kahit kurot-kurutin niya ang sarili ay nararamdaman niya pa rin ang sakit. Hindi iyon isang panaginip lang!
Hindi pa sana siya gagalaw hanggang sa maramdaman niya ang malalaking patak ng ulan. Pero sa halip na sumilong ay hinayaan lang niya na mabasa siya.
"Harry..." muli niyang tawag sa lalaki kahit na alam niyang wala naman ito roon.
"Jasmin!" malakas na tawag sa kanya ng Kuya Jake niya. Hindi niya namalayan na nakasunod na pala ito sa kanya. Hindi niya ito nilingon. Hindi pa rin siya makapaniwala na nagawa nitong makipagtulungan kay Nilo para i-set up siya.
"Jasmin! Ano ka ba? Halika na! Umuulan," sabi nito sa kanya nang hindi niya ito sagutin. Hinawakan nito ang kanyang braso para hilahin. Ngunit nagpumiglas siya.
"Paano mo nagawa sa akin 'yon, kuya?" malamig na tanong niya rito. Hindi niya pa rin ito magawang tignan man lang.
"Jasmin, para sa iyo rin ang ginawa namin ni Nilo. Hindi kami ang masama rito!"
Hindi makapaniwalang napatingin siya sa kapatid.
"At sino ang masama? Si Harry? Ako?! Sinet up niyo ako!" namg-aakusa niyang sigaw dito.
"Nagawa lamg namin 'yun para ilayo ka sa Harry na 'yon! Ano ba?! Tumigil ka na at umuwi na tayo!"
"Hindi ako sasama sa iyo!"
"Jasmin!" tawag nito sa kanya nang iwan niya ito. Pero nagmamadali siyang tumakbo palayo roon.
Hindi alam no Jasmin kung paano niya nagawang makauwi. Nag-aalala ang kanyang ina nang makita ang itsura niya na basang-basa ng ulan.
"Jasmin! Ano bang nangyari sa iyong bata ka?! Bakit ka naman nagpaulan?" natigil ito nang mapatingin sa mga mata niya. "Anak? Bakit?"
Bakas na bakas ang pag-aalala sa mukha ng mama niya at dahil doon ay mas lalo siyang naiyak. Ngunit hindi niya magawang magsalita.
Paano niya magagawang sabihin na isa ang kuya niya sa dahilan kung bakit siya nasasaktan ngayon? Paano niya sasabihin na sa kabila ng pagmanais niyang matulungan ito ay nagawa pa nitong iset up siya at nakipagtulungan sa Nilo na iyon?
Masasaktan na naman ang mama niya. Pati ang papa niya. Alam niyang ayaw ng mga itong sukuan ang Kuya Jake niya.
Nagmamadali siyang inasikaso ng ina. Hindi na ito nagtanong pa ulit. Siguro ay naramdaman nito na hindi pa siya handa na magsabi.
Ngunit bago siya tuluyang iniwan ng mama niya sa kanyang kwarto ay tinanong nito kung may masama bang nangyari sa kanya.
Para mapanatag ito ay sinabi niyang may nangyari lang sa school.
"Ayos lang ako, ma," sabi niya para hindi na ito mangamba. Naiintindihan niya na magulang ito at hindi ito mapapalagay kung bigla na lang siyang umuwi na umiiyak at basang basa pa ng ulan.
Dahil sa kakaiyak ay mabilis siyang nakatulog. Nagising lang siya nang maramdamang may nakatingin sa kanya. Pagmulat niya ng mga mata ay nakita niya ang kapatid na nakaupo sa gilid ng kama niya.
"Anong ginagawa mo rito?" tanong niya rito.
"Jasmin..." mahinahnah anas nito. "Hindi 'ko alam kung paano 'ko ipapaliwanag ang nangyari. Pero maniwala ka, wala lang akong choice."
"Bakit mo sinasabi sa akin 'yan ngayon? Natatakot ka ba? Na baka magssumbong ako kila papa?"
Hindi ito nakapagsalita. Baka nagulat ito sa pagsagot niya rito.
"Para mapanatag ka, wala akong sinabi. Hindi 'ko masabi."
Pakiramdam niya ay hindi makasagot ang Kuya Jake niya. Yumuko lang itong muli.
"Hindi 'ko masabi, hindi dahil sa iyo kundi dahil ayaw 'ko nang masaktan sila mama. Kapag sinabi 'ko kung bakit ako nagkakaganito at malaman nila na parte ka kung bakit, sa tingin mo ba ay matutuwa sila?"
Hindi na niya napigilan ang mapahikbi dahil kanina pa niya pinipigil ang maiyak ulit. Masakit na ang lalamunan niya.
"Alam mo kung anong mas masakit don, ha, kuya? 'Yun ang gusto 'ko lang naman ay matulungan ka, pero anong ipinalit mo?"
"Jasmin, sana maintindihan mo rin na ginawa 'ko lang iyon dahil iyon ang tingin 'kong makakabuti sa iyo."
"Bakit? Dahil iyon ang sinabi ni Nilo? Bakit ba mas naniniwala ka sa kanya kaysa sa akin?"
"Dahil iyon ang tama! Ginagago ka lang ng Harry na iyon! Kita mo nga at pinagsabay pa kayo ng Sidney na 'yun!"
"Hindi mo naiintindihan, kuya," sumusukong sagot na lang niya rito. Kahit ano naman yata ang sabihin niya ay hindi nito paniniwalaan.
Mukhang hindi rin nito nagustuhan ang tinungo ng kanilang pag-uusap dahil basta na lang itong lumabas ng kwarto.
Baka gusto lang talaga nitong malaman kung nagsumbong siya sa mga magulang nila.
Dahil gising, muli na naman niyang naalala ang nangyari kanina. Hindi man lang siya binigyan ni Harry ng pagkakataon na magpaliwanag at mas pinaniwalaan pa ang mga kasinungalingan ni Nilo.
Iyon ang isa pa sa ikinasasama ng loob niya. Na hindi niya naipagtanggol ang sarili.
Pero sa kabilang banda ay naiintindihan naman niya si Harry dahil sa nakita nitong paghalik sa kanya ni Nilo.
Ang walanghiyang Nilo na iyon! Nang muling maalala ang ginawa nito ay tila ba siya masusuka! Hindi niya matanggap na nagawa siyang halikan ng lalaking iyon.
At nasaan ang kapatid niya habang ginagawa iyon sa kanya ng lapastangang lalaki na iyon? Nakabantay pa sa labas ng pinto!
Muli siyang napahagulgol dahil doon. Hindi niya talaga matatanggap iyon at nakita pa ni Harry! Hindi siya papayag na hanggang doon lang iyon. Makikita ng Nilo na iyon.
Kinabukasan ay nagmamadali siyang pumunta sa faculty room ng kanilang class adviser. Inagahan niya ang pasok para magkaroon pa siya ng oras na makausap ang guro. Isusumbong niya ang ginawa ni Nilo sa kanya.
"Anong sinabi mo, Ms. Nicolas?" tanong sa kanya ni Ms. Ignacio.
"Binastos po ako ni Nilo," ikinuwento niya ang buong pangyayari rito. Nais niyang mabigyan ng leksyon ang lalaking iyon.
"Huwag kang mag-alala, makakarating ito sa mga kinauukulan," paniniguro ni Ms. Ignacio. "Ipapatawag 'ko ang mga magulang niya para malaman ng mga ito ang ginawa ni Nilo sa iyo."
Kahit na paano ay gumaan ang kanyang loob. Nakahanap siya ng kakampi kay Ms. Ignacio.
"By the way, gusto mo bang umuwi muna? I know it's traumatic. And my I ask? Alam ba ito ng parents mo?"
Umiling siya sa guro. Buo ang loob niya na huwag munang ipaalam sa mga magulang ang nangyari.
"Ganoon ba, paano ang kapatid mo?"
"Siya na lang po ang ipatawag natin, ma'am," sagot niya.
"Pero kailangan niyo pa rin ng guardian kapag nagharap-harap na kayo sa office."
Tila pinanghinaan siya ng loob sa sinabi ni Ms. Ignacio. Ayaw na sana niyang malaman ito ng kanyang mga magulang dahil dagdag alalahanin pa ito sa kanila. Pero paano naman siya?
"Kakausapin 'ko po muna ang parents 'ko, Ms. Igancio."
"Okay. Hihintayin 'ko ang magiging sagot mo."
Nagpaalam na siya rito at pumunta na sa kanilang classroom. Nangilabot ang buong katawan niya nang makita si Nilo sa daraanan niya. Masama ang tinging ipinukol niya sa lalaki.
"Good morning, Jasmin! Maganda ka pa sa umaga," nakakalokong bati nito. Narinig niya ang tawanan ng mga kaibigan nito sa likod.
Hindi niya ito pinansin at lalagpasan na sana ito ngunit naging maagap itong pigilan siya sa braso. Ipiniksi niya iyon! Ayaw niyang madikit sa lalaking ito! Nakakadiri.
"Matigas ka talaga, Jasmin. Pero alam mo, iyan ang gusto 'ko sa iyo, hindi ka katulad ng iba."
"Umalis ka sa daraanan 'ko," matapang niyang sabi rito.
Nagpituhan ang mga kaibigan ni Nilo.
"Not too fast. Tatanungin sana kita kung anong isinumbong mo kay Ignacio?"
Kumunot ang noo niya. Paano nitong nalaman na nanggaling siya sa guro nila?
"Huwag ka nang tatanggi, Jasmin, alam mo kasi nakita ka ng bata 'ko na pumunta sa faculty room. So, I assume, may sinabi ka kay ma'am."
"Oo! Isinumbong 'ko ang kahayupan mo."
"Ganoon ba? Sabagay ay inaasahan 'ko na iyan. Pero kasali ba ang kuya mo sa sumbong mo? Dahil kasama naman talaga siya sa nagplano noon."
"Wala ka na ron!"
"Tsk! Jasmin, baby, mukhang hindi mo pa talaga ako kilala," mahinang sabi nito. "Alam mo ba kung bakit madali 'kong napapayag ang kuya mo na gawin iyon?"
"Gusto lang akong protektahan ni kuya at nagkamali lang siya ng taong hiningan ng tulong!" mabangis niyang sagot dito. Gusto talaga niyang isumbat dito ang nangyari sa kapatid.
"At naniwala ka naman? Tsk! Hindi ba nasabi ni Jake sa iyo kung ano ang kapalit noon? Hindi na bata ang kapatid mo para utuin. May sarili siyang utak."
"Anong sinasabi mo?"
"Ito," mahinang sagot ni Nilo sa kanya at may binunot sa bulsa nito na pasimple nitong ipinakita sa kanya. "Alam mo naman siguro kung ano ito. Hindi ka na rin bata."
Isang maliit na plastik iyon na may lamang puting bagay na parang asin. Hindi kaya at...
"Tama ka ng iniisip, Jasmin," nakangising bulong sa kanya ng lalaki at nagmamadaling itinago iyon.
"Hindi..."
"Well... bahala ka. Kung hindi ka naniniwala sa akin. Tanungin mo na lang ang kuya mo. Pero oras na magkasumbungan na, hindi ako magdadalawang isip na ilaglag si Jake. At kasama ito sa aaminin 'ko."
Iyon lang at iniwan na siya ni Nilo. Noon naman humahangos na tumakbo palapit sa kanya si Amy.
"Ano ba iyon? Bakit magkausap kayo ng Nilo na iyon?"
"Wala..." umiwas siya kay Amy. Wala siya sa mood na makipag-usap kahit kanino! Magulong magulo ang isip niya ngayon.
"Teka lang naman, Jasmin! May sasabihin ako sa iyo tungkol kay Harry!"
Napalingon siya kay Amy. "A-ano?"
"Hindi na raw papasol si Harry simula ngayon. Nandito ang papa niya kanina at ipinaalam na raw nito si Harry. Hindi na natin siya makikita dahil babalik na raw ito sa mama niya."
Nagulat siya sa nalaman. Hindi na niya makikita si Harry? Hindi na siya makakapagpaliwanag dito?
"Amy..."
"Ano iyon?"
"Alam mo ba kung saan nakatira sila Harry?"