ISA

2063 Words
Kabanata 1 Pang una Sinikap kong bumangon sa aking kama at pumasok sa banyo. Kahit inaantok ay kailangan kong pumasok. Tsk. Malapit na ang exam namin at kailangan ko pang isabay ang mga projects na ipapasa ko. Letseng buhay! sumabay pa ang paglipad ng paborito kong banda sa pilipinas. Mabuti nalang at binigyan ako ni mama ng pang-concert ko kagabi. Kaya heto, bangag. Kulang na kulang pa ako sa tulog. Kung pwede lang h'wag na pumasok gagawin ko, e. Matapos kong ayusin ang sarili ko ay bumaba na ako. Kumain saglit at nagpaalam kay mama't papa. Lagi namang ganito ang takbo ng eksena ng buhay ko. Mag-aaral, pabanda banda, matutulog, ano pa ba? Karaniwang ginagawa ng estudyante. Computer, mang-chichix, basketball, mang-uuto ng kaibigan, bait baitan sa teacher, at syempre humihinga. Paulit ulit nalang. Nakapamulsa akong naglalakad patungo sa school. Kailan kaya magbabago ang takbo ng boring kong buhay? "Denz! Ano? Naghihirap ka na?" Lumingon ako sa gilid ko kung saan sinasabayan ako ng sasakyan ni Joshua. Kinawayan ko siya at huminto dahilan ng paghinto din ng minamaneho niya. "Loko. Hindi kasi ako nakapag-gym kahapon kaya naglalakad lang para alam mo na..." natatawang sabi ko. Isang linggo na akong hindi nakapunta sa gym dahil sa mga projects na kailangang tapusin. Ginawa ko nalang exercise ang paglalakad tutal hindi naman kalayuan ang school at kayang kaya kong lakarin. Kusang bumukas ang araw araw niyang pinagmamayabang na red Coupe niyang kotse. Kahit meron na siyang ganitong klaseng minamaneho, siya pa mismo ang naiinggit sa convertible kong sasakyan. Paano ba naman, gusto niya laging nasisilayan siya ng mga babae kahit saan. Payabang din ang loko. "Sus! Lika dito, sabay ka na sa'kin!" Kahit hindi naman niya sabihin iyon ay kusa akong papasok sa loob. Sinuot ko nang maayos ang seatbelt at nakangising humarap sa kaniya. "Tsk! kahit kailan ang hina mong pumili ng pabango!" pang-aasar ko nang maamoy ko ang matapang na amoy na bumabalot sa kotse niya. Nakita ko na naman ang pagkunot na noo niya. Nakakatawa talagang asarin 'to. Pikon kase. "Anong paki mo? Ikaw nga walang pabango eh!" Aniya. Tumawa ako ng mapang-asar. "Mabango na kasi ako!" pagyayabang ko. Totoo 'yon. Hindi ako nagpapabango. Para sa'kin matapang ang amoy ng mga pabango, mas gugustuhin ko pang magpabango ng amoy babae, iyong matamis na amoy kesa bumili ng mamahalin. Ewan ko ba. Nasanay na ang ilong ko sa mga pabangong matatamis. Nang makarating kami ng school ay kung ano ano na namang naiisip ko. Nagmana yata ako kay papa na mapaglaro ang isipan. Kilala si papa sa larangan ng pagsusulat. Madalas ay napapansin ang apilyido ko dahil sa sikat kong ama. Nagsusulat siya ng mga nobela na pumapatok talaga sa mga tao at bumibenta. Kung paano niya nagagawa yun? Iyon ay hindi ko rin alam. Mayroong araw na nakita ko siyang nagsasalita na animo'y may kinakausap sa kwarto niya. Noong una ay kinilabutan ako dahil wala namang ibang tao maliban sa kaniya. Ang sabi niya sa'kin, isang way niya daw iyon para madama ang mga scenes sa librong ginagawa niya. Ang gawin ang mga bagay na nasa libro. Ang weird. "Mr. Soliva, solve the problem on the board. Nakatunganga ka na naman sa bintana." Nagulat ako nang bigla akong tawagin ng math teacher ko. Pabiro siyang nakangisi habang inaabot sa'kin ang whiteboard marker. Langya! Nakita ko ang iba kong kaklaseng humahagikgik habang tinitignan ako. Halos mahilo ako dahil nakita ko na naman ang white board na puno ng letrang x, y at mahahabang solutions. Inabot ko ang chalk at dumaretso sa harapan. Mabuti nalang at nakinig ako sa kaniya last meeting kung hindi ay baka mapahiya na ako nito. Matapos kong sagutan ang basic niyang problem, bumalik ako sa upuan ko nang taas noo. "Yabang! gago." tumatawang sabi ni Uno. "Hindi naman." bulong ko. Nakita kong natuwa si sir sa ginawa ko kaya naman tumaas na naman ang bilib ko sa sarili. Kapag nakakasagot ako sa klase ay hindi ko maiwasang isiping matalino na ako. Ewan ko ba, ganon talaga ako. Pakiramdam ko napabilib ko ang mga kaklase kong hirap na hirap sa pagsasagot. Yun nga lang, madalas akong napapatulala sa bintana at mas gustuhin pang bilangin ang mga estudyanteng dumadaan kesa ang makinig. Matapos ang naunang tatlong subject ay break na. Walang pinagbago, kasama ko na naman si Uno at Josh. "Bilhan niyo nalang ako. Ang haba ng pila, e." tinatamad kong utos sa kanila habang inaabot ang pera ko. Malaki ang cafeteria ng school namin. Magkasama kasi kaming mga Senior highschool sa iba pang department ng college courses kaya ganon. "Ano ka boss? Sumama ka na!" pagpipilit ni Josh sa'kin. Sinamaan ko siya ng tingin. "Sinabay mo lang ako sa kotse mo kanina, ganyan ka na? kaya niyo na 'yan!" Sinadya kong bilisan ang paglagay ng pera ko sa bulsa ni Uno para mabilis akong makahiwalay sa kanila. Naghanap ako ng maayos na pagkakainan namin bago pa ako maunahan ng iba. Karamihan sa mga nandito ay grupo ng mga babaeng nagtatawanan at walang humpay ang hampasan sa isa't isa. May iilang loner pero bilang lang at hindi mawawala ang mga couple goals. Sana lahat! Inayos ko ang upo ko habang iniikot ang tingin sa kabuuan ng kainan. Mula sa hindi kalayuan, natanaw ko si Renz na nakangiting papalapit sa gawi ko. "Uy! Kamusta na? Iba ang ayos natin ngayon, ah?" pagbibiro ko. Tumayo ako para salubungin siya at bigyan ng yakap panlalaki. "Gwapo naman ako palagi." sabay pogi pose niya. Tumawa siya at tinignan ang table na inuupuan ko. "Nasan sila Uno?" tanong niya. Nginuso ko naman ang dalawa sa pila. Napailing agad ako dahil nasaktuhan pa namin silang nakikisingit sa pilahan. Sabay kaming natawa ni Renz. "Mga wala kayong pinagbago!" natatawang sabi niya habang umiiling. "Ikaw din naman. Kamusta na pala kayo ni Shannel?" banggit ko sa pangalan ng matagal na niyang nililigawan. Hindi niya daw alam kung sila na o hindi pa dahil wala pa namang sagot ang babae sa kaniya. Kawawang nilalang! Balita ko din kasi noong mga nakaraang araw ay nag-away daw ang dalawa mismo dito sa cafeteria. Sayang naman ang relasyon nila kung matitigil lang. Sayang ang ligawan. "Bati na kami ng babe ko. Salamat sa advice nung nakaraan, ah?" tinapik niya ang balikat ko. Tumawa naman ako. Kung maka-babe siya akala naman niya may sila.  "Wala 'yon. Mga simpleng bagay!" sabi ko. Nagtaka pa ako kung bakit ako ang hiningian niya ng payo gayong wala namang akong nililigawan. Sabi niya matino daw kasi akong kausap kumpara sa dalawa. Bumalik ako sa pagkakaupo at inalok din siya na samahan ako sa lamesa pero tumanggi agad siya.  "May klase pa ako, e. Dumaan lang ako para bilhan ng tubig si Shannel. Una na pala ako pre. Kamusta mo nalang ako sa dalawang ugok." pahabol niya bago tuluyang lumakad.  "Oo naman. Sige! kita nalang tayo sa mata." sagot ko. Kumaway pa siya sa'kin bago tuluyang umalis. Isa sa mga kaibigan namin si Renz. May pinopormahan na kasi kaya madalas ay hindi namin siya nakakasama. Bukod pa don, kakaiba halos ang schedule ng pasok niya kaya hindi kami nagkakatugma ng free time. Nakakamiss din ang kahayupan ng isang 'yon. Sarap hambalusin minsan kapag nagkakasalubong kami. "Grabe, hindi man lang kami hinintay ni Renz!" ani ni Josh. Ibinaba niya ang dala dalang tray sa tapat ko habang sinusundan ng tingin ang likod ni Renz na halos palabas na sa cafeteria. Bumagsak ang balikat ko dahil sa binili niya para sa'kin. Isang piraso ng bisquit at zesto. "Sa tingin mo mabubusog ako diyan?" kunot noo kong tanong sa kaniya. Nagdiretso ang kilay ko dahil malamang sa malamang nagkatuwaan na naman sila. Nagtawanan silang dalawa at nag apir pa. Mukhang plinano nga talaga nila na ito lang ang bilhin para sa'kin. "Hindi namin alam ang bibilhin kaya ayan nalang. Sa susunod sumama ka kase sa pila." pagpapayo ni Josh. Masama ang loob ko habang tinitignan sila. Tumayo ako at nagbalak silang kaltukan pero mabilis na nakaiwas ang mga gunggong habang nagtatawanan.  "Wag kayong kokopya sakin mamaya ah! Gago kayo!" biro ko. Mabilis silang lumapit ulit sa'kin at nilipat ang mga binili nilang pagkain sa tray ko . "Alam mo namang mahal na mahal ka namin Denz. Kumain ka pa, oh." biglang naging seryoso ang mukha ni Uno habang umaambang isusubo sa'kin ang kutsarang may lamang pasta sa ibabaw. Pinagbuksan din ako ni Josh ng binili niyang mineral water habang nakaabang sa paglunok ko. "Mga gago talaga." iiling iling kong sabi sa sarili. Bumalik ako sa pagkakaupo namin na natatawa. Mga letseng kaibigan 'to. Sabagay, sa aming tatlo ako lang ang maaasahan talaga. Wala namang problema 'yon dahil daig pa nila ang mga kapatid para sa'kin kapag may mabigat akong problema.  Pinasa ko ang sinagutan kong papel. Ang usapan namin nila Josh at Uno, huwag kaming sabay sabay na tatayo para hindi mahalatang nagkopyahan kami. Ginagawa lang namin 'to para magtulungan pero hindi ko naman hinahayaan na parating ganito. May araw na nagtutulungan kaming tatlo na mag-aral para sa exam kinabukasan. Minsan nga lang hindi natatapos. Lumabas na ako ng classroom at dumaretso sa labas ng gate. Naghintay ako ng ilang minuto pero hindi pa rin lumalabas ang dalawa. Nasan na kaya nagpunta ang mga 'yon?! Ang usapan namin kada limang minuto bago lumabas ang isa pero magkakalahating oras na akong nakatayo dito, wala pa rin sila. Mga loko talaga! Dahil sa naiinip na ako ay napagdesisyonan kong maglakad nalang muna pauwi. Balak ko pa namang magpahatid sa kotse nila. Pambihira! Sayang ang oras ko sa paghihintay. Mabilis akong naglakad dahil pustahan, hahanapin na naman ako ni mama. "Arraouch!" Napahinto ako bigla at natatarantang inabot ang kamay ng babaeng nabangga ko. Ano daw sabi niya? Arraouch? Anong klaseng ekspresyon 'yon? "Sorry miss." paumanhin ko. Ngumiti siya sa'kin nang tuluyan na siyang makatayo. Agad kong napansin ang malalim na dimples sa magkabilang pisngi niya at ang mahahabang pilik mata niya. Mas pinaganda pa siya ng natural na pula ng manipis niyang labi. Takte! Ang ganda niya. Para akong nakakita ng anghel na nahulog sa lupa at bumangga sa'kin. "Teka- ako yung nabangga mo pero bakit ikaw yata ang naapektuhan? Ok ka lang po ba, kuya?" usal niya, nagpipigil ng tawa. Natauhan naman ako bigla dahil sa pagsasalita niya. Umayos ako sa pagkakatayo at umubo. Nakakahiya, nakita niya pa yata ang reaksyon ko. "Ah-ahh ok lang. Sige una na 'ko. Sorry ulit." napayuko ako dahil sa kahihiyan. Tangna! Ngayon lang ako tumiklop ng ganito ah. Sa magandang babae pang kagaya niya. Nakangiti lang siya sa'kin nang malapad habang paulit ulit na tumatango. "Ok lang po, kuya." magalang niyang sabi. Ang lamig at ang lambing ng boses niya. Parang babaeng hindi makabasag pinggan kung pakikinggan mo. Tumango ulit ako at nagsimula nang maglakad. Wala pang ilang metro ang nalalakad ko nang marinig ko ang sinabi niya. "Ikaw si Denz 'di ba?" Natigilan ako at napako sa kinatatayuan ko dahil sa narinig kong iyon. Isang magandang babae ang may alam sa pangalan ko. Paano niya nalaman? "Bakit?" lumingon ako sa kaniya nang nakangiti. Nakita kong nagtaka bigla ang mukha niya dahil sa tanong kong iyon. Bigla ko tuloy naisipang bawiin ang ngiti ko. Ayoko namang isipin niya na may gusto ako sa kaniya agad kaya muli akong nagseryoso.  Ang g**o mo, Denz! "Mga kaibigan ko lang ang tumatawag sa akin ng Denz. Hindi naman natin kilala ang isa't isa at lalong hindi tayo close." buo ang boses ko. Parang may bumara sa lalamunan ko matapos kong matawid "yon. Paano mo nalaman ang pangalan ko? Crush mo ba 'ko? Bakit lagi kang nakangiti sa'kin? Langya! Bakit nakakahawa 'yang ngiti mo?! Bakit ang ganda mo? Gusto kong bawiin ang sinabi ko dahil nakita ko ang pagiging malungkot ng mukha niya. "Ganon ba? S-sorry." nakayukong sabi niya. Hindi ko namalayan na humakbang ng isa ang paa ko. Gusto ko siyang lapitan at sabihing 'hindi okay lang na tawagin mo kong Denz. Kung gusto mo baby pa, e.' "Oo." bulong ko nalang. Bago pa ako may magawang kakaiba na hindi ginagawa ng bagong magkakilala, humakbang na ako paatras at nilisan ang kinatatayuan kong iyon. Hayop yan! Bakit ganon ang pakikitungo ko? Gusto ko tuloy bumalik doon at tanungin din ang pangalan niya. Naglakad ako pauwi sa bahay na walang iniisip kundi ang babaeng 'yon. May pakiramdam ako na hindi lang iyon ang huli naming pagkikita. Hinihiling ko na makikita ko ulit siya. Sana.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD