Nagsisimula na siyang mag-impake para sa isa na namang out-of-town na trabaho. Nagsilid siya ng ilang dress sa maleta ngunit halos puro pang-kaswal lamang ang dala niya tulad ng pantalon at kamiseta. Pagkatapos sa mga kasuotan, sunod naman siyang pumunta sa basement para kumuha ng mga mas mahalagang bagay. Ang basement niya ay may mahigpit na seguridad na nakatago sa likod ng isang bookshelf at high-technology dahil sa biometric scanner nito. Agad niyang binuksan ang isang bag na naglalaman ng mga armas at kumuha ng mga bala, pistol at silencer. Sunod ay nagtungo siya sa isang lamesa at binuksan ang pinakaunang drawer nito. Puno ng fake IDs at credit cards ang drawer at napili ang pangalang Andrea Villanueva. Sa pangalawang drawer ay lagayan ng mga burner phone, kumuha rin siya ng isa rito. Itim ang kulay ng buhok ng nasa litrato kaya iyon ang kulay ng piluka na inabot niya mula sa isang sabitan. Napatigil siya saglit ngunit tumuloy na rin sa pag-akyat. Dumiretso siya sa kanyang kwarto para maayos na mailagay ang wig sa kanyang ulo. At napatingin sa kanyang makeup vanity kaya kumuha rin siya ng contact lens. Inayos niya na ang mga ito at isinara ang maleta.
Lumipad siya papuntang Cebu at pansamantalang maninirahan sa isang hotel. Nang makarating sa kwarto, agad siyang nagpalit mula off-shoulder na dress at wedge sa dilaw na plain t-shirt, slim jeans at sneakers. Lumapit siya sa salamin at tinignang mabuti upang makasigurong hindi ito two-way. Napanatag siya dahil ordinaryong salamin ito. Nakatanggap siya ng text mula kay JM, "Andito na sila sa loob," ang mensahe. Dahil dito, bumaba na siya at pumara ng taxi.
Palabas na siya ng taxi nang makaaninag ng isang babae sa entrada ng mall. "Kuya saglit lang. Eto, keep the change na po," sabi niya matapos mag-abot ng bayad at saka sumandal upang hindi makita.
"Please Alex, let me explain." pagmamakaawa ng babae at nakayakap na sa tuhod ni Alex. "Tumayo ka nga dyan, ayoko nang makarinig pa ng mga kasinungalingan mo," galit na sabi niya at hinihila patayo ang babae. "Minahal kita, Alex. Totoo lahat ng sinabi ko, ng actions ko sayo. Walang kasinungalingan yun," pagpapaliwanag ng babae habang umiiyak. "Hindi ko alam kung maniniwala pa 'ko sa'yo, Demi. At wala na rin akong pakialam," sagot niya. Tumalikod ang babae at lumakad sa likod ni Alex, bigla niyang niyakap patalikod. "Alex, plea-" Naputol ang sasabihin ng babae nang biglang nagsalita si Alex. "Get out." Hindi natinag si Demi sa kanyang kinatatayuan at nanatiling nakayakap. "I said, get out!" sigaw niya sa galit. Dito na natauhan ang babae at umalis.
Nang mapansin niyang wala na ang tinataguan, lumabas na siya. Naroon sa pasukan si JM at sinalubong siya. "Bakit ang tagal mo?" agad na sabi ni JM. "Wala, traffic lang. Asan na sila?," pag-iiba ni Alex. "Nasa baby section ng department store, bilisan mo." sagot ng lalaki. Agad siyang pumasok at umakyat sa ikalawang palapag ng mall.
Isang babae ang may bitbit na bata ang pinagmamasdan ni Alex. Nahihirapan ito sa pagkuha ng isang produktong nasa itaas na bahagi. Lumapit si Alex tulak ang isang cart. "Tulungan ko na po kayo," magiliw niyang sabi. "Ay thank you, hija," tugon naman ng matanda sa ikinilos ng dalaga. "Marami pa po ba kayong bibilhin? Tulungan ko na po kayo, kaunti lang naman ang sa'kin," paghikayat ni Alex. "Naku, nakakahiya naman," sagot naman ng matanda. "Ayos lang po sa akin, 'wag na kayong mahiya. Isipin niyo na lang po anak ninyo ako," giit ni Alex nang mapansing may mga pasa ang kausap. Kinuha na niya ang basket ng matanda at inilagay ito sa cart niya. "Salamat talaga, ilibre na lang kita para makabawi naman ako," wika ng matanda at nagpatuloy na sila sa pamimili.
Napagpasiyahan nilang kumain sa Mamita's Restaurant na nasa loob rin ng mall. "Andrea anak, pili ka lang ng gusto mong kainin. Pakibantayan na rin si Kenneth, magbabanyo lang ako saglit," pagpapaalam ng matanda at agad silang humanap ng mauupuan. Ibinaba niya sa silya ang mga pinamili at iniupo naman si Kenneth sa high chair. Pagkaupo ay kinuha agad ni Alex ang kanyang cellphone at nagtingin ng message. Mayroong isa galing sa "Boss" niya, kinukumusta ang lagay niya at ng target. "Magkasama na kami. Mukhang madali akong makakapasok," sagot niya sa text at ibinulsa na muli.
Sinilip niya ang menu at nakita agad ang kanyang paboritong combo meal. Saktong dating naman ng ale galing sa palikuran. "Nakapili ka na ba, hija?" agad na sabi ng matanda pagkaupo niya sa tapat ni Alex. Tumango si Alex bilang sagot at tumawag ng waiter. Umorder si Alex ng "TuLogSiTiTa" combo meal na naglalaman ng tuyo, itlog, sinangag, tinapa at tapa habang ang sa matanda ay sinigang na may dalawang rice. Habang naghihintay ay nag-usap muna sila. "Anong pinagkakaabalahan mo, nak? Nagtatrabaho o nag-aaral ka pa?" pag-uusisa niya. "Katatapos ko lang po mag-high school, taga-Sante Fe po talaga ako. Nagpunta po ako dito para humanap ng trabaho kahit kasambahay para po makaipon ng pampaaral. Ngayon po inutusan ako ng may-ari ng tinutuluyan ko pansamantala na bumili dito, hindi raw kasi siya maalam sa mga ganitong mall. Kaya pumayag na rin po ako saka para makahanap ng trabaho na rin," pagpapaliwanag niya sa matanda at tumatango-tango naman ito.
"Kayo po, ma'am Rose?" tanong ni Alex. "Wala naman, nag-aalaga lang dito sa anak namin. Dati, teacher ako pero nang manganak, hindi na ako pinagtrabaho ng mister ko. Maganda naman kasi ang trabaho niya at maginhawa ang buhay namin," sagot niya nang may mapait na ngiti. "Eh hindi 'nyo po ba namimiss ang magturo? Ako nga po namimiss kong mag-aral, siguradong kayo rin ay miss niyo nang magturo." pangungumbinsi ni Alex. "Paminsan-minsan nasasagi sa isip kong bumalik sa pagtuturo, pero ayaw ng asawa ko. Wala raw mag-aalaga sa anak namin," saad ng matanda. May sandaling katahimikan ang bumalot sa kanila at nabasag nang magsalita ang matanda. "Hindi ba naghahanap ka ng trabaho? Ikaw na lang kaya ang maging babysitter nitong si Kenneth? Teka ibabalita ko sa asawa ko pag-uwi," masiglang sabi naman nito. "Talaga po? Maraming salamat po, ma'am!" tugon ni Alex na kapantay ang sigla ng matanda. Isinulat niya ang kanyang number sa tissue at iniabot sa kasama. "Ayan po ang number ko, sana po pumayag si Sir," pakikiusap niya.