Nasa kanya-kanyang gawain ang mga kontesa habang narito kami sa underground facility na sikretong pinagawa ko para maging opisina namin.
“Kailangan nating baguhin ang parte na ito para kumapit sa riles ang mga gulong,” saad ni Karina habang itinititigan ang mga nakalatag na papel sa malawak na mesa.
Binaba ni Laza ang tasa ng kape sa ibabaw ng mesa. “Kung ganoon, kakailanganin natin ng karagdagang metal pa at hindi ko na kayang itakas ang ganoong kalaking kargo.”
“Bakit hindi mo nalang gamitin ang mga koneksyon ni Igna para maipasok sa siyudad ang materyales.”
“Nabanggit niya sa akin na ang karwahe ay puno na ng trabahador. Hindi ba puwede na maglakad nalang sila?”
Napaangat ang ulo ni Igna at naglakad palapit sa magkaharap na Laza at Karina. “Gusto mo na maglakad sa initan ang mga tao? Mag-uumpisa na ang konstraksyon sa susunod na linggo. Kung hindi ako gagamit ng karwahe ay sa susunod na buwan pa sila makakarating.”
“Naiintindihan ko ang hinaing niyo pero ang suhestyon ko ay mas nakakabubuti para sa proyekto.”
“Wala ngang sapat na materyales para suportahan ang suhestyon mo,” sabat ni Laza.
“Magagawan pa natin ng paraan. Igna, siguro ay dapat mong—”
“Ako na naman? Ang dami ko ng nagawa para sa proyekto na ito. Hindi pa ito ang tamang panahon para ubusin ko ang lahat ng koneksyon ko, Karina.”
“William!” Sabay-sabay nilang banggit sa aking pangalan.
Natigil ang pagbabasa ko ng plano nang mapunta sa akin ang kanilang atensyon. Malalaki ang hakbang ni Kontesa Laza habang papalapit sa akin. Inabot ko ang tasa ng kape at humigop ng kaunti roon.
“Narinig mo ba ang balak ni Karina? Gusto niyang baguhin ang disenyo ng riles.”
Tumango ako. “Nabanggit niya iyon sa akin.”
“At ano ang opinyon mo?”
“Pumayag ako.”
“Huh?! Ano?!” Sabay na saad ni Laza at Igna.
“Kontesa Laza, kung susundin natin ang unang disenyo. Gaano karaming uling ang dapat na masunog para umandar ito?”
“Humigit-kumulang isang daang tonelada sa bawat bagon.”
“Kung susundin natin ang bago?”
“Halos parehas lang ng—” Natigilan ito at nag-isip ng malalim, pagkatapos ay nagpalakad-lakad ito sa aking harapan. “Pero hindi ko na kayang mag-angkat pa ng materyales ng patago.”
“Hindi na natin kailangan na patago pang kumilos.”
Napatigil sa ginagawa ang tatlong kababaihan at napatingin sa akin.
“Ano ang ibig mong sabihin?” Tanong ni Igna. “Huwag mong sabihin na pinaalam mo sa hari ang totoo nating—”
Napasinghap si Laza. “Kung ganoon ay kailangan na nating itigil ito! Kapag nalaman ng aking asawa ang tungkol rito ay mapapahamak ako at ang aking anak.”
Napakislot ako nang kinuha nito ang matulis na lapis mula sa ibabaw ng mesa at tinututok iyon sa akin.
“Titiyakin ko na mas una kang mamamatay kaysa sa akin.”
Natawa ako habang nanunuod sa iba’t-ibang reaksyon nila.
Hinipo ng isa kong daliri ang dulo ng lapis na tinutok sa akin ni Laza upang ilayo iyon sa mukha ko. “Mga kontesa, huminga at kumalma kayo. Uminom muna kayo ng tubig.”
“Huwag mo kaming paikutin, hangal!” Bahagyang tumaas ang boses ni Laza.
“Ginagawa ko ang lahat para maging legal ang proyekto. Nagbayad pa ako ng malaking halaga para sa mga tao na magpapanggap para sa inyo.”
Humalukipkip si Karina. “At paano mo naman gagawing legal ito?”
Umangat ang isang gilid ng aking labi.
“Sabihin na natin na mga bagay na hindi kayang gawin ng isang hangal.” Huminga ako ng malalim at tumayo. “Aalis na muna ako dahil may importante akong kikitain, mga binibini.”
“Sandali,” pigil ni Karina sa aking damit. “Ang… ang banyo… uhm…”
Ngumiti ako ng tipid at ipinatong ang palad sa ibabaw ng kanyang ulo. “Naalis ko na ang insekto roon, Kontesa Karina. Wala ka ng dapat ikatakot.”
“Takot ka sa isang maliit na ipis, Karina?”
“Nakakarinig ako ng pang-iinis sa boses mo, Laza.”
“Hindi naman nakakamatay ang isang ipis lang.”
“Oo, pero itong takong ng sapatos ko ay nakakamatay, Laza. Ang ingay mo.”
“Karina.”
“Ano?”
“Hindi pa rin ako pumapayag sa pagbabago mo sa plano.”
Iniwanan ko sila na nagtatalo. Sumakay ako ng aking karwahe at tumungo sa lugar na hindi ko akalain na matatapakan ko— ang kaharian ng Carapace.
Nakatanggap ako ng imbestasyon mula sa walang-iba kung hindi ang hari. Nang makilala ako ng mga kawal ay agad nila akong pinapasok.
Sa gitna ng malawak na hallway ay may nangniningas na apoy. Kahit nasa malayo ay kapansin-pansin na may tao na nasa gitna ng apoy na iyon. Nang makalapit na ako ng tuluyan ay hindi ko mapigilan na mapangiti.
Santelmo.
Look at you. You still put your trust to that rotting king.
You think everything will change once he took the throne.
Nakapiring ng metal ang kanyang mata. Nakaposas ng makakapal na bakal ang kanyang kamay at paa. Hindi ito makagalaw at kapansin-pansin rin ang ilang sugat sa kanyang katawan. Tila pinahihirapan siya ng mga tao rito sa palasyo dahil namayat din ito ng sobra.
“Isa siyang magandang dekorasyon, hindi ba?”
Hindi ko na kinailangang lumingon upang malaman kung sino ang may-ari ng boses na iyon. Tumabi siya sa akin at dumistansya ako upang yumuko ng kaunti.
“Binibini Isabel.”
Nilahad niya ang kanyang kamay at inabot ko iyon upang halikan ang likod ng palad niya.
“Baron William, mabuti at tinanggap mo ang imbitasyon ng aking ama para mag-tsaa.”
“Isang hangal ang hindi tumanggap sa alok ng hari, mahal na prinsesa.”
“Tama.” Hinawakan niya ng mahigpit ang aking kamay. “Sa ngayon ay may kausap pa si ama kaya’t ililibot muna kita sa palasyo.”
Una akong dinala ni Isabel sa kanyang silid. Dahil sandali lang ako sa kaharian bilang Ashmir ay hindi ko kabisado ang lugar kaya’t madali akong nauto nito.
“Prinsesa—”
Natigil ako sa pagsasalita nang bigla nitong hubarin ang buong kasuotan sa aking harapan. Ang mamula-mula nitong balat ay humahalina sa akin. Ang ilang hibla ng buhok nito ay humahaplos sa kanyang kahubdan.
“Baron William… mas kaya kitang pasayahin.” Lumapit siya sa akin at pinaraan ang palad mula sa aking balikat hanggang sa aking dibdib. “Hindi mo alam kung ano’ng sarap ang kayang ibigay ng katawan ko sa iyo.”
Kahit ang anyo ko ay nag-iba, hindi pa rin naalis ang atraksyon ni Isabel kay Ashmir.
Kinuha niya ang aking kamay at inilapat sa kanyang malulusog na dibdib. Imbis na maengganyo ay tiningnan ko lang siya habang may malamig na ekspresyon.
“William… qiabe das tersada.” Fanglian language na ang ibig sabihin ay ‘make me yours’.
Binawi ko ang aking kamay at magalang na yumuko sa kanya.
“Patawad, mahal na prinsesa. Kailangan ko ng umalis.”
Lumabas na ako ng silid at nang lumapat ang pinto sa hamba ay nagbuga ako ng malalim na hininga.
“Ano ang ginagawa mo sa silid ni prinsesa Isabel?”
Euphemia.
Tila bumabagal ang paligid sa tuwing nakikita at nakakasalubong ko ito.
Dahil sa sinag ba nagmumula sa malaking bintana ay kumikislap ang mala-diyamante nitong mata at pilak na buhok. Kung hindi lang niya ako pinagtaksilan ay iisipin ko na isa siyang anghel na bumaba sa lupa.
“Mahal na prinsesa Euphemia.”
“Ano ang ginagawa mo sa silid ni Isabel? Sagutin mo ang tanong ko.”
“Sinabi ng prinsesa na ililibot niya ako sa kaharian ngunit hindi ko inasahan na silid niya ang unang destinasyon namin.”
“Saan ka patungo?”
“Sa hardin. Inimbitahan ako ng hari na mag-tsaa.”
“Sasamahan na kita.”
“Huwag mo’ng sabihin na silid mo naman tayo tutungo?”
“Hindi ako ganoong klase ng babae. Kasal ako sa prinsipe.”
“Bastardong prinsipe.”
“Ang pinagsasalitaan mo ng masama ay ang asawa ko, Baron William. Kahit ano pa man siya ay anak siya ng hari at hindi iyon magbabago.”
Nauuna itong maglakad at ako ay nakasunod lang sa kanya. Naiiwan ang kanyang matamis na amoy sa hangin sa bawat daanan namin. Amoy pa lang niya ay natitigasan na ako, samantalang si Isabel ay naipakita na sa akin ang lahat pero wala akong naramdaman.
Napansin ko ang pagtigil ni Euphemia at ang kamay niya ay inihawak sa noo. Ilang segundo lang ay hindi na naging tuwid ang kanyang paglalakad.
Agad ko siyang nilapitan at tamang desisyon iyon dahil bigla itong natumba. Marahan akong lumuhod habang nasa bisig ko ito. Binalot ako ng pag-aalala habang nakapikit ang kanyang mga mata.
Sinalat ko ang leeg ni Euphemia at naramdaman na may pulso pa ito. Pero ano ang nangyari?
“Auriel.”
Sumilip ang diwata mula sa bulsa sa aking dibdib. “Nawalan siya ng malay, William.”
“Maputla siya at nangingitim ang labi.”
Hinawakan ko ang bewang nito at dahil doon ay alam ko na kung ano ang problema. Binuhat ko ito ng mala-prinsesa bago tumayo. Malalaki ang aking hakbang at binaba siya sa malambot na upuan.
“Ash— William, ano ang gagawin mo?”
“Tatanggalin ko ang corset niya,” saad ko habang mabilis na sinisira ang damit nito.
“Hangal, mapapahamak ka kapag nahuli ka nila.”
“Hindi ko hahayaan na mamatay si Euphemia ng ganito lang.”
“William!”
“Shh!”
Hindi na ako nagdalawang-isip na warakin ang bagay na nagpapahirap sa kanya. Pagkatapos ng corset ay may manipis pa na damit na tumatakip sa dibdib niya.
Mahina kong tinapik ang kanyang pisngi at bumulong, “Euphy.”
“Hoy! Ano ang ginagawa mo sa asawa ko?!”
Tinulak ako ni Joaquin Adler palayo sa walang-malay na si Euphemia.
“Mga kawal!”
Siniko ko ito at natumba siya. Sinubukan kong i-resuscitate si Euphemia at ilang sandali lang ay umupo na ito at kumilos. Hinubad ko ang coat at mabilis na nilagay sa kanyang balikat.
“Mahal!”
Agad na nilapitan ni Joaquin Adler si Euphemia. Tumayo ako at nang dumating ang mga kawal ay hinawakan nila ang magkabilang-braso ko.
“S-Sandali…” hingal na sambit ni Euphemia.
“Dalhin niyo na siya sa kulungan! Huwag niyo siyang papalabasin hangga’t hindi ko sinasabi!”