Nagulantang ang lahat dahil sa mensahe na kanilang nabasa. Hindi nila inaasahan na ‘yon ang makikita nila. Saka lang napagtanto ng mga imbestigador na roon dumadaan ang mga kriminal noon upang makapasok sa loob ng Rechilor City.
“This is insane! Hindi ko na alam kung paano pa ninyo mahuhuli ang mga kriminal na ‘yon. Habang tumatagal na mas lalo tayong nalalapit sa kanila ay mas lalong maraming mga inosenteng buhay din ang napapahamak at nawawala. Pakiramdam ko ay mababaliw na ako sa kakaisip at takot sa mga kriminal na ‘yan,” sambit ni Gobernador Rechilles sa kanila.
Napahilot sa sentido si Hugo dahil hindi na rin niya kinakaya ang mga nakikita at nalalaman niya. Naisip niya na hindi na rin makatao ang nangyayari sa kanila ngayon.
“Hindi na tao ang gumagawa nito kung ‘di mga demonyo. Wala silang awa at wala silang sinasanto na kahit sino. Kahit yata mga sanggol ay magagawa na nilang kitilan ng buhay,” dagdag pa ni Hugo.
“Ibig sabihin ay alam na nila na mangyayari ang araw na ito. Inaasahan na nila na ganito ang magiging aksyon natin kaya nakapaghanda na sila noon pa. Hindi talaga basta-basta ang mga kalaban na kinakaharap natin ngayon,” may galit na sambit ni Detective Dallas.
“Ano na ang gagawin ninyo ngayon? Hindi maaari na ganito na lang. Kung kayo mismo na mga kilala at dakilang mga imbestigador ay hindi nakayanan ang mga kalaban, paano pa kaya kapag humanap kami ng papalit sa inyo? Baka maubos na ang lahat ng mga mamamayan ko sa lugar na ito,” sambit muli ng gobernador. Hindi na talaga niya alam ang kaniyang gagawin.
“Wala naman kaming balak sukuan ang paghahanap sa mga kriminal na ‘yon. Sadyang mahuhusay lang din sila. Nakahanap na kami ngayon ng mga katapat namin. This will be a matter of life and death to us,” sagot muli ni Detective Dallas.
Napatayo naman bigla si Detective Damien kaya napunta sa kaniya ang atensyon ng lahat. “Tama ka, Cage. This will be a matter of life and death to us. Dahil hindi na ang mismong siyudad ang kanilang target.”
Kumunot naman ang noo ng mga kasamahan niya nang marinig ang kaniyang sinabi. Tila ba hindi nila naintindihan ang ibig na sabihin ni Detective Damien. “What do you mean by that?” nagtataka na tanong sa kaniya ni Detective Dallas.
“Hindi mo pa ba napapansin? Para sa atin na mismo ang mga banta nila at hindi na para sa siyudad o sa mga mamamayan na nakatira sa Rechilor City. Tayo na ang tina-target nila ngayon. Marahil ay tinitingnan nila kung hanggang saan tayo tatagal at kung hanggang saan natin sila makakaya na labanan. Tayo na ang pinaglalaruan nila ngayon. Ginagamit lang nila ang siyudad para roon mag-asik ng lagim at para na rin doon mapunta ang atensyon natin,” paliwanag sa kaniya ni Detective Damien. Sandaling napaisip ang isang imbestigador at saka niya naintindihan ang ibig sabihin ng kasamahan niya.
“May punto ka. They were just diverting our attention to the crimes that they were making. Kaya naman doon nauubos ang bawat oras natin imbis na hanapin na lang natin sila mismo. Sigurado na ako ngayon na sila lang ang gumagawa ng mga krimen dito at nandadamay lang sila ng ibang mga tao para sumunod sa kanila. Naisip ko rin na puro nakatira sa Bougainvillea ang mga nadadawit sa krimen at nagiging utusan ng mga totoong kriminal. Siguro ay binabayaran nila ang mga ito kaya napapasunod nila,” sagot naman ni Detective Dallas.
“Naisip ko na rin ‘yan. Mukhang kumakapit na sa pera ang mga tao na naninirahan sa Bougainvillea. Kaya naman napapasunod sila ng mga kriminal. Gaya na lamang ng mga kalalakihan na nakulong dahil may mga dine-date silang mga menor de edad. Sinabi nila sa mga pulis na magkakaibigan ang mga ito. Ngunit nang mag-imbestiga ang mga pulis ay napagalaman nilang hindi talaga magkakakilala ang mga ‘yon,” paliwanag naman sa kanila ni Hugo.
“Puro kayo ganiyan. Hanggang pag-iisip na lang ba ang kaya ninyo na gawin? Bakit wala man lang kayong aksyon na ginagawa para mahuli ang mga ‘yon? Kung kailan napalibutan na sila noong nakaraan ay hindi niyo pa rin nagawang mahuli. Hinayaan niyo pa rin na makatakas. Hindi kasi sobrang handa ang mga tauhan ninyo kaya gano’n ang nangyari. ‘Yon na ang magandang tiyansa na mayroon kayo pero hindi niyo pa rin nahuli ang mga kriminal,” galit na sambit ng gobernador.
Umigting ang panga ni Detective Dallas nang marinig niya ang sinabi ng gobernador. Pagalit ito na tumayo at humarap sa kaniya. “Naririnig mo ba ang nasabi mo, Gobernador Rechilles? Sinasabi mo na wala kaming ginagawang aksyon upang mahuli ang mga kriminal? Ano ba sa tingin mo ang ginawa ng mga tauhan ko kanina? Naisakripisyo nila ang kanilang mga buhay para lamang malaman kung nasaan ang mga kriminal. Mukha bang biro ang nangyari sa kanila kanina? Hindi makatao ang naging pagkamatay nila pero ganiyan pa ang sinasabi mo sa amin ngayon? Kung wala kaming nagawang aksyon para mahuli ang mga kriminal, hindi sana namatay ang mga tauhan namin na ‘yon.”
Ramdam ang galit sa bawat salita ni Detective Dallas habang deretso siyang nakatingin sa mga mata ni Gobernador Rechilles. Nagtitimpi lang siya dahil iginagalang pa rin niya ang gobernador ng siyudad. Ngunit talagang hindi niya nagustuhan ang sinabi nito.
“Wala akong pakialam kung gano’n ang sinapit nila lalo na at wala naman akong kasalanan. Narito kayo ngayon dahil binabayaran ko kayong lahat. Hindi naman kayo nagtatrabaho rito nang libre lang, hindi ba? Ginawa lang ng mga tauhan mo ang kanilang trabaho at minalas lang sila dahil ‘yon ang sinapit nila. Hindi ba dapat ay sisihin ninyo ang inyong mga sarili dahil sa nangyari sa mga tauhan ninyo? Kayo ang nag-utos sa kanila na pumunta sa hide out ng mga kriminal. Pero ni hindi niyo man lang inayos ang plano niyo kaya sila namatay,” sambit muli ng gobernador.
“Gobernador Rechilles, mukhang hindi na rin po talaga tama ang mga nasasabi ninyo sa ngayon. Kumalma po muna kayo. Marahil ay nasasabi mo lang ‘yan dahil sa rami ng mga naiisip mo ngayon dahil sa mga nangyayari,” pagpapakalma ni Hugo sa gobernador. Ngunit nag-init na rin agad ang ulo ng dalawang imbestigador.
“Wala kang pakialam sa mga tauhan namin na namatay? E paano kung sabihin namin sa ‘yo ngayon na wala rin kaming pakialam sa mga mamamayan mo na namatay sa siyudad na ito? Ano ang mararamdaman mo kung ganoon ang sabihin namin?” may galit din na tanong ni Detective Damien sa gobernador.
“Hindi pa ba sapat ang ibinabayad ko sa inyo kaya ganiyan kayo magsalita sa akin ngayon? Kayo na nga itong wala pa ring nagawang tama magmula noong nakarating kayo rito! Isa pa ay nagsasayang lang ako ng pera sa inyo dahil wala pa rin akong napalang magandang balita na nagawa ninyo. Mukhang kakaunti lang din naman ang mga kriminal, ngunit hindi niyo pa rin magawang mahuli.”
Hindi makapaniwala ang dalawang imbestigador sa mga nasasabi ng gobernador sa harap nila ngayon. “Nahihibang ka na yata, Gobernador. Ganiyan na pala ang epekto sa ‘yo ng mga nangyayari ngayon. Wala kaming pakialam sa pera mo. Para alam mo ay hindi namin tinatanggap ang mga pera na ibinibigay mo sa amin sa kada linggo. Ibinibigay namin ‘yon sa charity sa bawat eskwelahan dito at sa mga mamamayan mo na naninirahan sa Bougainvillea. Kailangan nila ng mga donasyon na nagmula sa gobernador nila,” sagot muli ni Detective Damien.
Muling pinakalma ni Hugo ang gobernador saka nagpaalam na aalis na sila. Hinila na ni Hugo ang gobernador paalis sa lugar na ‘yon. Alam niya na mapapagalitan siya ni Gobernador Rechilles pero wala na siyang pakialam pa roon. Mismi siya ay hindi na rin nagustuhan ang nga salitang sinasabi ng gobernador kanina sa harap ng dalawang imbestigador.
Nang makabalik sa Rechilor City ang lahat ay nagkaroon ng isang gabing burol para sa mga kasamahan nila na nawalan ng buhay habang pinipilit na mahuli ang mga kriminal. Ibinuwis ng mga ito ang kanilang mga buhay para lamang mailigtas ang mga mamamayan ng Rechilor City. Ngunit ang sariling gobernador mismo ay hindi naiisip ang tungkol sa bagay na ‘yon.
Nagluluksa ang lahat dahil sa mga kasamahan nila na namatay. Naganap ‘yon sa Alchemilla at kumalat na rin ang balita sa buong siyudad tungkol sa nangyari. Na-cremate rin ang katawan ng mga tauhan nila kaya hindi na nailagay sa kabaong.
Bigla ay may natanggap na isang itim na bulaklak ang dalawang imbestigador. May nag-iwan no’n sa labas ng city hall ng Alchemilla ngunit hindi na nila makita sa mga CCTV kung sino. Napansin ni Detective Dallas na may isang papel na nakalagay sa itim na bulaklak.
‘We will have a surprise sooner or later.’