❝Mama, bakit po nakatago ang buhok n'yo?❞
Naalala ko, palagi kong niyayakap si Mama sa tuwing nagkakasama kami. Palagi ko siyang tinatanong kung bakit nakatago ang buhok niya at iisang tugon lang ang palaging sagot niya sa akin.
"Kase nilalamig si Mama, anak. Hayaan mo, kapag hindi na si Mama lamigin, makikita mo na ulit ang buhok ko."
Iyon palagi ang sagot niya. At ang bata kong pag-iisip ay naniwala roon. Ni-hindi pumasok sa isipan ko na unti-unti na palang kinukuha sa akin ang Ina. Ni-hindi ko namalayan. Wala akong muwang.
Kaya minsan iniisip ko na sana kung malaki na ako nang mga panahong 'yun, mas naalagaan ko siya. Sana nayakap ko pa siya nang mas mahigpit at naiparamdam kung gaano ko siya ka-mahal.
Kung maibabalik ko lang ang panahon, sana nagka-isip agad ako para nagawa kong bumuo nang mas maraming ala-ala sa kanila ni Papa. Kung pwede lang...
"Sino ang may gusto ng icecream?" napabangon agad ako nang marinig ang boses ni Papa na papasok sa kwarto. Natawa si Mama dahil napakawala ako sa yakap. Marahan niyang hinaplos ang likuran ko.
"Ako!" maligaya kong sagot at inabangan si Papa na pumasok dala ang dalawang container ng icecream.
Dalawang flavor iyon. Vanilla at chocolate. Lumapit siya sa akin nang may matamis na ngiti at ginulo ang aking buhok.
"Para sa princesa namin." Inilahad niya sa akin ang chocolate ice cream kaya napabungisngis ako na nauwi sa hagikgik dahil may sabay na pingit sa ilong ang ginawa niya.
"Salamat, Papa!" pagak kong usal.
Halos magningning ang mata ko sa hawak na chocolate at hindi na nakahintay at naunang buksan ang akin. Agad akong nag-scope at napangiti nang malasahan ang tsokolate.
"Adik na adik talaga 'tong prinsesa namin sa chocolate. Mabuti nalang dalawa binili ko kanina para may reserba." Ani papa.
Napatingin ako sa kan'ya. "Talaga po?!"
"Oo. Nandu'n sa refrigerator ang isa. Bukas na lang 'yun ." Aniya at ginulo muli ang buhok ko.
Parang aso akong tumango at bumungisngis.
"Masyadong mong ini-spoil ang anak natin, Mahal. Kakagaling niya lang sa sipon." Nag-aalalang saad ni Mama at pinakimasdam ako nang may pag-iingat.
Ganu'n din ang ginawa ko sa kan'ya. Tinantya ko siya. Medyo namumutla ang kan'yang mukha, iba sa karaniwan niyang mapupulang labi. Puyat din ang kan'yang mga mata na tila dumaan sa mahabang deliryo.
Sa pagtingin ko sa kan'ya, napasimangot ako. Naibaba ko ang hawak na icecream at nalungkot.
"Oh, bakit mo ibinaba? Ayaw mo na ba, anak?" nagtatakang tanong ni Papa. Ngunit ang tingin ko ay hindi nawala kay Mama.
Malambot ang tingin niya sa akin.
"Mama," malungkot kong usal. Hindi ko alam kung bakit ako biglang nalungkot ngunit pakiramdam ko, may masakit kay Mama.
"Ano 'yun?" marahan niyang tanong. Umangat ang sulok ng matamlay niyang mga labi.
"Iiwanan mo po ba ako?"
Natigilan siya. Unti-unting nawala ang kan'yang ngiti na kahit si Papa ay natigilan. Sa sandaling iyon, parang natigil sa paghinga ang aking munting puso.
"Sino namang nagsabi n'yan, ha? Hindi mawawala si Mama! Magkakasama pa tayo nang matagal, hindi ba, mahal?"
Napakurap-kurap ako. Kinurot niya ako sa pesnge at hinalikan sa noo. Ramdam ko roon ang init ng kan'yang halik kaya kahit papaano'y gumaan ang pakiramdam ko.
"Oo naman. Hindi mawawala si Mama. Magkakasama pa tayo nang mahabang panahon, anak." Ani Papa.
Doon tuluyang napunas ang lungkot sa mukha ko. Tiningala ko silang pareho at nginitian.
"Talaga po? Hanggang sa makatapos ako ng pag-aaral?"
"Oo naman! Hanggang sa magpakasal ka, magka-anak, magka-apo, nandoon pa rin kami ng Papa mo! Hinding-hindi ka namin pababayaan, anak."
Hindi ko maiwasang mapahagikhik. Napalitan ang aking lumbay nang sobrang saya at nagawa silang yakaping dalawa.
"Gusto ko po 'yun! Pangako, aalagaan ko po kayo paglaki ko, Mama, Papa!" nagawa ko pang itaas ang kanang kamay.
Natawa silang dalawa sa akin.
"Aasahan namin 'yan, anak."
"Opo. Pangako po."
Nagmarka iyon sa puso ko. Sa tuwing malulungkot dahil nakikita kong umiiyak si Mama sa loob ng kwarto, iyon ang nagpapalakas nang loob ko.
Sa paglipas ng mga araw, naging masaya ang pamilya namin. Palaging pinapakita ng mga magulang ko na okay lang sila. Na walang problema. Ngunit sa tuwing nagigising ako sa gabi. Isang iyak nang pasakit ang naririnig ko sa loob ng kabilang kwarto.
Binalewala ko 'yun. Kase pinangako nila na hinding-hindi nila ako pababayaan. Kase bata pa ako, hindi ko maintindihan. Hindi pumasok sa isip ko na iyon na pala ang nahuhuling araw na makakasamang buo ang pamilya.
"Lola, okay lang po ba si Mama?"
Hawak ang isang icecream sa kanang kamay, enosente kong tiningala si Lola na nasa tabi ko ngunit nasa malayo ang tingin. Nasa labas kami ng bahay. Sumama ako sa kan'ya sa labas nang kunin ng mga taong nakaputi si Mama kanina.
Hanggang ngayon, ramdam ko pa rin ang luha na tumuyo na sa aking pilik mata. Tumigil lamang nang bigyan niya ako ng icecream.
"Bakit po siya kinuha ng mga naka-puti, Lola? May masakit po ba sa kan'ya?"
Umakyat-baba ang balikat niya. Bumuga siya ng hangin. Dinungaw ako ni Lola at tantyang tiningnan. Dinilian kong muli ang icecream ko.
"Magiging mabuti ang lagay ni Mama. Tiwala lang, apo. Tiwalang lang."
Hindi ko man lubos na maintindihan ang sinabi niya, tumango ako. Para sa akin, simpleng mga salita lamang iyon. Ibig sabihin, walang masamang ibig sabihin.
Sumama ako sa kan'ya pabalik ng bahay. Nang gabing iyon, nagluto siya nang masarap na pinakbet kaya sarap na sarap ako. Nakatulog ako nang maaga at nagising sa kalansing ng metal na papasok sa kwarto kinaumagahan.
Nang imulat ko ang mga mata, nakita ko si Mama na nakaupo sa wheelchair habang tulak ni Papa. Agad akong bumangon, bumaba ng kama at mahigpit siyang niyakap.
"Mama! Bumalik ka!" isinuot ko ang mukha sa dibdib niya sa sobrang saya. Naramdaman kong hinaplos niya ang buhok ko.
"Na-miss po kita, Mama!" tiningala ko si Papa na nakangiti sa likuran niya. "Na-miss din po kita, Papa!"
"Na-miss ka rin namin, anak." Tugon niya.
Bumungisngis ako. Muli kong binabaan si Mama nang tingin na tikom lang ang mga labi. Isang gabi rin silang wala.
"Okay kana po ba, Mama? Hindi na masakit ang tiyan mo?" hinawakan ko ang kamay niya. Naramdaman ko ang lamig.
Pinagmasdam ko ang ina. Hindi siya tumugon sa akin. Nakatitig lamang siya. May naaninag ako na likidong salamin sa mga mata niya.
"Mama?" kumunot ang noo ko. Nagtataka kong hinaplos ang pesnge niya. Parang mga lantang dahon, ang labi niya ay maputla.
"Okay kana po ba?" marahan kong tanong.
Tumango siya. Paunti-unti, ibinuka niya ang labi at tumugon.
"Oum," usal niya. Ngumiti ako.
"May sugat po ba ang dila nin'yo? Hayaan n'yo po, bibigyan ko kayo mamaya ng tawas para madaling humilon at makapagsalita na ulit kayo!"
Wala akong natanggap na tugon kay Mama. Natawa si Papa kaya naagaw ang atensiyon ko.
"Pagod lang si Mama, 'nak, kaya hindi siya nakakapagsalita. Magpapahinga muna si Mama, ah," saad ni Papa.
"Opo! Babantayan ko po siya!" presenta ko.
Tumabi ako para mailagay ni Papa si Mama sa kama. Nahuli ko pang hinalikan ni Papa si Mama sa noo kaya lihim akong napahagikhik. Tipid ang mga ngiti ni Mama roon. Nagbulungan pa silang dalawa kaya kilig na kilig ako.
Lumabas muna si Papa dahil may gagawin pa raw siya. Kaya naiwan ako sa kwarto kasama si Mama. Ni-hindi pumasok nakapagpakit ng pantulog, humiga ulit ako sa kama, katabi ni Mama at niyakap siya.
"Pahinga ka lang po, Ma. Nandito lang po ako." Mahinang usal ko.
Nanatili ako sa tabi niya nang hindi gumagalaw. Pinakiramdaman ko ang paghinga niya. Sinigurado kong nararamdaman niya ang pagmamahal ko. Sa sobrang pagpapatahan, naipikit ko ang mga mata at gusto na lang ulit matulog.
"F-Fliore," naimulat ko ang mata nang marinig si Mama.
"Po?"
"K-kunan mo 'ko t-tubig, 'nak. N-nauuhaw ako..." hinaplos niya ang kamay ko.
Bumangon ako at tiningnan siya. Nakatingin siya sa akin.
"Opo, teka lang po," tumalikod ako at tumayo. Pagkalabas ko ng kwarto, ngumiti ako. Makakasama ko na ulit si Mama mamayang gabi. Hindi na ulit ako malulungkot. Yey!
Dumiretso ako ng kusina at kumuha ng tubig ngunit nang pabalik na ako, napadaan ako sa sala at narinig si Papa at Lola na nag-uusap sa labas.
"Jusko, anak! Bakit ka pumayag na pabalikin si Flore dito sa bahay? Alam mong hindi makakagandang nasa bahay siya!"
"Alam ko po, nay. Ngunit hiling mismo ng asawa ko na umuwi. Anong magagawa ko? Hindi ko siya matiis."
"Nagmaakawa siya sa akin. Hindi ko kaya makitang umiiyak ang asawa ko sa 'kin, 'nay. Hindi ko kaya."
Nagtaka ako. Bakit basag ang boses ni Papa? Gusto kong dumungaw ngunit pinipigilan ako ng aking mga paa.
"Pero alam mo mismo kung anong magiging kahahantungan kung nasa bahay siya! Mas mabuting nasa ospital siya para matutukan ng mga doctor doon. Lalala lang ang sakit niya rito sa bahay, anak!"
Bakit sila nagsisigawan?
"Alam ko 'nay. Alam ko. Ngunit doctor na rin mismo ang nagsabi na... na wala nang pag-asa. Hindi na tumatalab ang chemotherapy sa kan'ya. May taning na ang buhay niya, Nay... sabi ng Doctor... hindi na siya magtatagal..."
"Jusko po..."
Napayuko ako. Hindi ko maintindihan ang pinag-uusapan nila ngunit parang sinaksak ng kutsilyo ang dibdib ko. Hindi ako makahinga bigla. Napa-atras ako sa kinatatayuan.
"Hiling na rin mismo ni Flore na... lubusin ang natitirang oras niya rito. Sinabi niya sa akin na kung mawala man siya... gusto niyang makita ang anak namin sa huling oras."
"Gusto niyang ubusin ang natitirang oras dito. Ayaw ko man, anong magagawa ko, 'nay? Ako ang lalake rito, hindi ako dapat magpakita ng kahinaan. Malulungkot lalo si Flore..."
Humagulgol si Papa. Hindi ko sila nakikita ngunit malinaw sa akin ang pagpigil ng hagulgol.
"Mahabagin... Bakit ito nangyayari... kahit kayo pa? Bakit kailangan pang mangyari ito, anak?" pati boses ni Lola nabasag na rin.
Tiningnan ko ang mga paa. Iginalaw ko ang mga daliri. Bakit sila umiiyak? Bakit sila nagtatalo? Bakit nasasaktan ako?
"Ilang araw nalang?"
"Ilang araw n'yo nalang makakasama ang asawa mo?"
Huminga ako nang malalim. Hindi magandang makinig sa usapan ng matatanda. Kaya naglakad ako paakyat ng hagdan patungo sa kwarto kung saan ang ina.
Nang marating ko ang pintuan, narinig ko ang boses ni Papa ngunit hindi malinaw kung ano.
"Isa."
"Isang araw nalang, nay."