CHAPTER 6

2968 Words
NAPABALIKWAS si Faith sa kanyang pagkakahiga nang may kumatok sa pintuan. Iika-ika niyang tinungo at binuksan ang pinto. Medyo nagulat pa siya nang tumambad sa kanya ang mukha ni Yuan. “Hi! Bakit hindi ka lumalabas ng kuwarto? Kakain na,” anito. “Pasensya na hindi ko namalayang gabi na pala nakatulog kasi ako. Sige lalabas na ako.” Lumabas na siya ng pinto. Nakakahiya naman kasi dahil siya pa ang tinatawag para kumain. Kung tutuusin ay dapat tumutulong siya sa kusina. Pero hindi talaga niya kaya, mabigat ang pakiramdam niya para siyang lalagnatin. “Mauna kana,” sabi niya sa lalaki. Ayaw kasi niyang pinagmamasdan nito ang paglalakad niya. Nauna nang bumaba si Yuan sa hagdan. Samantala siya ay nakakapit pa rin sa grills ng hagdan. Masakit pa rin ang kanyang paa hindi niya maitapak ng husto. Muling umakyat ang lalaki nang makita siyang nahihirapang bumaba. “Tulungan na nga kita, hawak ka sa akin,” anang lalaki na lumapit sa kanya. “Hindi, ‘wag na, okay lang ako,” tanggi niya. Ito na naman si Yuan, lalapit na naman sa kanya kaya lalo siyang hindi naging komportable. ‘Haist! Huwag na kasing maarte. Alam kong nahihirapan ka diyan sa paa mo,” anitong hinawakan siya sa braso. Tila kinilabutan siya nang maramdaman niya ang malamig nitong kamay. “Bakit ang init mo?” alalang tanong ng lalaki habang natigilan. “Ha? Ako mainit?” “Yah. May lagnat ka ba?” “Hindi ko alam, eh, pero masama pakiramdam ko.” Sinalat siya nito sa noo at sa leeg. “May lagnat ka nga. Tara na, bumaba na tayo nang makakain ka para makainom ng gamot,” anito. Inalalayan siya nito hanggang makarating sila sa hapag. Hinila nito ang isang silya para paupuin siya. “Thank you,” sabi niya. “Aling Flora, si Tiyo Cadyo po?” tanong ng lalaki. “Nasa labas pa po, Sir.” “Pakitawag na lang ho, sabay-sabay na tayong kumain,” anang lalaki. Humanga si Faith sa lalaki dahil parang pamilya na ang trato nito kina Aling Flora at Tiyo Cadyo. Pero sa tingin niya ay kahit papaano masaya ang lalaki na kasama ang mag-asawa, hindi na iba ang turing ni Yuan sa mga ito kundi parang pamilya na rin. Mayamaya pa ay pumasok na si Tiyo Cadyo. “Kain na, Tiyo Cadyo,” yaya ng lalaki. Umupo ang dalawa sa kabilang lamesa kaharap nila. “Ano’ng nangyari sa’yo, Faith, may sakit ka ba?” tanong ni Tiyo Cadyo nang mapansin siya. “Bakit po?” tanong niya. Nahalata kayang masama ang pakiramdam niya? “Wala lang, nakikita ko sa ‘itsura mo parang ang tamlay tamlay mo,” ani Tiyo Cadyo. “Oo nga naman Faith. Bakit ba ang tamlay mo?” pansin ni Aling Flora. “May lagnat ‘yan, baka dahil sa sugat niya. Mamaya pala Aling Flora pakilabas ng gamot para makainom itong si Faith,” ani Yuan. “Opo, Sir.” “Humigop ka ng sabaw para lumakas ka, hija,” sabi ng ginang. Kumuha si Yuan ng pagkain at nilagyan siya sa plato. “Thank you. Kaya ko pa naman, paa lang ang masakit sa akin,” aniyang nginitian ang lalaki na kung ituring siya ay parang pasyente. “Paa lang ba talaga? Inaapoy ka kaya ng lagnat,” anang lalaki na hindi maalis ang pag-aalala sa mga tingin nito sa kanya. Nagkatinginan naman ang mag-asawa na tila may ibig sabihin. Biglang napatingin sa dako ng mga ito si Yuan. “Bakit ho?” pansin nito sa dalawa. “Ah, wala naman, Sir. Nakatutuwa lang kayong pagmasdan ni Faith,” anang Tiyo Cadyo. Medyo nasamid si Faith sa paghigop niya ng sabaw. May kung anong saya ang naramdaman niya sa narinig kay Tiyo Cadyo. “Concern lang ho ako sa sakiting babaeng ‘to,” napangiti pa ito ng sinabi habang tumingin sa kanya. Kunwari ay inirapan niya ang lalaki pero nakaramdam siya ng kilig. Pinipilit na lang niyang ubusin ang inilagay ni Yuan sa plato niya. Parang hindi na talaga niya kayang ubusin, para kasing maduduwal na siya kapag inubos pa niya. Napatigil sa pagsubo si Yuan at tumingin sa kanya. “Ayaw mo na?” Umiling siya. “Ayaw ko na, busog na ako,” sagot niya. “Ano bang klaseng kain yan? Wala pa nga sa kalahati nitong nasa plato ko,” anang lalaki na inabot sa kanya ang isang basong tubig. “Thank you.” Kinuha niya ang tubig at uminom. Paminsan- minsan ay sinusulyapan niya si Yuan. Tinatapos na rin nito ang pagkain. Nang matapos sila ay tumayo na si Faith at inalalayan pa rin ito ni Yuan. “Heto, hija, inumin mo para mawala na ang lagnat mo,” ani Aling Flora na inabot sa kanya ang isang paracetamol. “Thank you, Aling Flora, Yuan.” Parang maiiyak siya dahil ngayon lang siya nakaramdam ng ganito sa buong buhay niya. Ang mga kinalakihan niyang magulang ay tila walang pakialam sa kanya sa tuwing may sakit siya. “Paracetamol lang ‘yan, hindi kayamanan,” anang lalaki. “Oo, alam ko. Pero, na-touched lang ako kasi concern kayo sa akin.” “Halika na nga hatid na kita sa kuwarto mo,” ani Yuan na hawak-hawak siya sa kamay. Gusto niyang bawiin ang kanyang palad pero baka sabihing nag-iinarte na naman siya. Nang makarating sila sa kuwarto ay inayos ni Yuan ang kanyang higaan at hininaan ang aircon. “Giniginaw ka siguro, ano?” anito. Tumango siya. Pakiramdam niya ay napakanipis ng kanyang kumot. Kaya itinakip niya sa kanyang katawan ang dalawang unan. Napansin naman iyon ni Yuan. Agad na lumabas ang lalaki sa kuwarto niya. Mayamaya lang ay bumalik ito at may dalang makapal na kumot. “Heto, mas maganda makapal para hindi ka ginawin.” Tinanggal nito ang dalawang unan na nakatakip sa kanya at kinumutan siya nito. “Okay na ba ‘yan?” tanong ng lalaki. Tumango lang siya. “Yuan…” tawag niya sa lalaki nang paalis na ito. “Bakit?” napalingon ito at bumalik sa kanya. Hindi niya alam kung bakit naiiyak siya siguro dahil nababaitan lang siya sa mga tao sa paligid niya. Isa pa, parang naluluha naman talaga siya dahil sa taas ng lagnat niya. Ramdam niya na parang sumisingaw ng mainit ang kanyang mga mata. Pinunas niya ang kanyang tumulong luha gamit ang mga daliri. “Hey, bakit?” mahinang tanong nito na tila nag-alala nang makitang umiiyak siya. “Bakit ka umiiyak? Ano pa’ng masakit sa’yo?” Umiling siya. Napabuntong-hininga si Yuan at marahang umupo sa gilid ng kama. Tinapik siya nito sa balikat na tila nagpapatulog ng isang bata. “Matulog kana. Bukas pagising mo magaling kana, okay?” masuyo nitong sabi. Napapikit siya tila kay sarap sa pakiramdam na may nag-aalaga sa kanya. Tinungo ni Yuan ang banyo at kumuha ng basang bimpo at ipinatong iyon sa kanyang noo. “Salamat, Yuan,” usal niya habang nakapikit. “You’re welcome, matulog ka na,” sabay tapik sa kanya nito sa balikat. NAGISING si Faith sa liwanag na pumasok sa bintana. Nakabukas pala ang bintana at nakapatay na ang aircon. Malamig ang simoy ng hangin na nanggagaling sa dagat. Medyo masakit pa rin ang kanyang katawan. Sinalat niya ang sarili, mukhang maayos na siya wala na siyang lagnat. Napatingin siya sa kanyang mga paa. May medyas siya? Si Aling Flora kaya ang naglagay sa kanya ng medyas? Napatingin siya sa kanyang damit. Bakit naiba ang kanyang suot? Sa pagkakaalam niya hindi iyon ang kanyang damit bago siya natulog kagabi. Tumayo siya at tinanggal na ang kanyang medyas. Tinungo niya ang banyo at nag-ayos ng sarili. Baka mamaya ay biglang kumatok na naman si Yuan. Napatingin siya sa salamin. Magda-dalawang buwan na pala siya sa isla at wala man lang siyang balita kay Joshua. Hindi na niya ito tinawagan ulit. Babalik na ba siya ng Maynila? Pero bakit may naramdaman siyang lungkot. Sa maikling panahon na nakasama niya sina Aling Flora at Tiyo Cadyo ay tila naging malapit na ito sa kanyang puso. Pati si Yuan? Bakit kapag naalala niya kahit ang pangalan lang ng lalaki ay may nararamdaman siyang excitement. Napaigtad siya nang may kumatok sa pintuan inayos niya ang sarili kinabahan siya baka si Yuan na naman. Marahang bumukas ang pinto. Hindi na ito naghintay na pagbuksan niya marahil ay alam naman na may sakit siya. “Good morning! Maayos na ba ang pakiramdam mo, hija?” Nakahinga siya nang maluwag ngunit tila may panghihinayang na hindi si Yuan ang pumasok kundi si Aling Flora. “Maayos na po, Aling Flora, salamat,” aniyang nakangiti sa ginang. May dala itong tray ng pagkain. “Sana hindi n’yo na po dinala ‘yan. Kaya ko naman pong bumaba, eh,” aniyang inilapit ang maliit na mesa sa gitna para mailagay ang tray. “Sabi ni Sir dalhan na lang daw kita ng pagkain.” Ibig sabihin ay ibinilin pa talaga ni Yuan iyon? Lihim siyang natuwa. ”Nasaan po si Yuan, Aling Flora?” may halong excitement sa kanyang tinig. “Ay, umalis sila ni Cadyo pumunta ng bayan,” anang Aling Flora. Bakit tila nakaramdam siya ng lungkot. “Kailan po ang balik nila?” “Mayamaya lang ay nandito na ang mga iyon.” Napatango-tango na lang siya. “Ngapala, Aling Flora, salamat sa pagpalit mo ng damit sa akin.” “Ha? Hindi naman ako ang nagpalit ng damit mo, ah,” ani Aling Flora. “Ha? K-kung ga’non s-sino?” biglang namilog ang kanyang mga mata. “Aba’y hindi ko alam.” Napaanga siya. Kung hindi pala si Aling Flora ang nagpalit sa kanya. Ibig sabihin ay si Yuan? Wala namang iba. Biglang siyang kinabahan at tila nag-init ang kanyang pisngi. “Hindi nga, Aling Flora?” ulit niyang tanong. Nakahinga siya nang maluwag nang ngumiti ang ginang. “Biro lang. Ako ang nagpalit sa’yo. Ginising pa nga ako ni Sir kagabi. Palitan daw kita ng damit kasi pawis na pawis ka. Bakit, akala mo ba si, Sir Yuan?” napangiti ito sa kanya. Tumango-tango siya. “Aling Flora, naman, eh, kinabahan tuloy ako.” Nagtawanan sila. “Pero alam mo bang halos magdamag ka niyang binantayan?” ani Aling Flora. Napaanga siya, “Si Yuan, nagbantay sa akin?” “Oo. Halos hindi nga nakatulog iyon. Nag-aalala dahil nanginginig ka raw sa sobrang taas ng lagnat. Kaya walang tigil ang paglagay niya ng bimpo sa noo mo. Sabi ko nga ako na lang. Pero makulit, siya na lang daw ang bahala. Kaya ayon, sumama kay Cadyo at gusto raw niya siya mismo ang pipili ng mga prutas para makakain ka.” Lalong natahimik si Faith sa kuwento ng ginang. Hindi niya akalain na ginawa ni Yuan iyon para sa kanya. “Nakakahiya naman kay Yuan.” “Gano’n talaga iyon si Sir. Pero iba ang kutob ko, eh,” ani Aling Flora. “Ano po?” agad niyang tanong. Napapangiti ang ginang habang nakatingin sa kanya. “Palagay ko may gusto sa’yo si Sir. Hindi ba nagsasabi sa’yo?” “Naku, Aling Flora, kung alam mo lang palagi kaming nag-aaway ng lalaking iyon. kagabi ko nga lang siya nakita na tila pagkabait-bait ‘di ko alam kung dahil doon sa hipon na niluto n’yo.” Sabay silang nagtawanan. “Eh, gano’n talaga. Sabi nga, the more you hate the more you love.” Napakunot noo si Faith. “Aling Flora, talaga oo, may nalalaman pang mga ganyang linya.” Pero aminin man niya sa hindi kinikilig talaga siya kapag napag-uusapan ang lalaki. Nakapag-move on na ba siya kay Joshua? Nang lumabas si Aling Flora sa kuwarto, ay binuksan niya ang nakatakip na pagkain. Natakam siya at tila nagutom dahil kaunti lang ang kinain niya kagabi. NAKITA ni Faith mula sa veranda ang pagdaong ng isang speed boat. Nakita niyang bumaba si Yuan naka-sunglasses ito, nakasuot ng puting t-shirt at gray na short. May bitbit itong nasa plastic. Ang iba naman ay bitbit ni Tiyo Cadyo na nakasunod lang nito. Tumangala ito sa dako niya at napangiti, parang kinabog ang kanyang dibdib. Bababa siya ng veranda at pupuntahan niya si Aling Flora sa kusina para tumulong. Malapit na ang tanghalian kaya tiyak na magluluto na ito. Gusto niyang tumulong, nahihiya na kasi siya baka isipin ng mga ito na para siyang isang prinsesa na pinagsisilbihan. Masyado na siya nagiging pabigat sa bahay na ito. Nasa kalahati pa lang siya ng hagdan, nang paakyat naman si Yuan. “Saan ka pupunta?” nagtanggal ito ng sunglasses at inilagay sa neckline ng damit. “Sa kusina tutulungan ko si Aling Flora,” aniya. “Bumalik ka nga sa kwarto mo, baka mamaya ay mabinat ka pa,” seryosong sabi nito. “Bakit naman mabibinat? Hindi naman ako bagong panganak.” “At nakuha mo pang mamilosopo?” anito. Napanguso siya dahil napakasungit ng pagkakasabi ng lalaki sa kanya. Hindi ito ngumingiti. Napailing ito at hinawakan siya sa siko sabay marahang hinila paakyat. “Huwag nang matigas ang ulo, puwede? Dito ka lang sa taas. Kung gusto mo dito ka na lang maupo sa veranda at ipaghihiwa kita ng prutas,” sabi pa nito. Lalong nag-init ang kanyang mukha dahil talagang pinaninindigan na nito ang pag-aalaga sa kanya. At ngayon ay ipaghihiwa pa siya ng prutas. Ano ba’ng nakain ng lalaking ito? sa loob-loob niya. Wala siyang nagawa kundi ang maupo at hinintay ang lalaki habang nagbabalat ng peras. Hiniwa nito sa apat na piraso at inilagay sa maliit na mangkok. “Ano bang gusto mo? Peras, mangga, apple or ano?” tanong ng lalaki. Natutuwa lang siyang pagmasdan ang lalaki. “Kahit ano po. Pero sige, ‘yan na lang na binabalatan mo. Talagang pinanindigan mo, ah. Sa totoo lang wala naman na akong sakit. Magaling na ako ‘di mo na kailangang gawin ‘yan.” Napangiti siya. “Faith, huwag na ‘wag mo nang uulitin ‘yong kagabi, ha? Wala pa namang malapit na hospital dito,” anang lalaki na patuloy pa rin sa pagbalat ng prutas. “Bakit? Ano bang meron kagabi? Nilagnat lang naman ako tapos nakatulog, pagising ko ay okay na ako,” kunyaring hindi niya alam ang ginawa ng lalaki. “Ang taas kaya ng lagnat mo kagabi, you scared me,” seryoso nitong sabi. “Thank you, ha.” Tumingin sa kanya ang lalaki. Hindi niya alam kung ano’ng ibig sabihin ng mga tingin nito habang patuloy pa rin sa pagbabalat ng prutas. “O, bakit ayaw mo ng thank you lang? sabi ko naman sa’yo wala akong pambayad, eh,” aniyang napanguso. Lumapad ang mga ngiti sa labi ng lalaki. “Kumain ka na nga lang. Hindi naman masakit ang kamay mo, ‘di ba? Kaya hindi na kita susubuan.” Kumain na rin ito ng isang pirasong peras na hindi pa binabalatan. Nakatingin lang ito sa ‘di kalayuang dalampasigan. Napagmasdan niya ito habang hindi nakatingin sa kanya. Nililipad ng hangin ang buhok nito sa medyo humahaba na. Namumula ang makikinis nitong mga pisngi. Hanggang sa napadako ang kaniyang tingin sa mga labi nito na lalong namumula dahil sa pagkagat nito ng prutas. Huling-huli siya nang biglang tumingin ito sa kanya. “Maayos na ba ang pakiramdam mo?” tanong nito. “Oo. M-maayos na. Salamat sa pag-aalaga n’yo ni Aling Flora,” saad niya. “’Yang paa mo, masakit pa ba?” “Medyo, tila namamaga pa.” “Patingin nga,” anitong umupo sa malapit sa paanan niya. Iniwas niya ang kanyang paa. “Huwag na. Magiging okay na rin ‘to. Huwag mo nang tingnan.” Hindi na nagpumilit pa ang lalaki. Umupo na lang ito sa kaharap na silya. Napabuntong-hininga si Faith. Malapit na siyang umalis. Nalulungkot na siya. “Yuan, babalik na ako ng Maynila,” aniya. Biglang napatingin sa kanya ang lalaki. “Kailan?” Napatigil ito sa pag nguya. “Kapag gumaling na ang paa ko. Nakakahiya na kasi sa’yo. Antagal ko na dito sa isla masyado na akong pabigat sa inyo.” “Sino ba kasi ang nagsasabing pabigat ka? Hindi naman kita pinapaalis. Kung gusto mo nga dito ka pa tumira, hinding-hindi ako tututol.” Alam niyang walang bahid ng pagbibiro ang mga sinabi ng lalaki. Tila nainis pa nga ito nang sinabi niyang babalik na siya ng Maynila. “May kailangan na kasi akong ayusin sa Maynila,” sabi niya. “Like what?” kunot-noo na tanong nito. Hindi na siya nakaimik. Hindi niya kayang ikuwento sa lalaki ang detalye ng buhay niya, malulungkot lang siya. Napabuntong-hininga na lang ang lalaki. “Saan ka ba nakatira sa Maynila? Puwede kitang ihatid. Gusto kong siguraduhin na makararating kang safe sa bahay niyo.” Hindi pa rin siya sumagot. Wala naman siyang bahay, hindi na niya bahay iyon. Sa katunayan isa iyon sa mga dahilan niya. Baka kasi bumalik na ang batang Bernabe. Gusto niya kahit papaano ay makuha man lang niya ang kanyang mga gamit sa mansiyon. “Hindi mo na kailangang malaman,” sagot niya. “I know. You don't trust me, do you?” Gusto niyang sabihing hindi totoo ang iniisip nito. Kung hindi siya nagtitiwala sa lalaki hindi niya gugustuhing manatili ng ganoon katagal sa isla. Sadyang ayaw lang talaga niya magkuwento. “Hindi naman sa gano’n,” tugon niya. “If I have any intention of harming you, dapat ay ginawa ko na noon pa.” Malungkot ang mga mata nitong nakatingin sa kanya. “I know, Yuan. Ayaw ko muna talaga magkuwento at naiiyak ako kapag naaalala ko,” paliwanag niya. “Alright. Kung gusto mo na talagang bumalik wala naman akong magagawa, eh.” Parang kinurot ang kanyang puso. Bakit ngayon pa lang ay tila nalulungkot na siya? Parang may kung anong pumipigil sa kanya na huwag umalis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD