Ang bigat ng bawat pagpindot ni Jasmin sa keyboard niya. Kanina pa siya wala sa mood at kulang na lang ay hilahin na niya ang oras para uwian na.
"Nagseselos ka lang kasi nalaman mong may girlfriend na si Harry!" tuya ng puso niya.
Napatigil siya sa ginagawa. Ganoon nga ba? Pero napakatagal na noon at ang alam niya ay naibaon na niya kung ano mang damdamin meron siya para kay Harry simula nang sabihin nito na ginamit lang siya nito para makaganti kay Nilo.
At ano pa ba ang inaakala niya? Na single pa rin si Harry? Gwapo at mayaman ang lalaki kaya imposible na walang magkagusto rito. Hindi nga ba at iyong waitress kanina na mukhang bata pa ay hindi na naiwasang magpakita ng pagkagusto sa lalaki?
Hindi! Baka nadala lang siya ng muli nilang pagkikita ni Harry matapos ang ilang taon. Siyempre ay matagal niya itong hindi nakita at hindi rin naging maganda ang huli nilang pag-uusap kaya baka dala lang iyon ng nakaraan nila.
At anong klase ba ng nakaraan meron sila? Kung tutuusin ay masalimuot nga iyon.
Pilit niyang kinumbinsi ang sarili. Dapat ngayon pa lang ay malinaw na sa kanya. Amo ito at mahirap abutin. Hindi na katulad ng dati na pareho lang silang estudyante. Isa pa, wala na siyang tiwala kay Harry pagkatapos ng ginawa nito sa kanya.
Muhha rin namang hindi pa nakalimutan ni Harry ang nakaraan.
Teka nga! Hindi ba at ito nga ang may ginawang mali sa kanya? Samantalang siya ay biktima lang nito at ni Nilo! Naipit lang naman siya sa dalawang iyon!
Pagkatapos ay siya pa ang parang inaakusahan ni Harry?
"O, eh bakit ka nagdadabog ngayon matapos mong mapag-alaman na may dyowa na pala si Harry?" tuya naman ng kanyang utak.
Ano na nga kayang nangyari sa baba? Anak pa pala ng senador ang nobya ni Harry.
Nobya nga ba? Eh, bakit hindi nito hinarap? LQ sila?
Sinaway niya ang sarili. Wala na siya roon kung may tampuhan man ang mga iyon. Ang iniisip lang naman talaga niya ay ang receptionist na tiyak na pag-iinitan ng babae.
Ibinalik na lang niya ang atensyon sa trabaho. Mabuti pang alisin na niya sa isip kung ano mang guilt ang nararamdaman niya. Hindi niya iyon kasalanan dahil iyon ang utos ng presidente.
Abala siya sa email na sinend ni Sir Jason nang marinig niya ang pagtunog ng elevator. Mabilis na natuon doon ang atensyon niya. Walang ibang pwede gumamit sa private elevator ni Sir Harry at wala rin namang nakakaakyat doon na hindi muna dadaan sa kanya.
Tumayo siya nang bumukas iyon at inihanda ang sarili. Kabilin-bilinan ni Sir Jason na huwag siyang magpapasok ng kahit na sino unless may go signal ng presidente at wala siyang ine-expect na bisita sa ngayon.
Isang mataas at maputing babae ang lumabas mula roon. Nakasuot ito ng maiksing red dress at high heels na pula rin. Maganda ang babae at mukhang may ibang lahi. Tila ito isang reyna na naglakad at deretso ang mga mata nito sa pintuan ng private office ng amo niya.
Maagap niya itong nilapita para mapigilan pumasok sa opisina ni Harry.
"Good afternoon, ma'am," magalang niyang bati rito. "May I know if you have an appointment with the president?"
Tumingin ito sa kanya at sinuyod ang kabuuan niya mula ulo hanggang paa. "Are you the secretary?"
"Yes, ma'am."
"So, ikaw pala ang antipatikang nakausap 'ko kanina?" taas kilay nitong sabi sa kanya.
"I apologize, ma'am, but that's the order of the president."
So, ito pala ang Georgia the senator's daughter na nobya ni Harry.
"I do not care! Hindi mo ba ako nakikilala?" mataray nitong tanong sa kanya. "Ako lang naman ang girlfriend ng boss mo. At ngayon pa lang ay dapat marunong ka nang kumilala. That is, if you still want the job."
Akma na siyang lalagpasan ng babae ngunit humarang siya sa daan nito. Sa totoo lang ay hindi niya alam kung tama pa ba ang ginagawa niya. Susmaryosep! Anak ito ng senador. Baka kung ano pang magawa nito sa kanya!
"Walanghiya kang Harry ka! Manganganib pa yata ang buhay 'ko dahil sa trabahong ito," aniya sa isip.
"So, you have the guts," anito habang sinusuri siyang mabuti ng mga mabalasik nitong mga mata.
"I'm sorry, ma'am," mahina niyang sagot dito.
"Well, I'm sorry!" sabi nito bago siya itinulak ng malakas.
"Georgia!" dumagundong ang boses ni Harry sa buong palapag na iyon. Nakalabas na pala ito sa private office nito. Mabilis itong lumapit sa kanya.
Hindi naman siya natumba. Ngunit sa lakas ng pagtulak ni Georgia sa kanya ay tumama siya sa pader na malapit sa kanya.
"Are you okay?" tanong ni Harry sa kanya nang alalayan siya. Inayos niya ang sarili at pasimpleng lumayo kay Harry.
Amazona naman pala itong babaeng ito.
"What do you think you are doing?" mahinahon ang boses ni Harry nang tanungin si Georgia ngunit ramdam niya ang panganib doon.
"How about you? What do you think you are doing?! How dare you ignore me!" malakas na sigaw ng babae.
Lumayo na siya roon at bumalik sa kanyang pwesto. Kunwari ay inabala niya ang sarili sa trabaho ngunit ang tenga naman niya ay abala sa pakikinig sa usapan ng dalawa. Hindi man lang talaga pinapasok ng amo niya ang babaeng iyon sa opisina nito at doon na nagtalo.
Sabagay, wala namang ibang makakarinig noon kundi siya lang. At malamang pati si Sir Jason.
"I told you we are through! Bakit ang kulit mo?!" ani Harry.
"Hindi ako papayag! Why would you brake up on me? May iba ka na ba? Tell me!"
Tumaas ang isang kilay niya. Wala bang kahihiyan ang Georgia na ito? Nakipaghiwalay na ang lalaki pero ipinipilit pa rin nito ang sarili?
"I love you, Harry! I did everything to make you stay."
"It won't work anymore. Please leave!"
Napanguso siya sa narinig. Walang puso naman itong amo niya. ganoon ganoon lang kung makipaghiwalay, sabay palayas pa sa babae. Ibang iba na talaga ang Harry na nakilala niya noon. Pero hindi rin naman ito naging totoo sa kanya at ginamit pa nga siya. Nakakasugat din ang mga pinagsasabi nito sa kanya noon.
"Tsk tsk! Malupit ka, Harry!" aniya sa sarili.
"What did you say?"
Napatayo siya nang makita si Harry sa tapat ng kanyang desk. Nakalapit na pala ito sa kanya nang hindi niya namamalayan? Lumingon siya sa lugar kung saan niya iniwan ang dalawa kanina. Wala na ang babae.
"Ah... wala sir. I was reading something. May kailangan po kayo?" muntik pa siyang mabulol nang sabihin iyon.
"I thought I heard my name," hindi kumbinsidong sabi pa nito.
"Really? Maybe you misheard it, sir," maang-maangan niya. Naiinis siya sa sarili. Akala niya ay sa isip lang niya iyon nasabi!
"Well. I just want to ask if you are really okay?"
Wow! Concerned? Sabagay, dahil dito ay muntik na siyang mabalian ng buto. Pero ang mukha naman nito ay tila wala naman talagang pakiaalam.
"I'm really okay, sir."
Tumango lang ito nilayasan na siya. Muli na itong pumasok sa loob ng private office nito.
Paano kaya nito napaalis ang Georgia na iyon?
"Hay naku, Jasmin, mag-trabaho ka na lang," saway niya sa sarili.
Sa kabila ng pagpipilit niyang makapag-focus ay hindi siya nagtagumpay na alisin sa isipan ang mga narinig kanina. Nobya ni Harry ang babaeng iyon, ay hindi, ex na pala, ngunit ganoon lang nito tratuhin. Not to mention, anak pa ito ng senador sa Pinas!
Ganoon na lang ba talaga si Harry sa mga kababaihan? Ipaparamdam na mahalaga sa umpisa at kapag wala nang pakinabang ay basta na lang itatapon? Hindi ganoong lalaki ang dapat na mahalin. Naisip niya, nasayang lang pala ang mga panahon na inisip-isip niya ito noon.
Hanggang sa mag-uwian ay hindi niya pa rin maiwaksi sa isipan ang Harry na nakilala niya noon at ang tunay na Harry.
Nagliligpit na siya ng gamit ng lumabas ito sa private office nito. Nagawa naman niya ang mga tasks na pinagawa nito sa kanya ngayon.
Nakita niyang papunta ito sa gawi niya kaya naman tumayo siya ng tuwid at humanda. Huwag naman sanang may utos pa rin ito, kung kailan uwian na. Kailangan na niyang mag-grocery, wala na siyang stocks sa bahay. Wala na siyang gagamiting shampoo bukas.
"Going home?" bungad nito sa kanya.
"Yes, sir. Is there something you need?" alanganin siyang ngumiti rito. Kahit naman may personal siyang kailangang gawin ay amo pa rin niya ito at pagiging assistant nito ang main job niya.
"Nothing."
Napanganga siya nang bigla na lang itong umalis sa harap niya. Hinayaan na lang niya, baka wala pa rin sa mood ang lalaki dahil sa nangyari kanina.
Mabilis na siyang nag-ayos at umalis. Alas nuebe pa naman ang sarado ng mga grocery pero gusto na niyang makapagpahinga agad kaya nagmamadali siya.
Palabas na siya sa entrance ng gusali nila at maglalakad na papunta sa sakayan ng taxi nang biglang may humintong magarang kotse sa harapan niya. Napalingon siya sa likuran. Pero wala namang ibang naroon siyang kasabay. Iignorahin na sana niya iyon nang bumaba ang salaming bintana ng sasakyan at nakita si Harry.
"Hop in. Ihahatid na kita sa inyo," alok nito sa kanya.
Siya ba talaga ang kausap ng amo? Muli siyang lumingon sa likuran. Wala talaga bukod sa guard.
"Jasmin! Ano pa bang tinatayo-tayo mo?" parang galit na untag nito sa kanya.
Ay, siya nga! Pero...
"Ah...sir, thank you na lang. May pupuntahan pa kasi ako," magalang niyang tanggi rito.
"And where? Date?" may pang-aakusa nitong tanong sa kanya.
"Ah... hindi, sir! Kailangan 'ko lang po kasing mag-grocery," sagot niya para matigil na lang ito.
"Ihahatid na kita," sabi pa rin nito.
"Ah... sir, okay lang, kaya 'ko na. Malapit lang po iyon," tanggi pa rin niya.
"Sasakay ka ba o bubuhatin kita papasok sa kotse 'ko?"
"Ano po?" nag-aalangan niyang tanong dito. Baka namali lang siya ng dinig, eh!
"Jasmin!" may pagbabanta na ang boses nito.
"Eh, sir..."
Nanlaki ang mga mata niya nang makitang nagtanggal na ito ng seatbelt at binuksan ang pintuan nito.
"Ito na, sir, sasakay na!" napipilitan niyang sabi rito nang makalabas na ito sa kotse nito.
Ano ba naman ang kailangan sa kanya ng lalaking ito ngayon?
"Sasakay ka rin naman pala. Tell me where you shop," demanding nitong sabi sa kanya.
Mabilis naman niyang sinabi rito ang grocery store na malapit sa tinutuluyan niya. Mabilis lang nila iyong narating.
"Diyan na lang po ako, sir," turo niya sa malapit sa babaan upang hindi na ito maabala pa. Pero sa halip na pakinggan siya ay nagpatuloy pa ito sa pagmamaneho papasok sa parking sa likod.
Naguguluhan man ay hinayaan na lang niya ang lalaki. Bahala itong mahirapan lumabas.
Lihim na tumaas ang kilay niya nang mag-abala pa talaga itong mag-park.
"Ah... salamat, sir," aniya rito nang maayos na itong makaparada. Hindi ito sumagot at pinatay pa ang makina. Naguguluhan siyang tumingin dito nang makitang nagtanggal na rin ito ng seatbelt.
"Let's go," sabi nito kapagkuwan.
"Ah... what's going on, sir?"
"Sasamahan kita mag-grocery."
Nanlaki ang dalawa niyang mata sa narinig na sinabi nito! "Ano raw?!"