Habang kumakain kami ni Liliane ay may dumating na sulat sa akin. Umalis na ang butler pagkatapos ibigay sa akin ang sobre.
“Ang simbulo na iyan ay galing kay—”
“Kay Duke Clowen ng Domen.”
“Para saan ang sulat?”
Hindi na ba talaga tatahimik ang babae na ito?
“Pinaalam ko sa kanya na dadalo tayo sa selebrasyon ng kanyang kaarawan.”
Sandali itong hindi umimik at pagkatapos ay tiningnan ako habang nanlalaki ang mga mata.
“Bakit ngayon mo lang ipinaalam sa akin?! Kailangan ko ng bagong damit!”
“Marami ka ng damit, bakit hindi mo nalang ulitin ang mga iyon?”
Nagbuga ito ng malalim na hininga at hinilot ang sentido.
“William, ang mga kababaihan doon ay likas na mapanghusga. Papayag ka ba na lait-laitin nila ang asawa mo?”
Asawa? Hindi pa nga kita pinapakasalan at malabong mangyari iyon.
Tumayo ito at naglakad palayo. “Pupuntahan ko ang pinakamagaling na sastre ng Hilaga. Kung kinakailangan na magbayad ako ng malaking halaga para lang matapos niya ang saya ko ay gagawin ko.”
Nagkibit-balikat lamang ako at hinayaan na siya sa kanyang kagustuhan. Kahit isang libong sastre pa ang bayaran niya ay hindi niya mauubos ang kayamanan ng kanyang pamilya.
Tamad na tamad na ako sa palasyo na ito. Kung pwede lang ay pinabilis ko na ang pagtutupad sa mga plano ko.
Dumating ang araw ng selebarsyon at hinihintay ko nalang na bumaba si Liliane ng hagdan. Kapag nakita ko siya ay kailangan ko lang umarte na namamangha sa kanyang itsura. Kailangan ko lang ipakita sa kanya na siya ang pinakamagandang babae sa buong kaharian.
Kapag napanatag na siya na ang buong atensyon ko ay sa kanya lang— magiging maliit ang tiyansa na hindi ito gagawa ng eskandalo sa Domen kapag nakita niya ako na kausap ang mga kontesa ng Hilaga.
Tiningnan ko ang aking repleksyon mula sa malaking salamin ng bintana. Ang huling beses na nagsuot ako ng magarang damit ay noong ako pa ang hari ng buong Arachnida. Mahabang panahon rin na tuyong dahon at kahoy lang ang aking higaan.
Malayo na ang narating ko at hindi na ako muling babalik sa impyerno na iyon. Paminsan-minsan ay napapanaginipan ko pa rin si Rubitta at pinipilit akong tipunin ang mga diwata— pero ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang magmakaawa.
Ilang sandali lang ay nakarinig na ako ng tunog ng sapatos. Tumikhim ako bago tumingala sa gawi ng hagdanan.
Bahgayang umawang ang aking labi nang makita ko ito. Dahil sa lalim ng pagka-asul ng damit niya ay mas tumingkad ang mala-porselana niyang kutis. Nakapatong ang iilang puting bulaklak sa kanyang maikling buhok.
Ikinagulat ko ang transpormasyon ng binibini. Hindi ko inaasahan na paghahandaan niya ng todo ang selebrasyon.
Inilahad ko ang aking kamay sa kanya at agad niyang inabot ito. Ang libreng kamay niya ay marahan na pinaraan sa maayos kong buhok.
Si Auriel ang nag-ayos sa buhok ko at ang damit naman ay pinadala ni Liliane sa akin. Ayaw niyang pumayag na hindi ko siya teternuhan.
“William, pinaghintay ba kita ng matagal?”
Hinawakan ko ang kanyang kamay at idinikit ang palad niya sa aking labi. Namula ang pisngi niya at kinagat ang ibabang labi.
Tingnan mo nga naman, napakadali lang paibigin ng mga kababaihan.
“Naghihintay na ang karwahe.”
Tumango ito at sabay kaming lumabas ng bahay. Habang nasa biyahe ay napansin ko ang kanyang pagkabalisa.
“Kung hindi ka kumportable na tumuloy ay pababalikin ko ang karwahe.”
“Ito… ito kasi ang unang beses na lalabas ako ng palasyo.”
Bahagya itong nakayuko at nakatikom ang mga kamay. Bigla kong naisip kung nasaan ang confident na babae na bumaba ng hagdan kanina.
“Wala ka bang kaibigan sa ibang kaharian?”
“Mayroon— si Isabel.”
Isabel— ginising ng pangalan na iyon ang aking kuryosidad. Baka bukod sa kayamanan ng babae na ito ay may iba pa rin siyang silbi sa akin.
“Kaibigan mo ang anak ng hari?”
“Noon. Kaibigan ko si Isabel noon pero hindi na maganda ang samahan namin ngayon.”
“Dahil?”
“Akala niya ay inaagaw ko sa kanya si Ashmir noong bata pa kami.”
Napaangat ang isang kilay ko ngunit hinayaan ko lang siya na magkwento.
“Halata naman na walang interes sa kanya si Ashmir dahil ang oras nito ay nauubos sa pag-aaral. Kahit ano’ng gawing papansin ni Isabel ay hindi iyon nagtatagumpay.”
Huminga siya ng malalim.
“Isang araw, tumira sa palasyo namin si Ashmir upang pag-aralan ang border. Nahuli niya na nagtatawanan kami ng dating hari at nagwala si Isabel.”
Hindi ko pinutol ang kanyang pagsasalaysay. Mukhang nawala na rin sa isip nito ang pagka-nerbiyos dahil mas relax na ang kanyang itsura.
“Inaway ako ni Isabel at sinubong kay Duke Sanjo. Siya ang paboritong anak ng duke kaya naging malaking gulo ang nangyari. Humingi ng tawad ang pamilya ko sa kanila at upang matigil ang gulo ay…” Nagsalubong ang kilay nito at napansin ko ang kanyang matinding galit. “… binunyag ng aking pamilya ang kapansanan ko— na hindi ako magkakaanak kailanman.”
Paniguradong ipinagkalat ni Isabel ang balitang iyon sa lahat upang maging ganti sa kanya.
Pinakinggan ko lang si Liliane sa buong biyahe— umaasa na kahit isa sa kanyang kwento ay may mapapakinabangan ako pero wala.
Siguro ay mabuti na rin ito dahil kahit papaano ay nabawasan ang bigat sa loob niya.
Nakarating kami sa lugar na paggaganapan ng selebrasyon. Sinuot na namin ang aming mask at una akong bumaba.
Inilahad ko ang kamay kay Liliane upang alalayan ito sa kanyang pagbaba.
“Wil, h-hindi ko ata—”
“Liliane, wala na ang mga magulang mo rito para saktan ka.”
“Pero si Isabel—”
“Nasa tabi mo ako. Wala na si Ashmir para saktan ka ni Isabel. Sa pagpasok natin, siya kaagad ang hanapin mo at tingnan mo ang inggit sa kanyang mga mata habang hawak mo ang kamay ko.”
Gusto kong masuka sa mga salitang ito pero kailangan. Tumango ito at huminga ng malalim.
“S-Sige.”
Itinuwid ko ang aking likod at ginawang blangko ang ekspresyon.
Pumasok na kami sa loob at bumungad sa amin ang malakas na musika. Ibinigay ko ang imbetasyon sa kawal.
“Ang Baron at Baroness Tacaba ay dumating na!”
Ang ilan ay tumigil upang tingnan kami at ang iba naman ay nagtuloy lang sa pagku-kuwentuhan.
Habang bumaba sa magarang hagdan ay inobserbahan ko ang mga bisita ni Duke Clowen. Tingin ko ay wala si Sanjo ngayon dahil sa dami ng aasikasuhin niya sa palasyo.
Ngunit hindi ko inaasahan na padadaluhin niya sa isang malaking pagtitipon ang bastardo niyang anak habang nakakapit sa kanyang bisig si Euphemia.
Sa isang gilid naman ay napansin ko ang mga kontesa na nakatipon habang nakatingin sa akin. Ngayon gabi ay dapat kong marinig ang kanilang sagot.
Nang makababa na kami ay biglang humarang sa aming harapan si Isabel. May hawak itong alak sa kanang kamay at ang kasuotan niya ay kulay puti na humahapit sa kanyang katawan at punong-puno iyon ng iba’t-ibang kristal habang nakapatong sa kanyang ulo ang isang tiyara.
Sabay kami na nagbigay galang sa prinsesa.
“Lia, hindi ko alam na ikinasal ka na. Sino naman ang lalaki na ito at saan mo siya nabili?”
Humigpit ang hawak ni Liliane sa aking braso.
“Siya si William, prinsesa. Naging simple lang ang kasal kaya’t hindi na kami nag-imbita,” pagsisinungaling ni Liliane.
Bumaba ang tingin ni Isabel sa aming kamay— mabuti nalang at binilhan ko si Liliane ng singsing bilang regalo.
“Alam mo ba na baog si Liliane— na wala siyang kakayahang magkaanak?” Tumabi sa akin si Isabel at hinaplos ang aking braso. “Tapatin mo na kami kung magkano ang binayad niya sa iyo.”
“Tama ka, may ibinayad sa akin si Lia.”
Lumawak ang ngiti sa labi ni Isabel. “Magkano?”
“Kabutihan,” simpleng saad ko bago yumuko ng kaunti. “Mawalang-galang na, prisesa. Kailangan pa naming bumati sa duke.”
Pagkatapos kong sabihin iyon ay nilagpasan na namin siya. Tiningnan ko si Liliane at naging maaliwalas na ang kanyang mukha. Siguro ay nagustuhan niya ang ginawa kong pagtatanggol sa kanya.
“Salamat, William.”
Hindi mo kailangan magpasalamat sa akin binibini dahil gagamitin ko ito upang humingi ng pabor sa iyo sa mga susunod na panahon— maghintay ka lang.
Nakatalikod sa amin si Duke Clowen habang nakikipagtawanan ito sa kanyang kausap. Habang papalapit kami ay may pamilyar na pabango akong naamoy at tila bumabagal ang mundo.
Kumilos ng kaunti si Duke Clowen hanggang sa makita ko kung sino ang kanyang kausap.
“Euphy,” bulong ko.
Napatingin sa akin si Liliane. “William, isang kabastusan ang normal na pagtawag sa pangalan ng prinsesa at dating reyna.”
“Pasensya na.”
“Mukhang tayo lang naman ang nakarinig kaya huwag mo nalang ulitin.”
Ang pinaghalong itim at gintong kulay ay naging dahilan ng mas pagtingkad ng kagandahan nito. Kahit nakatago ng mask ang ilang bahagi ng kanyang mukha ay kapansin-pansin pa rin ang taglay nitong kagandahan.
Napalunok ako nang mahuli niya akong nakatingin sa kanya. Kumunot ang kanyang noo. Malamang ay hindi niya ako mamumukhaan dahil sa pag-iiba ko ng anyo.
“Oh, narito pala ang Baron at Baroness Tacaba. Maraming salamat sa inyong pagdating,” saad ni Duke Clowen.
Dahil hindi alam ni Liliane ang sasabihin ay ako na ang nagsalita. “Maligayang kaarawan, Duke Clowen. Pagpasensyahan niyo kung hindi namin nasimulan ang inyong selebrasyon.”
Habang nagtatagal kami sa lugar ay mas dumarami ang nakakusap namin ngunit wala ni isa sa kanila ang pumukaw ng aking atensyon.
Tila naging marami naman ang naging kaibigan ni Liliane dahil hindi ito nauubusan ng kausap. Tingin ko ay tumaas ang tingin sa kanya ng kababaihan nang malaman na kasal na siya sa kabila ng kanyang kapansanan.
Lumabas ako sa lugar at nagpunta ng balkonahe. Paniguradong susundan ako ng tatlong kontesa para ipaalam sa akin ang sagot nila.
Tumalikod ako sa pintuan ng balkonahe at pinagmasdan lang ang bituin sa madilim na kalangitan. Umihip ang malakas na hangin at ilang sandali lang ay nakarinig na ako ng mga yabag.
“Sapat na siguro ang binigay kong panahon para malaman ang kasagutan ninyo.”
Lumingon ako at nakita ko ang apat na sinag ng silangan na nakatayo sa hindi kalayuan. Ngunit napakunot ang aking noo nang mapansin ang madilim nilang ekspresyon. Ang dalawa sa kanila ay may pasa sa gilid ng labi samantalang si Kontesa Karina naman ay napansin ko na umiika base sa paglalakad niya kanina.
“Bakit kami ang pinili mo upang tumulong sa iyong proyekto, estranghero.”
“Dahil naniniwala ako sa kakayahan ninyo.”
Nagkatinginan sila.
“Susuportahan namin ang iyong proyekto pero sa isang kundisyon.”
“Ano ang kundisyon?”
“Hindi mo maaaring ipaalam ito sa aming asawa at may mga bagay kami na binago sa iniwan mong kontrata para sa iba pa naming kundisyon.”
Tumango ako at ngumiti. “Mga binibini, isang karangalan ang maging katuwang kayo sa proyekto.”
Umabante na ang apat sa mga pawn ko, ito na ang simula.