Simula
"Ayoko na Denzill! Isa!" Nakangusong sabi niya habang umaambang susuntukin ako. Hindi niya rin napigilan ang pagtawa.
Inilapit ko pa lalo ang hose sa katawan niya habang tumatawa. Tuluyan na siyang nabasa. 'Di bale, papahiramin ko nalang siya ng damit ko mamaya.
"Denz nga lang kase!" pag-uulit ko sa pangalang binabanggit niya mula noon. Tumigil siya sa pagtawa at sumimangot sa harap ko. Kapag ganiyan siya, gusto ko lagi siyang nilalapitan at panggigigilan ang matataba niyang pisngi.
"Sabi mo dati huwag kitang tatawaging Denz kase hindi tayo close."
Parang batang sabi niya.
Hindi ko napigilan ang sarili ko. Binitawan ko ang hose na hawak ko at natatawang lumapit sa pwesto niya. Pareho na kaming basang dalawa. Bakit kase susulpot siya kung kailan naglilinis ako ng kotse?
"Hindi pa ba tayo close ngayon, ha?"
Nilapit ko ang mukha ko sa kaniya dahilan para mag-iwas siya ng tingin.
Natutuwa talaga ako kapag nakikita ko mismo sa mga mata niya ang epekto ng presensiya ko. Tsk tsk tsk hindi naman sa nagmamayabang pero pinagsamang James Reid at Daniel Padilla 'tong itsura ko. Hindi na rin nakapagtatakang mamula ng ganito ang mukha niya. Pinisil ko ang malambot niyang pisngi at hinarap siya sa'kin.
"A-araouch!"
Dahil sa sinabi niyang 'yon mas lalo ko pa siyang pinanggigilan.
"Langyang arraouch yan!"
Naalala ko ang unang beses niyang sabihin ang salitang 'arraouch' daw, tinanong ko siya kung ano iyon ang sabi niya, pinagsamang aray daw at ouch para maiba sa pandinig niya.
Kakaiba.
Nang mapansin kong namumula na ang pisngi niya tsaka ko siya niyakap. Alam ko kasi ang susunod, manunutok na naman ang babaeng 'to.
"Ang saket, Denzill. Lumayo ka nga!"
Tumatawa ako nang bitawan ko siya. Nakanguso ang mapupula niyang labi habang nakatingin sa'kin. Ang cute niya talaga.
"Isa pang Denzill mo hahalikan na kita. Denz nga ang gusto ko."
Imbis na matakot ay natawa pa siya. Nang-aasar pa. Umayos siya sa pagkakatayo at siya naman ang lumapit sa'kin.
"Paano kung ayoko? Den...zill." Nakataas ang kilay niya at may naglalarong ngiti sa mga labi. Pinigilan ko ang mapangiti ng sobra. Takte! kahit lalaki ako kinikilig din ako. Hindi ko mapigilan ang nararamdaman at parang may kung anong kumikiliti sa puso ko.
Langya! Gusto niyang halikan ko siya?
Lumapit ako sa kaniya. Wala akong balak pero dahil sa sinabi niya parang gusto ko na talagang ituloy.
"Denzill!"
Napaayos agad ako ng pagkakatayo dahil narinig ko ang maawtoridad na boses ni papa.
Hays. Istorbo.
Lumingon ako sa likod ko at hindi nga ako nagkamali. Si papa nga. Nakatayo siya sa pinto ng bahay habang nakaturo sa'kin at nakakunot noo.
"Kailan ka pa natututong maligo habang naglilinis ng kotse? Nagsasayang ka ng tubig. Sinong bang kausap mo?" puno ng pagtataka ang tono niya. Binuka ko ang bibig ko para sana magsalita pero tinikom ko nalang ulit.
Baka lumabas na naman ang pagkapilosopo ko, mapagalitan na naman ako nito ng wala sa oras. Napalunok ako.
"Pa! Si Jancell pala."
Tumuro ako sa likod kung saan sigurado akong nakatayo si Jancell. Nahihiya pa akong ipakilala siya dahil baka iba ang sabihin ni papa.
Pinanood ko kung paano bumuntong hininga si papa at mas lalong sumama ang tingin sa akin. Akala niya siguro niloloko ko siya. Binalingan ko si Jancell ng tingin.
Natigilan ako.
Walang tao sa likod ko.
Ako at ang mga kotse lang. Basa ang sahig at patuloy ang pag-agos ng tubig mula sa mahabang hose na hawak ko kani-kanina lang.
Walang ibang tao.
Naranasan mo na bang makita ang mga bagay na hindi naman totoo? Mapalawak ang isipan hanggang sa makalimutan mo kung ano nga ba talaga ang imahinasyon lang at ano ang katotohanan... medyo nakakalito.
Kasi ako, naranasan ko na.
Hindi ko alam kung bakit ako ang nakakadama at nakakakita sa kaniya. Nakakatawa siya at masayang kasama. Kakaiba pero kapag saglit siyang mawala, hindi ko namamalayan hinahanap hanap ko na rin pala.
May mga oras na buong araw nagtatawanan lang kami, parang mga tanga. Ganon kami nagkakaintindihan, ganon ko rin siya nagustuhan.
Pero biglang naglaho ang lahat.
Lahat pala ng saya at nabuo naming alaala. Lahat ng iyon puro lang akala.
Ako si Denzill Soliva.