“Ilalabas kita dito, Ashmir. Huwag kang mag-alala.” Nagpaikot-ikot ng lipad ang diwata ng tubig sa paligid ng selda.
“Kumalma ka, Auriel.”
“Hindi. Hindi ako kakalma! Alam mo ba kung ano ang pwedeng mangyari sa atin— sa iyo?!”
Dahil si Auriel ang pinakatapat sa akin ay pinaalam ko na sa kanya ang totoong pagkatao ko. Sa una ay hindi ito naniniwala ngunit pagkatapos ng mahabang panahon na pagsasama ay naniwala na rin siya.
Kasama niya palagi si Ashmir at nasubaybayan niya ang paglaki nito. Siguro ay in-denial pala siya noong una pero dahil sinabi ko na ang katotohanan ay hindi na rin ito masyadong nabigla.
“Auriel—”
“William, kapag namatay ka… hindi ka makakabalik sa mundo mo. Naiintindihan mo ba?”
Nagbuntong-hininga ako at nilagay ang mga kamay sa aking ulo bago sumandal. “Sige, simulan mo ng ngatngatin ang mga bakal ng rehas.”
“Hindi ko iyon kaya.”
“Basagin mo nalang ang mga bato na haligi.”
“Kapag ginamit ko ang kapangyarihan ko ay mapaparalisa ka. At malalaman nila na ikaw si Ashmir kapag gumamit ako ng tubig.”
“Ano ang kaya mo na gawin para makaalis tayo dito?”
Lumipad ito sa harapan ng mukha ko. Malawak ang kanyang ngiti kaya kinakabahan ako.
“Sabihin mo kaya na naiihi ka.”
“Ituturo lang nila ang gilid na iyon para doon ko ilabas.”
“Agh! Nakakadiri talaga ang mga mortal! Hindi niyo alam kung ilan sa mga bahay ko ang nasira ng mga katulad niyo.”
“Baka kung saan-saan ka nainirahan.”
Umiling ito. “Saka na tayo magdiskusyon doon— kailangan mo munang makalabas dito.”
“Kumalma ka nalang muna, Auriel— at magtago.”
“Tutulungan ka ba ng tatlong kontesa? O baka may iba kang plano?”
Nagkibit-balikat ako. “Medyo.”
“Ano’ng medyo? Hindi mo sinagot ang tanong ko.”
“Magtago ka na, munting diwata.”
“Ito ang tandaan mo. Kapag nakita ko na sinasaboy ang abo mo sa katubigan ko— ipapaanod ko iyon sa imburnal. Magkikita kayo ni Rubitta na amoy tae ka.”
Pagkatapos niyang sabihin iyon ay nagtago na siya sa aking bulsa.
“Huwag na huwag mong ilalagay sa kapahamakan ang katawan ni Ashmir. Matutulog na ako.”
Nang magtago na si Auriel ay nanaig ang katahimikan sa buong selda. Siguro ay mag-isa lang ako sa selda na ito.
Tiningnan ko ang aking pananamit at napansin na may munting dumi sa ladlaean. Ano kaya ang magandang dahilan kapag pinagalitan ako ni Liliane?
“Kamahalan!”
Narinig kong hiyaw ng kawal na nagbabantay sa akin. Hindi ako kumilos sa aking kinauupuan at tumingin lang sa gilid ang aking mga mata.
Tumayo si Sanjo sa harapan ng aking kulungan. Bilang paggalang ay marahan akong tumayo at wala sa loob na yumuko.
"Haring Sanjo."
Ang mga asul niyang mga mata ay nahahambing kay Isabel. Halata sa itsura nito na matalas ang kanyang pag-iisip. Kung hindi siguro ako mamamatay-tao ay manginginig na ang tuhod ko sa presensya niya.
Mas matangkad ako ng ilang pulgada sa kanya kaya’t kinailangan nitong tumingala ng kaunti.
Kung siya ang tumayong ama ni Ashmir, bakit duwag ito at mahina ang loob?
"Ang sabi ko ay sa hardin tayo magkikita. Ano itong narinig ko na lumabas ka sa silid ng aking anak na babae at pagkatapos ay nakita ka na hinuhubaran ang manugang ko?" Malamig at mahinahon ang kanyang boses. "Baron William, hindi pugad ng mga kalapati na mababa ang lipad ang aking palasyo."
"Kumusta si Prinsesa Euphemia, mahal na hari?"
“Tila labis ang pag-aalala mo sa asawa ng aking bastardong anak.”
“Dahil ako ang sumaklolo sa kanya at nagligtas ng buhay niya.”
"Siya ay nagpapahinga na."
"May nabanggit ba siya tungkol sa nangyari?" Hindi ito umimik kaya’t tinitigan ko siya ng may panghahamon. "O hindi niyo na tinanong iyon dahil gusto niyo na mabulok ako rito."
"Nabasa ko ang pinadala mong sulat at nag-imbestiga." Pag-iiba niya ng usapan. "Pero wala akong mahanap na kahit ano na tungkol sa iyo, Baron. Para kang singaw na basta nalang umusbong sa kaharian na ito— William Godwinson."
Ah, umayon sa plano ko ang reaksyon nito. Alam ko na mag-iimbestiga ito sa aking nakaraan kaya mabuti nalang at binayaran ko ang iilang tao para magkalat ng balita tungkol sa akin.
Na isa akong ulila at iba pang bagay.
"Hindi kita hinubusgahan. Sa katunayan ay bilib ako sa abilidad at talim ng pag-iisip mo. Nang lumapag sa akin ang mga disenyo ng proyekto ay napukaw mo ang aking atensyon. Mababago nito ang ekonomiya ng Arachnida. Nais kong maging parte ng—"
"Hindi ako nagpunta rito para anyayahan ka na hatian ako sa negosyo," putol ko sa kanyang sasabihin.
Tumalim ang kanyang tingin.
"Naiintindihan ko na isa kang hampaslupa na hindi alam ang tamang pag-uugali ng Maharlika. Kaya mag-ingat ka sa mga gagamitin mong salita, Baron William. Kilala mo kung sino ang nasa iyong harapan."
"Hindi ako nakakalimot, Kamahalan."
"Kung ganoon ay ano ang nais mo?"
"Aksidenteng nakita ko ang isang libro na naglalaman ng pagkakautang ng palasyo sa mga Tacaba simula no'ng panahon ng ikalimang hari hanggang ngayon. Humigit-kumulang isang daang libong ginto."
"Ano ang gusto mong mangyari?" Umayos ito ng tayo. "Hindi yuyuko ang Carapace sa Hilaga, Baron William."
"Hindi iyon ang gusto kong mangyari."
Kumunot ang kanyang noo. "Kung ganoon ay ano?"
"Isang pabor kapalit ng isang daang libong ginto."
"Isang pabor? Isa lang?"
"Gusto mo ba na dalawa?"
"Ano ang pabor na iyon?"
"Pahintulutan mo ang operasyon na ginagawa namin para sa tinatayong proyekto."
"Alam mo na makakalaban mo ang negosyo ng pamilya ni Kontes Abrevar ng Timog. Karwahe ang negosyo nila at panigaradong babagsak iyon sa oras na mabuo ang proyekto ninyo."
Nagkibit-balikat lamang ako. "Mayroon pa siyang dalawang taon para pag-isipan ang susunod na hakbang niya."
Natigil ang pag-uusap namin nang may lumapit sa kanyang kawal. May binulong iyon sa kanya at umalis nan ang tumango si Sanjo. Humarap siya sa akin at matipid na ngumiti— halatang peke at puno ng ibig sabihin ang ngiti na iyon.
"Nalinis na ni Euphemia ang kaso mo. Maaari ka ng makalabas."
“Hindi ko pa naririnig ang inyong sagot, Kamahalan.”
“Bigyan mo ako ng tatlong araw, Baron. Ipapaalam ko sa iyo ang magiging desisyon ko.”
Nauna na itong umalis at nang mawala na sa aking paningin ay saka lang binuksan ng kawal ang aking selda.
Tumungo ako sa maliwanag na dulo na sa tingin ko ay lagusan. Hindi ako nagkamali at nang makalabas ay umihip ang malakas na hangin.
Mula sa kinatatayuan ko ay nakarinig ako ang iilang sigawan. Napakunot ang aking noo dahil mukhang galit ang mga boses na iyon.
Nilapitan ko ang mga nagkukumpulangan mga tao.
Laking-gulat ko nang makita ang mga bata na tinulungan ko noon. Nakatapak ang mga ito sa mataas na platform na gawa sa kahoy. May nakapaikot na lubid sa kanilang leeg habang umiiyak ang mga ito.
“Patayin na ang mga iyan!”
“Patayin! Dalian niyo at patayin na sila!”
“Mga magnanakaw!”
“Salot sa Arachnida ang mga alipin na iyan! Patayin na sila!”
Halos mabingi ako sa lakas at dami ng nagsisigawang tao. Hindi ko inaalis ang tingin sa tatlong bata na ngayon ay may sintesyang kamatayan.
Si Hari Sanjo ay nakaupo lamang sa trono nito at walang-gana na pinapanuod ang mga nangyayari. Nasa kanyang gilid si Isabel at Joaquin, wala si Euphy dahil siguro namamahinga ito.
“Sandali…” nanghihina kong saad.
“Parang-awa niyo na po!” Sigaw ng mga bata.
Ang kanilang mata ay hilam sa luha at ang kanilang damit ay punong-puno ng mga putik at grasa. Wala silang magawa sapagkat nakatali ang kanilang paa at kamay.
“Mga magnanakaw!”
“Sinasaktan nila ang mga anak namin!”
“Binabasag nila ang bintana ng aming bahay!”
“Hindi po! Napagbintangan lang po kami!”
Ang mga salita ko ay nalunod ng ingay ng mga mamamayan. Lahat sila ay gusto na mamatay ag mga bata. Wala silang muwang at inabanduna ng kanilang mga magulang.
Katulad din nila ako noon. Sa mundo ko ay isa rin akong ulila at kung hindi ako inampon ng mga Russian mafia ay malamang na matagal na akong patay.
Sinubukan ko na makisiksik sa mga tao— nagbabaka-sakali na makagawa pa ng paraan para iligtas ang mga ito.
Ngunit bago pa ako makapunta sa unahan ay bumukas na ang platform.
Bumagal ang paligid at namawis ang aking mga kamay. Wala na akong marinig na boses sa aking paligid at ang focus ko ay napunta nalang sa tatlong bata na ilang segundo lang ay nabawian na ng buhay.
Imbis na maawa ang mga tao sa sinapit ng tatlong bata ay nagpugay pa ang mga ito.
Tumayo si Sanjo mula sa kanyang trono at kinawayan ang mga tao.
“Ngayon ay magiging tahimik na sa ating mamamayan dahil nabawasan na ng salot ang ating kaharian. Makakauwi na ng ligtas ang inyong mga anak at hindi na kayo mag-aalala na baka saktan sila ng mga ulila na ito.”
“Mabuhay ka, Haring Sanjo!”
“Mabuhay! Maraming salamat!”
Hindi ako makakilos. Para akong napako sa aking kinatatayuan. Naramdaman ko ang pagtulo ng pawis sa gilid ng aking pisngi.
Kahit hindi na humihinga ang tatlo ay hindi pa rin sila binababa. Ginawa silang banderitas ng mga tao na para bang may okasyon na sine-celebrate ang mga ito.
Silang mga musmos ba talaga ang dapat katakutan?
Napatingin ako sa baba nang maramdaman na may kumapit sa aking damit. Nakita ko ang isang batang lalaki na may yakap na sirang laruan. Umiiyak ito at puro alikabok ang iba’t-ibang parte ng katawan. Wala rin itong pangyapak at walang nagpoprotekta sa kanyang paa laban sa mainit na sahig.
“Kuya… Kuya… Ate… Kuya…”
Tumingin ako sa walang buhay na katawan ng mga bata at pagkatapos ay ibinalik sa musmos. Binuhat ko ito at inilayo sa maingay na lugar.
Tingin ko ay siya ang dahilan kung bakit nagnananakaw ang mga bata na iyon. Sa tantiya ko ay wala pang tatlong taon ang bata na nasa aking bisig.
Sumakay kami sa loob ng karwahe at wala pa ring tigil ito sa pagngawa. Tumingin ito sa labas ng bitana at pinagmamasdan ang paglayo naming sa Kapitolyo.
“Kuya… Ate ko…”
Nakaramdam ako ng galit dahil sa ganoon na lamang ang pagtrato ni Sanjo sa buhay ng tao. Wala itong pakielam kung sino ang papatayin. Sabagay, si Clovis nga na batang anak nila Ashmir at Euphy ay isinabak niya sa giyera.
Tinanggal ko sa bitana ang musmos at iniupo ito sa aking hita. Niyakap ko lang ito hanggang sa mapagod siya pag-iyak.