CHAPTER 7

4069 Words
NAGBABASA si Yuan ng magazine sa may veranda nang biglang mag-ring ang kanyang cellphone. Agad niya itong dinampot. “Yes, Attorney.” “I think you need to come back immediately, Yuan.” “Kailangan na ba talaga, Attorney? Gusto ko pa sanang sulitin ang bakasyon ko rito sa isla,” aniya. “Kailangan na, Yuan. Maraming kinakaharap na problema ang kompanya,” saad ng nasa kabilang linya. Napakagat labi ang lalaki. Napabuntong-hininga at tumango-tango na lang. “Okay, sige, Attorney.” Iyon lang at ibinaba na nito ang cellphone. Bigla siyang nalungkot. Ayaw niya pa kasing umalis sa isla. Aminin man niya sa hindi tila nagkakagusto na siya kay Faith at baka nga mahal na niya ito. Masaya siyang kasama ang dalaga kahit na madalas silang magkainisan. Kung tutuusin walang-wala naman sa bokabularyo niya ang ma-inlove sa babaeng kagaya ni Faith. She’s a nobody kumpara sa mga babaeng nakaka-date niya at humahabol sa kanya Most of them are rich and sophisticated women. Idagdag pa, she’s not liberated kaya boring, madalas moody at minsan nananampal pa. Napailing na lang siya. Naunawaan niyang may pinagdadaanan ang dalaga. He’s not the kind of man who is patient with a woman. Kaya nagtataka siya kung bakit nakapagtitimpi siya pagdating kay Faith. “Nasa’n na nga pala ang babaeng iyon? Maasar nga,” usal niya. Hinagilap niya ito sa loob ng bahay pero hindi niya makita. “Aling Flora, asan ho si Faith?” Napatingin ang ginang sa kanya na abala sa paghihiwa ng mga gulay. “Nandito lang iyon, Sir, kanina tinulungan pa nga ako dito sa kusina maglinis, eh,” anang ginang. “Okay. Sige, ho hahanapin ko na lang sa paligid.” “Baka nasa baybayin, Sir,” pahabol na sabi ng ginang sa binata. Lumabas si Yuan at tinungo ang baybayin. Sinuyod niya ang kahabaan ng pinong baybayin. Nakita niya si Faith sa ‘di kalayuan, namumulot ng mga sea shell. Napangiti siya habang palapit sa dalaga. Hawak niya ang kanyang cellphone, kaya naisipan niyang kuhanan ito ng pictures at video. “Faith, tingin ka rito!” Boses ni Yuan na umagaw ng pansin ni Faith. Lumingon ang dalaga at nakita niyang kinukuhanan siya ng video ng lalaki. Ayaw niya makuhanan ng video sa ganoong ayos. Kung magpapa-litrato man siya o magpapakuha ng video gusto niya ay maganda ang hitsura siya. Tumayo siya at hinabol ang lalaki. Nakangiti ito at tuwang-tuwa sa pagkuha ng video sa kanya gamit ang cellphone. “Huwag sabi, eh! Burahin mo ‘yan!” ani Faith. “Ayoko nga!” sagot ng lalaki. “Nakakainis ka talaga!” Binilisan niya ang takbo kaya naabutan niya ito. Pilit niyang kinukuha ang cellphone. Pero hindi niya makuha dahil ‘di hamak na mas matangkad ito sa kanya. Nilagay nito sa likod ang mga kamay habang nakaharap sa kanya. Pilit niya itong inaabot. Hindi niya namalayang nakapulupot na pala ang kanyang mga kamay sa katawan ng lalaki habang inaabot ang cellphone sa likuran nito. “Uy! Ano to? Bakit mo ako niyayakap? Mabuti na lang at hindi ako mareklamong tao,” sabi nitong nakangisi sa kanya. Napaatras siya at tinampal sa tiyan ang lalaki nang mapagtanto niyang sinasadya nitong mapayakap siya sa katawan nito. Tawa pa rin ito ng tawa. “Ewan, ko sayo! Bahala ka nga riyan!” aniya. Napangiti na lamang siya nang makita niya na sobrang saya ang mukha ng lalaki. Itinuloy na lang niya ang pangunguha ng shell. MASAYANG pinagmasdan ni Yuan ang dalaga na namumulot ng sea shell. Siya naman ay nakaupo lang sa puting buhangin. Napansin niya ang suot nito, t-shirt at short niya iyon. Sinadya niyang hindi bilhan ng mga damit ang dalaga noong pumunta siya sa bayan. Dahil gusto niyang sinusuot nito ang kanyang mga damit. Tanging mga panloob lang na saplot ang binili niya. Pinasabi niya kay Aling Flora na sabihing ito ang bumili, para naman hindi mahiya sa kanya ang dalaga. Gustong-gusto niyang alagaan ang babaeng ito na napulot niya. Tila isang bagay na napulot na gusto niyang angkinin at huwag nang ibalik sa may-ari. Hanggang sa napadako ang kanyang tingin sa magagandang legs nito. “Stop it Yuan, lust is bad for your health,” saway niya sa pilyong imahinasyon. kahit ano yata ang isuot ng dalaga ay hindi nababawasan ang ganda nito. Kahit noong una pa lang niya itong nakita na nakahandusay sa tabing dagat ay hindi niya maikaila sa sarili na nagandahan siya rito. “Ang weird mo Yuan. Sa dinami-dami ng magagandang babae na dumaan sa buhay mo, parang ngayon ka lang nagkaroon ng ganyang atraksyon sa babae” usal niya sa kanyang sarili. Napangiti na lamang siya. “Ano’ng mga ‘yan?” tanong niya sa dalaga. “E, di collection.” “Collection? Mahilig ka pala mag-collect ng mga ganyan?” tanong niya. “Yup. May naisip akong gawin sa mga ito.” Bahagyang nakangiti ang mga mata ng dalaga nang sumagot sa kaniya. “Talaga? Gusto mo bang manguha tayo ng ganyan? May alam ako kung saan mas marami at magaganda,” suhestiyon niya. “Talaga saan?” interesadong tanong ng dalaga. “Sa Islang Bato,” anang lalaki, “Sandali lang, ha, at tatawagin ko si Tiyo Cadyo para ihatid tayo roon.” Sinundan ni Faith ng tingin ang sinesenyasang si Tiyo Cadyo na nagtutulak ng isang bangkang di-motor papunta sa dalampasigan. Nag-excite siya kung saan ang sinasabi nitong Islang Bato. Sa wakas ay makakapamasyal na siya kasama ang lalaki. “Halika, doon tayo sa bangka,” yaya ng lalaki. Naalala niya ang mga alon sa dagat noong gabing dinukot siya. Biglang tumahip ang kanyang kaba. “Ayoko,” tanggi niya. Pero hinawakan siya nito kamay at marahang hinila papunta sa bangka. “Ayoko, Yuan.” Nag-alinlangang binawi niya ang kamay sa pagkakahawak ng lalaki. “Bakit naman?” tanong ng lalaki. “Ayokong sumakay sa bangka,” tanggi niya. Muli nitong hinawakan ang kamay niya. “Trust me, malapit lang. Ayan lang sa kabilang isla,” sabay turo sa Islang Bato na tila nakapatong sa puting buhangin. Tumango na lang siya. Hinawakan nito ang kanyang kamay at inalalayan siya paakyat ng bangka. Dama niya ang init ng mga palad nito. Huminga siya nang malalim nang mag-umpisang umandar na ang bangka. “Takot ka ba sa alon?” tanong ni Yuan. “Oo, eh, naalala ko kasi noong nalunod ako.” Napangiti lang ang lalaki habang tinutulungan siyang isuot ang life vest niya. Nakatitig ito sa kanya na tila ba pinapawi ang kanyang kaba at sinisigurong ligtas siya. Pagkatapos ay nagsuot din ito ng para sa kanya. “Don’t worry I won’t let you drown this time, trust me.” Kahit papaano’y nabawasan ang kanyang kaba. May life vest na siya at alam niyang safe siya sa mga kamay ni Yuan. Kahit hindi pa niya ito lubos na kilala. Mag-aalas-kwatro na ng hapon kaya hindi na gaanong mainit. Namangha si Faith, nang makita niya ang ganda ng maliit na Islang Bato. Napapaligiran ito ng puting buhangin at napakabanayad ng mga alon, ‘ni hindi nga ito halos humahampas sa buhangin. Inalalayan siya ni Yuan na bumaba sa bangka. Ramdam niya ang napakapinong buhangin na naaapakan ng kanyang mga paa. Tila nagkukulay ginto ito kapag natatamaan ng sinag ng araw. “Ang ganda!” sambit niya. Nakita niyang napakarami ngang sea shell at ang gaganda ng mga ito. Nauuna na ito kay Yuan. Samantalang naiwan ang lalaki malapit sa may bangka. Samantalang si Yuan naman ay pinapanood lang ang dalaga na abala na sa pamumulot ng mga shell. ‘Ni hindi na nga siya nito pinansin. Sea shell lang pala ang katapat niya. Napailing siya at kumurba ang sulok ng kanyang mga labi. Masaya na siya kapag nakikitang masaya si Faith. Hey, dude! Hindi ka naman siguro santo, ‘di ba? Ito na ang pagkakataon mo. Grab the oppurnity habang kayong dalawa lang! Naipilig niya ang kanyang ulo. “Tiyo Cadyo, iwan mo na lang muna kami rito. Balikan mo na lang kami mamaya kapag palubog na ang araw,” aniyang napapangiti. “Sigurado ka, Sir?” tanong ng matanda. “Oo naman. Sige na, Tiyo Cadyo, ako na po ang bahala.” “O, siya sige mayamaya ay babalikan ko na lang kayo,” ani Tiyo Cadyo. Tumango siya. Umalis na si Tiyo Cadyo pero ‘ni hindi man lang ito napansin ng dalaga na umalis sa sobrang pagkaabala. Hindi man nito sabihin ngunit tila nauunawaan ni Tiyo Cadyo na gusto masolo ni Yuan ang dalaga ng mga sandaling iyon. Napansin niyang nilalagay ni Faith sa laylayan ng damit ang mga nakuha nitong shell, mukhang marami na ito. “Faith, ito na lang ang lagyan mo,” sabay hubad ng lalaki sa kanyang damit pang itaas. Napalingon si Faith sa lalaki at nakita niya ang nakahubad na katawan nito. Napasinghap siya. Gusto sana niyang magtakip ng mata pero baka mas lalo lang isipin nito na naiilang siya. Bakit ba ang hilig ng lalaking ito maghubad sa harap niya? Hindi kaya sini-seduce siya nito? No way sa isip-isip niya. Binawi niya ang tingin at binalewala lang iyon. Ano naman kung nakahubad? Ano naman kung six pack abs? Pero nakita niyang papalapit na ito sa kinaroroonan niya. “Ito gamitin mo,” sabay abot sa hinubad nitong t-shirt. “Hindi, ‘w-wag na, okay na ito,” aniya. Hindi kaya mahalata ng lalaki na natataranta na naman siya? “Dito na lang. Mas marami ka pang mailalagay,” pagpipilit ng lalaki. Sabay latag ng damit sa buhangin. “O, ‘yan, sige, ilagay mo na,” anito. “Sige na nga, mapilit ka, eh.” Bumilis ang t***k ng kanyang puso sa tuwing nagkakalapit sila. Hangga’t maaari ay gusto niyang lumayo dito, upang hindi mahalatang natataranta siya. Binalewala niya ang mga titig nito sa kanya. Nakaupo lang ang lalaki sa buhangin katabi ng mga shell, samantalang siya ay nakatayo lamang. “Isn’t that enough?” tanong nito. “Maghahanap pa ako,” aniya. Umiwas siya sa mga tingin ng lalaki. Pero marahang hinila nito ang kanyang kamay kaya napilitan siyang umupo sa tabi nito. “Sit down first, you’re too busy. Look, the sun is setting you shouldn’t have miss it.” Napangiti siya. “Oo nga. Sobrang ganda. Hindi ko alam na may ganitong lugar pala sa totoong buhay. Sa pictures lang kasi ako nakakakita ng ganitong lugar,” tugon niya. Habang nakatingin sa kulay orange at yellow na reflection ng araw sa mga ulap. “Oo, maganda talaga. Kaya nga binabalik-balikan ko ang lugar na ito, eh. Quite and relaxing, ‘di ba?” Napatingin itong nakangiti sa kanya, tumango lamang siya. “Pero may mas maganda akong nakita. Alam mo kung ano ‘yon?” tanong nito. Napalunok siya sa lalong paglapit ng mukha nito sa kanya. “Ano yon?” mahinang tanong niya. “Hindi pala ano kundi sino. Ikaw ‘yon, Faith. Ang pinaka magandang babae na nakita ko sa islang ito,” pabulong na sabi nito na tila kumiliti sa kanyang tainga. Speechless siya na tila naparalisa ang buo niyang katawan sa narinig. Marahan nitong hinawakan ang kanyang pisngi at ikinulong sa mga palad nito. Idinikit nito ang noo sa kanyang noo. Lalong lumakas ang kabog ng kanyang dibdib. Pero bakit sa ‘di niya alam na kadahilanan, ay tila kusang inaantok ang kanyang mga mata at napapikit siya. Naramdaman niya ang marahang pagdampi ng mga labi ni Yuan sa kanya. Kinabahan siya lalo. Sinasabi na nga ba’t ganito ang gagawin ng lalaki, sa isip-isip niya. Naramdaman niya ang pag galaw ng mga labi nito. Pinabayaan niya, para siyang tuod na hindi makagalaw. Nagtatalo ang kanyang isip at kanyang katawan. Sinasabi ng kanyang isip na hindi maaari. Pero iba ang sinasabi ng kanyang katawan. Gusto niya, gustong-gusto. Saglit itong huminto, ngunit ng akmang didilat siya ay lalong nilaliman nito ang paghalik sa kanya. Mas mainit at mas naging mapaghanap iyon. Hindi niya namalayang tumutugon na pala siya. Nararamdaman niya ang kamay nito sa kanyang beywang. Bigla na lang ay napadilat siya. Biglang bumalik sa kanyang alaala ang ginawa sa kanya ng mga lalaking dumukot sa kanya. SA isang madilim at nakadaong na bangka, bago siya isakay ng mga ito ay sapilitang siyang inihiga ng isang lalaking dumukot sa kanya. Malakas ang mga sigaw niya pero nagtatawanan pa ang mga ito. Kung saan-saang parte ng katawan siya hinihipuan ng lalaking hindi niya makita ang mukha. “Huwag! Maawa kayo, please!” Kahit ano’ng lakas ng sigaw niya ay parang walang nakaririnig. “Maawa kayo sa akin!” Ang tingin niya kay Yuan ay ang lalaking dumukot sa kanya. Tila bigla siyang nahimasmasan kaya malakas niyang sinampal at itinulak ang lalaki. “Huwag! Huwag kang lalapit!” sigaw nito sa lalaki. Napaupo si Faith, yakap-yakap ang sarili habang nakatiklop ang mga tuhod at nakasubsob ang mukha. Nagtaka ang lalaki sa naging reaksyon ng dalaga. Nakita niyang parang takot na takot ito. “Faith, bakit? Ano’ng nangyayari sa’yo?” aniyang hinawakan ang dalaga sa magkabilang balikat. Inangat nito ang mukha. Nakita niyang tumutulo ang mga luha nito. “Huwag mo akong hahawakan!” pasigaw na sabi nito sa kanya. “Okay, okay, hindi na. I’m sorry.” Itinaas niya ang mga kamay habang palayong umupo sa dalaga. Pinagmasdan niya ito. “I’m sorry.” Umupo siya sa ‘di kalayuan. “Kung akala mo easy to get ako, puwes nagkakamali ka!” anang dalaga. “Teka, wala naman akong sinasabing easy to get ka, ah.” paliwanag niya. “Ito ba ang gusto mong kabayaran sa pagtulong mo sa akin?” “Of course not,” depensa niya. Kahit kailan ay hindi niya binalak na maningil sa anumang ginawa niyang pagtulong sa dalaga. Napabuntong-hininga siya nang makitang umiiyak ito. “Alam mong wala akong ipambabayad sa’yo, Yuan! Kaya ba ito ang naisip mong paraan?” “Faith, nagkakamali ka.” Paano niya ba ipapaliwanag sa babae. “Katawan ko ba ang gusto mong kabayaran, ha, Yuan?” Naningkit ang mga mata ng lalaki nang marinig iyon. “What did you say? Kabayaran? Iniisip mo bang nag te-take advantage ako? Dahil may utang na loob ka sa akin, ha, Faith?” matiim itong nakatingin sa dalaga. “Ano pa nga ba? Ga’non naman talaga kayong mga lalaki, ‘di ba? Sinasamantala n’yo ang kahinaan ng mga babae!” “I can’t believe it!” Napailing ang lalaki. Patuloy sa pag-iyak ang dalaga. Hindi malaman ni Yuan kung ano ba ang kanyang nagawa. Hinalikan lang naman niya ito. Bakit kung maka-react wagas? “Nagkakamali ka ng iniisip, Faith,” mariin niyang paliwanag. First time na nangyari sa kanya ang ganito. ‘Ni wala pang babaeng umayaw at nanampal sa kanya dahil hinalikan niya. “Kaya ba dinala mo ako rito para magawa mo ang gusto mo? Kaya ba pinaalis mo si Tiyo Cadyo? Ito ba ang binabalak mo?” sunod-sunod na tanong ng dalaga. “Will you stop it, Faith! Gano’n ba talaga tingin mo sa akin? Kung hindi bastos, many*kis, at ngayon naman pinalalabas mong may balak akong pagsamantalahan ka? Gano’n ba kababaw nang tingin mo sa akin?” tumaas ang boses ng lalaki. Tumayo ito sa kinauupuan. Naglanghap ito ng hangin sa ‘di kalayuan. Mayamaya ay umupo na lang ito sa isang malaking bato habang nakahalukipkip. Nakatingin pa rin ito sa dalaga. MAYAMAYA pa ay lumapit ulit ito sa dalaga. “Just want to ask you something. Bukod doon sa naikuwento mo sa’kin, may ginawa pa ba sayo ang mga taong iyon? I mean, d-did those men r*pe you? Nakita niya kasi na parang hindi naman ordinaryo ang naging reaksiyon ng dalaga. Sa tingin niya ay parang may trauma ang dalaga at iyon lang ang naiisip niyang dahilan. Saglit na katahimikan ang namagitan sa kanila. Hindi sumagot ang dalaga. “Tell me the truth!” nakakuyom ang mga palad ng lalaki. “Hindi! At ayoko ng pag-usapan pa! Gusto ko nang umuwi!” Hindi niya napilit magsalita ang dalaga. Naiinis siya sa mga gumawa noon kay Faith. Kung kaharap lang niya ang mga iyon ay gusto niyang bigyan ng leksiyon. Isa pang kinaiinisan niya, ay first time sana niyang mag-confess ng pagmamahal sa isang babae naudlot pa. ‘Ni minsan ay hindi siya nagkaroon ng seryosong relasyon. Mahilig lang kasi siya makipag-fling, no commitment. Gusto sana niyang magpaka-romantic pero ang inaasahan niyang romantic scene ay nauwi sa away. “I’m sorry, if you get offended for what I did. I like you. And I think…I think I love you.” Sa wakas ay nasabi pa rin niya sa dalaga. Pero bahagya na siyang lumayo rito. Hindi na niya aasahan pa kung ano ang isasagot ng dalaga. Tila napako naman si Faith sa kanyang kinauupuan sa narinig mula sa lalaki. Mahal siya ni Yuan? Hindi siya makapaniwala. Tulala siya at wala siyang maisip na sabihin sa lalaki. Nakita niyang kumuha ng maliit na bato si Yuan at ipinukol iyon sa tubig. Napaupo na lang ang lalaki sa buhangin habang hinihintay nila si Tiyo Cadyo. Tila napag isip-isip ni Faith ang kanyang mga sinabi sa lalaki. Paano niya nagawa iyon sa lalaki gayong tinutulungan siya nito? NAKALUBOG na ang araw pero hindi pa rin dumarating si Tiyo Cadyo. Ilang saglit pa ay madilim na. Pero hindi na muling lumapit sa kanya ang lalaki. Gusto niya itong lapitan pero nahihiya siya sa kanyang mga nasabi at sa ginawang pagsampal dito. “I’m sorry…hindi…hindi ko na uulitin. Pasensya kana talaga, Faith,” anang lalaki. Bakit tila nalungkot siya sa sinabi ng lalaki. Nagtampo ba ito sa kanya? “Pasensya kana rin, Yuan. Alam ko marami kang naitulong sa akin. Nahihiya ako dahil palagi kitang nasasampal. Hindi kita masisisi kung palalayasin mo na ako sa bahay mo.” Tumingin lang si Yuan kay Faith na bakas ang lungkot sa mga mata nito. “Hindi ko ugaling magpalayas ng tao na alam kung walang matutuluyan. Hindi ako gano’ng kasamang tao.” Mayamaya pa ay dumating na si Tiyo Cadyo para sunduin sila. Inalalayan pa rin siya ni Yuan na umakyat sa bangka. Pero wala itong kaimik-imik hanggang sa nakarating sila ng resthouse. SABAY-SABAY silang kumain sa hapag ng hapunan at wala namang nabago sa pagtrato sa kanya ng lalaki. Katabi niya ito sa hapag at nilagyan pa siya nito ng pagkain sa plato, iyon nga lang ay naging mas tahimik lang ito. Nagpasalamat siya sa paglagay nito ng pagkain niya sa plato. Parang matutunaw ang kanyang puso sa ginagawang pag-aalaga sa kanya nito. Nagi-guilty siya sa kanyang ginawa. Nasa kalahati pa lang sila ng pagkain nang mag-ring ang cellphone ni Yuan. Sinagot nito ang tawag dahilan para umalis ito sa hapag. Hinintay ni Faith na makabalik ang lalaki pero matagal na nakipag-usap ito sa cellphone. Hindi man niya alam pero mukhang seryoso ang pakikipag-usap nito. Tapos na siyang kumain, pero hindi pa rin tapos ang lalaki sa pakikipag-usap. Kumuha siya ng takip at tinakpan ang hindi natapos na pagkain ng lalaki. Hinintay niya ito na makabalik sa lamesa. Mayamaya ay bumalik na ito, pero hindi na umupo. “Aling Flora, pakiligpit na lang ng pagkain. ‘Tska pakidalhan ako ng ice cubes sa kuwarto,” anito. “Opo. Ngayon na ba, Sir, o mamaya pagkatapos ko magkahugas nitong mga plato?” tanong ni Aling Flora. “Ngayon na, Aling Flora,” ma-awtoridad na sabi nito. Tumalikod na ito at umakyat ng hagdan. Ngayon lang niya nakitang ganito ang lalaki. Tila nakita niya kung papaano maging amo ang katulad ni Yuan. Nataranta si Faith. Halata kasing galit pa rin ito sa kanya kahit hindi nito sabihin. ‘Ni hindi nga ito ngumingiti mula kaninang pagbalik nila galing Islang Bato. “Aling Flora, ako na lang po ang magdadala sa kanya. Marami pa po kayong ginagawa, eh,” presinta niya. “Ah, mabuti pa nga, hija. Pakikuha na lang sa fridge kasi may sebo ang kamay ko, eh,” anang ginang. Agad na tinungo niya ang fridge at kumuha ng ice cubes at inilagay iyon sa isang lalagyan. Umakyat siya sa second floor kung saan naroon ang kuwarto ng lalaki. Marahan siyang kumatok. Naghintay muna siya ng ilang segundo ayaw kasi niyang mag-assume na puwede na siyang pumasok. Alam naman niyang magbubukas iyon pero nagulat pa rin siya nang bumukas ito. “Ako na lang ang nagdala,” aniya. “Pasok ka,” walang ganang sabi nito. “Ha?” napaanga siya, pero sumunod na lang siya. “Pakilagay na lang sa table,” anang lalaki na tumalikod. May tinatawagan ulit ito sa cellphone. Inilapag niya sa mesang maliit ang ice cubes. Nakita niya ang isang mamahaling alak. Ibig sabihin ay iinom ang lalaki? Tila kinurot ang kanyang puso. Bakit kaya? May problema ba siya? Hindi pa niya nakitang uminom ng alak ang lalaki sa tagal na pananatili niya sa resthouse. “Sige na, puwede ka nang lumabas. Thank you,” tinig na malapit sa kanyang likuran. Agad siyang napalingon sa lalaki. Nakatingin lang ito sa kanya sersyoso ang mukha nito habang tangan nito ang cellphone na nakadikit sa tainga nito. Gusto sana niyang humingi ng paumanhin ulit sa nangyari kanina. Sa tingin niya hindi sapat iyong paghingi niya ng paumanhin kanina. Gusto niyang ulitin upang makasiguro na hindi galit sa kanya ang lalaki. Pero tila wala sa mood ang lalaki at may kinakausap pa ito sa cellphone. Bukas na lang niya ito kakausapin. Hindi siya sanay na ganito ang pakikitungo sa kanya ni Yuan. Nawala na ang mga ngiti nito sa mukha. Nalungkot siya. Marahil ay dahil iyon sa ginawa niyang pagsampal sa lalaki. Tiyak nagalit na ito sa kanya. Lumabas na siya ng kuwarto at marahang isinara ang pintuan. TINANGHALI ng gising si Faith dahil madaling araw na siyang nakatulog. Hindi mabura sa isipan niya ang pagdampi ng mga labi ng lalaki sa kanya at ang pag-amin nitong mahal siya. Napag-isip-isip niyang hindi niya dapat sinampal ang lalaki. Kaya naman, nararapat lang siguro na humingi siya ng paumanhin sa binata. Lumabas siya ng veranda at bumaba sa may kusina. Hindi niya ito makita. Kadalasan ay lagi itong nakatanaw sa kanya. Pero ngayon wala ito sa gazebo wala rin ito sa hardin. “Gising ka na pala,” ani Aling Flora na may hawak-hawak itong hose at dinidiligan ang mga halaman. “Aling Flora, nasaan po si Yuan?” tanong niya. “Si Sir? Kaaalis lang. Hindi ba nagpaalam sa’yo?” pagtataka ng ginang. “Ha? Kaalis lang? Saan po nagpunta?” Napaanga ang ginang, kung bakit hindi alam ng dalaga na aalis si Yuan ngayong araw. “Akala ko nagpaalam sa’yo, eh, ‘di ba nga nag-date kayong dalawa kahapon sa isla? Hindi ba kayo nag-usap?” anang ginang. “Ha? D-date?” takang tanong niya. "Hindi naman date iyon, Aling Flora, nag-away lang kami,” usal niya pero mukhang hindi naman narinig iyon ng ginang. “Umalis na si Sir, luluwas na iyon ng Maynila. May aasikasuhin kasi ‘yon tungkol sa negosyo nila,” anang Aling Flora na nakatingin lang sa mga halaman. Natahimik siya. “Lumuwas na siya ng Maynila? Iniwan n’ya ako?” may lungkot sa tinig ng dalaga. Napahinto ang ginang at tumingin sa kanya. “Baka naman kasi nag-away kayo kaya hindi na nagpaalam. Napansin ko kasi hindi kayo nagkikibuan kagabi. Ano bang nangyari? ‘Tska ngayon lang ‘yon uminom. Hindi ba talaga nagpaalam sa’yo?” tanong ng ginang. Umiling siya. Parang kinurot ang kanyang puso. Iba iyon noong iniwan siya ni Joshua. Ibang sakit ang nararamdaman niya ngayon. Alam niyang galit sa kanya ang lalaki. Hindi man lang sila nakapag-usap ng maayos. Bakit naman agad-agad na umalis? Dapat sinama na siya nito kung luluwas ng Maynila. "Kailan daw ang balik niya?" ulit niyang tanong. "Hindi ko lang alam, eh. Pero kadalasan, kapag umalis na siya dito sa isla ay matagal ulit nakababalik." Lalo siyang nalungkot. Paano nga kung hindi na bumalik ang lalaki? Paano kung hindi na sila magkita pa? Hindi man lang siya nakapag pasalamat sa mga nagawa nito sa kanya. Hihiramin sana niya ang cellphone ni Aling Flora kaya lang alam naman niya na wala itong load. Naramdaman niya ang pamumuo ng kanyang mga luha. Napasinghot siya at pinigilan iyon. Nahiya kasi siya sa ginang baka makita pa nitong naluluha siya. Bakit ba siya apektado sa pag alis ng lalaki? Ano naman kung iniwan siya nito? Hindi naman niya kaanu-ano ang lalaki. Ngayon ay nakapag desisyon na siyang bumalik na lang ng Maynila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD