CHAPTER 6

1258 Words
GEORGINA’S POV Lunch na nang dumating si Jamie para magluto at sabay sabay kaming kumain. Nakausap ko na rin siya tungkol sa balak kong pag aaralin si Jenny. Inamin ko na rin sa kanya ang totoong dahilan kung bakit ako narito. Nalungkot man siya noong una, naging maayos din naman kami pagkatapos. “Pwede magtanong, Jam?” Tumango siya habang kumakain. “Ano ang ikinamatay ng asawa ni Dondon?” Napatingin siya sa akin, saka kay Jenny na mabilis na palang natapos kumain. “Jenny, sa labas ka muna at maglaro.” “Opo, Ate Jam.” Mabilis namang tumakbo palabas ang bata. Nang makaalis na si Jenny, saka muling nagsalita si Jamie. “Hindi ko masasabi ang buong detalye, G. Pero madaling araw kasi noon nang may narinig kaming putok ng baril mula sa loob ng bahay nila. Nang puntahan namin, nakabulagta na si Grace sa paanan ng hagdan. Mas nagulat pa kami nang makita naming hawak ni Dondon ang baril. Limang taon siyang nakulong, G, pero hindi kami naniniwalang siya ang pumatay.” Tahimik lang akong nakinig. “At mas lalo akong naawa sa kanya dahil nang makalabas siya, para na rin niyang ikinulong ang sarili niya rito sa isla. Kaya paano niya ibebenta ito kung siya mismo ayaw bitawan ang mga alaala ni Grace na nandito?” Napakagat ako sa labi ko. Kaya pala kahit gaano kaganda ang mga mata niya, mas nangingibabaw pa rin ang lungkot doon. Ang lalim niyang tumingin, parang tumatagos hanggang kaluluwa. “Saan ang pamilya niya?” “Nasa Maynila. Iyong lolo at lola niya naman nasa ibang bansa, ewan ko lang kung saan. Pinapasunod nga siya roon pero ayaw niya.” Napatango na lang ako. Pagkatapos naming kumain, si Jamie pa rin ang naghugas ng mga pinagkainan. Kinuha ko naman ang mga gamit ko sa pagpipinta at lumabas ng bahay. Si Jenny kasi ay papapasukin na rin ni Jamie sa eskuwela kinabukasan, kaya naisip kong sulitin muna ang oras ko. Pumunta ako sa may batis at naghanap ng magandang anggulo kung saan pinakamagandang ipinta ang paligid. Nang makapili na ako ng pwesto, inayos ko ang mga gamit ko at nagsimula nang magpinta. Ilang oras din ang lumipas bago ko natapos. Sa ginawa kong painting, dinagdagan ko ang tanawin ng isang lalaking nakatayo sa ilalim ng bumubuhos na tubig, dinaramdam ang lamig nito habang nakatingala sa taas at nakahawak sa buhok. Pagkatapos, sinulatan ko ng isang mensahe ang gilid ng larawan. Being soaked in a waterfall, feeling cold from the air, hearing the sound of falling leaves, touched by the rays of the sun. Proofs that you are no longer here, and it is killing me softly. Nang matapos ako, niligpit ko ang mga gamit ko. Kahit mabigat, kaya ko naman dahil sanay na ako. Hindi pa ako nakakalabas ng gubat nang bigla akong makaramdam ng kakaiba. Agad akong napalingon sa direksyong pinanggalingan ng pakiramdam na iyon, pero nang wala naman akong makita at bigla rin iyong nawala, nagpatuloy na lang ako sa paglalakad. Habang pauwi, may nadaanan akong ilang manong na nakatambay sa labas ng isang bahay. Napatingin sila sa dala kong painting, at isa sa kanila ang nagsalita kaya napahinto ako. “Miss, nagpinta ka pala. Gusto mong gawan iyan ng frame? Gumagawa ako niyan, Miss. Umuukit din kasi ako. Mura lang.” Napatingin ako sa hawak kong painting bago ngumiti. “Sige po, Manong.” Iniabot ko sa kanya ang pintura. “Ang ganda naman nito, Miss. Pero ang lungkot lungkot naman ng pininta mo.” Ngumiti lang ako sa kanya. “Sige, ako na ang bahala rito. Ihahatid ko na lang ito kina Jamie pagkatapos.” “Salamat po, Manong.” Pagkasabi ko niyon ay nagpaalam na ako at nagpatuloy sa paglalakad. Pagkarating ko sa bahay, inilagay ko lang sa kuwarto ang mga gamit ko bago ulit lumabas. Hahanapin ko ang lalaking iyon. Alas kuwatro na ng hapon. Saan ko kaya siya mahahanap sa ganitong oras? Pumunta muna ako sa bahay niya at kumatok, pero walang sumasagot. Maya maya ay may lumapit na matanda sa akin. “Iha, wala si Dondon diyan. Baka nasa kakahuyan pa at kumukuha ng panggatong.” “Salamat po.” Agad akong umalis at nagtungo sa lugar kung saan ko siya unang nakita, pero wala rin siya roon. Kaya naglibot pa ako. Hanggang sa nakita ko siya. Nasa paanan siya ng isang malaking puno, nakaupo at nakasandal habang nakapikit. Tahimik lang siya roon, na parang pagod sa buong mundo. Dahan dahan akong lumapit nang hindi siya mapapansin. Nang makalapit na ako, naupo ako sa harap niya at pinagmasdan ang mukha niya. Maganda ang hubog ng mga kilay niya at makakapal pa. Sobrang tangos ng ilong, mahahaba ang pilik mata, at iyong mga labi niya, mapupula at ang ganda ng hugis. Hindi ko namalayan na naitataas ko na pala ang kamay ko. Unti unti kong tinuturo ang bawat parte ng mukha niyang pinagmamasdan ko gamit ang daliri ko, pero bigla niya iyong hinawakan. Nagulat ako at agad niyang iminulat ang mga mata niya. Tumingin siya diretso sa akin. Bigla akong kinabahan sa paraan ng pagtitig niya. “Anong ginagawa mo?” galit niyang tanong. “Wala. Tutusukin lang sana kita para masiguradong buhay ka pa.” Mabilis kong binawi ang daliri ko. Bigla siyang tumayo kaya napatayo rin ako. “Umalis ka na.” Tinalikuran niya ako at nagsimulang pulutin ang mga sanga ng kahoy sa paligid bago ipinatong ang mga iyon sa braso niya. “Ayoko. Kakausapin pa kita.” “Tapos na tayong mag usap kahapon, kaya makakaalis ka na.” Nakaismid akong tumingin sa kanya. “Kaya nga, dahil no ang sagot mo, hindi rin ako titigil hanggang sa maging yes iyan.” Agad siyang humarap sa akin at mariing tinitigan ako sa mata. “Can’t you understand? Hindi ko ibebenta dahil hindi ko naman ibinebenta. Kahit ikamatay ko pa, hinding hindi ko gagawin.” “Kahit kalahati na lang ng isla.” “Hindi nga, di ba?” “Tsk.” Napahawak ako sa ulo ko at napakagat sa labi. Napansin ko naman na napatingin siya sa labi ko kaya tinaasan ko siya ng kilay. Agad naman niyang inalis ang tingin niya. “Bahala ka nga diyan.” Tinalikuran ko siya at naglakad palayo, pero hindi ko napansin na may bangin pala sa dinaanan ko. Isang maling hakbang lang. At bigla akong nahulog. Sigaw niya ang huli kong narinig bago ako tuluyang bumagsak. Author’s POV Nabitawan ng lalaki ang mga kahoy na pasan niya at mabilis na tumakbo palapit sa bahaging pinaghulugan ng babae. Pagsilip niya, nakita niyang nakahandusay ito sa ibaba ng bangin. Mabilis niyang hinanap ang daan pababa at dali daling bumaba para marating ang babae. Ilang sandali pa, pabalik na siya sa bahay niya habang buhat ang walang malay na dalaga. Lahat ng nadaanan niya ay napapatingin at nagtatanong kung ano ang nangyari, pero hindi niya pinansin ang kahit sino. Dinala niya ang babae sa loob ng kuwarto niya at marahang inihiga sa kama. Pagkatapos ay kumuha siya ng mga gamit na puwedeng ipanggamot dito. Nang makabalik siya, inuna niyang gamutin ang mga sugat sa mga braso ng babae. Sunod niyang nilinis ang mga sugat nito sa mukha. Habang ginagawa iyon, hindi niya maiwasang mapatitig sa maamo nitong mukha. Nang matapos niya ang mga sugat sa bandang itaas ng katawan ng dalaga, saka bumaba ang tingin niya sa mga hita nito. Madumi ang mga iyon, pati ang suot nitong damit, ngunit hindi niya naman ito puwedeng hubaran. Napahinto siya nang makarinig ng katok sa pinto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD