NAKABALIK na si Yuan sa Maynila. Sinadya ni Attorney Manuel Lorenzo si Yuan sa tinutuluyan nitong Penthouse.
“Maupo ka, Attorney,” ani Yuan habang iminuwestra nito ang upuan sa harap ng mesa niya. Umupo ang lalaki sa harap at may inilatag na envelope sa mesa ng lalaki.
“Ito na ba ‘yon, Attorney?” Kinuha niya ang envelope.
“Nariyan na lahat ng mga kailangan mo,” anang attorney.
Isa-isang tiningnan iyon ng lalaki. Mga report tungkol sa kompanya.
“Set a meeting for the whole office, Attorney. Make sure, that woman will attend. She will be my very special guest on that day!” mariing sabi nito sa kausap. Matigas ang anyo ni Yuan.
Sa matagal na panahon, ngayon lang siya magpapakita sa naging pangalawang pamilya ng kanyang Daddy Rodolfo.
Nang unang nakausap niya si Attonerny noong bumalik siya ng Pilipinas, ay nabanggit nito sa kanya na matagal nang patay ang babaeng kinakasama ng daddy niya. Tanging ang adopted daughter na lang nito ang naiwan at ngayon ay nakatira sa kanilang mansiyon.
Ano kaya kung bigla ko itong puntahan at palayasin? Ang kapal ng mukha nila para bastusin ang mansiyon ng mga magulang ko. Sa pagkakaalam niya ang mansiyon na iyon ay naipundar ng kanyang mga magulang noong bagong kasal pa lamang ang mga ito. Kaya walang sinumang sampid ang may karapatang makinabang dito.
“Wala namang problema roon, Yuan. Isa pa, wala kang dapat ipag-alala maayos naman ang lahat. Iyong-iyo ang lahat ng mga ari-arian ng daddy mo. Alam mo bang walang iniwan na kahit anong mana ang daddy mo sa ampon niya?” anang attorney.
Napasandal si Yuan sa swivel chair at naningkit ang mga mata, hindi makapaniwalang tumingin kay Manuel.
“Really? I can’t believe what you said. Ilang taon niya itong kasama. Itinuring niyang anak, tapos sasabihin mong walang iniwan sa kanya si Dad?”
“Pero iyon ang totoo. Walang ipinamana kahit ano kay Faith, maliban sa posisyon nito sa kompanya,” saad ng attorney.
“Wait, Faith? Sinong Faith?” tila kinutuban siya nang marinig ang pangalang iyon. Parang kinurot ang kanyang puso. Ang kanyang puso na tila naiwan sa isla. Bakit sa dinami-dami ng pangalan ay iyon pa ang naging pangalan ng ampon ng kanyang daddy?
“Iyan mismo ang gusto kong sabihin sa’yo noong nasa isla ka pa. Pero ayaw mo akong magkuwento ng kahit ano tungkol sa kompanya at tungkol sa ampon ng daddy mo.”
Agad na tiningnan ni Yuan ang iba pang nilalaman ng envelope. Bumungad agad sa kanya ang Personal Information ng babae kasama ang litrato nito. Napatda siya. Halos mabitiwan niya ang hawak-hawak na papel. Si Faith? Si Faith Cepeda ang adopted daughter ni Dad? Natigilan siya habang nakatitig sa papel.
Matagal na niya itong gustong makaharap. Inipon ang damdaming puno ng poot. Dahil buong buhay niya ay hindi niya naranasan ang makapiling ang kanyang ama, nang dahil sa pinili nitong pamilya. Lumaki siyang malayo at pinilit na manirahan sa ibang bansa kasama ang kanyang ina. Bumalik siya naghahanap ng pagmamahal ng isang ama, pero huli na ang lahat dahil wala na rin ito.
“Yuan, matagal na kayong hinahanap ng daddy mo,” anang attorney.
Hindi niya alam kung sinadya ng mommy niya na huwag magpakita sa kanyang daddy at ilayo siya sa loob ng mahabang panahon. Hindi naman lingid sa kanyang daddy ang resthouse nila sa Samal, at alam nitong posibleng nandoon sila ng mommy niya. Pero hindi pa rin sila nito pinuntahan. Marahil ay ayaw nitong tumapak sa teritoryo ng kanyang ina.
Ang resthouse sa Samal ay pag-aari ng kanyang yumaong ina. Noong nagsasama pa ang mga ito ay madalas silang magbakasyon doon. Noong nasa Maynila na sila ay madalas pa rin bumibisita ang kanyang ama sa resthouse na iyon. Naging dahilan iyon ng madalas na pag-aaway ng kanyang mommy at daddy. Hanggang sa isang araw ay tuluyan na nga itong naghiwalay.
Umalis sila ng kanyang ina. Isinama siya nito sa States at hindi na muling nagpakita pa sa kanyang ama.
Napailing si Yuan. Hindi mababago ng ganoon lang ang kanyang nararamdaman sa ama.
“Hinanap? He has all the opportunity to find us, to find me! Kahit ayaw niya kay Mom, anak niya pa rin ako. And I have the right to demand attention from him! Pero hindi niya ginawa! He didn’t bother to see me, even if he knew that we’re just in Samal!” Ngayon lang siya naglabas ng sama ng loob. Kahit noong nabubuhay pa ang kanyang ina ay wala siyang sinasabi. Ayaw na niya ito bigyan ng sama ng loob. Pinakita niyang sapat ang pagmamahal nito para sa kanya. Pero sa kaibuturan ng kanyang puso ay may kulang pa rin, mayroon siyang hinahanap.
“Mahal na mahal ka ng daddy mo, Yuan. Gumawa siya ng Last Will and Testament at saiyo na ipinamana ang lahat. Kahit sa ganoong paraan man lang daw ay makabawi siya sa’yo,” salaysay ng attorney.
Umigting ang kanyang mga panga habang nangingilid ang mga luha.
“Hindi nabibili ang pagmamahal at atensiyon, Attorney,” mahinang sabi niya.
Hindi niya akalaing si Faith ang babaeng matagal na niyang kinapopootan. Kahit na masakit para sa kanya pero hindi niya maisantabi ang pagtingin niya sa dalaga.
“By the way, si Faith ay nakatakda sanang ipakasal sa anak ni Brandon Santillan na si Joshua. Pero mukhang hindi na iyon matutuloy. Ang kumakalat na balita ay sumama raw itong si Faith sa ibang lalaki. Pero hindi ako naniniwala. Kilala ko si Faith. Alam kong pakana lang ni Brandon iyon para iyon ang paniwalaan ng lahat at para hindi masira ang imahe ng kanilang pamilya. Mula nang malaman nito na ampon lang si Faith ay tumabang ang pakikitungo ng mga ito sa dalaga. Pinagkasundo lang sila ng daddy mo at ni Brandon,” salaysay ni Manuel.
“At ano naman ang motibo ni Dad para ipakasal ang ampon niya sa anak nitong Santillan?” tanong niya.
“Siguro, dahil wala nga siyang iniwang mana kay Faith. Kahit papaano alam ng daddy mo na nasa mabuting mga kamay si Faith kapag si Joshua ang mapapangasawa nito. Kahit naman siguro kaunti minahal din siya ng daddy mo bilang anak,” anang attorney.
Lalong nag-tiim bagang si Yuan sa narinig. That bastartd guy! Ang anak ni Brandon Santillan na si Joshua ang gustong ipakasal kay Faith? At bakit hindi na matutuloy? Is it because of money? Dahil hindi si Faith ang successor ay basta na lang niya ito iniwan? Napangiti ito ng mapait na tila puno ng galit at paghihiganti.
Pero bakit hindi niya magagawang magalit kay Faith ngayong alam na niya ang lahat. Bagkus ay nakaramdam siya ng awa sa dalaga. Nagpasalamat na lang siya at hindi niya ito naging kapatid dahil pag nagkataon ay madudurog ang kanyang puso.
“Are you okay, Yuan? Ano bang pinaplano mo?” tanong ng attorney nang mapansin ang pananahimik at pagkabalisa ng lalaki.
“Cancel the meeting, Attorney,” ani Yuan na umangat nang tingin sa kausap. Ayaw niyang makaharap si Faith. Pananatilihin na lamang niyang sekreto ang lahat.
“What? Pero, Yuan, ngayon ka pa ba uurong? Nandito kana at hinihintay kana nila. Gusto nila makilala ang papalit kay Rodolfo. Isa pa, maraming problema ang kompanya kaya kung ako sayo magpakilala ka na. ‘Di ba ito naman talaga ang gusto mong mangyari? Unless may naiisip ka pang ibang gagawin.”
Tumango-tango si Yuan, tila nakumbinse na ito ni Manuel.
Wala na siyang magagawa kundi harapin ang lahat. Pero bago iyon ay kailangan muna niyang makausap si Faith. Hindi pa ito alam ni Faith. Malamang ay mabibigla ang dalaga kapag nagkita sila nito sa kompanya. Uunahan na niyang sabihin sa dalaga ang lahat tutal nasa isla pa naman ito.
“Pa’no, Yuan, aalis na ako magkita na lang tayo sa meeting,” paalam ni Attorney Lorenzo na tumayo na sa kinauupuan.
“Okay. Sige, Attorney, salamat,” matipid na tugon niya. Kinamayan niya ito at nagpaalam na ang lalaki.
Nang makalabas na ang attorney ng silid ay agad na kinuha niya ang kanyang cellphone. Mabilis na tinawagan niya ang numero ni Aling Flora. Kailangan niyang makausap si Faith.
“Aling Flora, si Faith gusto kong makausap,” wika niya.
“Sir, ‘yan nga ang gusto ko sanang sabihin sayo. ‘Buti na lang at napatawag ka wala kasi akong load, kaya hindi ako nakatawag sayo,” anang ginang sa kabilang linya.
“Bakit? May nangyari ba d’yan?” usisa niya.
“Sir, kasi si Faith.”
“Anong tungkol kay Faith?” kinabahan siya.
“Umalis siya, Sir.”
“Ano? Umalis? P-paanong, saan daw s’ya pupunta?!” tarantang tanong ng lalaki. Sinadya niyang hindi magpaalam sa babae noong umalis siya. Alam niyang may pinagdadaanan ito pero sumama ang loob niya sa nangyari sa isla.
Mukhang tinamaan na yata siya ng pagkapikon. Well hindi naman kasi likas sa kanya ang maging pasensyoso sa babae. Kung tutuusin kay Faith lang niya naibigay ang pinakamahabang pasensya.
Kaya ayaw na muna niya itong lapitan. Pakiramdam niya ay hindi makakatulong sa dalaga na makapag-move on kapag nakikita siya. Palagay niya ay parang may trauma ito sa mga lalaki.
Naunawaan naman niya iyon, epekto marahil iyon ng pagkakadukot sa dalaga. Hindi niya alam kung ano talaga ang nangyari. Pero may mga pagkakataong nakikita niya itong takot na takot at umiiyak.
“Hindi ko po alam, Sir. Pero ang sabi niya baka raw bumalik na siya ng Maynila. Kaya hinatid siya ni Cadyo sa bayan.”.
“Teka, walang pera ‘yon ah.”
“Binigay ko na lang ‘yong sinahod ko, Sir. Naawa ako sa babaeng ‘yon mukhang kailangan na niya makalabas ng isla. Palagay ko lalo lamang niya naalala ang mga nangyari. Lalo na noong Umalis kayo, Sir. Kaya naisip ko na baka pag nakabalik na siya ng Maynila ay makalimutan na niya iyon.”
Napailing ang lalaki. Tila nagkamali siya ng desisyon. Sana pala ay isinama na lang niya ito pabalik ng Maynila nang hindi siya nag-aalala ng ganito. Hindi malayong bumalik na ito sa kompanya, kaya kailangan na niyang ihanda ang sarili sa kanilang paghaharap.
“Sige, Aling Flora, salamat. Makikita ko pa rin naman ang babaeng iyon. Bibigyan na lang kita ulit ng pera ipapadala ko na lang,” tugon niya.
“Paano pa kayo magkikita, eh napakalaki ng Maynila?”
“Aling Flora, naman parang hindi ka yata bilib sa akin. Nahanap ko nga ang mommy niya, ‘di ba? Siya pa kaya?”
“Sir, alam mo bang nalungkot ‘yon nung umalis ka.”
May tuwa siyang naramdaman sa narinig. Ibig sabihin pala kahit papaano ay na-miss siya ng dalaga.
“Siyempre naman. Saan pa siya makakakita ng ganito kagandang lalaki,” pagbibiro niya. Excited na siyang makita muli si Faith, pero hindi niya alam kung papaano niya sasabihin ang lahat.