CHAPTER 9

2751 Words
NAKABALIK na si Faith ng Maynila. Nasa tapat na siya ng kanilang mansiyon. Pinindot niya ang doorbell at mayamaya pa ay nagbukas ang gate. Tanging si Teresita na lang na kanilang mayordoma ang nasa mansiyon. Binigyan na niya ito ng tatlong buwan na advance na sahod at allowance dahil hindi niya alam kung hanggang kailan siya sa probinsya sa paghahanap ng kanyang mga magulang. Si Teresita ang naging malapit at mapagkakatiwalaan niyang kasambahay, kaya parang hindi na ito iba sa kanya. “Naku, Ma’am Faith! Bakit ngayon ka lang? Hindi ka man lang tumatawag. Ano ba’ng nangyari sa’yo?” alalang tanong ni Teresita. “Mahabang kuwento, Ate.” “Teka, bakit wala ka man lang kadala-dalang gamit? Nasaan ang mga gamit mo?” usisa nito na tiningnan siya mula ulo hanggang paa. Walang imik na niyakap lang niya ito at hindi pinigil ang pag-iyak. “Bakit? Ano pong nangyari, Ma’am?” takang tanong ng babae habang hinahaplos siya nito sa likod. Hinayaan na lang muna nito ang dalaga na umiyak at pagkatapos ay saka inusisa kung ano ang nangyari. Ikinuwento niya lahat na mga nangyari sa kanya sa isla pati ang mga masasayang araw niya kasama si Yuan. Tila isang masayang alaala na lang ang lalaki sa kanya dahil kagaya ni Joshua ay iniwan na rin siya nito. Napaluha siya habang sinasariwa ang mga pangyayari sa isla. “Kailangan mo ba talagang umalis, Ma’am? Hindi ka naman pinaaalis, ah,” bakas ang lungkot sa mukha ni Teresita. “Ate, malinaw sa testamento na hindi akin ang bahay na ito, pag-aari ito ng batang Bernabe. Hindi ko na hihintayin pang ipagtabuyan ako rito. Kaya bago pa man siya dumating ay aalis na ako,” maluha-luha niyang sabi. “Hindi mo pa naman siya nakikita. Malay mo maawa siya sa’yo at patirahin ka niya dito. Isa pa ampon ka rin naman ng daddy niya, parang magkapatid na rin kayo. ‘Di ba?” wika ni Teresita na pilit pinapagaan ang loob niya. “Hindi natin ‘yan sigurado. Isa pa, kung ako ang nasa kalagayan niya siguradong magagalit din ako, kasi kung tutuusin ako ang umagaw ng lahat nang para sa kanya. Ako ang nagtamasa ng yaman noong mga panahong wala siya.” “Pero, Ma’am, alam nating hindi totoo ‘yon. Tingnan mo nga’t wala naman sa’yo pinamana ang daddy mo kahit ano.” “Tama lang iyon, Ate. Kasi hindi naman talaga ako kabilang sa pamilyang ito. Nakapag-aral naman ako at kaya ko nang tumayo sa sarili kong mga paa.” Bakas sa kaniyang mukha ang kalungkutan. Pero hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa. Dati ay parang gusto na niyang magpakamatay pero may nabago sa kanya mula ng makilala niya si Yuan. Parang kinurot ang kanyang puso ng maalala ang lalaki. Hindi niya alam kung magkikita pa sila kaya naman ay mas doble ang sakit na nararamdaman niya ngayon. HINDI-GAANONG nakatulog si Faith kahit nasa sariling bahay na siya. Tila binabangungot pa rin siya ng mga pangyayari. Lumabas siya ng bahay at nilibot niya ang buong hardin. Pinagmasdan niya iyon. Alagang- alaga pa rin ito ni Teresita kahit na umalis na ang kanilang hardenero. Ang ibang katulong nila ay isa-isa na niyang pinauwi sa kani-kanilang pamilya bago pa siya nagdesisyon na hanapin ang kanyang tunay na mga magulang. Tanging si Teresita na lang muna ang pinaiwan niya para may makasama siya pansamantala. Pero ngayong nakabalik na siya ay paniguradong maghihiwalay na rin sila. Nakausap na niya ang may-ari ng kanyang lilipatang apartment. Doon na siya mag-uumpisang mamuhay mag-isa. MAKALIPAS ANG ISANG LINGGO…. Maaga pa lang ay nakapag-impake na siya ng mga gamit para sa kanyang paglipat. Saglit na tumingin-tingin siya sa paligid at sa kabuuan ng bahay. Marami ding mga magagandang alaala ang bahay na ito. Kahit hindi siya masyado binibigyan ng atensiyon ng kanyang kinagisnang magulang ay minahal niya talaga ang mga ito. Napaluha siya habang palabas na ng bahay. “Ma’am, mag-iingat ka, ha?” sabi ni Teresita na naka-impake na rin ang mga gamit. Paalis na rin ito. Niyakap siya nito nang mahigpit. “Magkikita pa rin tayo, Ate, huwag kang mag-alala,” aniya na pilit na pinapalakas ang loob. Kapwa silang nagpupunas ng kani-kanilang mga luha. Mayamaya pa ay kumaway na ang babae at sumakay na ito ng taxi na nakaparada sa labas ng gate. Naiwang mag-isa si Faith. Napahagulhol siya nang umalis si Teresita. Ilang sandali pa ay tinawag na siya ng driver na naghihintay sa labas. “Ma’am, anong oras po kaya tayo aalis? Kasi kung hindi pa po may bibilhin lang po ako sa malapit na tindahan,” sabi ng driver ng inupahan niyang van para maghakot ng kanyang mga gamit. “Huwag na, aalis na tayo ngayon na,” tugon niya. Lulan ng kanyang kotse ay nakasunod naman ang van na may dala ng iba pa niyang mga gamit. Bukas ay babalik na siya sa kompanya. Hindi pa niya alam kung paano haharapin ang mag-amang Santillan. Hindi siya dapat panghinaan ng loob. Kailangan niya ng trabaho kahit pa lunukin niya ang kaniyang pride. Kahit nainsulto siya nang sa bibig pa mismo ni Joshua narinig ang salitang pakikipaghiwalay. Ano ba ang tingin nito sa kanya? Bakit basta na lang siya nitong iniwan? DATI-RATI ay hindi siya mahilig magpaganda. Ngayon ay sinadya niyang magpaganda ng husto. Ipapakita niyang hindi kawalan si Joshua sa kanya. Naglagay siya ng kaunting make-up para na rin maging confident siya at hindi mamutla sakaling makaharap niya ang mga ito. Inilugay lang niya ang kanyang unat at mahabang buhok na medyo kinulot niya ang mga dulo nito. Black blazer medyo fitted na may panloob na white at mini skirt na black na kitang pa rin ang hubog ng kanyang katawan. Matagal-tagal din siyang hindi nakasuot ng damit pambabae kaya parang na-missed niya ito. Naalala tuloy niya ang mga damit ni Yuan na pinahiram sa kanya. Ang isang t-shirt nito at ang pinahiram ni Aling Flora na maong pants ang tanging suot niya pabalik. Itinago niya iyon upang meron siyang remembrance sa lalaki dahil iyon na siguro ang kanilang huling pagkikita. Kagaya ni Joshua, si Yuan ay isa lang sa mga lalaking dumaan sa buhay niya. Kahit wala silang relasyon ni Yuan aminado siyang may puwang ito sa kanyang puso. Pakiramdam niya ay naiwan ang kapiraso ng kanyang puso sa isla. Mahigpit pa niyang niyakap ang damit na iyon bago niya itinago sa closet. “Goodbye Yuan,” tanging usal niya habang ramdam ang kirot sa kanyang puso. Lulan ng elevator ay magkahalong kaba at galit ang kanyang nararamdaman. Tila bumibilis ang pintig ng kanyang puso. kailangan siguro niyang uminom muna ng tubig para ma-relax siya. Sigurado kasing magkikita sila ni Joshua. Iniisip niya kung ano ang tamang sasabihin niya rito. Magdadrama ba siya o maglulupasay sa iyak? Hindi. Hindi niya gagawin iyon. Bakit siya maglulupasay? Dapat nga magpasalamat siya at malaya na siya. Pero ininsulto siya nito. Sasampalin ba niya ito kagaya ng ginawa niya kay Yuan? Napailing siya’t nakonsensya ng maalala niya ang ginawa niyang pagsampal sa lalaki. Pero napangiti siya sa kanyang imahinasyon. Kahit nasampal niya ito mabait pa rin ito sa kanya. Labis ang kanyang lungkot nang umalis na lang ito na hindi man lang nagpaalam sa kanya. Parang dinurog ang kanyang puso. Siguro nga ay nagalit na rin ito sa kanya. Subalit inaasam pa rin niya na sana magkita pa sila ng lalaki. Tila naka-slow motion palagi ang mga ngiti nito sa kanyang imahinasyon. Lalo lang siyang nangulila at nakaramdam ng panghihinayang. “Grasya na pinakawalan mo pa,” ang sabi ng kanyang konsensya. Pagpasok niya sa opisina ay kaswal lang na binati siya ng mga officemates. Bakit tila wala yatang nagtanong man lang sa kanya kung ano’ng nangyari sa kanya sa isla? Ibig sabihin ba ay hindi man lang ito nabanggit ni Joshua sa kanila? Tanging si Layla lang ang nakaalam pero mukhang pinatahimik din ito nila Joshua dahil wala naman itong nabanggit sa iba nilang kasama. Lalo lang siyang nagngitngit. Gusto niyang ipakita kay Joshua na hindi na siya ang dating Faith na mahina. Mas matapang na siya ngayon at handa na rin siyang humarap maging sa batang Bernabe. Wala ng mawawala sa kanya dahil nawala na ang lahat. Ayon sa officemates niya ay ngayon daw darating si Mr. Bernabe. Sa katunayan ay naka-set na ang meeting nito sa lahat ng staff sa opisina upang magpakilala. Huminga siya nang malalim nang mailapag niya ang kanyang bag sa kanyang upuan. Saglit na nilaro-laro niya ang pagkakaupo sa swivel chair. Narinig niya ang pagdating ni Joshua dahil binati ito ng mga kasamahan niya. kumabog nang malakas ang kanyang dibdib nang makita niya itong papalapit sa kanyang cubicle. “Faith, bumalik kana?” Bakas sa mukha nito ang pagkasabik nang makita siya. Kapansin-pansin din ang pagtawag nito sa pangalan niya. Mukhang alam na nito na babalik na siya, malamang ay nasabi na ni Layla sa lalaki. Pigil na pigil ang emosyon niya habang nakatingin sa lalaki. Iniisip niya kung ano ang magandang bungad na sabihin dito. “Heto, buhay pa naman!” sa halip ay iyon ang lumabas sa bibig niya. “Let’s talk,” mahinang sabi ng lalaki. “Palagay ko wala na tayong dapat pag-usapan. Nasabi mo na ang lahat na dapat mong sabihin sa phone, sapat na iyon!” aniyang nagpipigil sa galit. “Please, doon tayo sa opisina ko,” anang lalaki na matiim na nakatitig sa kanya. Napansin ng lalaki na tila lalo itong gumanda. At mukhang wala namang bakas sa mukha nito ang mga nangyaring trahedya sa isla. Lalo lamang itong napahanga sa dalaga. Ito pa rin ang Faith na kinababaliwan niya. Kaya naman lalo lang siyang nanghinayang na hindi na matutuloy ang kanilang kasal. “Doon tayo sa office ko mag-usap please. Sumunod ka saakin,” anang lalaki. Kung maka-demand pa ay para siyang utusan. kunsabagay ay boss pa rin niya ito. Sumunod na lang siya. “Humanda ka sa akin,” ngitngit niya. Nang maisara nito ang pintuan ay agad na niyakap ni Joshua ang dalaga. “I miss you, hon.” Sambit nito habang mahigpit ang pagkakayakap sa dalaga. Inalis ni Faith ang mga bisig ng lalaki na nakayakap sa kanya. “Josh, bitiwan mo ako. It’s over!” nagtaas baba ang kanyang dibdib sa pinipigil na galit. “I’m sorry, ang tanga-tanga ko. Wala akong nagawa para ipagtanggol ka. I’m so sorry…” maluha-luha na sabi ng lalaki. Nakatingin lang sa kanya ang lalaki na tila binabasa ang kanyang saloobin. Pagkuwa’y hinaplos ang kanyang mukha. “Hindi ka ba nila sinaktan? Ano’ng ginawa nila sa’yo?” bakas sa mga mata nito ang pag-aalala. “Tigilan mo na ako Josh!” tinabig niya ang kamay ng lalaki. “Wala kang karapatan na hawakan ako! Kaya puwede ba! Tigilan mo na ang pagkukunwaring sweet dahil wala nang epekto ‘yan sa akin!” matapang na sabi niya sa lalaki. “Faith…” mahinang tugon nito. Mukha namang sincere ito sa mga sinasabi. Pero ganoon lang ba iyon. Wala namang magagawa ang salitang sorry. Hindi pa rin mababago ang sitwasyon na nakipaghiwalay ito sa kanya dahil sa pagsunod sa daddy nito, bagay na ipinapakita lamang nito sa kanya na hindi siya magawang ipaglaban nito. “Muntik lang naman ako mamatay, Josh!” Ngayon ay tila namumuo na ang mga luha sa kanyang mga mata. Pakiramdam niya ay nanginginig ang kanyang mga kalamnan. Hindi niya akalain na ang taong inaakala niyang masasandalan niya ay magagawa siyang iwanan. “Hindi ko nga alam kung paanong nabuhay pa ako. Muntik na akong magahasa! Muntik na akong mapatay! Muntik na akong malunod! Mabuti na lang may mga taong tumulong at nagmalasakit sa akin,” kasunod niyon ang pag-agos ng kanyang mga luha. Mukha ni Yuan ang naalala niya. Ngayon lang niya napagtanto na napalaki ng naitulong sa kanya ni Yuan kahit sa maikling panahon nilang pagkakilala. Samantala si Joshua, ilang taon na niya itong kasama at kaibigan hindi man lang siya nito natulungan lalo na sa paghahanap ng kanyang mga magulang. Parang gusto na niyang bumalik na lang sa isla pero wala na doon si Yuan. “I’m sorry kung hindi man kita naipagtanggol sa kanila. Wala ako roon. Kasalanan ko ang lahat!” Mga katagang nabigkas ni Joshua. Wala na siyang ibang masasabi pa sa babae. Hindi niya ito kayang ipagtanggol lalo na sa kanyang ama kahit mahal pa niya ito. Sunod-sunuran lamang siya. Naisip niyang siya na yata ang pinakawalang kuwentang lalaki sa buong mundo. Hindi niya kayang ipaglaban ang taong mahal niya. “Pero ito naman ang gusto mo, ‘di ba? Malaya kana, Faith,” aniya. “How dare you to say that! Handa na sana akong magpakasal sa’yo. Pero kagaya nga ng sabi mo mabuti na lang at malaya na ako!” Pinahid niya ang mga luhang lumandas sa kanyang pisngi. Nakakuyom ang kamaong ibinagsak ni Joshua sa mesa. Ramdam nito ang sakit ng katagang binitiwan ng dalaga. Tiim bagang at galit sa sarili ngunit wala namang itong magawa. “Pangako, Josh, hindi ko sasayangin ang kalayaan na binigay mo. Makikita mong magiging masaya pa rin ako. Goodbye, Josh, salamat na lang sa lahat!” Mga salitang iniwan ng dalaga bago lumabas sa opisina ng lalaki. Halos mapaluha si Joshua. Sobrang sakit para sa kanya lalo pa’t minahal niya talaga si Faith. Nakaabang ang sekretarya ni Joshua na matagal nang nakatayo sa may pintuan hindi nito magawang kumatok dahil alam nitong nag-uusap ang dalawa. “Faith, kayo na lang ni Sir Joshua ang hinihintay sa conference room. Dumating na si Mr. Bernabe,” anang sekretarya na nakasalubong ni Faith sa may pintuan. Tumango lang siya at tinahak ang conference room. May kung anong kaba ang kanyang naramdaman. Huminga muna siya ng malalim at kinalma ang sarili. Naghihintay na ang mga staff para sa meeting. Nandoon na rin si Mr. Brandon Santillan. Ito agad ang bumungad sa paningin niya. Hindi man lang siya nito nginitian. Hindi siya nagpatinag hindi siya dapat panghinaan ng loob ngayon pa ba siya susuko. Kapag naiisip niya si Yuan napapangiti siya. kahit hindi na sila magkikita pa ay nagsilbing inspirasyon ang mga alaala nito sa kanya. Halos magkasunod sila ni Joshua na pumasok ng conference room. Umupo siya sa bandang hulian na hanay ng upuan samantala si Joshua naman ay pumunta sa gawing unahan. May dalawang lalaki na naka-black suit sa bandang unahan. Ang isa sa mga ito marahil ay si Mr. Bernabe, sa loob-loob niya. Nag-umpisa nang ipakilala at basahin ang profile ni Mr. Bernabe ng sekretarya ni Joshua. “And now let’s give a round of applause to the one and only successor of Mr. Rodolfo Bernabe, Mr. Yuan Bernabe!” Nagpalakpakan ang mga ito at agad namang tumayo ang lalaki. Napatda si Faith nang humarap ang lalaki. Naka-corporate attire ito at nakatingin agad ito sa direksyon na kinaroroonan niya. “Yuan?” usal niya. Tama ba ang kanyang nakikita? Baka dala lang ng lagi niyang pag-iisip kaya namamalikmata siya. Kumurap-kurap siya. Pero nanatiling nakatingin ang lalaki sa sa kanya. Hindi! Hindi maaari! Napailing siya. Hindi niya akalain na ang lalaking nakasama niya sa isla ay si Yuan? Ang nawawalang tunay na anak ng kanyang Daddy Rodolfo. Bigla siyang nalito. Coincidence lang ba ang lahat? O talagang sinadya ng pagkakataon para saktan siya. Matagal na ba alam ni Yuan na siya ang ampon ng daddy nito? Bakit hindi man lang ito nagpakita sa loob ng mahabang panahon? At bakit hindi nito nagawang sabihin noong nasa isla pa sila? Bakit nagawa nitong magkunwari sa kanya? Magkakasabwat ba ito nila Joshua para paglaruan siya? Para ipamukha sa kanya ang lahat? Naglaho ang tanging pag-asa niya at ang tanging nagpapalakas ng loob niya. Pakiramdam niya ay mas masakit pa ito ngayon. Hindi na niya kaya pang tumagal sa loob kaya lalabas na lang siya. Hihintayin pa ba niyang ipahiya siya nito sa harap ng marami? Kung hindi siguro si Yuan iyon, kaya pa niyang harapin. Pero kay Yuan, ay wala man lang siyang puwedeng ipagmalaki pa. Paano kung isumbat sa kanya sa harap ng marami ang ginawa nitong pagtulong noong nasa isla pa siya? Nangingilid ang kanyang mga luha. Napailing siya habang nakatingin sa lalaki. Tumayo siya’t dali-daling tinungo ang pintuan. “Faith!” narinig niyang tinawag siya nito pero hindi niya ito nilingon. Tumakbo siya sa hallway. Bumaba siya ng parking area at pinaharurot ang kanyang sasakyan. HABANG binabagtas niya ang kahabaan ng expressway ay walang tigil ang pag-agos ng kanyang mga luha. Bakit si Yuan pa? Tanong na nagpupumilit sumiksik sa kanyang isipan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD