“Nautusan ko na ang mga kasamahan natin na libutin ang buong lugar. Tapos ay nasabihan ko na si Hugo at ang gobernador tungkol sa videotape na nakuha mo sa unang krimen. Sa ngayon ay pinapa-imbestigahan na nila ang lalaki na naroon,” sambit ni Detective Damien kay Detective Dallas.
“May ipinadala ako na isang litrato sa mga kasamahan natin. Tignan mo ang mensahe ko sa ‘yo.” Mabilis naman na kinuha ni Detective Damien ang kaniyang cell phone. Galing siya sa Alchemilla kanina upang mag-report kina Hugo at agad din na nakabalik sa kanilang bahay sa Daffodil.
“What about this key?” nagtataka na tanong ni Detective Damien.
“Nakita ko ‘yan sa likuran ng lalaki na nasa video. I asked one of our men, Mr. Josh, if he can duplicate that kind of key through a photo only. Sinabi niya sa akin na nakita na niya ang susi na ‘yan noon. It was a rare key that only the Black X has and it symbolizes of being a serial killer. Pakiramdam ko ay susi ‘yon sa mga kuta nila,” paliwanag sa kaniya ni Detective Dallas.
“Kung ganoon ay baka ‘yon ang lock sa mga tinataguan nilang lugar dito sa Rechilor City o ‘di kaya ay malapit sa lugar na ito.”
“Hindi raw gano’n kadali na gumawa ng ganoong uri ng susi. Kaya naman ay gagawa siya ng tatlong klase. Kakaiba rin daw ang uri ng susi na ‘yon dahil pinasadya at hindi makita ng ayos sa litrato ang mismong disenyo ng susi.”
“Nasabihan mo na ba ang mga kasamahan natin?”
Tumango si Detective Dallas, “Oo at naipaliwanag ko na rin sa kanila ang kanilang dapat gawin. Lilibutin nila ang lahat ng mga bahay dito sa Rechilor City at titignan kung may padlock ba na aakma sa susi na nasa litrato. Halos lahat naman ng mga pinto rito ay pare-parehas lamang. Kung may maiiba man ay panigurado na pinasadya ang kanilang padlocks. Lilibutin nila ang bawat sulok ng Rechilor City. Nasabihan ko na rin na suriin ng mabuti kung may mga nakatago bang lagusan palabas at papasok sa lugar na ‘to,” paliwanag sa kaniya ni Detective Dallas.
“Mabuti naman. Hindi ko na rin masyadong sinabihan muna si Hugo sa mga plano natin. Malaki ang expectations sa atin ng gobernador. Dahil sa mga nangyayari ngayon sa kaniyang siyudad ay atat na siyang mawala ang mga kriminal dito. Nagagalit siya ng sobra kapag palpak ang lahat ng mga ibinabalita sa kaniya. Pero ngayon ay kahit papaano, may mga nakukuha tayong mga ebidensiya. Bukas naman ay muli akong babalik sa eskwelahan kung saan naganap ang ikatlong krimen. Ikaw ba ay saan ka dedestino bukas?”
“Maglilibot ako sa buong Daffodil bukas. Naisip ko na baka may mga blackbox sa mga sasakyan na naiwan sa harap ng bawat bahay dito o sa mga garahe nila. Baka sakali ay may makuha ako roon mula sa ikalawang krimen na naganap dito, kung ‘di ang pagnanakaw.”
Seryoso lamang na nag-uusap ang dalawa tungkol sa kanilang mga gagawin bukas. Hindi dapat sila magsayang ng oras habang namamalagi sila sa siyudad na ‘yon. Sa bawat araw na lumilipas ay siguro sila na posibleng may mga bagong krimen na maganap sa tahimik na lugar na ‘yon.
“Sana ay may mga bago tayong makuha na mga ebidensiya upang mas madali natin sila na mahanap. Kung matalino at mahuhusay sila ay hindi dapat tayo matalo. Wala pa tayong record na natalo tayo at hindi natapos ang isang imbestigasyon. Hindi naman natin susukuan ang ganitong uri ng mga krimen,” sagot pa ni Detective Damien.
“For now, go and cook us our dinner. Maggagabi na ngunit hindi pa rin tayo kumakain simula kaninang umaga. Baka mauna pa tayong mamatay kaysa sa mga hinahanap natin na kalaban,” sarkastikong sambit ni Detective Dallas sa kaniya. Sinamaan naman niya ito ng tingin. “Bakit naman ako pa ang magluluto? Hindi ba dapat ay ikaw dahil mas matanda ako sa ‘yo?”
“Mas matanda ka sa akin kaya ikaw dapat ang gumagawa ng mga gawaing bahay at hindi ako. Nagugutom na ako at kailangan ko ng enerhiya para lumaban sa mga kriminal. Kawawa ka naman kapag nawala na ako. Ako lang naman ang nag-iisa sa mundong ito at wala nang katulad pa—“
Bago pa maituloy ni Detective Dallas ang kaniyang pagyayabang ay tumayo na si Detective Damien sa kaniyang kinauupuan. Masama pa rin ang tingin niya kay Detective Dallas. Siya na nga ang mas matanda sa kanilang dalawa ngunit pakiramdam niya ay siya pa ang ina-under nito. “f**k you, Cage,” sambit pa niya.
“Yeah, same to you.”
“Ito na ang huling beses na aalilain mo ako. Hindi na ako papayag na mauto mo pa ako sa susunod!” sigaw pa nito habang naglalakad siya papunta sa kanilang kusina. Nakatutok pa rin si Detective Dallas sa kaniyang laptop at naroon sila sa baba.
“Kung sabagay ay ikaw naman ang utusan ko noon habang nasa ibang bansa tayo. Pasalamat ka at medyo abala ka ngayon sa mga ginagawa mo kaya naman ay ginagawa ko ‘to at sinusunod kita. Baka kasi isipin mo na sumunod lang ako sa ‘yo dahil takot ako na mawala ka—“
“You talk too much, Rhys. Pwede ba na magluto ka na lang d’yan? Matagal ko nang napapansin sa ‘yo na daig mo pa ang isang babae sa ingay mo. Bading ka ba? Umamin ka na kung may gusto ka sa akin para ngayon pa lang ay tatapusin ko na ang buhay mo,” biro pa sa kaniya ni Detective Dallas. Miski s pang-aasar ay mas malakas mang-asar si Cage. Madalas din na mapikon si Rhys ngunit iyon lamang ang nagiging bonding nila sa trabaho na mayroon sila.
“Ikaw ang papatayin ko. Lalagyan ko na ng lason ang mga pagkain mo mamaya.”
Isang dekada na silang magkasama sa kanilang trabaho. Mula pa lamang noong nag-eensayo pa lamang sila ay magkasama na silang dalawa. Naging malapit na magkaibigan sila noon simula nang maglaban sila sa training. Simula noon ay sila na ang ‘partners in crime’ na tinatawag sa kanilang distrito. Mas nagtagal pa ang samahan nila dahil binansagan silang dalawa na pinakamahusay na mga detectives. Lalo na at mas nakilala rin sila sa ibang bansa. Mas ginusto nila noon na sa ibang bansa sila magtrabaho. Akala nila ay naroon ang lahat ng mga mahihirap na krimen. Bukod pa roon ay malaki magbigay ng bayad. Ngunit hindi nila inaasahan na sa isang siyudad lamang na ‘yon sila mahihirapan. Ang lahat ng mga naganap na krimen ay kakaiba at malinis. Ngunit lahat din ay gagawin nila upang mahuli ang mga kriminal na ‘yon at matigil na ang kanilang mga kasamahan na pinapalaganap sa lugar na ‘yon.
Nang matapos na magluto si Rhys ay agad na silang kumain ni Cage. Tinigil muna ni Cage ang kaniyang ginagawa sa laptop. Sinusubukan pa rin niya na mabalik ang video na nakuha niya kanina na nakalagay sa spy camera. Ngunit kahit na anong gawin niya ay corrupted na ang video at hindi na niya maibalik pa.
“Huwag mong ipahalata sa akin na stress ka na dahil sa corrupted video na ‘yon. Marami pa naman siguro tayong mahahanap na mga ebidensiya,” sambit ni Rhys habang kumakain sila.
“Hindi ko lang matanggap na dalawang beses na nila tayong naloko at nalinlang. Ibig sabihin na rin no’n ay natalo tayo sa kanila. Napakahuhusay at halatang sanay na sanay na sa mga krimen,” sagot naman ni Cage sa kaniya.
“Hindi naman na mahalaga kung ilang beses na agad nila tayo na nalinlang. Ang mahalaga ay tayo pa rin ang mananalo sa huli at sila ay mahuhuli at maikukulong natin. Mapaparusahan sila sa ating mga kamay dahil sa mga krimen na nagawa nila. ‘Yon na lamang ang isipin mo at huwag ka nang mag-isip pa ng kung ano-ano.”
Natigil ang kanilang usapan nang may natanggap na tawag si Rhys mula sa kanilang mga tauhan. Agad naman niya ‘yon na sinagot. “Ano ang balita? May napansin ba kayo?” tanong niya agad.
[“Meron kaming napansin na isang kakaibang pinto. Ngunit hindi naman namin alam kung sakto ba ‘yon sa susi na nasa litrato. Babalikan na lang namin bukas kapag ayos na ang susi at naibigay na sa amin. Ipapadala ko sa ‘yo ang itsura ng pinto na nakita namin. Naka-locate ito sa likuran ng isang eskwelahan sa Gladiolus.”]
“Sige. Balitaan mo ulit ako kapag may iba pa kayong nakitaan ng kakaiba na pinto. Sa bawat bahay ba sa Rechilor City?”
[“Wala pa kaming nakikita roon. Pare-parehas lang ang lahat ng mga pinto sa siyudad na ito. Dumidilim na rin kaya bukas na ulit kami maglilibot sa buong lugar.”]
“Sige, you can go back to Alchemilla now.”
Pinatay na ni Rhys ang tawag at naghihintay naman si Cage na sabihin sa kaniya kung ano ang ibinalita ng kasamahan nila. Tinignan muna ni Rhys ang litrato na ipinadala sa cell phone niya. Pinakita naman niya ‘yon kay Cage.
“Iyan pa lang daw ang nakita nila na may kakaibang lock ng pintuan. Naka-locate ‘yan sa likod ng isa sa mga eskwelahan sa Gladiolus. Hindi raw sila sigurado kung sakto ba ‘yan sa susi na ipinadala mo sa kanila. Bukas na lang daw nila ulit babalikan kapag naibigay na ang kopya ng mga susi na pinagawa mo,” paliwanag ni Rhys kay Cage.
“Sige. Nakakapanghinala nga kapag nakalagay pa sa likuran ng isang eskwelahan. Lalo na at sa Gladiolus naganap ang tatlong krimen. Kailangan mo ‘yan na tignan bukas kapag nag-imbestiga ka sa isang eskwelahan doon,” utos naman ni Cage.
“Sige, ako na ang bahala. Halos lahat nga ng mga lock ng pinto sa buong siyudad ay magkaka-parehas. Bukas na muli sila maglilibot sa buong lugar. Pero paano naman kapag napapanood pala ng mga kalaban namin ang ating mga tauhan? Baka alam na nila na hinahanap natin ang kanilang kuta at lumipat na sila sa ibang lugar.”
“Naisip ko na rin ‘yan. Hindi sapat na hawak natin ang security system sa buong siyudad. Pakiramdam ko ay hawak din nila ito. Hindi ko ma-locate kung sino-sino ang mga may gamit sa security system nila. Siguro ay katulad ng sa atin, mayroon din silang ginagamit na devices kung saan hindi malo-locate ang kanilang kinalalagyan ngayon,” sagot ni Cage.
“Kung sakali man na alam na nila kung ano ang ginagawang kilos ng mga tauhan natin, hindi naman siguro nila alam na tinignan natin ang padlock.”
“Sana nga ay maisahan naman natin sila. Nang sa gano’n ay hindi lang tayo ang nadedehado nila. Makakabawi rin naman tayo sa mga ‘yon.”
Nang matapos sila sa kanilang pagkain ay muli silang bumalik sa kanilang mga trabaho. Naghahanap naman si Rhys ng mga impormasyon tungkol sa mga Black X na tattoo sa batok na mga nakita nila sa ibang bansa. Ngunit walang mga impormasyon na nalabas. Sinubukan naman niya na tignan ang mga impormasyon ng mga tauhan ng grupo na ‘yon sa dark website. ‘Yon ang madalas na ginagamit ng mga kriminal na maraming mga ilegal na ginagawa at nilalaganap sa bawat bansa o lugar.
“Isang oras pa ang kailangan kong hintayin bago matapos ang paghahanap dito. Sana lang ay tama ang lahat ng nailagay ko na mga codes. Babasagin ko ang computer na ‘to kapag umulit muli sa una,” sabi ni Rhys.
“Oh, yeah? Are you trying to be humble right now? Alam mo sa sarili mo na hindi ka pa nagkakamali sa paglalagay ng mga code in terms of hacking,” kumento ni Cage sa kaniya. Natawa naman si Rhys dahil sineryoso ng kaniyang kaibigan ang sinabi niya.
“Nagbibiro lang naman ako. Iidlip muna ako tapos gisingin mo ako kapag lumipas na ang isang oras,” bilin ni Rhys. Tumango na lang sa kaniya si Cage saka ito natulog.
Makalipas ang isang oras ay tinignan ni Cage ang laptop ni Rhys. Doon niya napansin na may ilang impormasyon ang lumabas mula roon. Agad niyang ginising si Rhys at ipinakita ang mga lumabas na impormasyon sa screen ng computer.
“These are some of the serial killer from the America that we have seen before. Get a copy of this immediately. The Black X has a total of fifty members in that group.”
Mabilis na sinuri nina Rhys at Cage ang mga nakuha nilang impormasyon. Hindi lahat ng mga miyembro ay naroon ngunit may nakalagay na labing-limangpu ang lahat ng mga miyembro ng grupo na ‘yon. Tinignan nila isa-isa at halos lahat ng naroon ay ang mga nahuli sa America at nakatakas.
“Mukhang may mahihita na tayo kahit papaano sa mga impormasyon na ‘to.”
“Sana lang ay ang mga nariyan na tao ay narito.”