Nangingiti si Hexur habang naaalala ang nakaraan. Hinding-hindi makakalimutan ng ngayon ay bente anyos na binata ang nangyari noon sa park kung saan ay binitbit siya ng mga kilalang notorious na carnapper ng Libana.
"Bitawan mo ako. Isusumbong kita sa daddy ko," sabi ni Hexur.
"Pasaway na bata. Hinahanap ka na ng daddy mo. Ilang oras ka na rin na nawawala," sagot ng lalaki.
Si Morie ay natakot at nagsimula nang umiyak. Kinarga siya ng isa pang lalaki at saka dinala sa sasakyan.
"Ang bata-bata n'yo pa nag-di-deyt na kayo. Daig n'yo pa ang mga artista na kailangan magtago para lang magkaroon ng quality time sa isa't-isa," natatawa na sabi ni Donald.
"Malay mo boss, sila ang magkatuluyan pagdating ng panahon." Sinundan ng nakakalokong tawa ng tauhan ni Donald ang sinabi nito.
Si Morie na katabi ni Hexur ay pinunas ang kan'yang mga luha. Tumingin ito sa mga lalaki sabay wika ng, "Magiging asawa ko talaga siya 'pag lumaki na ako. Hahanapin ko siya, eh."
"Ang bata-bata mo pa gusto mo na agad mag-asawa. Hoy, bata, ang pag-aasawa hindi katulad ng pagbili ng candy. Kailangan diyan pinag-iisipan," sabi ng tauhan ni Donald. "Mag-aral ka muna."
"I knew it! Sino ba ang may sabi sa iyo na bibili lang ako ng candy?" galit na tanong ni Morie.
Habang nakikipag-away si Morie sa mga dumampot sa kanila sa park ay napansin ni Hexur ang isa pang bata sa likuran ng sasakyan. Matalim ang tingin nito sa kanila ni Morie.
"Who are you?" Matapang na tanong ni Hexur sa bata.
Hindi sumagot ang bata at sa halip ay tumingin lang sa malayo. Si Donald Vinsue ay tinapik ang balikat ni Hexur na noon ay katabi niya.
"His name is Jordan. He is my son," sabi ni Donald. "Ihahatid na kita kay Miguel at baka patayin n'ya pa ako kapag nagtagal ka sa akin."
"Hi, Jordan. My name is Hexur," pakilala ng prinsipe ng Haito Mafia Group.
"I don't care who you are," galit na sagot ni Jordan.
"You're bad," wika ni Morie.
Sinaway ni Donald ang mga bata. Nag-aaway-away na kasi ang mga ito. Ngunit kahit pinagsabihan na ay hindi tumigil si Morie sa pasimple na pagdila nito kay Jordan.
Sa paaralan inihatid ni Donald si Hexur at Morie. Inabutan nilang nagkakagulo ang mga school staff at galit na galit naman si Miguel. Si Catherine na kilala sa pagiging matapang ay umiiyak habang nakaupo sa plant box.
Mabilis na bumaba si Hexur sa sasakyan at tumakbo palapit sa kan'yang ina. Isang mahigpit na yakap ang ibinigay n'ya sa kan'yang mommy. Si Miguel ay nilapitan naman ni Donald upang kausapin.
"I am innocent. I didn't kidnap your son," sabi agad ni Donald habang nakataas ang mga kamay . "While passing the park, I saw them lying on the grass. Tiningnan ko sa paligid, walang bodyguards, so I assumed immediately na tumakas ang mabait mong anak."
"Thank you, pare," sabi ni Miguel sabay abot ng kamay n'ya upang makipag-kamay sa notorious na carnapper na nakatira rin sa Libana.
Si Morie ay agad na kinaladkad ng kan'yang ama. Itinulak ng lalaki ang anak papasok ng sasakyan at walang paalam na umalis sa lugar na iyon. Ang mga magulang ng bata ay kapwa scientist at mainit ang ulo nila kapag naiistorbo sila sa mga ginagawa nila. Iyon na ang huling pagkakataon na nakita ni Hexur si Morie dahil hindi na ito muling nagpakita pa sa paaralan nila.
"Ang lalim ng iniisip mo, ah." Binatukan si Hexur ng kaibigan niyang si Cedric. Nasa loob ang dalawa ng isang mamahaling restaurant. Palibhasa anak ng pulitiko kaya may sarili rin na bodyguards si Cedric.
"Naaalala ko lang si Morie. Kumusta na kaya siya?" tanong ni Hexur.
"In-love ka ba sa kan'ya?" tanong din ni Cedric sa kaibigan.
"Ano ang pinagsasasabi mo riyan. Alam mo namang kaibigan ko lang din iyong tao. Parang ikaw, kapag nawala ka, hahanapin kita," nakangiting sagot ni Hexur.
"Ngayon ko lang nalaman na mukhang aso lang pala ang tingin mo sa akin." Kunwari ay nagtatampo na saad ni Cedric sa kaibigan niya.
"Aso?"
"Oo, 'di ba ang aso hinahanap ng may-ari kapag nawawala."
"Damn it! You're comparing yourself to the animal. What a f*ck, dude!"
Masayang nagkatawanan ang dalawang magkaibigan. Alam ni Cedric ang lihim ni Hexur at dahil matalik silang magkaibigan kaya ang sikreto ni Hexur ay tila kayamanan na inaalagaan ni Cedric. Ang pagiging mafia prince ni Hexur ay balewala sa kaibigan niya.
Panay ang kwentuhan ng magkaibigan habang kumakain. Hindi nila napapansin ang isang babaeng nakasuot ng tsinelas, mahabang palda at punit-punit na damit. Ang buhok nitong hindi aabot sa balikat ay hindi halos nasusuklay. Madumi kung titingnan ang babae ngunit ang puso niya ay kasing linis ng crystal na tubig.
Gusto n'yang lapitan si Hexur ngunit hindi n'ya magawa dahil nag-aalinlangan siya na baka hindi na siya natatandaan ng binata. Mula sa malayo ay ilang beses na niyang sinubukan na makausap ang dating kakilala ngunit ang takot sa puso niya ay kinakain ang buo niyang pagkatao.
"Tara na, pare," yaya ni Cedric kay Hexur.
"Mauna ka na, p're. May pupuntahan ako."
Tinapik na lang ni Cedric ang balikat ni Hexur. Maaga pa at katatapos pa lang ng kanilang klase sa kursong Business Management. Pagkatapos uminom ng tubig ni Hexur ay tumayo na rin s'ya. Dahil napapalibutan ng salamin ang restaurant kaya kitang-kita ng nagmamasid na si Morie ang bawat galaw ni Hexur.
"Ano'ng ginagawa mo, ha?" matapang na tanong kay Morie ng isa sa mga bodyguards ni Hexur. "Ikaw, pulubi, huwag kang buntot ng buntot sa anak ng pinuno namin."
"P-pi-nuno?" Nagtatakang tanong ng dalaga sabay tabig sa kamay ng bodyguard.
"Mukhang magaling ka sa self-defense. Spy ka ba?" Nanlilisik ang mata ng bodyguard kaya napaurong si Morie.
"S-spy?"
"Huwag ka ng magkunwari!" Akmang hahablutin ng isa sa mga bodyguards ni Hexur ang braso ni Morie nang magsalita ang mafia prince sa likuran nito. Ang nahintakutang dalaga ay mabilis na kumaripas ng takbo.
"Who's that girl?" tanong ni Hexur sa Haitos na kaharap niya.
"Boss, mukhang spy."
Napangiti si Hexur. Balewala sa kan'ya ang sinabi ng miyembro ng Haito Mafia Group dahil wala siyang naramdaman na panganib sa babae. Kahit hindi nakita ni Hexur ang mukha nito ay kampante ang binata na hindi siya kayang saktan ng babae.
Inutusan ni Hexur ang kan'yang mga kasama na dalhin s'ya sa park. Ngunit tumutol ang isa sa may mataas na posisyon sa kanilang na kasa-kasama ni Hexur.
"Boss, umuwi raw po kayo ng maaga dahil mag-eensayo raw po kayo sabi ng daddy n'yo," ani ng Haitos na palaging nakabuntot kay Hexur. Ang pangalan nito ay Jomar. Isa siya sa pinakamagaling na miyembro ng Haito.
"Kung ayaw kong sumunod, anong kapalit na parusa?" tanong ni Hexur.
"Hindi ka kailangan na maparusahan ulit, boss. Sabihin na lang natin na sumama ang pakiramdam mo," sabi ni Jomar.
Tuwang-tuwa ang binata. Ang mabait na mafia prince ay nakipag-high-five pa sa kan'yang mga bodyguards. Sa loob ng sasakyan ay isa-isa nang kinakausap ni Hexur ang mga Haitos na kasama niya para alam nila ang sasabihin kung sakaling magtanong ang daddy n'ya.
Ang sasakyan ng buong grupo ay tumigil sa park sa labas ng Libana. Dahil ika-lima pa lang ng hapon kaya nakikita pa ni Hexur ang mga tao sa paligid. Nagbabakasakali ang puso ng binata na makita ang batang minsan ay nakasama n'ya sa lugar na iyon.
Habang inililinga-linga ang mga mata sa paligid ay seryoso ang mukha ni Hexur. Sa loob kasi ng maraming taon na nagpabalik-balik siya roon ay ni minsan hindi niya nakita si Morie. Kahit umaasa ang binata na makita ang dating nakalaro noon ay inihahanda n'ya na rin ang sarili na posibleng hindi na iyon mangyari pa. Lalo nitong mga huling taon ay nakakaramdam na si Hexur ng labis na panghihina.
Habang nakatayo si Hexur sa gitna ng damuhan kung saan dati silang humiga ni Morie ay bigla na lang siyang nakarinig ng mga putok ng baril. Ang mafia prince ay agad na pinalibutan ng mga bodyguards niya at iginiya papasok sa sasakyan nila.
"Why are you so afraid sa putok lang ng baril?" tanong ni Jordan Vinsue. Napakayabang nito habang nakatindig na may nakapatong na baril sa balikat niya. Ang mahaba nitong buhok ay nakatali sa likod at panay ang hithit nito ng sigarilyo.
Ang maitim na labi ni Jordan ay gumuhit ng isang ngisi na nakakainsulto habang nakataas ang dalawang makapal na kilay niya. Ang mukha niyang may peklat na mahaba sa kanang bahagi ay namumula dahil sa kalasingan.
"Boss, pumasok na kayo sa sasakyan," sabi ni Jomar.
"Boss! Bakla, takot ka ba?" tanong ni Jordan kay Hexur.
Sinundan ng nakakabinging tawanan ang tanong na iyon. Si Jordan na dati rati ay tahimik lang kapag kasama ni Donald Vinsue ay isa ng pinakawalang-kaluluwa na nilalang sa Libana. Ang kasamaan nito ay laganap sa buong bansa dahil bukod sa pagiging carnapper ay isa rin itong kidnapper.
"Tayo na, Jomar. Huwag na nating patulan pa ang isang iyan," matatag na utos ni Hexur.
"Oy, duwag! Huwag ka munang umalis. Sparring muna tayo para magkalasog-lasog ang mahina mong katawan," insulto ni Jordan kay Hexur.
"Banal na mafia prince iyan, boss," sabad ng isa pang miyembro ng Vinsue Mafia Organization.
Nakakabingi ulit na tawanan ang maririnig sa buong park. Hindi na lang nagsalita pa si Hexur lalo at mahigpit ang bilin sa kan'ya ng kaniyang daddy. Dapat n'yang iwasan si Jordan dahil sa walang puso ang lalaking ito. Minsan na ngang nasabi ni Donald kay Miguel na mukhang nagkamali siya ng ampunin ang lalaki.
Matindi ang gulong ginagawa ng Vinsue Mafia Organization sa pamumuno ni Jordan. Tanging ang Haito Mafia Group ang hindi nito pinakikialaman dahil sa pagiging magkaibigan nina Donald at Miguel. Subalit madalas na pagtawanan ni Jordan si Hexur dahil sa taglay nitong kahinaan.
Pagdating sa Haito Compound ay agad pumasok sa kan'yang silid ang gwapo, matipuno, matangkad at matalinong mafia prince ngunit nuknukan naman ng hina. Wala siyang pakialam kung inaalipusta siya ng ibang tao. Ang tanging gusto lang ng binata ay mamuhay ng normal.
"Hexur, tumayo ka na riyan at magpalit ng damit. Sabayan mo sa pagsasanay ang mga bagong recruit na Haitos," wika ni Karl.
"Uncle, masakit ang ulo ko," sagot ni Hexur.
"Kapag hindi ka tumayo ay diyan kita pag-e-ensayohin!" sigaw ni Karl.
Inihulog ni Karl si Hexur sa kama. Naramdaman ni Hexur ang pag-init ng kan'yang katawan dahilan para sa isang iglap ay mag-apoy na siya sa lagnat. Nangaligkig si Hexur sa sobrang lamig at sa isang iglap ay nagkumbulsyon na siya.
Ang tagpong iyon ang nadatnan ni Catherine. Nag-hysterical ang ginang kaya nabulabog ang buong kabahayan. Si Karl na nagulat sa bilis ng mga pangyayari ay napaupo na lang sa kama.
Si Miguel na nakatingin lang mula sa labas ng silid ni Hexur ay nakahalukipkip lang at walang kibo. Sa isip niya ay mga katagang, "I am so disappointed sa iyo, Hexur. Akala ko pa naman ay magiging karangalan ka para sa Haito Mafia Group ngunit isa ka lang palang suliranin."
Ang ama na dati ay punong-puno ng pagmamahal at pag-asa para sa anak niya ay biglang nawalan ng puso kaya kahit nakikita ang paghihirap ng anak ay hindi man lang ito tumulong sa pagbuhat. Mula sa gilid ng mga mata ni Hexur, nakita niya ang galit na tingin ng ama kaya kahit naghihina at halos hindi na alam ang nangyayari sa paligid ay gumuhit sa puso ng mafia prince ang sakit na dulot ng pagkabigo ng kan'yang ama.