IT'S A TRAP

1500 Words
Mabilis na nagpunta ang mga tauhan ng mga imbestigador sa bahay na nakita nila. Halos nasa gitna na 'yon ng kagubatan at hindi agad makikita ng ibang mga normal na tao kapag lumabas sila sa Rechilor City. Nang tuluyan silang makalapit sa bahay na kulay itim ay nakita nila ang isang maliit na tulay na kailangan pa nilang daanan para makalapit sa pintuan ng bahay. "Mukhang hindi po maganda ang panahon ngayon, Detective Damien. Lumalakas ang hangin at nagbabadya na ang ulan," sambit ng isang tauhan nila sa radio transmitter. Napatingin naman ang dalawang imbestigador sa langit upang tignan ang panahon. "Nariyan na rin naman kayo ngayon, mas mabuti pa na ituloy niyo na lang ang pagtingin sa loob ng bahay. Hindi na tayo maaaring magsayang pa ng oras. Bilang lang ang ating oras dito dahil baka biglang dumating ang mga kalaban natin," sagot ni Detective Dallas sa kanila. "Sige po. Dadaan na kami ngayon sa maliit na tulay." Nakikinig at nanonood lamang ang dalawang imbestigador, si Hugo at ang gobernador sa mga ginagawa ng kanilang mga tauhan. Sampung tao ang ipinadala nila roon upang magtingin sa bahay. "Mukhang mabilis lamang kung bumagsak ang tulay na ito. Mas mabuti siguro kung dalawa lamang ang tatawid sa kabilang dulo," suhestiyon ng isang lalaki. "Sige, halika na at mauna na tayong dalawa." Naglakad na ang mga tauhan ng mga imbestigador at dahan-dahan na naglalakad sa maliit na tulay. Ngunit wala pa sila sa kalagitnaan ng tulay ay may mga kutsilyo nang bumabato sa kanilang direksyon. "Umiwas kayo! May mga kutsilyo na papunta sa ating direksyon!" sigaw ng isang lalaki. Mabilis na umilag ang mga ito. Ang dalawang lalaki naman na naglakad sa may tulay ay halos hindi na makabalik sa pwesto ng kanilang mga kasamahan. Niyuyugyog na ito ng lakas ng hangin at lumalangitngit na ang tunog. "Kumapit kayo ng ayos dahil baka malaglag kayo!" sigaw ni Detective Damien. Isang bangin ang nasa ilalim ng tulay. Hindi naman masyadong mahaba ang tulay ngunit hindi sila agad makapunta sa kabilang dulo ng tulay. "Ituloy na ulit natin ang paglalakad hanggang sa makarating tayo sa dulo," sambit ng isa. Natapos na ang mga kutsilyo na naibabato sa direksyon nila. Nang malapit na ang naunang dalawa sa kabilang dulo ay may naglakad na muli na dalawang mga tauhan pasunod sa kanila. Nakatuntong na ang dalawang naunang mga lalaki sa harap ng pinto. "Huwag niyo munang gagalawin ang bahay. Mabuti na at handa tayo kanina. Kung hindi ay baka kung ano na ang nangyari sa inyo. Hintayin ninyo ang mga kasamahan ninyo saka niyo palibutan ang buong bahay. Huwag kayong gagawa ng kung ano hangga't wala akong sinasabi," sambit ni Detective Damien sa kanila. Nagsimula na silang pumalibot sa bahay. Hindi iyon masyadong malaki pero sapat na upang pagtaguan ng isa o dalawang tao. Itim na itim ang buong bahay. "Gawa siguro ang bahay na 'yan ng isang mahusay na manggagawa. Lalo na at may mga awtomatiko pang lumalabas na mga armas sa buong bahay. Ibig sabihin ay hide out nga talaga ito ng mga kalaban natin. Sigurado naman ako na wala sila sa loob ng bahay na 'yan," sambit ni Detective Dallas sa mga kasama niyang nanonood. "Kung ganoon nga ay sana maraming makuha na ebidensiya ang mga tauhan ninyo sa loob ng bahay na 'yan. Kahit huwag nang mahuli ang mga kriminal na 'yon, basta huwag lang silang bumalik nang muli sa Rechilor City," sagot naman ni Gobernador Rechilles. "Kailangan pa rin sila na mahuli kahit na ano pa ang mangyari. Hindi rin naman sigurado kung talaga bang hindi na sila babalik sa siyudad na ito kapag nagtagal. Isa pa ay kailangang mabigyan ng hustisya ang mga napatay at nabiktima nila, kaya naman ay kailangan silang mahuli at maparusahan," seryosong sagot ni Detective Dallas. Nakumpleto na ang mga tauhan nila na nakalagpas sa matarik na tulay. Pinalibutan na nila ang buong bahay. "Suriin niyo muna kung may mga maibabato pang armas sa inyo. Mas mahalaga ang kaligtasan ninyong lahat kaya huwag niyong hahayaan na mapahamak kayo riyan," utos sa kanila ni Detective Damien. "May nakita ako sa pintuan dito sa likod ng bahay. Mukhang sa oras na buksan namin ang mga pinto rito ay may sasabog o lalabas. May mga bagay na nakadikit sa pinto at hindi namin alam kung ano," sambit ng isa. "Lumayo muna kayo sa pinto at gumawa kayo ng paraan para mabuksan ninyo nang hindi kayo nasasaktan. May mga kagamitan naman kayo na dala ngayon, hindi ba? Gamitin ninyo ang mga 'yon upang makapasok kayo sa loob ng bahay na 'yan nang hindi kayo napapahamak." "Masusunod po." Lumayo ang apat na tauhan sa dalawang pinto ng bahay. Isa sa harap at isa rin sa likod na pintuan. May mga hawak sila na mga kagamitan na gagamitin nila upang masira ang mga pintuan. Sinubukan nila na wasakin ang pinto ng bahay at saka sunod-sunod na putok ng parang baril ang bumungad sa kanila. Natamaan ang dalawa sa katawan, ngunit nang dahil sa mga bulletproof vests na suot nila ay hindi sila tinablan. Nakaramdam lang sila ng kaunting kirot sa katawan dahil sa bigat ng bala na tumama sa kanila. "s**t, parang hindi man lang nauubusan ng bala ang mga pinto nila," reklamo ng isa. Yumuko naman sila ngunit sa hindi nila inaasahan ay may maliit na bomba na naibato sa dako nila. Nang sumabog ito ay halos hindi na sila makamulat ng ayos. Hindi iyon bomba na sasabog at mag-aapoy. Usok iyon na siyang nakakamatay kapag nalanghap nila. Sinubukan nila na takpan ang kanilang mga ilong ngunit wala na iyong kwenta dahil nalanghap na nila ang usok mula sa ibinato sa kanila. Dalawang tauhan na ang nawalan ng malay. "Pasukin niyo na!" sigaw ni Gobernador Rechilles. Hindi na nila nagawa pang tulungan ang dalawang lalaki na nawalan na ng buhay dahil sa usok na nasinghot nila. Mabilis na umatake 'yon sa kanilang katawan. Pumasok ang iba sa bintana at nang matapos ang nasa pintuan ay nakapasok na rin ang iba roon. Ngunit sa oras nang pagpasok nilang lahat ay bigla na lamang lumubog ang sahig na inaapakan nila at napunta sila sa ilalim. Nang makarating sila sa ilalim ay may isang malaking bato na bumagsak sa kanila pababa. Nagkalat ang kanilang mga dugo sa buong paligid. Napitpit ang kanilang mga ulo at katawan dahil sa lakas ng tama ng malaking bato sa kanila. Hindi nila 'yon inaasahan dahil nagulat din sila sa pagbagsak ng sahig na inapakan nila. Halos marindi naman ang mga nakikinig at nanonood sa kanila dahil sa lakas ng tunog na narinig nila. Napamura pa sina Hugo dahil hindi rin nila inaasahan na ganoon ang sasapitin ng mga tauhan ng dalawang imbestigador sa oras na pumasok sila roon. "Tangina, ano na ang gagawin natin ngayon? Mukhang wala nang buhay ang mga inutusan ninyo na pumasok doon," sambit ni Hugo. Hinilot ng gobernador ang kaniyang sentido dahil sa gulat ng mga nasaksihan at narinig niya. Ang mga devices na nasa katawan ng kanilang mga tauhan ay nasira na rin dahil sa dinanas ng mga ito. Nagpalipad ng drone si Detective Dallas na may camera upang masilip nila kung ano na ang nangyari sa loob. Kontrolado iyon ng imbestigador at nang maipasok na sa loob ng bahay, halos mabitawan niya ang controller nang makita ang sinapit ng kanilang mga tauhan. Napasuntok sa pader si Detective Damien nang dahil sa galit. Hindi rin makapaniwala sina Hugo at Gobernador Rechilles sa kanilang mga nakikita ngayon. Halos hindi na makilala ang mga itsura ng mga tauhan nila dahil sa dugo at ang iba ay pumutok ang ulo. Para silang mga uri ng hayop na tiniris na lang bigla ng isang bagay. May napansin naman si Detective Dallas sa camera ng drone niya. Recorded naman ang mga nakukuha nila ngayon sa buong bahay. Puno ng mga markang X ang pader sa bahay. Ibig sabihin ay hide out nga 'yon ng kanilang mga kalaban. Sa pinagbagsakan naman ng mga tauhan nila ay ipinasok niya roon ang drone. Nakita niya na walang laman ang ilalim ngunit may isang pinto roon na nakabukas. "What do you think is this?" nagtataka na tanong ni Detective Dallas. Idinala niya roon ang drone at nakita nila na para bang isang lagusan iyon papunta sa kung saang lugar. Hanggang sa lumabas sila sa isang parte ng eskwelahan. Isa 'yon na bakanteng classroom na hindi nagagamit at mukhang abandonado na. Mabuti na lang at bukas ang pintuan doon kaya nakapasok pa rin ang drone. Ngunit hindi nila inaasahan na may isang mensahe na nakalagay sa kwarto na 'yon. "Eskwelahan 'yan sa Gladiolus," sambit ni Hugo. Binasa naman nila ang mensahe para sa kanila. Saka lang naisip ni Detective Dallas at Detective Damien na isang patibong na naman ito ng kanilang kalaban. Nalaglag muli sila sa patibong ng kalaban. Mas lalong nakaramdam ng galit ang mga imbestigador dahil naisahan sila ng kalaban. THIS WILL BE MY LAST WARNING TO YOU. I WILL KILL ALL OF YOU WITH MY OWN HANDS, SO BE PREPARED.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD