Paris
Penelope
Paris, ang lungkod na puno ng pag-ibig.
Paris, ang lungsod sa madilim na parte ng buhay ko.
Nakarating ako sa isang lungsod na hindi ako pamilyar, na may ibang lengguwahe, sa hindi ko kilalang lugar, lalo na at hindi kaaya-aya ang natatanggap kong tingin mula sa ibang tao dahil na rin sa itsura ko. Magulo ang aking buhok, wala rin sa ayos ang aking salamin, bakas rin sa mukha ko ang pagod at ang damit ko---isang mahabang palda at ordinaryong button-down blouse—na akma para sa isang matandang babae ayon na rin sa mga fashion critic.
Hindi ko rin maikaila na sa mga oras na iyon ay nakaramdam ako ng matinding takot dahil kitang-kita nga naman. Nanginginig ang mga kamay at binti ko pero kailangan ko pa ring kumuha ng masasakyan. Nahihirapan din akong makipag-usap sa mga tao roon noong nagtanong-tanong ako kung papaano makakapunta sa Hotel De Crillon. Mabuti na lamang at nakarating pa rin ako roon ng safe dala-dala ang maleta at ang bag na puno ng alahas na nakasukbit sa aking balikat.
Nang makapasok sa loob ng kwarto at agad na maisara ang pinto, dahil hindi ko alam kung may sumusunod pa sa akin ng mga oras na iyon ay basta na lamang akong natumba sa sahig. Hindi ko mapigilan ang maiyak sa kung ano ang mangyayari sa akin ngayon.
Simula ng makilala ko si Ulises ay nagbago na ang takbo ng buhay ko. Wala akong kaalam-alam patungkol sa kaniya o ni hindi ko nga rin alam ang tungkol sa sarili ko. Pinilit kong tumayo lalo na nang marinig ko ang bahagyang ingay mula sa kalsada mula sa terasa ng aking kwarto.
Hindi ko na rin namalayan ang oras kung kailan tumigil ang aking pag-iyak. Pinilit kong tumayo kahit na nakakaramdam ako ng bahagyang pagkahilo dahil hindi ko na rin alam kung kailan ako huling kumain. Kinuha ko ang maletang dala ko at tinungo ang kama at binuksan iyon.
Puno ito ng libo-libong pera.
Ipinadala ako ni Ulises dito sa Paris baon ang malaking halaga. At least hindi ko na poproblemahin ang kakainin ko o kung saan ako titira hanggang sa makasunod siya.
Kumuha ako ng ilang pera mula roon at itinago ang maleta sa hotel safe at naghanda para lumabas at bumili ng mga damit at makakain bago maglinis ng katawan.
Naging mahirap sa akin ang maghanap ng mga damit at mga personal hygiene items na kailangan ko. Kailangan ko pang maglakad ng malayo para maghanap ng mapagbibilhan at nang makarating doon ay agad kong kinuha ang mga kailangan ko at nagbayad. Hindi ko mapigilang maging paranoid dahil baka mayroon sumusunod at nagmamatyag sa akin.
Pagkatapos ng dalawang oras ay nakabalik na rin ako sa aking kwarto na may dalang tinapay at kape. Siniguro kong maayos na naka-lock ang lahat dahil baka bigla na lamang akong pasukin ng kung sinuman.
Tinungo ko ang banyo at nilinis nang maigi ang mga dumi sa katawan mula sa ilang araw na pagtatakbo. Agad akong nagbihis at binuksan ang TV at doon ko rin napagtantong na kailangan kong matutunan ang lengguwaheng gamit nila rito kung gusto kong maka-survive rito ng kahit ilang araw lang.
Napabalikwas ako nang tumunog ng telepono dahil tanging ang ingay lamang mula sa TV ang nakakasama ko ngayon sa kalungkutan. Mabilis ang t***k ng puso ko nang damputin ko iyon, nagdadalawang isip kong sasagutin ko ba o hindi, ngunit sa huli ay napagdesisyunan ko ring sagutin.
Hello?” sagot ko, bakas ang takot sa boses.
“Penelope, is that you?” Narinig ko ang boses ni Ulises sa kabilang linya at mukhang hinihingal pa ito.
“Ulises, okay ka lang ba?” tanong ko. Bumangon ako sa kama nang marinig ko ang boses niya.
"Listen, I don't have much time, but you're going to have to wait for me a little longer. I'm going to have facial surgery para hindi nila ako makilala. Wala akong choice kundi gawin ito."
“Ulises, ano ba talaga ang nangyayari?” Kailangan ko ng mga sagot ngunit wala ako niyon kahit isa.
“Misunderstanding, iyon ang nagyayari. Wala rin akong ideya kung ano talaga ang nangyayari pero kailangan mo nang umalis diyan sa hotel dahil baka nasundan ka na nila. Kontakin mo ang mga taong sinabi ko. Hahanap na lang ako ng paraan para makapunta sa iyo.”
Iyon lamang at pinutol na nito ang tawag. Totoo nga ang pakiramdam ko na may nagmamasid sa akin buong gabi.
Dali-dali kong inayos ang mga gamit ko at hinanap ang papel na ibinigay ng aking asawa in case of emergency. Tinungo ang receptionist sa ibaba para makatawag. Sumagot ang kung sino man sa pangatlong ring nito.
“Sino ito?” sagot ng babae sa kabilang linya.
“Camille? Si Penelope ito. Sinabi ni Ulises Asker na humingi ako ng tulong s aiyo,” wika ko.
“Ulises Asker?” Saglit na tumahimik ang linya. “Nasaan ka ngayon?” tanong nito.
Nang gabi ring iyon ay umalis ako sa hotel pagkatapos tawagan ang sinasabi ni Ulises sa akin. Si Camille na nasa sixty years old na at matagal nang hindi nakikita si Ulises ng ilang taon ngunit nagdesisyon pa ring tulungan ako dahil sa rin sa asawa ko. Pupunta ito sa hotel upang sunduin ako.
Nasa lobby ako bitbit ang aking maleta at bag ng may lamang alahas nang makita ko ang ilang kakalakihang nakasuot ng itim. Mabuti na lamang at nakaupo ako sa gilid at natatakpan ng isang halaman. Isa sa mga iyon ay nag-ayos ng suot na pantalon at bigla akong kinabahan nang makita ang itinatago nitong baril sa beywang.
Rinig ko ang pagbanggit nila sa pangalan ko kaya naman ay dahan-dahan akong umalis patungo sa kalsada upang tumakas. Nasa kalsada na akong nang makapasok sila sa elevator at doon ay may nabundol akong isang babaeng napakafashionista.
Si Camille iyon, ang babaeng tinawagan ko. Paano ko siya nakilala? May hawak itong signboard at nakasulat ang pangalan ko roon. Tinapunan niya ako ng tingin at ipinaliwanag kong kailangan na naming magmadali.
Kinabukasan ay nabalitaan ko na lamang na nagkaroon ng sunog sa hotel na tinutuluyan ko particular sa kwartong inukopa ko.
Dinala ako ni Camille sa kaniyang bahay para doon pansamantalang tumuloy. Isa siya sa mga kakabaihang nagmumukhang reyna ng rampa na kayang patakbuhin ang mundo sa kung ano ang nais nila. Iniiwasan din niya ako na parang may nakakahawang sakit ako.
“Alam mo ba kung gaano katagal bago pumunta rito si Ulises?” tanong nito sa akin habang magkasalo kami sa pag-aalmusal nang umagang iyon.
“Mga ilang linggo pa siguro at gagawa na lamang siya ng paraan para puntahan ako,” sagot ko sa kaniya.
Napasimangot si Camille sa narinig na baka abutin pa ng ilang linggo bago siya puntahan ni Ulises. Ang gawing hindi komportable si Camille ang huling bagay na gugustuhin niyang mangyari.
“Camille, ipinagpapasalamat ko ang kabaitan mo sa pagpapatuloy mo sa akin dito sa bahay mo pero alam ko ring hindi mo ako gusto at kung hindi ka talaga komportable ay aalis na lamang ako,” buong katotohanang wika ko sa kaniya.
Pinagmasdan niya ako mula ulo hanggang paa at napasimangot. “Hindi ko naman sinasabing hindi kita gusto maliban na lang sa paraan ng pananamit mo na parang manang. Susmaryosep, babae, nasa edad ako para isuot ang mga suot mo, pero hindi ko gagawin iyon. Anong nangyari sa iyo at ganiyan ka magdamit?"
Natahimik ako dahil alam kong kayang basahin ni Camille ang isang tao batay lang sa kanilang mga suot. Hindi ako handang pag-usapan ang nakaraan ko, hindi pa sa ngayon. May mga bagay sa sarili ko na ayaw kong ibahagi sa isang estrangherong kagaya ni Camille. Nakatingin lamang ako sa aking plato na puno ng mga prutas at hindi alam kung ano ang sasabihin.
"Siguro malalim ang dahilan kaya ka tahimik," sabi niya. "Sana maghilom kung anuman iyon balang araw. Hindi lahat ng problema ay kailangang magtagal habambuhay pero ang pagkakaroon ng good taste ay tumatagal.” Inilapag niya ang kanyang napkin at nag-ayos ng sarili para tumayo.
Lumipas ang mga araw at wala akong naging balita mula kay Ulises. Hindi ko siya matawagan dahil sa takot kong baka matuntun nila ang kinaroroonan ko. Ngunit ang dalawang linggo ay naging isang buwan, at ang isang buwan ay naging dalawang buwan. Nawawalan na rin ng pag-asa si Camille kagaya ko. Kaya naman, iginugol ko ang aking oras na matuto ng konting lengguwahe roon mula sa hardinero o sa katulong na tumutulong sa mga gawaing bahay.
Tatlong buwan na ang lumipas at tila muling bumabalik ang pakiramdam ng pagkawala ni Ulises sa akin dahil hindi naman ito ang unang pagkakataon na hindi ko siya nakita ng matagal.
Unti-unti na namang nawawala sa alaala ko ang mukha ni Ulises. Napakadalang na ng pagkakataon na nakita ko siya mula nang bumalik kami mula sa aming honeymoon sa Tagaytay. Hindi ko na rin sigurado kung makikita ko pa siyang muli.
At ganoon lumipas ang mga masasakit na panahon ko sa Paris at wala akong kaalam-alam na iyon na pala ang panahon para sa magaganap na tunay na pagbabago ng aking buhay at doon na rin magsisimula ang aking paghihiganti.