Kinabukasan ay tinanghali ako ng gising. Naramdaman ko na lang na may init na dumadampi sa mukha ko at iyon nga, nagising ako dahil sa sikat ng araw.
Pagkagising ko ay medyo naigagalaw ko na nang maayos ang aking binti. Noong umupo ako ay may naririnig akong mga tunog na tila may nagluluto. Siguro ay si tatay ‘yon, hindi siguro siya nagtatrabaho sa bukid ngayon.
Sinubukan kong tumayo.
“Aray,” sambit ko noong tinangka kong tumayo.
Narinig ‘yon ni tatay at napatakbo siya sa kwarto.
“Samantha, maupo ka muna,” sambit ni tatay.
“Hindi po tay, okay lang po ako,” tugon ko.
Siguro ay napaaray lang ako noon dahil hindi pa masyadong tuyo ang aking sugat.
Lumabas ako ng kwarto at si tatay naman ay humawak sa aking braso para alalayan ako.
Hinawakan ko ang kamay ni tatay, “okay lang po ako tay, ituloy niyo na po ang pagluluto niyo,” sambit ko.
Binitawan ako ni tatay at nagpunta siya sa kusina ako naman ay naupo sa sala at ginamot ang aking sugat.
Inalis ko ang benda at medyo mayroon ‘yong kaunting mga dugo. Kumuha ako ng plastic sa kusina at inilagay ko ang benda.
Napansin ako ni tatay, “ilagay mo na lang ‘yan dyan, ako na bahala magtapon,” sambit ni tatay.
“Hindi po ‘tay, ako na po,” sambit ko.
Tumungo ako sa bakuran at itinapon ang plastic sa basurahan. Pagkatapos ay pumasok na rin ako agad sa bahay.
“Ito anak, may natira pang tubig na pinagpakuluan ng bayabas. Gamitin mo ‘to para hugasan muli ‘yang sugat mo,” sambit ni tatay.
Kinuha ko ang kaserola at tumungo sa aming banyo. Habang hinuhugasan ko ang aking sugat ay hindi na ganoon kasakit ang kirot katulad kahapon.
Pagkatapos hugasan ang aking sugat ay lumabas na ako ng banyo. Pumunta ako ng lababo para mahugasan na ang kaserola na pinagpakuluan ng bayabas.
“Naku anak, huwag ka nga muna mag gagalaw,” paalala ni tatay.
“Ano ka ba ‘tay, okay lang po ako. Huwag na po kayo mag alala dyan,” tugon ko.
Pagkatapos maghugas ay tumungo na ako sa aming sala. Kinuha ko ang bulak at betadine para gamutin ang aking sugat.
Sa totoo lang ay hindi naman ganoon kagandahan ang aking kutis. Hindi ako maitim, hindi rin naman ako maputi, katamtaman lang ang aking kulay. Ngunit sa binti ay ni wala akong sugat. Noong bata ako wala akong natamo kahit maliit na sugat. Alagang-alaga kasi ni nanay ang binti ko. Hindi niya hinahayaan na masugatan ako. Noong bata ako kada lalabas kami ay nakapanjama ako, kada maglalaro ay nakapanjama pa rin ako. Nakakasuot lang ako ng palda kapag papasok na ng school. Sabi ni nanay noon, kaya ako laging nakapanjama para kung madapa man ako ay may nakaprotekta sa aking binti. Kaya nga iniisip ko, kung buhay pa si nanay ay magagalit ‘yon dahil nasugatan ang aking binti.
Pinunasan ko muna ng bulak ang aking sugat, para maalis ang tubig. Pagtapos ay pinahiran ko na rin ito ng betadine. Hindi ko na ‘to binendahan para matuyo na ng tuluyan.
Pagtapos kong gamutin ang aking sugat ay ganoon din ang tapos ni tatay sa pagluluto.
“Mag agahan ka na anak,” sambit ni tatay habang hinahanda ang hapag kainan.
Ibinalik ko ang ginamit kong betadine, bulak sa lagayan at tumungo na ako sa kusina. Nagluto si tatay ng sinangag, hotdog, itlog at may nilagang okra.
“Tay, parang andami naman po ng agahan natin,” sambit ko.
“Okay lang ‘yan anak para lumakas ka agad” tugon ni tatay.
Hindi kasi ako sanay na ganoon ang agahan namin ni tatay. Nasanay ako na gatas at pandesal. Iyong tipong isasawsaw mo ‘yong mainit na pandesal sa kape o gatas.
“Anak, hindi na kita ginising para pumasok, mahimbing kasi ang pagkakatulog mo at pakiramdam ko ay hindi mo pa kakayanin maglakad ng medyo malayo,” sambit ni tatay.
“Okay lang po ‘tay. Pakiramdam ko rin naman po ay hindi ko kakayanin dahil hindi pa po gaanong tuyo ang aking sugat at medyo kumikirot pa,” paliwanag ko. “Magbibigay na lang po ako ng excuse letter bukas tay,” dagdag ko pa.
“Sige anak, ako na ang magsusulat ng excuse letter mamaya,” sambit ni tatay.
“Salamat po,” tugon ko.
“Tay? hindi po ba kayo pumasok ngayong araw?” tanong ko kay tatay.
“Pupunta na lamang ako sa bukid mamaya anak. Hindi naman kita maiwan sa ganyang kalagayan. Dumaan naman na si Etong, sinabi ko sa kanya na mamayang hapon na lamang ako pupunta kapag nakapagluto na ako at nagawa ang gawaing bahay, at sabi ko ay hindi rin kita maiwan,” paliwanag ni tatay.
Si Kuya Etong ay ang katrabaho ni tatay sa bukid.
“Sorry po ‘tay,” sambit ko.
“Bakit naman?” tugon ni tatay.
“Eh, kasi po dahil sa akin hindi kayo maagang nakapunta sa bukid.”
“Ano ka ba, walang problema roon. Kung umalis ako ng maaga hindi rin ako makakapagfocus sa trabaho. Gusto ko nasa mabuting kalagayan ka muna bago ako magtrabaho,” habang sinasambit ni tatay ang mga salitang ito ay hindi ko maiwasan na maluha.
“Thank you ‘tay,” sambit ko habang tumutulo ang mga luha mula sa aking mga mata.
“Oh, bakit ka naman naiyak diyan?” tanong ni tatay.
“Eh, kasi ikaw tay eh,” tugon ko.
“Alam mo naman diba na tutuparin ko ang pinangako sa nanay mo na aalagaan kitang mabuti,” sambit ni tatay.
Tumayo ako at pumunta sa likod ni tatay.
“Thank you tay, the best ka talaga,” sambit ko habang yakap si tatay at umiiyak.
Tinapik ni tatay ang kamay ko sabay sabing, “ikaw din anak, the best ka, manang-mana ka kay tatay.”
Tumayo na ako at bumalik sa aking upuan.
“Kay nanay kaya ako nagmana tay,” pagbibiro ko.
Tumingin si tatay sa picture ni nanay na nakadisplay sa sala, “asawa ko, ang anak mo ay sa ‘yo raw nagmana, hindi ako papayag,” sambit ni tatay habang natatawa.
“Oh, magpatuloy na sa pagkain,” muling sambit ni tatay.
Nagpatuloy ako sa pagkain.
Pagtapos kumain ay tumayo ako. Kinuha ko ang mga plato.
“Tay ako na po bahala rito” sambit ko.
“Hindi na anak, ako na, maupo ka na sa sala at magpahinga roon,” tugon ni tatay.
“Hindi po ‘tay, ako na po. Tignan mo ‘tay malakas na ‘yong binti ko,” sambit ko habang pinapadyak ang aking binti.
“Sige na anak, maupo ka na roon at magpahinga. Sundin mo na si tatay.”
“Sige po.”
Tumungo na ako sa sala at doon ay nagpahinga. Medyo kumikirot ang aking sugat, siiguro ay dahil sa pagpadyak ko kanina.
Naupo ako sa sala at sumabay naman ang malakas na buhos ng ulan. Tumungo ako sa aming pintuan at doon ay pinagmasdan ang bawat patak ng ulan Nararamdaman ko rin ang lamig na dulot ng ulan. Sa totoo lang ay namamangha ako sa dalang pakiramdam ng ulan. Ang ulan ay naghahatid ng halo-halong emosyon. Marahil marami sa atin ay nakakaramdam ng lungkot kapag umuulan. Kasabay ng pagbuhos ng ulan ay may mga bagay tayong naalala na gusto ng makalimutan. Ang iba naman ay nagiging masaya kapag umuulan. Lalo na ang mga bata, masisilayan mo sa kanilang mga ngiti ang kanilang saya habang nagtatampisaw. Para sa akin ‘yan ang dalang magic ng ulan. At kung ako ang tatanungin, kung anong emosyon ang aking nararamdaman. Marahil noong bata pa ako ay galak ang aking nararamdaman. Masaya akong nagtatampisaw sa ulan. Ngunit noong nawala na si nanay, ang mga ngiti ko ay naglaho na. Ang simoy ng hangin, ang pagbuhos ng ulan ay sumasabay sa pag alala ko sa aking nanay.
“Samantha, maupo ka na at baka mabasa ka riyan,” sambit ni tatay.
“Hindi po ‘tay, narito lang naman po ako sa pinto,” tugon ko.
Matagal din akong nanatili sa aking pwesto. Pinagmasdan ko lang ang ulan. Masarap minsan sa pakiramdam ang dala nitong mundo na ang tanging maririnig mo lang ay ang bawat patak. Noong tumila na ang ulan ay naupo na ako sa aming sala.
Si tatay naman ay nakapaghugas na at nakapag linis.
“Buti ay tumila na ang ulan,” sambit ni tatay.
“Aalis na po ba kayo?” usisa ko.
“Oo anak, maiiwan muna kita rito. Ibibilin muna kita sa mama ni Ate Joana,” sambit ni tatay.
“Naku tay, hindi na po kailangan,” tugon ko.
“Sasabihin ko lang na tingnan-tingnan ka,” sambit ni tatay. “Basta sumigaw ka lang dyan sa labas kapag may kailangan ka at pupunta na ‘yon dito,” dagdag pa ni tatay.
“Sige po ‘tay, pero hindi na po kailangan. Wala naman po akong ibang gagawin baka magbasa lang po ako ng libro na nariyan,” tugon ko.
“Sige anak, huwag ka na muna magkikilos huh. Pupunta lang muna ako sa bukid at sayang naman ang kikitain ko ngayong araw,” sambit ni tatay habang kinukuha ang kanyang mga gamit.
“Nakapagluto na rin ako para sa hapunan kaya wala ka ng dapat problemahin. Ang gawin mo lang ay ipahinga ‘yang binti mo,” dagdag pa niya.
“Opo tay, ano ka ba tay. Masyado mo naman akong binababy, okay lang po ako tay. Pumunta na po kayo sa bukid,” tugon ko.
“Sige anak, alis na ko.”
“Ingat po.”
Umalis na si tatay at ako naman ay naiwan lang sa aming bahay.
Nahiga muna ako para umidlip saglit. Makalipas ang ilang minuto ay nagising ako dahil umuulan na naman.
Agad akong tumungo sa aming bakuran para kunin ang mga sinampay ni tatay na damit noong tumila ang ulan. Akala siguro ni tatay hindi na muli pang uulan kaya siya nagsampay.
Pagkadating ko sa bakuran ay medyo mataas ang sampayan. Tumalon ako at…
“Aray,” sambit ko sabay hawak sa aking binti. Medyo kumikirot pa rin ang aking sugat. Dahil kumikirot ang aking sugat ay hindi na ako sumubok pang tumalon muli. Pumasok na ako ng bahay at kinuha ang panungkit.
Kinuha ko ang mga sampay at medyo ako nga ay nabasa. Sinampay kong muli ang mga damit sa loob ng bahay.
Pagkatapos magsampay ay tumungo ako sa aking kwarto. Kinuha ko ang libro na patungkol sa law.
Naupo ako sa sala at sinimulan ko itong iiscan. Habang nililipat ko ang mga pahina ay namamangha ako sa kung gaano karami ang mga letrang nakasulat sa bawat piraso ng papel.
“Ganito ba ang dapat kong pag-aralan kapag nag aral na ako ng law? ganito ba karami ang dapat kong kabisaduhin,” bulong ko sa aking sarili.
“Aba’y sana kayanin ko,” bulong kong muli.
“Kakayanin mo ‘yan Samantha, para kay nanay at tatay.”
Pagkatapos kong iiscan ang libro ay bumalik ako sa unang pahina.
Sa first page ay nakasulat ang…
THE 1987 CONSTITUTION OF THE REPUBLIC OF THE PHILIPPINES, PREAMBLE
Binasa ko ang bawat salita na nasa baba ng title.
“We, the sovereign Filipino people, imploring the aid of Almighty God, in order to build a just and humane society, and establish a Government that shall embody our ideals and aspirations, promote the common good, conserve and develop our patrimony, and secure to ourselves and our posterity, the blessings of independence and democracy under the rule of law and a regime of truth, justice, freedom, love, equality, and peace, do ordain and promulgate this Constitution,” ang aking pagkabasa
Pagtapos basahin ang preamble ay napasabi na lamang ako ng…
“Naku, ang lalim naman ng mga salita na narito.”
“Pero dapat ay maintindihan ko ‘to at makabisado,” bulong ko sa aking sarili.
Tumayo ako at tumungo sa aking kwarto para kunin ang dictionary.
Isinulat ko ang mga salita na hindi ako masyadong pamilyar.
“Sovereign, patrimony, regime, promulgate,” sambit ko habang sinusulat ang bawat salita.
Hinanap ko ang kahulugan ng bawat salita at isinulat din ‘yon. Inintindi ko ang kanilang kahulugan para maintindihan ko ng maayos kung ano ang mensaheng nais iparating ng Preamble.
Binasa kong muli ang bawat kahulugan ng salita at pagkatapos ay binasa ko ring muli ang Preamble.
Makalipas ang ilang minutong pag-iisip ay doon ko napagtanto kung ano ang mensaheng nais nitong iparating.
“Ito pala ang kahulugan nito, ang hikayatin ang bawat Pilipino na mahalin ang sarili nilang Bayan ang Perlas ng Silanganan. Bilang isang Pilipino, marapat lang na gampanan ang ating mga tungkulin. Bilang isang Pilipino marapat na maging isang boses at kumilos tayo tungo sa pagmamahal, pagkakaisa at kapayapaan.”
Habang nagkakaroon ako ng realizations tungkol sa mensahe ng Preamble ay hindi ko maiwasan na kilabutan. Dito ko kasi napatunayan na ito ang landas na gusto kong tahakin. Mas nagkaroon ako ng motibasyon na kahit mahirap ay kakayanin ko at magpapatuloy ako.