MAHIGPIT ang pagkakahawak ni Cassy sa phone niya. Nagdadalawang-isip siya kung sasabihin niya sa mga magulang ang nangyari sa kanyang Kuya. Labag man sa kalooban niya ang gagawin pero kailangan. Alam niyang mag-aalala nang sobra ang mga ito oras na mabalitaan ang nangyari sa panganay nilang anak. Hindi pa man din sila basta-basta makakauwi dahil sa higpit ng kompanyang pinapasukan nila sa ibang bansa.
Nakailang buntonghininga siya bago i-dial ang number ng kanyang ina. Nagsimulang mag-ring ang kabilang linya at halos dumagundong ang dibdib niya sa kaba. Tatlong ring din ang narinig niya bago tuluyang may sumagot.
“Hello, Cassy, kumusta ka? Bakit ka napatawag?” wika ng ina.
“O-Okay lang po ako, mama. Kayo po ba?” Hindi niya alam kung paano sisimulan ang gusto niyang sabihin. Grabe pa naman mag-hysterical ang mama niya kapag may nababalitaan itong hindi maganda. Normal lang naman iyon lalo't malayo sila sa kanilang magkapatid.
“Siya nga pala. Balita ko, nakapasa si Cole sa MU, ha? P'wede ko ba siyang makausap? Nasaan ang Kuya mo?” Doon na nagsimulang mapangiwi at mapakagat sa labi si Cassy. Paano niya sasabihin sa ina ang nangyari? Ayaw din naman niyang matanggal ang sayang nararamdaman ng ina dahil nakapasa ito sa matagal na nitong gustong university.
“P-Po? Mama kasi...” Paano nga ba niya sasabihin ang nangyari. Iniisip pa lang niya ang magiging reaksyon ng ina ay nai-imagine na niya kung paano ito magwala dahil sa pag-aalala oras na malaman ang nangyari.
“May problema ba?” her mom asked.
“W-Wala po! Actually, mama, tulog na po si kuya,” saad niya. Hindi man niya gustong magsinungaling sa ina pero ayaw naman niyang mabaliw ito sa labis na pag-aalala kay Cole.
“Gano'n ba? Sige, bukas na lang siguro. Ikumusta mo na lang ako sa kanya, ha?” ani ng kanyang ina.
“Yes, mama. I will.”
“Sige na, anak. I have to go. Marami pa kasing trabaho. Ikumusta mo na lang ako sa kuya mo. Bye, I love you...”
“Mama, I—” Akma pa sana siyang sasagot pero mabilis na ibinaba ng ina ang linya. “I love you....” dugtong niya na mahina ang boses dahil sa pagkadismaya.
Kaagad namang lumapit si Trixie matapos ang tawag. “Girl, ano ’yon? Bakit hindi mo sinabi ang totoo kay tita?” saad nito na may pagkadismaya.
Napakamot si Cassy sa ulo. “Kasi... ayaw kong mag-alala si mama. Alam mo naman 'yon, baka lalong hindi maka-concentrate sa ginagawa kapag nalaman niyang naaksidente si Kuya Cole.”
“Yeah! I know.” Napabuntonghininga na lang din si Trixie. “Ano ngayon ang plano mo?”
“Hindi ko nga alam, eh.” Napapaisip tuloy si Cassy kung paanong gagawin niya. Ngayon lang siya nakaranas ng ganoong klase ng problema na halos pasanin na yata niya ang mundo.
“Malapit nang magsimula ang pasukan. Kapag hindi nakapasok si Cole sa MU, sigurado akong magiging voided ang kanyang scholarship,” paliwanag ni Trixie. Isa rin kasi ito sa mga estudyante sa Montecillo University kaya alam nito ang kalakaran doon.
Sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap, may biglang pumasok sa isipan ni Cassy. “What if... magpanggap akong si Kuya Cole?”
“What?!” Halos malaglag ang panga ni Trixie sa sinabi niya.
Siya? Magpapanggap na si Cole?
*****
NAGISING si Eli sa tunog ng alarm clock niya. Kinakapa-kapa pa niya iyon para sana patayin pero dahil hindi niya maabot ang turn-off button ay hinawakan niya ito at hinagis sa kung saan. Hindi siya morning person kaya hindi siya sanay na gumising nang maaga. Usually, six in the morning ay dapat nakabangon na siya dahil iyon ang call-time niya para bumaba at kumain ng agahan.
“Eli, bumaba ka na nga riyan! Nakanda ang agahan mo!” dinig niyang sigaw ng kanyang ina. Nakaririnding pakinggan ang bawat katok na ginagawa nito sa kuwarto niya.
“Opo, mame! Bababa na!” Walang nagawa si Eli kung hindi ang bumangon at magbihis. Sanay kasi siyang natutulog na walang kahit anong saplot pang-itaas.
Kung nasa condo sana siya, hindi siya mapipilitang bumangon nang maaga para lang mag-agahan. He has the freedom of what he wants to do if he's in his pad. Kaya lang, hindi naman kasi siyang pinayagan ng mga magulang na mag-stay roon kahit ngayong bakasyon lang dahil as usual, gusto pa rin ng ama niyang bantayan siya.
“Good morning, mame,” bati niya sa ina at humalik sa pisngi nito.
“Good morning, dade,” mahinang wika naman niya sa ama na kasalukuyang tumitipa sa laptop.
Hindi man lang siya tinapunan man lang kahit saglit na sulyap ng ama. Mukhang mas importante pa ang ginagawa nito kaya umupo na lang siya sa harap ng mesa.
“Okay na ga lahat ang gamit mo? Kailangan na kitang isama sa dorm mo bago magsimula ang pasukan,” sambit sa kanya ng ama.
“Hindi ga ho p'wedeng sa condo muna ako habang nagsisimula ang klase?” tanong ni Eli at doon pa lamang bumaling sa kanya ang atensyon ng ama.
“No.”
“Ano pa pong silbi ng pagpayag ninyo na bilhin ang condo kung hindi n'yo ako roon patitirahin?” reklamo niya.
“Eli, hindi ga napag-usapan na natin ’to?” singit ng kanyang ina.
“Mame, akala ko ga kakampi kita. Bakit pumayag ka sa gustong mangyari ni dade?” Eli thought that her mother allowed him to live in his condo unit but now, he couldn't understand why his mother suddenly changed her mind.
“Ay, oo nga. Ang gusto la'ang ng dade mo, masanay ka na roon. Titira ka pa rin naman sa condo mo. Kada weekend nga laang,” paliwanag ng kanyang inang si Marga.
“This is absurd!” he said with disappointment. Tumayo si Eli at padabog na itinulak ang upuan.
“Eli, ika'y bumalik dineh!” galit na sigaw ng ama sa kanya pero tila wala siyang naririnig na basta na lang lumabas ng kusina at dumiretso sa kuwarto.
Padabog na umupo sa kama si Eli. Hindi niya akalaing hanggang doon ay kontrolado pa rin ng kanyang mga magulang ang buhay niya. Iritableng kinuha ni Eli ang susi ng kotse at lumabas.
“Eli, saan ka na naman ga pupunta?!” tanong ng ama sa kanya nang makita siyang palabas patungo sag garahe.
“Sa lugar na walang p’wedeng kumontrol ng buhay ko!”
Hindi niya kayang harapin ang ama. Masyado na siyang nasasakal dito. Hanggang kailan kaya niya titiisin ang ganoong klase ng trato ng ama?