
Nakakahalina ang mga patak ng ulan. Bawat bagsak nito ay nagbibigay ingay mula sa bubong ng aming tahanan. Nagbibigay indayog ito sa aking puso, naghahatid ng sayang hindi ko mawari kung para saan, tila ba hinehele ako nito kahit saan mang lugar ako madatnan. Ngunit sa kabila ng sayang ito ay ang walang kapantay na kaba, kabang paulit-ulit kong nararamdaman sa hindi ko mapangalanang dahilan, dahil sa tuwing sumasapit ang ulan ay nagkakatagpo ang mga mata namin ng lalaking iyon. Hindi ko siya lubusang kilala, ang impormasyon na tanging alam ko tungkol sa kanya ay anak siya ng pinaka-mayaman at kilalang angkan dito sa lugar kung nasaan ako.
Kaba at kilabot ang hatid sa akin tuwing dumadapo sa akin ang tinging iyon. Wari ba'y kayang-kaya akong kontrolin sa lahat. Bakit kaya? Para saan ang kabang ito?

