Chapter Five

2056 Words
"GO, STONE!" sigaw ni Kisa kasabay ng pagtalon nang maipasok ni Stone ang bola. Limampung shots na ang naipasok nito nang araw na iyon. Sa kabuuan ay nakaka-two hundred fifty three layups at jump shots na ito sa loob lang ng apat na araw. Masasabi niyang nag-improve na talaga ito. Mas maganda na rin ang porma nito kapag tumitira ito. "Whew!" Pasalampak na umupo ito sa sahig pagkatapos nitong mai-shoot ang bola. Sinundan niya ang gumulong na bola. Yumuko siya para pulutin iyon at nang tatayo na siya ay natigilan siya. Isang magandang babae ang nakita niya pero nasa labas ito ng bakod. Base sa pagkakatayo nito, mukhang kanina pa ito nanonood. Maganda talaga ang babae. Mestiza ito, kulay-tsokolate ang mga mata, matangos ang ilong, at mapupula ang maninipis na labi. Matangkad din ito at maganda ang pangangatawan. Simpleng sleeveless shirt at short shorts lang ang suot nito pero mukha pa rin itong elegante at sosyal. Sinalubong nito ang titig niya. Nginitian siya nito bago ito tumalikod at nagsimula nang mag-jogging. Wow, sa isip ay nasambit niya. Noon lang siya nakakita ng ganoon kagandang babae. At hindi pa ito suplada. "'Ling, ano ba'ng ginagawa mo riyan?" Nilingon niya si Stone. Nakatayo na ito at nagpupunas ng pawis sa mukha gamit ang dala niyang face towel. "I think I just saw an angel." Luminga ito sa paligid. "Wala naman, ah." "Never mind." Baka magkagusto ka pa sa babaeng 'yon kapag nakita mo. "Uuwi ka na ba?" "Oo. Gusto ko nang magpahinga." Nag-inat ito. "Teka, bakit mo naitanong?" "Magpapasama sana ako sa 'yo." "Saan?" Inilagay niya ang bola sa basket ng bisikleta niya, saka nakangiting hinarap ito. "Basta. Samahan mo na 'ko, please?" Bumuga ito ng hangin. "All right. Pero ako ang magpepedal." Nagulat siya. "Sure ka? 'Di ka pa pagod?" "Umangkas ka na lang bago pa magbago ang isip ko," parang iritadong sabi nito. Pero sa tingin niya, nahihiya lang ito. Ngumisi siya. Umangkas siya sa bisikleta nang makasakay na ito. Pero sa halip na umupo ay tumayo siya. "Let's go, captain!" "Kumapit ka't baka mahulog ka." Natawa lang siya at itinaas ang mga kamay niya sa hangin habang sumisigaw. Alam niyang hindi nito hahayaang mahulog siya. Hindi niya inakalang darating ang araw na magiging ganito siya kasaya kasama ang taong ilang beses na siyang itinaboy at sinaktan ang damdamin. Puwede rin pala silang magkasundo. Mas magaan din sa pakiramdam ngayong hindi na siya nito iniiwasan. "Saan ba tayo pupunta?" basag nito sa katahimikan. Natatanaw na niya ang maliit na mall na gusto niyang puntahan. "Doon sa mall na 'yon. May kukunin kasi ako ro'n." "All right." Nagpedal ito patungo sa mall na itinuro niya. Ipinarada nito ang bisikleta sa parking lot. Ang akala niya ay hindi na ito sasama sa kanya kaya nagulat siya nang sumunod ito sa kanya sa loob. Pero hindi na niya pinansin iyon dahil baka masamain nito ang sasabihin niya at layasan siya nito. "Dito, Stone," sabi niya nang makita ang shop na kailangan niyang puntahan. Tahimik lang itong sumunod sa kanya. Bilihan iyon ng mga panyo, tuwalya, at face towel na maaaring paburdahan. May paninda rin doon na scented candles, stuffed toys, at figurines. "Ate, kukunin ko na po 'yong pinaburdahan kong face towel," nakangiting sabi niya sa tindera. Nakaupo ito sa harap ng makina. Ito kasi mismo ang nagbuburda sa mga produkto roon. "Sandali lang, ineng." Tumayo ito at may kung anong kinuha sa loob ng shop. Pagbalik nito ay dala na nito ang plastic bag kung saan nakalagay ang mga binili niyang face towels. "Heto na. Pakitingnan na lang kung tama ang naiburda ko." Mabilis na nilabas niya ang asul na face towel. Napangiti siya nang makita ang pangalang nakaburda roon gamit ang dilaw na sinulid—Stone. "'Ling?" Nakangiting nilingon niya si Stone. Nakakunot ang noo nito habang nakatingin sa hawak niyang face towel. "Ang ganda, 'di ba?" "Hindi mo 'ko kailangang bilhan ng mga ganyan." "Hindi naman mahal ang mga 'to. Isa pa, maliit na reward lang ang mga ito dahil nakikita ko kung gaano ka nagsisikap." Ibinalik niya ang asul na face towel sa plastic bag at iniabot ang lalagyan dito. "Tanggapin mo na. Please?" Ilang saglit ang lumipas bago nito inabot ang plastic bag. "Ito na ang una at huling bagay na tatanggapin ko mula sa 'yo. Okay?" Nakangiting tumango siya. Tumalikod na ito at lumabas na ng shop. Nakangiting sinundan niya ito. Napasinghap siya nang may bumunggo sa kanya mula sa likuran. Nang lingunin niya iyon ay nakita niya ang isang batang lalaki na hula niya ay limang taong gulang. Nadapa ito. "Ay, baby, nasaktan ka ba?" masuyong tanong niya sa umiiyak na bata. Lumuhod siya sa isang tuhod at tinulungan itong makatayo. Pagkatapos ay maingat na pinagpag niya ang tuhod nito, saka tumingin dito. "Wala ka namang sugat. May masakit pa ba sa 'yo?" Huminto ito sa paghikbi at tinitigan siya. Pagkatapos ay bumadha ang takot sa mga mata nito. "Monster!" sigaw nito at pumalahaw ng iyak. Pakiramdam niya ay may pumiga sa puso niya nang matanto niya kung ano ang ikinatakot nito—ang peklat sa kanyang mukha. Tumayo siya at napayuko nang ma-realize na pinagtitinginan siya at nagbubulungan ang mga taong nakarinig sa bata. "Anak!" Isang ginang ang humahangos na lumapit sa bata at niyakap ito. "Saan ka ba naman kasi nagsususuot, bata ka? Nasaktan ka ba?" Tumingin sa kanya ang bata at itinuro siya. "Mama, may sugat siya sa face. Para siyang mumu." Sinaway ng babae ang anak nito pero nang gumawi naman sa kanya ang tingin nito ay nahaluan iyon ng pandidiri. "Huwag mo siyang tingnan," sabi nito sa bata. Nag-iwas na langsiya ng tingin. Pasimpleng tinakpan din niya ng mahaba niyang buhok ang kalahati ng mukha niya upang hindi makita ng mga tao ang peklat niya. Pagpihit niya ay nakita niya si Stone na nakakunot-noong nakatingin sa kanya. Pagkatapos ay tinalikuran siya nito at mabilis na naglakad palayo. Pakiramdam niya ay may kutsilyong tumarak sa puso niya. Ayaw siguro ni Stone na malaman ng mga tao na kilala siya nito, upang hindi ito mapahiya. It's okay. Ayoko rin namang mapahiya siya sa mga tao. Yukong-yuko siya habang sinusundan si Stone. Pero siniguro niyang sampung hakbang ang layo niya rito. Naririnig niyang pinag-uusapan pa rin siya ng mga tao. Iyong iba ay pinagtatawanan pa siya. Natigilan lang siya nang may mabunggo siya sa harap niya; hindi nga kasi siya nakatingin sa dinaraanan niya. "Sorry," aniya at paalis na sana nang may humawak sa braso. Pag-angat niya ng tingin ay nagulat pa siya nang makitang si Stone pala ang nakabungguan niya. Ito rin ang nakahawak sa braso niya. "A-akala ko, umalis ka na..." "Puwede ba naman kitang iwan dito? May binili lang ako." Inilabas nito mula sa maliit na plastic ang dala nito. It was a simple black headband with a silver butterfly pin attached to it. Binili ba nito iyon kaya bigla itong nawala kanina? Walang paalam na isinuot nito iyon sa kanya. Dahil sa ginawa nito ay nahawi ang buhok niya at na-expose ang mukha niya, lalo na ang pilat niya. Napasinghap siya at dagling hinubad ang headband matakpan ng buhok ang kanyang pilat. "Stone..." "Don't hide it, Kisa. Kapag tinakpan mo ng buhok mo 'yan, hindi ko makikita ang mukha mo. And when I look at you, I want to see your face," sabi nito sa masuyong tinig. Hindi niya alam kung bakit pero bigla na lang nangilid ang mga luha niya. "H-hindi ka nandidiri sa peklat ko?" Umiling ito. His expression softened as he gently touched her scarred cheek with the back of his hand. "You're beautiful, Kisa. With or without that scar." Napangiti siya kasabay ng pagpatak ng mga luha niya. Napakasaya niya dahil ngayon lang may nagsabi sa kanya na maganda siya. At mas masaya siya dahil kay Stone pa nagmula ang mga salitang iyon. "Thank you, Stone," buong pusong pasasalamat niya rito. "You're such a crybaby." Pinunasan nito ang mga luha niya gamit ang sleeve ng jacket nito, gaya ng ginawa nito noon. "Let's go." Hinawakan nito ang kanyang kamay at masuyong pinisil nito iyon, saka siya hinila sa tabi nito. They walked with their hands linked together. Nagulat na naman siya sa ginawa nito. She squeezed his hand, and he squeezed back. Labis-labis na kasiyahan na ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Pakiramdam niya ay ang ganda-ganda niya. Hawak nito ang kamay niya sa kabila ng pagbubulungan ng mga tao. Hindi rin ito kakikitaan ng hiya habang kasama siya nito. He even looked comfortable with her. Noon niya napagtanto, in love na siya rito. In love na siya sa lalaking tinatawag siyang "Ugly Duckling" pero lagi namang ipinaparamdam na maganda siya. *** ANG LUWANG ng ngiti ni Kisa habang nakatingin sa repleksiyon niya sa rearview mirror ng kanyang kotse. Suot niya ang headband na ibinigay sa kanya ni Stone noong isang araw. Sa unang pagkakataon din sa buhay niya ay wala siyang naramdamang negatibong emosyon habang nakikita niya ang peklat sa kanyang mukha. "You're beautiful, Kisa. With or without that scar." Pakiramdam niya ay lumobo nang husto ang confidence niya. Kung maganda siya sa paningin ni Stone, wala na siyang pakialam kung pangit man o nakakadiri ang hitsura niya para sa ibang tao. Tanggap siya ni Stone at ng mga taong mahalaga sa buhay niya gaya ng kanyang ina at mga kaibigan, kaya hindi na siya dapat nagpapaapekto sa sasabihin ng mga taong wala namang importansiya sa buhay niya. Nakapaskil pa rin ang isang magandang ngiti sa mga labi niya hanggang sa makababa siya ng kotse. "Ahm, excuse me, Miss." Siguro naman, pagkatapos ng nangyari kahapon ay naging mas malapit na 'ko sa kanya. Seven na kembot na lang! "Miss." May humawak sa balikat niya kaya napilitan siyang huminto sa paglalakad. When she turned around, she came face-to-face with a tall, handsome yet gloomy-looking boy. His hair was jet-black, his eyes looked sleepy, he had a lazy look on his face, and he was clad entirely in black. Napangiti siya nang maalala niya rito si Stone dahil sa kulay ng buhok ng mga ito. Tinapik-tapik niya ang lalaki sa balikat. "Good luck!" Tinalikuran na niya ito nang makita niya si Cloudie. Walang babalang kumapit siya sa braso nito, dahilan para mapasinghap ito. "Ginulat mo 'ko, Kisa!" "Pasensiya ka na, Cloudie. Pero may ikukuwento ako sa 'yo!" kinikilig na sabi niya. Hindi sila magkaklase ni Cloudie dahil magkaiba ang kurso nila. Pero papunta siya ngayon sa opisina ng drama club at naroon iyon sa college building nito kaya nagsabay na sila sa pag-akyat sa second floor. Habang naglalakad ay ikinuwento niya rito ang naganap sa pagitan nila ni Stone. Ngumiti si Cloudie pagkatapos niyang magkuwento. "I'm happy for you, Kisa. Hindi mo na lang siya crush ngayon, love mo na siya, 'no?" Nag-init ang mga pisngi niya. "Tama ka, Cloudie. Mahal ko na nga si Stone." "I'm glad to know that. Pero, Kisa, mag-iingat ka, ha? Kapag mas malalim ang nararamdaman mo para sa isang tao, mas malalim din ang sugat kapag nasaktan ka niya." Tumango siya. Tatandaan talaga niya ang payo ni Cloudie. Tama naman kasi ito. Kung noon ngang gusto pa lang niya si Stone ay nasasaktan na siya kapag hindi siya nito pinapansin, paano pa kaya ngayong mahal na niya ito? "Ah. Maalala ko nga pala, Kisa. May makulit na transfer student daw ngayon dito sa Sunray." "Paanong makulit?" "Lahat daw kasi ng makasalubong niya, tinatanong nito kung kilala daw ba si..." Tumingin ito sa kanya. "Kisa. He's looking for 'Kisa.' May alam ka bang tao na kalilipat lang dito?" Umiling siya. "Wala. Baka naman hindi ako 'yong 'Kisa' na 'yon. 'Di ba, may 'Kiza' rin sa Architecture? 'Yong kaklase ni Stone?" Kilala niya ang lahat ng kaklase ni Stone kaya alam niyang may katukayo siya roon, pero "z" ang nasa pangalan nito, hindi "s" tulad ng sa kanya. Tumango si Cloudie. "Ah, oo. Baka nga si Kiza ng Architecture ang hinahanap niya." Natigilan siya sa paglalakad nang mula sa ibaba ay nakita niya si Stone na naglalakad kasama si Snap. Humawak siya sa metal railing na nagsisilbing harang at sumigaw. "Stone!" Huminto sa paglalakad si Stone at luminga-linga sa paligid. Siniko ito ni Snap na itinuro pa siya. Nang tumingala si Stone sa kanya ay eksaheradong sumimangot ito. Pero alam niyang hindi naman ito galit. Ngumiti siya at kinawayan ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD